Kwitis

Nobyembre 5

Nagsalpukan ang aming mga baso. Lumikha ito ng kalansing na nagbigay-diin sa lubos na katahimikan at kalaliman ng gabi. Nakalatag na ang itim na sutla ng langit. Mapanglaw naman ang kalsada na kanina lang ay buhay na buhay sa ingay ng mga nagdaraan. Pakiwari ko’y tikom at naghihilik na ang mga bibig ng mga batang ligalig na naglalaro sa tapat ng aming bahay kanina.

Sa ilalim ng malamlam naming ilaw, kitang-kita ko ang panginginig ng kanyang mga kamay. Walang tao noon sa bahay. Pareho kaming nasa bakuran habang hinahagod ng malamig na hangin ang aming mga balat. Pinilit ko siyang pumasok ng bahay lalo pa’t hitik ang lamok sa labas. Sagot niya, mas masarap daw uminom sa ilalim ng hubad na langit.

“Tulad ka na rin ba ng mga duwag diyan na natatakot sa lamok?” wika niyang nanunudyo kasabay ng ngiti niyang labas pati ang naninilaw niyang ngipin.

Sa katotohanan, ang mga lamok ay delubyong minsang sabay-sabay na kumagat sa amin. “Malayo sa bituka ‘yan!” ang madalas na biro. Tumigil ang biruan nang dalawang bata ang napuruhan. Hindi naagapan ang lagnat. Hindi rin naipakonsulta dahil sa kasalatan. Dalawang linggo lang ang pagitan ng burol ng dalawang bata kaya’t kinapitan ng takot ang lahat. Mabilis na ipinatupad ang malawakang pagpapausok. Ang mga kanal na pinagdadaluyan ng naipong dumi ng tao at pinaglabahan ay pinausukan. Tinanggal din ang mga diaper, plastik at mga tira-tirang pinagkainang waring mga bangkang malaya ang paglangoy sa itim na burak at sukal. Nagambala ang mga lamok at saglit din silang naglaho. Naging panatag ang loob ng lahat.

Nagsimula rin ang lingguhang paglilinis na kalaunan ay titigil rin. Mahirap linisin ang aming lugar dahil ang karaniwang ayos nito ay ang mismong kawalan nito ng ayos. Makikitid ang mga eskinita, nagsasanggian ang mga bubong at ang mga kalsada ay may putik-putik na dumi ng mga aso, pusa at manaka-nakang alagang kalapati at manok. Nanunuot din ang amoy ng kanal na kumakapit at sumasanib sa amoy ng mga tao rito.

“May sakit ho kayo? ‘Yung kamay ninyo, nanginginig,” sambit ko nang muntikang mahulog ng kausap ko ang kanyang baso.

“Ah,” sagot niya sabay tungga. Nakita ko ang saglit na pagpait ng kanyang mukha na sinundan ng pilit niyang pagngiti, “Matagal na ‘to, iho.”

Hinayaan kong magpadausdos sa aking lalamunan ang pangsiyam kong tungga ng serbesa. Mainit. Gumuguhit. Ramdam ko na ang sipa sa aking ulo. Buhay pa ang kalsada nang magsimula kami, ngayo’y patak-patak na lang ang mga nagdaraan.

“Putangina nila,” mahina at mabilis na wika niyang animo’y dinura lang sa hangin. Bahagyang nagulat ang diwa ko sa binitiwan niyang salita. Kanina lang ay balot pa ng halakhak ang aming usapan.

“Putangina nila,” muli niyang sambit, ngayon ay mas mabagal at may halong pighati at galit.

Nag-abang lang ako sa susunod niyang sasabihin. Aaminin kong hindi ko pa siya lubusang kilala kaya’t may kapiranggot na takot ang nakakapit ngayon sa likod ng aking utak. Paano kung mawala siya sa sarili at bigla na lang akong saktan? Paano kung makatulog ako at mabaluktot ng alak ang kanyang utak?

Naputol ang aking pag-iisip sa narinig kong hikbi. Makailang-ulit na rin akong nakarinig ng himig na iyon mula pagkabata subalit sa eksaktong oras na iyon ko lang narinig ang pagtangis na tagus-tagusan ang kalungkutan.

