Answering THE Question (Part Two)

“What is the most significant change you’ve seen (in the Philippine cosplay community) in the last 10 years?”

Actually, sampung taon na ang nakalipas mula nang kami ay makapunta sa aming unang anime/cosplay event sa Metro Manila — ang Hataw! Hanep! Hero! 2007. Nangyari ito sa katatayo pa lang noon na SMX Convention Center.

Bago pa man ito, sinasabi ko na sa mga kaibigan namin sa ZEN Otaku Honbu noon na gusto naming makapunta at maka-experience ng isang anime/cosplay event sa Metro Manila. Partikular na sa event na ginagawa ng Hero TV noon, bilang pasasalamat at pagtanaw ng pagkilala namin sa kanila dahil sa paggawa ng anime channel na Filipino-dubbed. Nakatatanggap na kami ng mga gift items mula sa kanila mula nang i-launch nila ang channel noong August 2005. Noong panahong iyon, naging limitado na naman ang anime line-up sa mga free TV channels.

Laking tuwa at saya namin na sa unang pagkakataon, nakabiyahe na kami (nang kaming dalawa lang ng kapatid ko) at nakatunton ng Metro Manila, partikular sa MRT Ayala, kung saan kami ibinaba ng sinakyan naming bus. At sa kagandahang-loob ng mga kaibigan namin sa ZEN, sila na ang sumagot ng aming mga ticket, pagkain at pamasahe papuntang SMX, pabalik sa tinuluyan naming bahay sa UP Diliman at pauwi ng San Pablo City.

Sa kabila ng lawak ng venue at dami ng mga dumalo sa event na iyon, naroon pa rin ang kasimplehan ng mga tao sa panahong iyon. Aaminin ko na bilang isang probinsyano (hindi yung teleserye), manghang-mangha ako sa mga nakita ko. Isa ring pasasalamat para sa amin dahil “friendships are renewed” dahil nakita rin namin ang mga kaibigan naming sa internet lang namin nakakasalamuha.

Isa pa, masasabi kong sulit ang kagandahang-loob ng mga kaibigan namin sa amin. Dahil bukod pa sa abot-kaya ang presyo ng ticket noon, nakapag-uwi pa kami ng mga free items mula sa event at kanilang mga sponsors. Masasabi ko talagang ang unang anime/cosplay event na una naming napuntahan noon ay magkahalo ang nakita naming tuwa at saya pero bakas pa rin ang kasimplehan nito.

Sasang-ayon lahat kayo sa sasabihin ko na ang mga event sa Metro Manila sa mga nakalipas na taon ay malaking, malaking, malaki ang ipinagbago kumpara noon.

Ang unang mapupuna sa mga ito ngayon ay ang… presyo ng ticket. Sa mga malalaki at major anime cosplay event sa Metro Manila ay kapansin-pansin ang biglang pagtalon ng presyo ng mga ticket pataas. Minsan, nahahati ang mga presyo ng mga ito depende sa mga perks o benepisyo na maaaring makuha ng ticket holder. May mga event na noon na ang ticket ay kayang bilhin ng sinumang gustong makapunta pero ngayon ay nagdoble na ang presyo.

Malamang ay itatanong ninyo, bakit nangyayari ito? Aaminin kong hindi ko mababasa ang nasa isip ng mga event organizer at iba pang nasa likod ng mga pagtitipong ito. Maaaring tumaas na ang upa ng venue ng mga pinagdadausan ng mga event. Kadalasan ang mga ito ay ginaganap sa SM Megamall, SMX Convention Center, at World Trade Center. Masasabing isang pag-unlad sa isang event ang pag-imbita ng mga celebrity, partikular na sa mga cosplayers mula sa karatig-bansa sa Asya. Aminin man natin o hindi, naningil ang karamihan sa kanila ng “talent fee”. Kaya ang dalawa sa mga pangunahing dahilan ito ang sanhi ng pagtaas ng presyo ng mga ticket ng mga event sa nakalipas na mga taon.

