Sino na ng aba si Ako?
Ako. Ngayong araw,
Hindi ko na sigurado kung gusto ko pa ba maging,
ako.
Oo, aaminin ko. Masaya maging ako. Kalog. Weirdo. Palatawa. Palakaibigan. Positibo. May alam naman sa maraming bagay. Pero kung tatanungin mo, kamusta maging ako? Puta, hindi ko na alam.
Ngayong araw, pwede ko nang isuko yung ako na nakilala ko at ng maraming tao.
Ipapakilala ko sayo –
Ako yung kakilala mong selosa kapag inaagaw ka ng iba, kapag nakikita ko na mas napapalapit ang loob mo sa mga bagong kakilala ganong tayo naman ang unang nagkasunduan.
Ako yung kaibigan mong nauuto mo minsan dahil gusto lang naman kita pakisamahan talaga, kasi ayoko na lumayo ang loob mo sa akin.
Ako yung kakilala mong maraming pangarap sa buhay pero hindi niya alam pano simulan, saan simulan, kasi takot siya o tinatamad siya.
Ako yung sinabihan mo dati na “bossy.”
Ako yung sinabihan mong kuripot pero pucha, practical lang.
Ako yung kumag mong kaklase na nangopya at nakikuntsaba sa ibang mga kaklase kaya halos naka-perfect sa pagsusulit.
Ako yung kaibigan mong napakakulit, kiti-kiti, baliw, tapos mamaya biglang tatahimik.
Ako yung nakatabi mo sa jeep na inuusog yung paa mo dahil inaagaw mo yung space ko. Ako rin pala yung may malakas na earphones at sumasayaw.
Ako yung babaeng pinaupo mo sa tren pero hindi umupo kasi gusto kong malaman mong mas malakas ako sayo. Kaya ko ang long rides. Wag mo akong ipagmukhang mahina.
Ako yung hindi nagbalik ng sukli. Ako yung hindi lumingon nung binusinahan mo, nalimutan ko magbayad. Ipagpaumanhin mo.
Ako yung kakilala mo na kahit may kutob kang ako yung may mali, ipinapasa ko pa sa iba yung sisi.
Ako yung kaibigan mong ipagdudukdukan sayo ang pride.
Ako yung inaway mo o yung katampuhan mong nagmamatigas at kailanman hindi ka nilapitan.
Pero pucha, ako rin naman yung kaibigan mong unang humihingi ng tawad o despensa kapag alam kong ako ang mali.
Ako yung kaibigan mong binubuhay yung chatbox kahit na walang mapagusapan kasi ayoko na maglaho sayo na parang bula.
Ako yung binigyan mo ng kutsara noon, na hanggang ngayon nakatago sa kahon sa ilalim ng aparador ko.
Ako yung iyakin at yung sentimental. Kahit na ako yung kakilala mong pala-taas ng kilay at pala-away. Matigas ako pero pucha minsan nagtitigas-tigasan lang ako.
Ako yung humihiling na sana paminsan, makiramdam ka naman.
Wag kang plastic, sinusubukan kong maging hindi.
Ako yung kahit na may ginawa kang masama, kung importante ka sakin, itatalikod ko yung ulo ko at ipasasawalang bahala nalang. Ganon kita pinapahalagahan. Ganon ka ka-importante, pucha.
Pwede bang ganon na lang rin ang gawin mo sakin? Ha? Ako rin, hoy!
Ako yung bida sa klase mo, yung sumasagot na bibbo. Ako yung sinabihan mong “Bida-bida”
Ako yung walang pake sayo, sino ka ba?
Ako yung kinaiinisan mo.
Ako yung “maarte” at yung “papansin” kaya pucha, kung kaya ko mag-astang lalaki, ginagawa ko para sayo.
Ako yung may pake sa iisipin mo, pucha.
Ako yung talakera, yung sinabihan mong “parang palengkera” sa likod ko. Wala. Na. Akong. Magagawa. Kung. Malakas. Ang. Boses. Ko. At. Kiki. Yung Tunog.
Ako yung kakilala mong walang filter kadalasan.
Ako yung kiti-kiti, yung hyper, yung laging tulala, yung palaging lutang.
Ako yung kinumpera mo sa syota ng iba na mala-birhen sa pagsalita at pag-gawa dahil walang mama mary na kita ang ngala ngala kapag tumatawa.
Ako yung bakla, ako yung hindi “babae” sa paningin mo. Ako yung tinatakbuhan mo kapag gusto mong makilala yung kaibigan ko. Ako yung bridge, o yung baka-pwede-na, o yung mamaya-na.
Ako yung kasama mong palaging basag sa inuman. Yung sinabihan mong parang hindi babae sa kilos at gawa.
Ako yung nagsuka, ako yung walang hiya. Ako yung parang walang natutunan kahit na ang tanda tanda ko na.
Ako yung nakikita mo sa kalye na umuuwi ng lagpas alas-dose ng umaga kasi may pinanggalingan pang inuman.
Ako yung lagi mong inaaya kapag gusto mong uminom kasi mabilis ako pumayag at kung ano-anong katarantaduhan ang ginagawa kapag may amats na.
Ako yung palamura, yung tinatawanan ng iba kasi raw pranka pero para sayo asal-kanto.
