Art Fair PH 2017

Nagutom ako sa layo ng biyahe, sa haba ng pila papasok ng event, at sa tagal ng aming paglilibot doon, pero ‘di bale ng gutom ang tiyan, busog naman ang mga mata.
Bukod sa ticket, bumili na rin ako ng catalogue at mapa ng event.

ARTINFORMAL

Sa Artinformal lang ako nakakuha ng listahan ng mga artist na pini-feature nila. Dahil na rin ito sa isang artwork na pinamagatang “Worth” na kung saan ay nilista ang mga pangalang nakapirma sa ginutay-gutay na tiyeke. Maya-maya lang ay ipapaliwanag ko kung ano ang sa tingin ko ang kahulugan ng nabanggit na likhang-sining.

Iba’t ibang likha mula sa Artinformal

Hindi ko matukoy kung ano ang eksaktong tema ng Artinformal. Ang napansin ko lang ay madidilim ang mga likhang-sining sa loob nito, kaya siguro nakaramdam ako ng kawalan o emptiness habang naglilibot.

Worth by Christina Quisumbing Ramilo. 50.5 x 38.5 inches / 128 x 98 cm (framed). 40 handmade checks made from shredded Artinformal checks issued to artists, signed by artists 40 and up. Raw heavy duty canvas, wood, glass, frame. 2017.

Sa malayuan ay tila bloke ng semento ito at mukhang mga papel lang na inilagay sa frame, ngunit kung lalapitan ay makikita ang mga pirma sa ibabang kanang bahagi ng bawat bloke. Nang mabasa ako ng title nito ay naintindihan ko agad ang nais nitong sabihin.

Kapag may pangalan ka na sa industriya — mapa-sports man o sining — ay nagkakaroon ng intrinsik na halaga ang iyong pangalan, lalong-lalo na ang iyong lagda. Kung tama ang pagkakaalala ko sa diskusyon ng aming guro sa klase, isa si Michaelangelo sa mga artists na pinipirmahan nalang ang gawa ng iba at pagkatapos ay binebena dahil hindi niya na kayang gumawa nang marami. Dahil dito ay tumataas ang value ng mga likhang may pirma niya buhat ng kilala siya sa larangan ng sining. Ito rin ang konsepto ng Worth. Bagaman lagda lang kung tutuusin ang bumubuo sa art na ito ay may intrinsic na halaga ang bawat pangalang sukbit-sukbit nito. Ang Worth na tinutukoy ay ang halaga ng mga artists sa kabuuan dahil sinadya silang pagsamahin sa isang frame.

Habang sinusulat ko ito ay napaisip ako kung paano pinagsunod-sunod ni Ramillo ang mga pirma. May kahulugan ba ang hirarkiya? Bakit iisa lang ang nasa itaas at nasa ibaba naman ang iba na tila ay may kapantay na pirma? Pinagsunod-sunod ba ito base sa ambag nila sa art scene? Kaya ba ito hugis bloke ng semento dahil sila ang haligi ng Artinformal? Na sila ang pundasyon ng art scene na informal?

Underneath the Surface by Raena Abella. 43.25 x 63.25 inches / 110 x 160.5 cm. Gelatin silver print on fiber based paper. 2017.

Nung kinuhaan ko ito ay wala akong maisip kung ano ang maaaring kahulugan nito. Ngayon ko lang napagtanto na maaaring ang face sa “surface” ay literal na tumutukoy sa ating mukha. Maaaring ang surface ay tumutukoy sa literal na pinakaibabaw na bahagi ng isang bagay. Kung pagsasamahin ay ang tinutukoy na surface ay mukha na matatagpuan sa pinakaibabaw na bahagi ng ating katawan. Balat kasi ang bumabalot sa ating mga buto. Ibig sabihin ay mayroong nakatago sa kung anong nakikita sa ating panlabas na hitsura, na sa likod ng maamong mukha ay maaaring matigas na damdamin o na sa likod ng malaswang panlabas ay maaaring mabuting kalooban. Na hindi tayo pwedeng husgahan base sa panlabas na pangangatawan. Tayo ay higit pa sa kung anong nakikita ng ating mga mata. Na kung lubos lang nating makikilala ang isang tao ay maiintindihan natin kung bakit ganon ang kanyang asal o kilos o kung bakit ganon na lamang siya mag-isip at magsalita. Na lahat tayo ay tila isang galaxy na naghihintay madiskubre ng ibang tao.

