Ang Pisay student activism sa pagtahak ng panahon

Ang Lagablab
5 min readOct 18, 2022

--

ni Alnilam*

Pinili ng mga manunulat na gumamit ng pseudonym at hindi ipaalam ang kanilang tunay na pangalan.

If we stop student activism altogether, how else can we progress as an institution, much less a nation?
(Kung tuluyang ihihinto ang aktibismo sa hanay ng kabataan, paano pa tayo uunlad bilang isang institusyon, lalo na bilang isang nasyon?)

Ang student activism ay isa sa mga pinakamahalagang bahagi ng lipunan; ito ang nagtataguyod sa paniniwala ng kabataan na hinggil sa mga isyung kinakaharap ng isang lipunan.

At noong nagsisimula pa lamang ang Pisay bilang isang hayskul, agad na nakatulong ito sa paglinang ng diwa ng student activism sa bansa.

Pisay student activism noon

Kitang-kita ang diwa ng Pisay student activism noong Panahon ng Batas Militar, kung saan ang mga Pisay Martyr ng paaralan ay lumaban at isinakripisyo ang kanilang mga buhay para sa kapakanan ng mga Pilipino.

Kabilang sa mga tinaguriang Pisay Martyr si Mariano “Rak” Lopez ng PSHS Batch 1969. Dahil sa kanyang pagmamahal sa Pilipinas at sa mga mamamayan nito, kanyang sinalihan ang iba’t ibang unyon at organisasyon tulad ng Gintong Salahis at Samahang Demokratiko ng Kabataan — Kabanata upang ipaglaban ang kabataan at demokrasya ng nasyon. Sumali rin siya sa resistance group sa Isabela, kung saan siya’y pinaslang ng mga sundalo sa kasamaang palad.

Malaki ang naiwang legasiya ni Rak sa mga kabataan at sa lipunan sapagkat marami siyang natulungan sa mga nasa laylayan ng Maynila at naturuan tungkol sa kalagayan ng pulitika ng bansa noon.

Kabilang din si Nimfa “Nona” del Rosario ng PSHS Batch 1971-B sa mga tinaguriang Pisay Martyr. Siya’y nakilahok sa Serve the People Brigade (SPB), Samahang Demokratiko ng Kabataan — Kabanata sa PSHS, Kabataang Makabayan (KM). Noong 1976, siya’y pinaslang ng mga sundalo sa Banaue, Ifugao habang ginagawa ang kanyang tungkulin para sa isang propaganda unit.

Isa sa mga iniwang tanda ni Nona sa student activism ay ang kanyang pagiging isang simbolo ng feminismo — sa isang yunit na pinamumunuan ng mga kalalakihan, lubos na ipinakita ni Nona ang mga kakayahan ng mga kababaihan.

Hindi lamang sina Rak Lopez, at Nona del Rosario ang kabilang sa mga Pisay Martyr sapagkat marami pang iba, tulad na lamang ng mga sumusunod: Alexander Belone II (PSHS Batch ‘70), Francis Sontillano (PSHS Batch ‘72), Marcelino Villanueva (PSHS Batch ‘73), at iba pa.

Ang Pisay Martyrs ay tanda na ang student activism ay nakatanim sa kultura ng paaralan at patuloy na nalilinang ang diwa nito sa mga mag-aaral ng Pisay. Sa pagdaan ng panahon, ang kulturang ito’y lumago at nagbunga sa kung anumang mayroon ang Pisay at ang kasaysayan ng student activism ng Pilipinas ngayon.

Pisay student activism ngayon

Ngayon, makikita ang diwa ng student activism sa Pisay sa mga publikasyong The Science Scholar at Ang Lagablab, kapisanang Aksyon Iskolar o AKSIS , at mga konseho ng mga mag-aaral na ang Student Council at mga Batch Council.

Tulad noon, layunin ng mga nabanggit na mamulat ang komunidad sa mga isyung panlipunan ng ating bansa at mahikayat silang makilahok sa pag-aksyon tungo sa ikabubuti ng mundong ginagalawan.

Maraming nagawa ang mga miyembro ng mga nabanggit na publikasyon, kapisanan at konseho upang ipagpatuloy ang diwa ng student activism sa Pisay. Kabilang na rito ang pag-oorganisa ng mga programa sa paaralan tulad ng Komemorasyon ng Batas Militar, paglalabas ng mga pahayag tungkol sa mga isyu ng bansa at ng paaralan, at pagsasaliksik tungkol sa lipunan.

Ngunit ayon sa isang miyembro ng isang kapisanan sa Pisay, hindi kinakailangang maging miyembro ng mga publikasyon, kapisanan, o konseho upang makilahok sa student activism. Kahit ang mga simpleng mag-aaral ng Pisay ay nakikilahok sa paghingi ng pagbabago at pagpapahayag ng kanilang mga opinyon at sentimiento ukol sa isang isyung panlipunan.