“Wala talaga kaming laban, ano? Nung Martes lang, binaril ng mga gagong pulis ang anak ko. Adik daw?” wika niya habang nandidilat ang mga mata na sinabayan pa ng paglapag niya ng baso sa mesa. “Payat at sakitin ang anak ko. Matagal nang may kahinaan ang utak nun. Alam ng mga taga-rito na malambing ‘yun. Ni hindi nga marunong magmura ‘yun, e. Tapos mamukat-mukat ko, pagbababarilin nila sa ulo? Kesyo nahuli raw na may hawak na bato. Kesyo nanlaban!”

“E, ano ho ba ang pruweba?”

“Pruweba ng alin?”

“Ng mga pulis.”

“Wala sigurong nadampot sa pag-iikot nila kaya inatake ‘yung walang kalaban-laban. Nagbibilang lang ng mababaril ‘yang mga ‘yan, e. Alam mo naman siguro ‘yung kumakalat na listahan, ano? May bulung-bulungan na nakalista raw ‘dun ang anak ko. Nilagyan sa bulsa ng pakete sabay pinatakbo. Tapos­ — ” wika niyang naputol sa akmang pagluha na walang anumang nililikhang tunog. “Pinaulanan ng putok sa ulo. Ang dahilan nila, nanlaban at may baril. E mga tarantado ang puta, paanong lalaban at makakahawak ng baril ang baliw?”

Nakatingin lang ako sa kanya. Inuunawa at ninanamnam ko ang mga salitang lumalabas sa kanyang bibig. Palagay ko’y kumikilos na ang alak sa kanyang utak, unti-unting binubunyag ang mga natatago niyang emosyon. Gayunpaman, nagpatuloy ako sa pakikinig.

“Sais, siyete… inabot ng onse anyos bago nagsalita ‘yun. Hindi ko na piniling ipa-konsulta dahil alam ko na rin namang biniyayaan ako ng anak na may kahinaan sa pag-iisip. Pero iho,” sambit niya habang unti-unting namumuo ang mga butil ng luha sa gilid ng kanyang mga mata, “Mahal ko ‘yun. Mahal ko ‘yung putangina na ‘yun. Pero itong mga kumag na pulis na ‘to, silang mga matataas na ang ihi dahil pinayagan ng presidenteng humatak ng baril tuwing makakakita ng taong mukhang adik, pinatay ang anak ko! Wala kaming kalaban-laban dahil mas naniniwala na ang mga tao ngayon sa pulis!”

Sa puntong iyon, tuluyan nang sumabog ang emosyon ng aking kausap. Umagos ang luha mula sa kanyang mga mata. Maririnig na rin ang tuyo at malakas niyang pagtangis.

“Hindi ko rin matanggap ‘yung mga tao dito, e. Walang nagsalita. Wala ni isang nagtanggol sa anak ko. Takot silang lahat sa baril,” aniya sabay punas ng kanyang luha. “Tangina nilang lahat.”

Wala akong masabi. Tahimik lamang ako matapos niyang ibulalas lahat ng gusto niyang sabihin. Maririnig pa rin ang kanyang paghikbi. Nahagip din ng mga mata ko ang pagkarami-raming gamo-gamo na lumilipad sa kanyang ulunan.

“Sige, iho,” sambit niya matapos tumungga. Pinunasan niya ang kanyang uhog at muling nagwika, “Nasobrahan na ata ako. Alak na ‘yung nagsasalita. Pasensya ka na.”

Dahan-dahan siyang tumayo at nagtungo sa gate. Saglit muna siyang huminto at marahang hinilot ang kanyang sentido. Pagkatapos noon ay nagpatuloy siya sa paglalakad. Nang makalayo-layo ay itinaas niya ang kanyang kamay at ngumiti. Nakatayo lamang ako noon at pinagmamasdan ang unti-unti niyang paglayo hanggang kupkupin siya ng dilim. Namasid ko ang plastik na sinundan ang kanyang mga yapak na bunga marahil ng ihip ng hangin.

Ilang saglit pa ay niligpit ko na rin ang mga baso.

Nobyembre 14

Nakita ko ulit siya kanina. Matiyaga niyang binuhat ang sako ng bigas ni Aling Ester mula sa tricycle. Nakita ko ang limang piso na inabot sa kanya matapos niyang ilapag ang kanyang binuhat. Sa buong oras na nakatingin ako sa kanya ay hindi niya ako napansin.

