Gaya sa Ulan

Agent Gerero
1 min readJun 25, 2024

--

Oktubre na. Panahon na naman ng tag-ulan. Maputik na naman sa kalsada. Muli na namang mapupuno ng payong ang bawat umpukan. At magugulat sa mga minsang pagkulog at pagkidlat.

Karamihan ay magtatakbuhan kapag umaambon na. Makikipag-unahan na makasakay ng biyahe pauwi. Magsisiksikan sa bawat gilid ng daan upang makisilong. Nababahala na masira ang kung anumang mga bagaheng dala.

Ngunit sa gitna ng basang daan, may ilan na naglalakad nang walang dalang payong. Sinusuong ang mahinang pag-ambon. Hinahayaang pumatak ang tubig-ulan sa kanilang damit. Hindi nag-aalalang maputikan ang bagong-labang sapatos. O kung magka-lagnat man kinabukasan.

Walang alintana sa paglalakbay.
Dinadama ang buhos ng langit.
Alam ang kahulugan sa likod ng bawat pagkulog at pagkidlat.
Nauunawaan ang bigat ng panahon.

Ganoon talaga kapag tag-ulan. Kaya dapat ay masanay ka na.

Gaya sa ulan, masanay kang mabasa.
Masanay ka nang maputikan.
Masanay ka nang maambunan.
Masanay kang makaramdam ng lagnat.

At gaya sa ulan, kapag mabigat na, masanay kang ibuhos ang lahat.

Originally published on: https://agentgssecretdiary.wordpress.com/2023/10/18/gaya-sa-ulan/

--

--