Kung bakit single ka pa rin, Ate.

Naiinis ka na. Tadtad na ng relationship status updates and Facebook newsfeed mo. Yung mga kaibigan mong dating NBSB (no boyfriend since birth, estadong kadikit pa rin ng pangalan mo hanggang ngayon), biglang mayroon nang ka-forever. Kahit yung BFF mong panay “I hate guys” noon sa Twitter, may kasa-kasamang boylet na rin sa kanyang mga profile photos. At yung high school teacher mong nagsabi sa klase niyo noong, “Ang mga lalaki, pare-parehong manloloko,” ayun at limang buwan nang buntis. Lahat sila, involved na sa isang lalaki at yung iba naman, sa kapwa babae (equal dignity, syempre!) samantalang ikaw, hanggang “I love Krispy Kreme donuts” at “Having fun with my Starbucks Frappe” pa rin.

“May mali ba sa akin?” Tinanong mo ang sarili mo, habang nag-aantay ng order mong Green Tea Latte Frappe, sa Starbucks pa rin.

“Wala!” Sumagot ka rin naman. Syempre, sa panahon ng pag-iisa, sinu-sino pa ba ang magtutulungan kundi ang sarili at sarili mo rin!

“Eh bakit single pa rin ako?”

Bigla mong naalala, may naligaw nga pala sa’yong lalaki nung isang buwan pero ayaw mo sa kanya dahil wala siyang trabaho. Noong niyaya ka niya sa mall, nagsabi ka, “Sige, ayos lang sa akin. Free naman ako. Pero kanya-kanyang gastos.”

Pero sumagot siya, nag-uumapaw sa swag na, “Ay, ako nang bahala. Mayaman naman kami. Libre ko na. Lahat. Don’t worry, I’ve got you covered.”

“You are not rich! Your parents are!” Hindi ka nakapagpigil. Kahit pa minimum wage earner ka lamang, malinaw naman na ikaw ang naghahanap-buhay para sa sarili mo at hindi ka dumedependa sa kung sino. Kaya naman, hindi mo naiwasang mainis sa swag niya.

“Wow, that’s rude!” Walang pag-aatubiling sagot sa’yo ng iyong manliligaw. Hindi na siya nagreply. Hindi na rin natuloy ang date niyo. Fine, HOHOL as in hang-out hang-out lang.

Nung buwan naman bago iyon, may nakilala kang foreigner online. Interesado siya sa’yo at dahil cute naman siya, willing ka naman sanang bigyan siya ng pagkakataon.

Kaso, matapos ang ilang araw ng umaatikabong palitan ng mensahe sa Viber, tinanong ka niya. “I am really sad right now and I my sex drive is unbelievable. Can you satisfy me? I will give you everything you need.. All those stuff you want to buy, I will buy for you! I am financially stable and I am very generous!”

Nagulat ka naman. Mukhang iba ang kailangan ni kuyang expat, hindi pag-ibig na tanging bagay na kaya mong ibigay. Dahil doon, nag-offline ka. Hindi mo na siya kinausap ulit.

Syempre, naalala mo rin yung lalaking nirereto sa’yo ng tatay mo. Mayaman daw ang pamilya nila at pag nagkatuluyan kayo, hindi mo na kakailanganin pang magtrabaho. Hihiga ka na lang sa salapi, magtitimpla ng kape, mag-aabot ng tsinelas pagdating niya mula sa negosyo, at paliligayahin siya. Kaya ka niyang bigyan ng magandang kinabukasan.

“Boyfriend po ang hanap ko, hindi trust fund,” sagot mong ikinainis ng tatay mo.

“Ay iha, mabubulok yang matres mo!” Binigyan ka niya ng babala. Hindi mo na lang pinansin.

Wala, sablay din, parang yung mga bigo mong pagtaya sa pag-ibig noong kolehiyo. Hindi pa rin matagumpay, parang yung relasyon mo sa isang Engineering student na wagas kung maka-kontrol ng iyong buhay. “Saan ka na?” Pinadadalhan ka niya ng text message halos bawat oras na wala ka sa kanyang paningin. Hindi ka na rin pwedeng makitambay kasama ang mga kabardang lalaki, kasi, “It’s awkward. It’s not good for you to be seen with other guys. Ano na lang ang sasabihin ng friends ko?” Sinabi niya yan sa’yo, paulit-ulit.

Sablay talaga, para lang ding yung relasyon mo sa isang Law student na laging nakikipag-debate. Ultimo kung saan kayo kakain ng tanghalian, kailangan niyo pang pagtalunan. At hindi lang basta-bastang diskusyon ang meron kayo. Damay din ang antas ng kapitalismong bumabalot sa bawat kainang gusto niyong puntahan.

“Ayoko sa McDo, kasi Imperialism at its finest. Alam mo ba kung magkano ang unit price ng isang cheeseburger? Mura lang! Mura lang din ang bayad sa isang crew na nakatalagang magluto nito tapos ibebenta nila ng pagkamahal-mahal! Anong klase iyon? Doon tayo sa karinderya. Tulungan natin ang maliliit na negosyo at huwag ang mga malalaking kumpaya gaya ng McDonald’s!”

Naiintindihan mo naman. Ang totoo, malapit din sa puso mo ang mga maliliit na negosyo. May pagmamalasakit ka sa kanila, gaya ng pagmamalasakit mo sa mga manggagawa at magsasaka. Pero, gusto mo lang talaga ng cheeseburger. Yung deluxe! Tapos may shake-shake fries na cheese-flavored. Hindi ba pwedeng ganun lang?

“May mali ba sa akin?” Tinanong mo ulit ang sarili mo.

“Wala!” Sumagot ka na naman.

Saka mo naalala ang sinabi ng propesor mo sa gender and sexuality class. Hindi problema kung single ka pa rin at lalong hindi ito batayan ng pagiging isang ganap na tao. Kung single ka man, hindi ito dahil may mali sa iyo bilang isang babae o bilang isang nilalang. Single ka dahil wala ka pang nakikitang taong gustong-gusto mo at alam mong masisikmura mongpakisamahan sa kabila ng pagkakaiba ng inyong pagkatao.

At sa kaso mo, single ka dahil ayaw mong basta na lang makipagrelasyon sa isang lalaking sadyang kasalungat mo sa paniniwala o sadyang hindi ka naiintindihan. Bilang isang babae, alam mo kung ano ang gusto mo at alam mo rin ang iyong kapasidad. Hindi mo gustong makulong sa kung ano mang kahon ang ginawa ng lipunan, ng pamilya, o ng kung sino man para sa iyo. Ikaw ay ikaw. Ikaw ang mapagpasya. At higit sa lahat, alam mo ang iyong karapatan. Alam mong walang kung sino mang may lawit ang may karapatang hawakan ka sa leeg.

Yun nga lang, kung minsan, nalulungkot ka’t naiinggit. Buti pa sila, masaya. Buti pa sila, hindi nag-iisa. Tapos, mapapanood mo pa yung AlDub na yan. Ang saya-saya nila. May forever daw.

Ayos lang yan. Ang mahalaga, hindi ka basta pumapasok sa bagay na kung saan hindi ka sigurado. Alam mong wala kang pagsisisihan. Kapit lang!

Like this:

Like Loading…

Related


Originally published at lrtqueen.com on August 23, 2015.

Show your support

Clapping shows how much you appreciated Mina Deocareza’s story.