Nobyembre 20

Bumili ng kendi sa tindahan namin ang bunso niyang babae. Nang tanungin ko ang kinaroroonan ng papa niya, bulol na sumagot ang bata ng “Nag-aabang pa rin ho ng mabubuhat sa sakayan.” Bahagya kong sinipat ang mukha ng bata at nakita kong nakuha ng bata ang malalagong pilikmata ng kanyang ama. Hindi ko na siya pinagbayad at magalang namang nagpasalamat ang bata.

Nobyembre 23

Nagkaroon ng sigawan kaninang hapon. Napalabas kaming lahat ng bahay. Nagtataasan ang boses ng nagpapaupa at nangungupa. Mararahas ang mga binitawang salita. Nagtagpo ang aming mga mata bago niya sinabing, “Sige, sige, lalayas na kami ng anak ko!”

Hindi pa rin tumigil sa pagsigaw ang nagpapaupa at sa isang kisapmata’y nagliliparan na sa kalsada ang mga damit. Ang isa sa mga ito ay napunta sa kanal at nabahiran ng itim. Tahimik itong pinulot lahat ng lalaki at nakita ko ang pigil na ningas sa kanyang mga mata habang mahigpit niyang hawak ang kanyang anak.

Disyembre 8

Higit dalawang linggo na rin nang huli ko siyang nakita. Naikuwento ni lola na natutulog na raw sa sakayan ng tricycle ang mag-ama. Awang-awa raw siya sa bata. Nang magbigay ako ng suhestiyon na ampunin sila, matalas ang naging sagot ni lola, “Alam mo bang pinatay ng tarantado na ‘yun ang asawa niya? Napabayaan din ang anak kaya nag-adik. Tapos patitirahin mo dito?”

At doon ko napagtanto ang pait ng katotohanang ibinulalas ng lalaki.

Disyembre 10

Nakita kong muli ang mag-ama matapos akong makababa ng tricycle kanina. Ngumiti lang siya sa akin habang yakap-yakap niya ang natutulog niyang anak. Bakas na sa kanyang hitsura ang kanilang naging pamumuhay sa kalsada: mahaba at magulong buhok, maduming damit at nanlilimahid na mukha. Kapansin-pansin rin ang naging pagbabago sa kanyang bunsong anak. Sa loob ng dalawang linggong hindi ko ito nakita, nakakagulat na malaki agad ang ipinayat nito.

Saglit kong naalala ang mapait na gabing niyaya kong makipag-inuman ang lalaki. Nabalot ako ng hindi mailarawang emosyon dahilan upang mabilis akong naglakad pauwi.

Hindi ako pamilyar sa awa at kalungkutan.

Disyembre 11

Pasado alas-onse na ng gabi. Nakarinig ako ng mahinang kalampag mula sa aming gate. Tulog na ang mga kasama ko sa bahay at ako na lamang ang gising. Tumayo ako at binuksan ang pinto. Inaninag ko muna ang mukha ng taong nakatayo sa gate bago ko tuluyang pinagbuksan.

“Iho,” wika niya sabay ngiti.

“Bakit ho?”

“Ano kasi,” nag-aalangang wika niya’t hindi makatingin nang diretso, “May kanin pa ba kayo diyan? Nagugutom na kasi ang anak ko. Ang taas ng lagnat. Hindi pa siya nakakakain simula kaninang umaga.”

Pinaupo ko siya sa labas at mabilis akong pumasok ng bahay. Kinuha ko lahat ng mga tirang-ulam na nasa loob ng ref. Sinama ko na rin ang natitirang tinapay na nasa mesa. Binalot ko ang lahat sa plastik at inabot sa kanya.

“Salamat iho. Noong nakaraang linggo pa kami nanghihingi mula sa kung sino-sino, e. Nakakahiya na rin namang umulit. Salamat ha!” sambit niya.

“Ay teka lang ho,” mabilis kong sagot sabay hugot ng singkwenta sa bulsa ko, ‘Ibili ninyo ng gamot.”

