Sa Ville de Palme

Nagsimula ako manahan dito sa Ville de Palme, General Trias noong Marso 2014, syempre kasama ko sina Eli, Carlo, Kenneth. Si Genny tuwing Linggo umuuwi. Sa Makati sya para malapit sa trabaho nya sa Ortigas, Nag-d-drive sya pagpasok at pag-uwi dito, red Hyundai Accent AT. Sobrang fan ako ng anak ko. Independent sya at magaling mag-drive.

Hindi ako independent. Ni matulog mag-isa sa kwarto hindi ko kaya. Hindi rin ako marunong mag-drive. Pero ngayon nangangarap akong mag maneho ng Suzuki Arctic Pearl White Celerio AT. Enroll ako sa driving school, malapit na. Pero nauna na kumuha ng student driving permit si Eli. Mag-aral daw muna ako mag-bike. Papalagyan nya ng mini side car yung bike para hindi ako matumba, kasi hindi na talaga ata ako matututo mag-balance. Haaay, never ako nakahakbang man lang kahit isa sa balance beam noong PE class sa first year high school. Nagtataka ako bakit ako lang ang hindi marunong mag-balance.

Advanced birthday gift sa akin ni Genny itong townhouse na ito noong magtatapos na ang 2009, nang malaman namin na meron akong breast cancer stage 3-B local. Matagal pa birthday ko noon pero sinabi na nya. Dito daw ako mag bakasyon, tahimik. Ang bait talaga ni Genny, mapagmahal at maasikaso sa aming lahat. Bukod pa sa maganda at matalino. Salamat sa pagpapala ng Diyos, naghilom ako mula sa aking sakit.

Isang taon na pala kami dito. Noong una, tinuruan pa ako ni Genny ilagay sa food plastic ang mga portions ng chicken wings at pork chops para madaling kunin sa freezer pag lulutuin na; mag stock ng sibuyas, bawang, kamatis, kalamansi, patatas, carrot, cooking mixes at sauces kasi nga medyo malayo ang supermart. Pag punta sa talipapa, mag-t-tricycle pa at mahal, P50 balikan, aba pwede na isang kilong bigas yun o kaya isang piling na Lakatan. Tuwing uuwi sya pag weekend, namimili kami. Nasanay kami sa Golden City, nilalakad lang ang wet & dry market. Ngayon wala na, SaveMore na ang nandoon. Masaya pa rin at mapalad sina Isay, isa ko pang anak, na nakatira sa bahay namin doon kasama ang kabiyak at nag-iisang anak nila, si Keith, ang una naming apo. Ibinili sya ni Eli ng bike ngayon, advanced birthday gift. Tatlong taon na sya sa susunod na buwan.

Ngayon, marunong na ako pumunta sa bayan, sa pinakamalapit na supermart, sa Puregold. Isang araw, pupunta ako sa SM Palapala. Simple lang mga kasiyahan. Nag-b-bake ako ng chocolate cake para kay Carlo at banana bread. Naka WiFi kaya hindi na bitin sa Internet. True joy? Ang katagpuin ang Panginoon sa Kanyang “Tahanan” at Sya ay purihin, pasalamatan, awitan, handugan ng ikapu at alay ng pag-ibig.

Sabi ng guro ko sa kolehiyo, “No conflict, no story.” Graduate na ako sa mga kwentong batay sa pamantayang kanluranin. Salamat wala na akong conflict. Isinuko na ang buhay sa Tunay na May Akda at nagkaroon na ako ng bagong kuwento, bagong buhay dito sa Ville de Palme, kung saan gigisingin ka ng huni ng mga ibon sa umaga at maaantok sa paghehele ng banayad na hangin sa gabi na lagus-lagusan sa bintana, kung saan nakikita ang maraming bituin at mga kumukutitap na ilaw ng eroplanong naglalakbay sa himpapawid.

One clap, two clap, three clap, forty?

By clapping more or less, you can signal to us which stories really stand out.