Balut ng Takot

Amiel Antonio
Mar 6, 2021

--

hindi itik ang laman ng balut.

may kung anong nagtatago mula sa matigas nitong sisidlan. takot lumabas ilang beses mang pagbigyan.

duwag sa labas.
takot tumaya.
duwag sa pumiglas.
takot lumaya.

pilit itinatago ang sarili.
saloobin ay ikinukubli.
takot magalusan ng realidad.
takot na takot pumusag.

takot.
takot.
takot.

balot na balot ng pangamba — na baka sa paglabas niya, masaktan lang siya; na baka sa pagsilip niya, wasakin lang siya; na baka sa pagpapahayag niya, umasa lang siya sa wala. kaya mas minaiging magkubli. pinakapal ang sisidlan sa kasinungalingang, "mawawala rin naman ito".

paulit-ulit.
walang sawa.
iisang senaryo.
sa iisang tao.

may kung anong nagtatago mula sa matigas nitong sisidlan. takot lumabas ilang beses mang tambayan ng pagkakataon sa harapan.

hindi itik ang laman ng balut —

kundi puso at ang tunay nitong nararamdaman.

2•14•20

Dibuho ni Christian Tuazon

--

--