Niyakap niya ako nang mahigpit. Hindi ko binalik ang kanyang pahayag ng pasasalamat. Umalis siyang wala nang iba pang sinasabi. Doon ko napagtanto na mayroon kaming hindi maipaliwanag na pagkakahugpong.

Banyaga ang mga emosyon na dumapo sa akin simula nang mapakinggan ko ang kuwento ng lalaki. Ang mga ito’y marahas na lumipad sa aking kaibuturan at naghanap ng siwang na papasukin at paglalagian. Hinayaan ko itong sakupin ako.

Disyembre 25

Ligalig ang mga batang kanina pa nagbabahay-bahay. Pormado, may ngiting nakatapal sa bibig at may mangilan-ngilan pang may dalang instrumentong mula sa pinagtagpi-tagping kawad at tansan. Dumoble ang bilang ng kanilang mga ninong at ninang at bawat matatandang kanilang nakakasalubong ay nagmamano kasabay ang ngiting nag-aabang ng bigay.

Katatapos lang ng hapunan nang muli na naman niya akong tinawag. Palabas sana ako para bumili ng yosi nang makita ko siyang nakaupo sa tapat ng aming bahay.

“Iho.”

“Bakit ho?”

“May… may tira pa ba kayo diyan?”

“Pasok ho kayo,” wika ko sabay bukas ng gate.

“Hindi. ‘Wag na. Dito na lang. Nakakahiya rin sa bisita ninyo.”

“Nasaan na nga ho pala ang anak ninyo? Tagal ko nang hindi nakikita, a. Padaanin ninyo ho rito at may ibibigay ako sa kanya.”

“Tulog na. Mabisa ‘yung gamot na binili ko nung nakaraan. Salamat sa’yo!” sambit niyang may ngiti sa labi.

Mabilis akong pumasok ng bahay. Marami pa ang natirang pagkain noong hapunan kaya’t binalot ko ang lahat ng ito. Iniwasan ko na lamang ang nagtatanong na mukha ni lola at mabilis akong lumabas.

“Magbalot na rin ho kayo,” wika ko sa lalaki matapos kong iabot ang plastik.

“Magugustuhan ‘to ni Eddie,” sagot niya nang langhap-langhapin ang binigay ko. Naninilaw na ang kanyang mga kuko, mahaba na rin ang kanyang buhok. Nanunuot na rin ang kanyang amoy. Ngumiti siyang muli at naglakad paalis.

Sino si Eddie?

Disyembre 31

Isang linggo siyang hindi nagparamdam.

Nilibang ko ang sarili ko sa pagbabasa. Wala naman akong ibang mapaglilipasan dahil wala rin naman akong kaibigan sa aming lugar. Ang mga kaibigan ko ay nasa unibersidad, kapwa may kakaiba ring hilig. Pagpatak ng Enero ay magsisimula na naman ang panibagong semestre. Sa tuwing tatanungin ako ng akingmga kakilala kung kumusta ang aking buhay-estudyante ay sinasagot ko iyon ng magalang na “Ayos lang po.” Nag-uumapaw sa kasinungalingan. Sa ngayon, gusto ko munang magpahinga at makalimot. May panahon para magmuni sa mga pagkakamali at ang panahong ito ay inilaan ko sa pagpapahinga.

Nakita ko kanina ang lalaki sa sakayan. Galing kaming Baclaran, bumili ng mga pailaw para sa pagsalubong mamaya. Mag-isa lang siya at nakapagtatakang hindi niya kasama ang kanyang bunsong anak. Nakaupo siya sa loob ng isang nakaparadang tricycle at yakap-yakap ang tuhod. Binati niya ako at sumigaw ng “Iho! Nagustuhan ni Eddie ang handa ninyo. Maya raw ulit!” na sinagot ko naman ng tango at ngiti. Sa kanyang tabi ay mayroong sako. Palaisipan pa rin sa akin kung sino si Eddie.

Ilang minuto na lang ay sabay na tatapat ang mga kamay ng orasan sa alas-dose. Nagbabadya ang mahinahong tik at tak na animo’y sumusulong upang maisakatuparan ang mga nararapat mangyari. Bumuhos ang malakas na ulan. Nagsisimula na ring magpakawala ng malalakas na alingawngaw ang mga kapitbahay. May mangilan-ngilan na ring nagpapaputok sa labas. Ramdam ko ang mabilis na pag-abante ng oras at ang unti-unting paglapit ng bagong taon.