Self-effacing mirrors by Juan Alcazaren. 12.75 x 12.75 inches / 32.5 x 32.5 cm. Etched mirror, steel, LED lights. 2017.

Patok ang art na ito sa mga bisita. Natutuwa sila sa ideya na bahagi sila ng likhang-sining sa tuwing titingin sila sa salamin nito. Sa tingin ko ay sinadya ito ng artist upang magkaroon ng interaksyon sa pagitan ng tumitingin at ng likhang-sining. Maaaring kabahagi kasi ng mensahe ang mga tumitingin. Marahil ay nais nitong iparating na kahit sinong tumitingin ay pwede maging maid, yaya, driver, o cook, maging anoman ang hitsura nila, at kahit pa gaano sila kayaman. Na kahit sino, maaaring tumawa o mag-sorry dahil parte ito ng ating buhay.

Kapansin-pansin na binaliktad ang pagkakasunod ng maid, yaya, driver cook. Sa ibaba kasi ay naging cook, driver, yaya, maid. Hindi man tahasan ang pagkakabaliktad ng hahaha at sorry, ay maaari pa rin itong ituring na kabaligtaran. Palaisipan sa akin hanggang ngayon kung bakit ganun.

Talaga bang sarili natin ang ating nakikita sa salamin? Tayo ba ang label na nasa salamin?

Maaaring oo, maaaring hindi. Maski ako ay hindi nakasisigurado.

Libangan Ang Mga Bayani: Mac/Bob/Ed/Johnny/Noy by Jose Tence Ruiz. 4.5 x 11 ft. / 137 x 335 cm (diptych). Mixed media on canvas: oil, acrylic, bitumen, enamel, red oxide. 2017

Malabo pa rin sa akin hanggang ngayon kung ano ang ibig sabihin nito. Isa sa dahilan kung bakit hindi malinaw ang mensahe sa akin ay dahil hindi ko kilalang lahat sina Mac, Bob, Ed, Johnny, at Noy. Kung mayron man ay si Noy lang dahil nakakalumbaba siya at malaki ang posibilidad na siya si Benigno Aquino, Sr. Gustuhin ko man ituring na ang Ed ay si Ferdinand Emmanuel Edralin Marcos Sr., ay hindi ko magawa dahil hindi ko makita si Marcos sa mukha ng lalakeng nasa gitna.

Nais sigurong ipahayag ni Ruiz na hindi tunay na bayani ang nasa painting. Kabilang siguro siya sa mga naniniwala na hindi bayani si Ninoy dahil ang ginawa lamang nito ay tumalak nang tumalak sa social media at magpabaril sa NAIA. Ang laki kasi ng ekis sa painting, dagdagan pa ng pagbabago sa pangalan ng libingan, na mula sa Libingan ng mga Bayani ay naging Libangan ng mga Bayani (LNMB) at napapanahon kasi ito dahil sa kontrobersyal na paglilibing kay Marcos sa LNMB. Ak0 rin man ay naniniwala na hindi bayani si Marcos at Ninoy.

Altro Monde Arté Contemporanea

Time to Shine by Joe Datuin. Mixed media. 48 x 48 x 18 inches / 1219 x 1219 x 45.7 cm. 2012.

Kapag ang isang tao, gustong sumikat, lahat ng paraan susubukan. Walang hindi gagawin at susuungin, makamtan lang ang nais abutin. Ito na marahil ang dahilan kung bakit hugis tao ito na binuo sa pamamagitan ng iba’t ibang kagamitan na pampalakasan: basketball, goggles, bike, fencing sword, baseball, hockey, tennis, boxing gloves, dragon boat paddle, bowling ball, atbp. Naisip siguro ng lumikha nito na marami ang taong nakikipagsapalaran sa sports, para lang sumikat at sa huli ay guminhawa ang buhay. Isang magandang halimbawa si Manny Pacquiao na sikat sa larangan ng boksing. Bukod don ay senador at basketball player/coach pa siya. Ito siguro ang nakita niyang paraan para maging tanyag: ang subukin ang iba’t ibang larangan. Time to shine na nga ba ni Manny Pacquiao?

