Hayaan Mo Lang Lilipas Din Yan
Isa, dalawa, tatlong taon…

Paulit-ulit kitang pinagbigyan

Hindi ko namalayan na paulit-ulit na din pala akong nasasaktan.

Hindi ko naisip na sa bawat pagkakataong yun puso ko’y nasusugatan at nadadalang magmahal.

Bakit pag umibig ka akala mo ikaw si Darna?

Ang ngiti nya parang bato ni Ding na napapalakas ka.

Bakit pag umibig ka kahit binigay mo ng lahat, sasaktan ka pa?

Inalagaan mo, pinaglaba, pinagsaing, pinagplantsa at sinuportahan sa lahat ng gusto nya.

Basketball? Putang ina! Sige sama ko, panoorin kita kahit di ko alam ang mga pangunahing patakaran ng larong ito. Bakit hindi? Madameng babae dun na lalandi sayo kaya dapat bantay sarado ako!

Dota? Gusto mo maghapong maglaro at makipagtagisan ng galing sa mga tropa mo? Sige, sabayan kita, dito lang ako sa likod mo, magbabasa ng libro, panonoorin si Popoy at Basha na isang daang beses ko ng nakita kase gusto kitang makasama.

Ganun daw talaga kapag nagmamahal ka, nalilimutan mo ang sarili mo kase hanggat masaya ka sabi ko sa sarili ko masaya na din ako.

Tatlong taon ang lumipas bago ko napagtanto na hindi ikaw, hindi ikaw ang lalaking makakasama ko habang buhay.

Ngayon ako ay magbabalik tanaw kung paano nagsimula ang pag-ibig na tinagurian kong kabaliwan.

Magkakasama kaming magkakabarkada at kumakain sa labas ng dumating at nagpakilala ka.

Kayliit ng mundo kaibigan mo pala ang barkada ko pero ngayon lang tayo pinagtagpo.

Tumabi ka sakin at kinausap mo ako, sabi mo ang ganda ko, ako namang si tanga, naniwala, nagpagago. Aba eh malay ko ba?

Kinuha mo ang number ko at walang humpay ang araw-araw na mensahe mo kung “kamusta na ako or kumain na ba”.

Ang sarap sa pakiramdam na me nagaalala sakin kaya naman pagkalipas ng dalawang linggo sumagot ako ng matamis na “oo” ng tanungin mo kung gusto kong maging tayo.

Isang taon na pala at di matutumbasan ng kahit na anong halaga ang pinagsamahan at pinagsaluhang saya hanggang mapansin ko na yung mga mensahe mo ay unti-unting dumalang at kung minsan nakakalimutan mong magpasabi man lang.

Nagtampo ako at sinabi mong babawi ka, humingi ka ng tawad at pinagbigyan kita.

Lumabas tayo at namasyal ngunit sa hinabahaba ng oras nakatungo ka sa telepono kausap ang ibang babae mo… Unang panloloko..

Nagtalo tayo at sabi mo wala yun, ako ang seryoso, pintawad kita kasi naisip ko ganun siguro talaga ang mga lalaki, darating at darating ang ganitong tagpo pero lilipas din.

Makalipas ang ilang buwan eto ka na naman may kasamang iba sa sinehan. Humingi ka ng tawad, pinagbigyan kita. .. Muling nagpakatanga!

Nakalimutan mo ang anibersaryo naten, ang kaarawan ko, humingi ka ng tawad at pinagbigyan kita.

Ibang babae ang kasama mo sa basketball game at pagkatapos ng laro, humingi ka ng isa pang pagkakataon, pinagbigyan kita.

Tatlong taon, tatlong taon mo na pala akong paulit-ulit na niloloko at tatlong taon na din kitang paulit-ulit na pinagbibigyan, nakakapagod din pala..

Ayokong sumoko, ayokong bumitaw. Natatakot ako at napapaisip na di ko kayang mawala ka. Hindi ko kaya ang malalamig na gabi na di ka kasama.

Sa pagdaloy ng luha , nasabi ko sa sarili ko na nabuhay naman ako ng dalawamput isang taon na wala, kaya ko to!

Doon nagtapos ang tatlong taon. Nagpalit ako ng number , inunfollow kita sa Instagram at binlock kita sa facebook. Bitter ako? Hindi, Gusto ko lang magsimula ng panibago na wala ka at umpisahan ang paglimot sa nararamdaman ko sayo.

Ganun pala ang pag-ibig, nakakapanghina at nakakabaliw.

Ginawa ito ng tatay ko sa nanay ko at hinayaan kong gawin mo sakin.

Ganito pala kabigat sa pakiramdam na di maranasan ang mga halik mo sa aking katawan at ang mga bulong ng magpakailanman.

Upang makalimot, ako ay naglakbay ng mag-isa. Nilabanan ko ang luha at ang sakit pati na ang mga gabing gusto ko kayakap ka.

Pinilit kong libangin ang aking sarili, pinilit kong magtapang tapangan, kaya ko to ika nga!

Ginawa ko lahat, umakyat ng bundok, sinubukang magsurf, magwakeboard pati na din ang umindak sa club.

Kapag nasa club ako at sumasayaw sa kantang Ignition ni R. Kelly halos itapon ko ang sarili ko sa mga lalaki para ako’y mapansin.

Gusto kong patunayan na maganda ko, mahubog ang aking katawan at maraming magkakagusto saken.

Mali pala, mali pala dahil pagsapit ng umaga at pagkatapos ng mainit na gabi ni pangalan ko’y di nila maalala.

Isang gabi, isang gabi ng pagkalimot, pagkadarang at pagkunsinti sa tawag ng laman!

Ang pagibig ay nakakabaliw, pwede kang sirain at pwede ka ring hulmahin sa panibago at maayos na ikaw.

Sarili ko to, dapat kong galangin ang sarili ko. Tama na ang paghihimaktol, ang pagiisip na may kulang at may mali saken dahil ang pagkukulang palaging may paraan para mapunuan.

Hinayaan ko na lang, nagtrabaho ako, nag-aral ulit at naglibang.

Ika-syam na buwan ng muli kitang makita at tayo’y nagkamustahan, wala na yung nararamdaman kong sakit, tangina di ko man lang namalayan!

Ganun lang pala yun, hayaan mo lang at kusang maghihilom ang mga sugat ng kahapon.

May kabaliwan man ang magmahal ngunit marami ka ding matututunan.

Kaya kung ngayo’y ikaw ay nasasaktan, hayaan mo lang lilipas din yan!