Gaano man kaliit ang plataporma ng isang mag-aaral, magagamit pa rin iyon upang aksyunan ang isang isyu. Gaano man kalayo o kalapit ang maaabot ng impluwensya ng isang tao, makapagbibigay pa rin ito ng halaga.

Ngayon, makikita raw ang student activism ng mga mag-aaral sa Pisay sa simpleng pagpo-post sa social media tungkol sa mga isyu ng bansa, o kahit isyu ng Pisay tulad na lamang ng mga post sa #GeorgeInJailParty, tungkol sa kaso ng seksuwal na panliligalig ng isang guro sa PSHS-IRC, at #BOTtledUp Movement, isang onlayn na petisyon laban sa desisyon ng Board of Trustees (BOT) sa isang malaking kaso ng seksuwal na panliligalig sa PSHS-MC noong 2019.

Ang mga nabanggit na post ay nakapagbigay-impormasyon sa ibang mga tao sa lipunan at nagdala ng mas matinding atensyon sa mga isyu — isa sa mga dahilan kung bakit naaksyunan ang mga ito nang mas mabilis ng mga opisyal ng Pisay.

Gayunpaman, ayon sa isang miyembro ng isang publikasyon ng Pisay, mayroon pa ring mas naaayong paraan ng pagpapahayag ng mga opinyon at damdamin ng mga mag-aaral. Hindi naman masama ang pagpo-post ng mga mungkahi at alalahanin sa social media, ngunit hindi maipagkakaila na kailangang magkaroon ng pormal na diskurso sa kinauukulan sa tamang proseso at lugar. Dapat ding may kaalaman tungkol sa katapat ng obligasyon ng mga post sa social media.

Dagdag pa rito, ang tunay na diwa ng student activism ay hindi lamang tungkol sa simpleng pagsasalita; kasama rito ang pag-aaral at pagsusuri ng lipunang ginagalawan at ang mga isyung nakapalibot dito.

Ayon naman sa isa pang miyembro ng isang publikasyon, hindi maipagkakaila na kumukupas na ang diwa ng student activism sa Pisay. Nagbago ang mga istandard sa student activism sa paaralan, at hindi na ito kasintindi ng student activism noong panahon ng mga Pisay martyrs.

Nakampante ang mga mag-aaral at nakalimutan na ng iba na may paraan pa upang lumaban at magsalita. Sa kabila nito, sinisikap ng mga student activists na mapukaw ang kamalayan ng iba pang mga mag-aaral hindi lamang sa mga isyung panlipunan kundi pati na rin sa kahalagahan ng aktibismo.

Sila ang nangunguna sa daan patungo sa mas aktibong pakikilahok sa lipunan at pag-aksyon sa mga isyung kinahaharap nito, kahit na hindi nawawala ang mga panganib na maaari nilang kaharapin.

Panganib, nakapalibot

Unang pumapasok sa isip ng student activists ang salitang red-tagging, sapagkat napakaraming student activists na ang naging biktima nito mula sa pamahalaan.

Maraming tao ang nakaturo agad sa iyo sa sandaling ibuka mo ang iyong bibig. Ang ilang mga student activist ay kinukulong kahit nagpapahayag lang sila ng opinyon at pagsusuri tungkol sa kasalukuyang lipunan. Ang iba’y pinapatay dahil lamang sa kanilang mga prinsipyo. Pinatatahimik sila kahit na ayon sa ating konstitusyon, malaya ang ating ekspresyon.

Inhustisya ang nararating ng mga taong minamahal ang ating bayan at inaaral ang lipunan upang makamit ang ating kalayaan. Sa sandaling pumasok ka sa student activism, hindi mo na masisigurado ang iyong kaligtasan at kapakanan. Maraming mga panganib sa gawaing ito — mga panganib na hindi dapat naroroon sa simula pa lamang. Sa mundong punong-puno ng hindi kasiguraduhan, lagi’t laging may magpapatahimik sa sumisigaw na mga boses.

Para sa kinabukasan, mga kabataan

Sa kabila ng mga panganib na maaaring kaharapin, hindi natigil ang pagsuri sa lipunan, pag-aksyon, pag-organisa, at pamamahayag para sa mga adbokasiya — tanda na hindi kailanman naapula ang apoy ng aktibismo sa kabataan.

Walang kasiguraduhan sa student activism. Ngunit sa pagkakaisa ng boses ng kabataan ay mas nagkakaroon ng pag-asang maririnig ng bayan ang kanilang sigaw.

Noo’y tumindig, ngayo’y patuloy na lumalaban.

Sa pagsulong ng kabataan, tinatahak ang daan tungo sa asam-asam na kinabukasan.

--

--

Ang Lagablab

Ang Opisyal na Pahayagan sa Filipino ng Mataas na Paaralan ng Pilipinas sa Agham — Pangunahing Kampus