Solace in the Sea of Clouds by Riel Hilario. Carved wood, polychrome and Mactan Coralstone. 40 inches total height / 101.6 cm total height. 2017.

Sa mundong pundo ng problema, marami ang naghahanap ng madaliang solusyon, “easy way out” ika nga nila. Sino ba naman kasi ang gustong mabaliw kaiiisip? Karamihan ay naglalasing ngunit ang iba ay pinipiling manigarilyo — basta kahit anong bisyo. Iba kasi sa feeling kapag humihithit ng sigarilyo. Nakakapanatag. Hindi ka mababaliw ‘pagkat kalmado ka. Nakalilimutan nang panandali ang problema. Nakakatakas ka sa ingay ng mundo. Ito na siguro ang dahilan kung bakit ito pinamagatang “Solace in the Sea of Clouds.”

Half Rest by Jerome Choco. Oin on canvas. 48 inches diameter / 121.9 cm diameter. 2017.

Hindi ko alam ang tawag sa ginagawa niya. Kung siya ba ay sundalo, guwardiya, o ROTC student ay hindi ko alam. Ngunit isa lamang ang aking nasisigurado: pagod na pagod siya. Tila kanina pa siya nakatayo at nakababad sa araw na tirik na tirik. Ang ice tubig na hawag niya ay parang ginto kung kanyang ituring dahil sa ginhawang naramdaman niya nang ibuhos ito sa kanyang mukha. Tunay ngang “Half Rest” o kalahati lang ang kanyang pahinga dahil tanging pagbuhos lang ng tubig sa mukha ang pupwede niyang gawin pagkatapos ng matagal na pagkakatayo.

Secret Fresh

Reborn as a Fighter by Yeo Kaa. 72 x 60 inches. Acrylic on canvas. 2017.

Ito ang isa sa mga paborito ko. Gusto ko kasi ‘yung ideya na pwede nating iluwal ang ating sarili, na pwede tayong maging magulang ng ating sarili. Ramdam ko kung pano tinalikuran ng bagong panganak ang kanyang dating sarili na mahina, talunan, at kaawa-awa. Alam niya na simula ngayon ay magbabago na ang lahat. Hindi na siya katulad ng dati. Matapang at palaban na siya ngayon. Mas handa na siyang harapin ang mga hamon ng buhay.

Akoako by Lynyrd Paras & Yeo Kaa.

Magulo ang painting pero malinaw sa akin ang nais nitong iparating: na hindi natin kailangan ipaliwanag o patunayan ang ating sarili. Ibig sabihin, kahit magbago tayo ng porma o emosyon, parte lamang iyon ng ating pagkatao. Hindi natin kailangan ipaliwanag sa iba kung bakit ganun ang ayos ng ating damit o kung bakit ganun tayo mag-isip o kung bakit ganun ang ating nararamdaman. Niyayakap ng likhang ito ang katotohanang tayo ay tayo. Walang ibang pwedeng kumestiyon kung bakit ganito tayo.

Self b Lynyrd Paras. Mixed media on canvas. 69.7 x 82.7. 2017.

Dinidikta ng ating reproductive organ kung ano ang ating sex. Dinidikta naman ng kung ano ang ating nakikita sa salamin kung ano ang ating gender. Kadalasan, kapag ang ating sex at gender ay hindi magkatugma (hal. isang lalake na babae kung kumilos), ayaw ng lipunan sa atin. Hangga’t maaari, gusto ng lipunan na magkatugma ang dalawa. Kaya kadalasan, ang iba ay napipilitan magsuot ng damit at buhok na hindi nila gusto o kumilos nang hindi nila gusto.

Sinadya kong kunan — kahit ‘di ko sinasadya na mapansin — ang maliliit na salitang nakasulat sa balat ng babaeng may hawak ng salamin. “Ekis” ang nakalagay sa kamay na ginamit panghawak sa salamin dahil ang nakikita niya sa salamin ay hindi talaga siya. Ang “apoy sa ilalalim ng mata” at “sugat kamay” ay kapwa sumusuporta na hindi niya gusto ang maging babae dahil siya ang lalakeng nasa likod niya.

Laman sa loob by Lynyrd Paras. Mixed media on canvas. 64 x 84. 2017.