At sa oras na iyon, dumapo ang rumaragasang palagay na pumunit sa aking kawalang-malay.

Mabilis akong tumakbo palabas ng bahay. Hindi na ako nag-atubiling magdala ng payong. Natatakot akong tama ang aking hinala. Dali-dali kong pinuntahan ang dating nagpapaupa sa lalaki.

“Ano ang hanap mo?” naalimpungatang tanong ng matanda.

“Kilala ninyo ho si Eddie?” mabilis kong tanong. Napahinto ang matanda. Nagkaroon ng saglit na pahiwatig ng pagkalito sa kanyang mukha bago siya muling sumagot.

“Ano’ng meron kay Eddie?”

“Kilala ninyo?”

“Iyon bang binaril na adik — ” wika niyang hindi ko na pinatapos. Mabilis akong tumakbo papunta sa sakayan. Napigtal pa ang aking tsinelas dahilan upang sumubsob ako sa basang aspaltadong daan. Naramdaman ng dila ko ang dugo. Nanuot ang lasa ng bakal. Nagpatuloy ako sa pagtakbo.

Nadatnan ko siyang naka-upo sa parehong tricyle na kinakitaan ko sa kanya kanina. Nakatingin siya sa kawalan at naroroon pa rin sa kanyang tabi ang isang sako. Mabilis kong hinablot ang suot niya at walang pagpipigil na hinila palabas ng tricycle.

“Kailan ka huling kumain?” mahinahon kong tanong. Hindi gumalaw ang kanyang bibig. Bakante pa rin ang kanyang mga mata.

“Putangina ka! Sagot!” galit na galit kong wika. Nagtitinginan na ang mga taong nasa sakayan.

At mula sa kanyang bibig, umagos ang hagikhik na unti-unting naging tawa. Lumakas ito nang lumakas hanggang tuluyang mahigitan ang tunog ng malakas na buhos ng ulan. Sa pagitan ng kanyang tawa ay pinaalalahanan niya akong huwag mag-ingay. “Bakit?” tanong ko sa kanya. Magigising daw ang kanyang bunso.

Pakiramdam ko’y sinuntok ako sa ulo. Noong nakaraang linggo niya pa binanggit ang pangalan ni Eddie subalit patay na si Eddie. Pero nasaan ang bunso niyang anak?

Nagkaroon ng sagot ang mga malilikot na katanungang nanggagalaiti sa aking isip. Sinipat ko ang sako at dali-dali itong binuksan. Mula sa loob, lumabas ang umaalingasaw na amoy ng pagkabulok. Nakita ko ang buhok ng bata. May sapat na ilaw ang sakayan para makita kong dilat pa ang mga mata nito.

Hindi ko na maintindihan ang emosyong dumaloy sa akin sa oras na iyon. Naramdaman ko ang paghihimagsik ng aking kalamnan. Dali-dali akong lumapit sa lalaki at mabilis na tumama ang aking kanang kamao sa kanyang mukha. Sinundan ng isa pa. At isa pa. Sumigaw ang mga kamao ko ng karahasan at karahasan din ang naging tugon nito. Patuloy sa pag-atras-abante ang aking mga braso na animo’y may sinusundan na ritmo. Tumagal pa ito hanggang maramdaman ko ang malalakas na mga bisig na pumigil sa akin. Narinig ko ang mga sigawan.

Pinagmasdan ko ang aking duguang mga kamay na banayad na hinugasan ng walang pagtitimping langit. Tumulo ito kasabay ng mga patak ng ulan na bumagsak sa sementadong lupa patungo sa mga bahaging ‘di pa nadadampian ng agos. Ang sigawan ay napalitan ng pagsabog mula sa itaas at nakita ko ang pagputok ng mga makukulay na kwitis. May puti, may kahel at may pula. Bakas na bakas sa aking mga mata ang mga latay sa langit na naiwan ng pulang kwitis. Marahil ay batid kong pumipintig ang kulay na ito. Sunod-sunod pa ang naging pagsabog at galit na mga torotot at kalampag.

At nagdilim.

One clap, two clap, three clap, forty?

By clapping more or less, you can signal to us which stories really stand out.