Saan aabot ang 20 php ko?
isang maulang gabi, nagseself-pity ako, drama
Saan nga ba aabot ang 20 pesos ko? Lakas maka-Cornetto nito pero hindi ganon, tinatanong ko yan kasi literal na 20 pesos na lang ang laman ng coin purse ko (I was gonna write wallet then wala nga pala akong wallet), haha, coin purse lang ang meron ako, totoo yan.
20 pesos na buo, sya na lang ang papel. May mga barya pa naman kaso mamiso na lang, ewan kung aabot pa sa another 20. Waaahhhh, I’m this broke? How did I even end up to this kind of situation? Hahaha, kadramahan, akala mo naman eh milyonaryo na ngayon lang nakaranas na matirhan ng bente sa coin purse.
So, paano ko isasalba ang sarili ko sa bente. One thing’s for sure, hindi ako magugutom kasi may grocery pa naman ako. May 2 Yakisoba pa ron, may bigas din ako *galing Mindoro* at may tuyo rin. Haha, at yon ang ulam ko ngayong gabi. Kailangan kong tipirin yong natitira kong bente, kasi malay mo magka-emergency at kailangan ko ng 20 di ba? XD
Nagtext na ako kina Papa ng allowance kaso hanggang kanina wala pa rin silang update. Siguro wala pang pera. Hindi na ulit ako nagtext, nahiya na ako. Seryoso, first time in my life *wow* na nahihiya na akong manghingi ng allowance. Para kasing sobrang overdue na ako. Dapat ngayon ako na yong nagbibigay sa kanila hindi yong nanghihingi pa rin ako.
Pero naisip ko lang, eh sino bang may sabi na dapat ngayon may trabaho na ako? Sinabi ba ito na literal ng mga magulang ko sa akin, did they ask me? OF COURSE NOT! Pinagdesisyunan ko ba ito? HINDI RIN. So sino nga may sabi?Yong society, sila may sabi, at binigyan ko sila ng consent na maapektuhan ako kasi the fact na nahihiya na akong manghingi ng allowance tells it all. Kung sinuman ang bumuo ng kung anu-anong mga unwritten laws na masugid namang sinusunod ng mga tao sa lipunang ating ginagalawan ngayon, napakahusay mo. Hamakin mong human beings as a collective napapasunod mo? Ni Presidente hindi ito magawa!
O baka naman tayo rin mismo ang may gawa nito. Collective minds nating lahat, haha, ewan ko. Ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit? Kung paano? Napapaisip ba kayo ng ganito?
Dapat mag-aral kang mabuti, sa elementary husayan mo na para makapasok ka sa magandang high school. Sa high school dagdagan mo pa ang sipag mo para makakuha ka ng magandang marka at kahit papaano makapili ka ng college na gusto mong pasukan. Sa college pumili ka ng course na may board exam kasi mas maganda yon kesa walang board. Pagkagraduate galingan mo sa boards ha, kung kaya mo magtop gawin mo, mas madaling makahahanap ng trabaho kapag topnotcher ka. Kasi yong trabaho na mismo ang lalapit sa’yo.
Tapos dapat sa ganitong edad, settled ka na, may stable job na, sumusuporta sa pamilya. Then pagtuntong mo ng ganito marrying age na yan, pwede na, sige hanap ka na ng partner mo for life.
Hanggang sa walang katapusan ang mga demands. Kapag naabot mo na yong isa andyan na naman ang kasunod, walang tigil, hindi nauubos. At ikaw naman sige, habol pa. Nadapa kamo? Okay lang yan, bangon lang at saka takbo ulit. Ano nga ba ang hinahabol mo? Para kang bulag na hindi alam kung saan tutungo. Sige lang daw, go with the flow. Sa kasusunod mo sa flow oh asan ka na ngayon? Natuwa ka naman ba sa narating mo o hanggang ngayon patuloy ka pa rin sa pagtakbo?
O saan na nakaabot ang bente ko? Hahaha, layo na ng natakbo ko guys. Grabe, pagod! XD
Tumila na ang ulan, now I’m seeing some amazing heat lightning from afar. Hindi ko alam kung saang part nanggagaling, medyo may problema ako sa direksyon. Pero ang ganda talaga. Nasa 5th floor ako kaya nakikita ko. Nakaka-amaze. Kapag may chance kayo wag nyo palalampasin manood ng heat lightning, ang ganda.
Tapos nakareceive ako ng text from Mama *talking to her about random things, well not-so-random pala kasi I’m talking about review, hehe* saying: The trouble with you is that you worry a lot.
Totoo naman hindi ko na idedeny. Pero I’d like to think na medyo less na ngayon ang pagwoworry ko kesa halimbawa same time last year. Slowly gusto ko na ring macontrol ang worrisome nature ko, hindi kasi healthy. Gaya nga ng sabi ni Swamini Supriyananda sa kanyang Thinking About It podcast, “Worrying is like sitting on a rocking chair, it gives you something to do but it gets you nowhere.”
At balik na tayo sa bente, haha, kita nyo na kung saan ako inabot ng pag-iisip ko tungkol sa kalagayan ko financially? Ganito ako parati, maraming iniisip — minsan makabuluhan pero madalas hindi, kaya nakakafrustrate. Haha. Kaya ito isinusulat ko na lang ulit ang kung anu-anong ideyang pumapasok sa utak ko. Sa ganitong paraan at least hindi nasasaturate ang isip ko.