Kaya siguro binalatan ang bibig ng tao sa painting para ipahayag na maraming “layer” o patong ang ating sarili depende sa ating mga karanasan at mga bagay sa nakaraan. Ito na marahil ang dahilan kung bakit komplikado ang makilala ang isang tao. Na hindi natin pwede sabihin agad na mabait ang isang tao dahil lang sa isang pangyayari o isang araw na pagkakakilala. Malalim ang pagkakabalat dahil malalim din ang sisisirin ng taong gustong kumilala sa atin, maging ang ating sarili.

Kilala mo ba kung sino ka?

CANVAS

Ang Patuloy na Pag-usad ng Lipunang May Sayad by SANGVIAJE. 7 x 12 ft. Acrylic on canvas. 2017.

Masyadong marami ang laman nitong painting (sa sobrang dami nga ay parang sobrang gulo kung titingnan nang mabilisan) ngunit isa lang ang nais nitong iparating: na hindi tayo uunlad kung ipagpapatuloy ang mga ganitong gawain. Ang ilan sa mga gawaing hindi dapat itigil para umusad ay ang pakikipagtsismisan at pagbabantay sa buhay ng ibang tao. Kung hindi tayo magbabago, usad pagong talaga tayo tulad ng nasa painting kung saan ipinatong o isinakay ang ating lipunan.

JOSE TENCE RUIZ

Langue Lounge by Jose Tence Ruiz. Mixed media. 2016–2017.

Ito ang pinakamatagal kong tinitigan at inobserbahan. Aaminin ko na nung una, akala ko, tungkol sa rape ang likhang-sining na ito. Tila kasi ari ng babae na pinasukan ng popsicle stick, idagdag pa ang ‘di ko pagkapamilyar sa hitsura ng silya elektrika. Sa mismong event, ‘di ko maaninag kung ano ba talaga ang higanteng tsokolate na ito (mas nakatulong siguro kung maliit ito para makita ko ang kabuuan). Hanggang sa nalaman ko na ang langue pala ay salitang French na galing sa salitang lingua na nangangahulugang wika o dila. Nang malaman ko ito, ‘dun ko naintindihan na dila na kumakain ng pinipig (?) ang higanteng tsokolate na may nakatapal na mukha sa ibabaw. Dila siguro ito ng taong nasa itaas na hindi ko naman matukoy kung sino. Kumakatawan siguro ito sa ating mga Pilipino sa kabuuan.

Kaya pala pamilyar ang red velvet na nakabalot sa upuan sa akin ay dahil nakita ko na ito sa klase. Ito rin pala ang parehong materyal na ginamit sa “Shoal” na nanalo sa 2015 Venice Biennale. May halintulad kasi ang pagkakabalot ng red velvet na ito sa bangka ng nanalong piyesa.

http://lifestyle.inquirer.net/files/2015/05/t0504cathy-loren_feat1_3.jpg

Halos parehas kasi ang paraan ng pagkakabuhol at pagkakatali.

Kahit ngayong alam ko na ang mga ito, palaisipan pa rin sa akin ang ibig sabihin nito. Ano kaya ang koneksyon ng silya elektrika sa dila? Ang dila ba ay ginamitan lamang ng tayutay na pagpapalit-saklaw at kumakatawan ito sa mga tao na dapat parusahan kung sakaling mali ang paggamit ng dila? Anong koneksyon ng pinipig ice cream sa dila? Ibig sabihin ba nito ay madali tayong dumila o “kumagat” sa kung ano ang ating naririnig nang hindi inaalam kung ito ang tama? Ibig sabihin ba nito ay tayo ay tanggap lang nang tanggap ng impormasyon nang walang pagsasalang nagaganap? Hanggang ngayon ay uhaw pa rin sa kasagutan ang aking mga katanungan.

Karen H. Montinola Selection: Mark Valenzuela

New Folk Heroes. Ceramic, concrete, timber, found objects. 2016–2017.

Nakauwi na ako sa bahay at lahat, ‘di ko pa rin magkasundo ang kaliwa at kanang bahagi ng utak ko sa kung ano ang ibig sabihin nito. Ang isang bahagi ay gustong sabihin na tungkol ito sa rape culture sa bansa (dahil sa tila hugis bayag at hugis dibdib na mga figure) ngunit ang isang bahagi naman ay sumisigaw na tungkol ito sa pagiging sunod-sunuran, na tila bagang kailangang pumasok ang daliri ‘roon sa butas dahil dun lang iyon magiging “fit in.” May mga nakaguhit na imahe sa bawat pigura pero hindi sapat iyon para maintindihan ko ito nang lubusan.