Ako yung malakas ang boses na naririnig mo hanggang dulo ng hallway, ako yung tinignan mo ng masama.
Ako rin nga pala yung nangiwan sayo noong mga dalawang linggong break kasi wala ka nang ibang gustong pag-usapan kundi nail polish, one direction, brand ng bag, Keeping up with the Kardashian, at kung anu-ano pang hindi ko talaga masundan.
Ako yung kaibigan mong mas gugustuhing maglakad mag-isa kesa kausap ka kapag wala ako sa mood makisama.
Pero mahal kita.
Kaya kahit pinagtatabuyan mo ako, ako yung laging sumusulpot sa tabi mo at naghahanap ng tiyempo para makasama ka.
Ako yung kakilala mong feeling close pa rin.
Pero, naman, ako yung nagmamakaawa.
Ako yung nagmakaawa na pansinin mo ako. Yung text ng text sayo dahil gusto kita.
Ako yung nilibre ka hindi para manuhol pero para bati na tayo.
Ako yung nag-antay sayo makauwi ka kasi gusto kitang maka-kwentuhan.
Ako yung humingi ng tawad sa hindi pagsipot sa lakad kasi meron naman talagang importante na mas kailangan kong puntahan.
Ako yung babaeng nagtatanga-tangahan.
Ako yung babaeng hanggang ngayon pinipilit na magkagusto sa ibang lalake para lang makalimutan ka.
Ako yung galit na galit sayo ngayon.
Ako yung may sama ng loob sayo dahil naging mabuti akong kaibigan pero bias ka parin kahit sinabi mong miss mo ako, puta?
Ako yung gulong gulo ang isipan dahil bakit ka ba naiinis sakin gayong wala naman akong masamang ginagawa sayo sa pagkakaalam ko, diba tapos na? Diba okay na? Diba sinusubukan ko nang mag patay-malisya kasi diba wala naman na talaga?
Ako yung kinausap mong hindi na alam saan lulugar.
Ako yung punong puno na kasi mabuting tao naman ako at patuloy na sinusubukan maging matino para sainyo pero parang walang epekto.
Hindi ako perpekto.
Pero gusto ko maging ganon para lang mapansin mo.
Ako yung kaibigan mong hindi mo aakalaing may hinaing na gusto silang gayahin, dahil sila, sila yung mga taong ayaw mong pakawalan.
Hindi mo ako pinapahalagahan.
Ako yung sususko na, yung gulong gulo na, yung utak ko na naglalaro sa kawalan naghahanap ng mapagtatanungan.
“KAILAN PA BA AKO SASAPAT?”
Ako yung umiyak ngayon araw dahil sunod sunod yung masasamang nangyari kahit buong linggo akong nagpakabait.
Lord, bakit?
Ganito ako. Hindi ko alam kung mababago ko pa yung sarili ko pero ilang taon narin akong namuhay sa ganito. Hindi ko alam paano ba magbago, kung dapat ba akong magbago, kung dapat ba maging ibang tao, ako.
Dapat ba hindi na ako mag-make up? Dapat ba tigilan ko na yung pagsuot ko ng shorts, yung pencil skirt na above the knee?
Dapat bang tumawa na ako ng mahina, yung nakataklob pa ang kamay sa bunganga, yung tunog na parang nagpipiko na mga anghel sa langit imbes na nagluluksong bakang mga bakla sa kalye.
Dapat bang hindi ko nalang kayo pansinin, habulin, kulitin, siputin? Dapat bang magiba yung pananaw ko sa buhay? Dapat bang hindi ko nalang kayo isipin?
Dapat bang hindi ako maingay sa twitter?
Dapat ba tigilan ko na yung pagyakap sayo at paghalik sayo tuwing nakikita kita kasi baka sabihin ng iba, feeling close at bida-bida na naman?
Dapat ba akong tumigil uminom?
Dapat ko bang gayahin sila na taklob na taklob yung suot, walang bisyo, hindi nainom, hindi talakera, mahinhin, mayumi, hindi nagmumura?
Ipagpaumahin mo sana. Pero parang hindi ko kaya.
Pero kung iyon ang paraan para matanggap mo ako tulad ng pagtanggap mo sakanila, yung pagrespeto mo tulad ng paghiya mo kapag kaharap sila, yung pagmahal mo sakanila na parang mamamatay ka kapag nawala sila, baka kayanin ko pwede sigurong subukan.
Ako, ngayon araw, kung kakakamustahin mo, hindi ko na alam.
Gusto kong sumuko, gusto kong baguhin ang sarili ko. Gusto ko maging ibang tao kasi ang totoo, inggit na inggit ako. Naiinggit ako. Nandidiri ako sa sarili ko kasi ganito yung nararamdaman ko pero naiinggit ako. Napanghihinaan ako ng loob.
Anong pakiramdam ang maging hindi si Ako? Paano pag naging iba ang katauhan ko?
Titignan ko, susubukan ko. Tutal, iyon lang naman ang paraang alam ko para malaman ko ang sagot sa tanong na tatapos sa lahat ng pagsasamo, ang sasagot sa tanong kong “Paano.”
Paano ba ang ibang ako?