Ang nakapagtataka lang, bakit ang ibang event na ginaganap sa mga pangunahing venue na kahit wala namang imbitadong celebrity o international cosplayer ay lumalampas sa PhP 150 pa rin ang presyo ng mga ticket? Kung ang unang dahilang nabanggit ko, maaaring ganun. Pero hindi ba dapat mas naibaba pa?

Dito pumapasok ang mga alternatibong anime/cosplay event sa loob pa rin ng Metro Manila. Makikita ang mga ito sa Alabang area, partikular sa Starmall, Festival Supermall, Alabang Town Center at iba pang mga mall o indoor/outdoor area na may sapat na lawak para pagdausan ng mga event na ito. Maaaring hindi kasing lawak ng mga pangunahing venue, pero base sa mga karanasan namin sa ilang beses na pagpunta namin sa mga ito, makikita pa rin ang kasiyahan at kasimplehan dito… sa mas murang presyo ng ticket.

Kung tutuusin, ang malaking karagdagan sa presyo ng mga ticket sa mga malalaking event sa Metro Manila ay siya sanang pambili ng mga items na maaaring makapukaw ng interes sa mga pumupunta. Maaaring ibinili na lang sana ito ng mga button pins, t-shirts, toys, at iba pang mga anime merchandise. Kung ako ang tatanungin, dapat sana may katapat na free items ang bawat mataas na presyo ng ticket. Noon kasi, kahit PhP 100 lang ang ticket sa mga event, pero ang gift bag at isang free item na laman ay hindi naman kahiya-hiya.

Dahil nga sa kamahalan ng mga ticket sa mga events ngayon, dito pumapasok ang mga tinatawag natin ngayong #TeamLabas. Hindi naman natin sila nilalahat. May mga kilala ako na bihasa sa pagiging #TeamLabas, pero nagpupunta naman siya dahil may “business” matters siya sa mga ka-transaction niya na siyang papasok sa venue. Then after ng palitan ng kalakal, alis na agad sa venue. Pero may mga mangilan-ilan din akong nakikita na target makuha ang atensyon ng mga photographers na naroon din sa venue. At ilan sa kanila, din naman nabigo.

Isa pang alternatibong mga lugar para sa mga anime cosplay/events ay ang mga ginaganap sa mga karatig-lalawigan sa Metro Manila, patikular na sa mga colleges at universities na sanctioned o pinahihintulutan ng mga pamunuan ng mga paaralan. Dito, kung hindi man exclusive sa mga estudyante ang mga naturang event, ginagawa din namang “open” o para sa lahat ng gustong makapunta. On our experience, nakapunta na kami sa mga events ng PUP Sto. Tomas, Batangas at sa LPU Calamba, Laguna. Nakapunta na rin kami sa Anakalang Festival sa Nagcarlan, Laguna kung saan nagtampok sila ng isang cosplay contest sa unang pagkakataon. Again, mababakas pa rin ang kasimplehan ng mga event doon.

Ako naman, dito sa San Pablo City, sa tulong ng mga kaibigan kong mga anime fans at cosplayers, at sa awa at gabay ng Panginooong Diyos, nakapagsagawa na kami ng apat na local anime/cosplay event. Kahit mahirap maghanap ng sponsor, lalo na sa monetary sponsorship, kung para sa mga anime fans at cosplayers na walang kakayahang makapunta sa Metro Manila events nang madalas, sisikapin naming makagawa pa.

Kaya para sa mga tulad ko na hindi madalas nakakapunta ng mga Metro Manila events, don’t fret. Dahil maraming ngang events doon, marami pa namang pagkakataon. Kailangan lang talaga na pag-ipunang ang pagkamahal-mahal na mga ticket doon. Ayaw mo ng mahal? Doon ka sa mga alternative events within pa rin sa Metro Manila. Ayaw mong lumayo? Doon ka sa mga events sa probinsya mo o sa mga events sa school nyo. Marami pa ring pagpipilian.

Feeling ko, hindi ko pa tapos sagutin ang tanong na ito…

One clap, two clap, three clap, forty?

By clapping more or less, you can signal to us which stories really stand out.