WSK

by WSK

Nakapasok ako sa exhibit ng WSK ngunit wala akong masabing kahit ano sa ginawa nila bukod sa “cool” ang mga ito dahil sa mga nalilikhang tunog. Ignorante ako pagdating sa ganitong uri ng art form.

Elmer Borlongan, Emmanuel Garibay, and Mark Justiniani

Tagadagat by Elmer Borlongan, Emmanuel Garibay, and Mark Justiniani. Oil on canvas. 2017.

Ang mga tao sa bangka ay kumakatawan sa ating mga Pilipino dahil tayo ay naninirahan sa pulo-pulong bansa na napaliligiran ng mga anyong tubig. Bagaman marami ang naninirahan sa siyudad, maituturing pa rin tayong “tagadagat” sa kabuuan dahil noong una ay pagsasaka at pangigisda ang mga pangunahing hanapbuhay.

Ang mga nakasakay ay iba’t ibang mukha na kumakatawan sa iba’t ibang uri ng tao at estado sa buhay. Ngunit kahit na magkakaiba, may isa silang pagkakapareho: lahat sila ay nag-iisip kung saan tutungo. May mga tanong sa isip ng ibang nakasakay: ako ba ay naliligaw? Saan ako pupunta? May pupuntahan ba ako? Paano pumunta roon?

Hanggang ngayon ay wala pa ring sagot.

Forced Farts, Cartoon Pain and Daddy Issue Or Accident by Voodoo while I Masturbate in the Ghetto Underwater with My Adult Baby Diaper Rash until Hell Freezes Over is a Freak Show by Maria Jeona Zoleta. Mixed media installation. 2017.

“Magulong maayos” ang masasabi ko sa likhang-sining ni Maria Jeona Zoleta. Kung ano ang mensahe ng bawat bagay sa kanyang ginawa ay hindi ko alam ngunit ang mensahe sa kabuuan ay maaring kalayaan at pagiging tapat sa sarili ng mga babae. Pagiging malaya mula sa expectation ng lipunan at pagiging tapat sa sariling damdamin.

Sa kabuuan, ang mga likha ng 11 napiling contemporary Filipino artists ay tumalatakay sa mga usaping panlipunan na kung hindi natin haharapin sa ngayon, kailan?

Art Fair vs. Pambansang Museo

Maganda ang karasanan ko — bagaman sandali lamang — sa Pambansang Museo ngunit mas maganda sa Art Fair (AF) hindi lang dahil sa mas matagal ang pamamalagi ko roon kundi dahil sa lawak at dami ng art form na aking nakita. Mas busog ang mata ko sa AF kaysa Pambansang Museo (PM), una dahil iba’t iba ang uri ng taong nandoon at mas magarbo ang kanilang kasuotan at mas mataas ang katayuan sa buhay (sa kabuuan) kaysa mga taong bumibisita sa PM at pangalawa dahil puros traditional art lang ang nakita ko sa PM kumpara sa AF. Lahat ng art sa PM ay talagang art kung iisipin kumpara sa AF na kung minsan ay hindi ka kumbinsido kung art ba talaga o hindi. Nag-e-evolve na rin — bukod sa dumadami — ang mga audience kasabay ng pag-evolve ng art scene. Nararamdaman ko ang pagyakap at pagtanggap ng karamihan sa art sa AF. Hindi maiiwasan ang mga taong selfie lang nang selfie nang hindi tinitignang mabuti ang art (picture lang ng picture for the sake of the background, pang-dp sa FB) ngunit sa tingin ko ay ayos pa rin ito dahil kahit papano ay nalalapit tayo sa art. Nagkakaroon ng tulay sa pagitan ng art at ng mga tao. Dahil dito, hindi na ganun kahirap magpaabot ng mensahe sa pamamagitan ng art dahil sa dami ng mga tumatangkilik nito. Buti nalang at hindi kasing-istrikto ng mga guwardiya sa PM ang mga bantay sa AF. Ganun ba talaga kapag walang entrance fee?