IA#4 Museum Visit 1

Ito ang unang punta ko sa Pambansang Museo. Ilang minuto rin kami naghintay bago tuluyang makapasok dahil sa dami ng tao sa baggage counter (kailangan kasing iwanan ang mga gamit tapos mabagal pa kumilos ang mga staff o talagang kulang lang talaga sila sa tao at pasilidad?). Nang makapasok ay sumalubong ang masusungit na guwardiya (hindi naman lahat, halos lahat lang!). Naglista ang kasama ko sa logbook at ako naman ang naka-toka sa mga bagahe. Habang inaabot ni kuyang staff ang baggage number ay mabilis (kahit may kahabaan) niyang sinabi ang mga patakaran ng museo (bawal daw kasi ang flash photography at kung ano-ano pa). Kabisado ni kuya — na parang robot — ang mga sasabihin (ikaw ba naman kasi ang maglagay ng mga gamit sa mga kahong lalagyan at magbigay ng numerong pang-claim nito habang binibigkas ang rules and guidelines nang paulit-ulit kada may taong darating, ewan ko nalang kung hindi mo pa makabisado ‘yun).

El Asesinato del Gobernador Bustamante (The Assasination of Governor Bustamante) also known as La Iglesia contra el Estado (The Church Against the State) by Felix Resurreccion Hidalgo. Oil on canvas.

Gustuhin ko man na Spoliarium ang una kong ilagay rito ay hindi ko ginawa dahil masyadong palasak ang ideya. Itong katapat nalang ang kinuha ko (‘di bale, halos magkasing-taas naman kasi ang dalawa, bagaman mas malapad ang gawa ni Juan Luna). Bago ko pa man makita ang title nitong likhang-sining ay naunawaan ko na ang nais nitong sabihin — kung gaano lumaban ang simbahan sa pamahalaan (dito siguro nauso ang separation of Church and State). Hindi ko masabi, base sa pinta, kung may ginamit bang sandata or armas ang simbahan o kung ginamit nilang panlaban ay mga kasangkapan o kagamitan ng simbahan o kung sinisimbolo lang ng mga hawak ng pari ang kanilang mga paniniwala at dasal. Maaaring konotatibong kahulugan (na sumisimbolo ang mga hawak nila sa kanilang pananalig at pananampalayata) ang nais nitong ipahayag dahil kung iisipin ay wala silang kalaban-laban sa mga armas ng mga kawal ng gobyerno. Kung totoo itong pangyayari ay dapat patay na ang mga pari. Ngunit, hindi iyon ang nais ipakita. Marahil ay gustong ipahayag ng may-akda na kahit hindi nakikita (tulad ng pananampalataya) ang sandata mo laban sa baril at kung ano pa man ay may laban ka pa rin, na halos magkasing-lakas lang ang mga ito o dili kaya’y mas higit pa ang lakas ng dasal at rosaryo kaysa bala.

Death March by Dominador Castañeda. Oil on canvas.

Hindi pa ako buhay nung naganap ang Death March. Hindi ko alam kung gaano naghirap ang ating mga kababayan nung mga panahong iyon, kaya ganon na lamang napukaw ang aking damdamin nang makita ko ito. May kirot sa aking puso habang pinagmamasdan ito. Mas masahol pa sa hayop kung tratuhin ng mga Hapon. Bakas na bakas ang pagkahapo ng kanilang katawan na tila bagang gutom na gutom, pagod na pagod, at higit sa lahat, uhaw na uhaw. Na sa sobrang hirap ng ginawa nilang paglalakad ay namatay sa proseso ang karamihan. Na tila bang mga nalaglag lang na dahon. Walang gustong pumulot. Walang gustong tumulong. Walang gustong mag-asikaso. Kapit-balikat ang mga tao, na kapwa kumukuha ng lakas sa isa’t isa. Halata na rin ang kanilang nalalapit na pagsuko ngunit sinusubukan pa rin nilang lumaban sa kamatayan.

A Tragic Lesson (The Fall of Bataan) by Gene Cabrera. Oil on canvas.

Nabaling ang atensyon ko rito dahil sa dami ng mga kaluluwa. Nang makita ko ang pamagat ay hindi na ako nagtaka. Ito ang mga namatay nung Death March — mga kaluluwang hindi matahimik, humihingi ng hustisya. Sila ang nagpapaalala ng pagkakamaling nagawa noong panahong iyon (kung ano man ang pagkakamaling iyon ay hindi ko alam ngunit sigurado akong malaking pagkakamali iyon na dapat lamang kapulutan ng aral dahil sa dami ng namatay).

Fugitives from the Japanese by Dominador Castañeda. Oil on board.

Naganap ito nung panahon ng pananakop ng Hapones sa ating bansa. Maaaring kasabay nito ng Death March. Maaari. Maaring hindi. Ngunit isa lang ang aking nasisigurado: hindi biro ang takot ng mga tao noon sa mga Hapon kaya ang iba ay piniling magtago sa pag-asang mabuhay nang mas matagal. Bakas ang takot ng babae sa pinta na parang nasa kalagitnaan ng buhay-kamatayan na sitwasyon. Alam niya na sa isang maling hakbang ay maaari siyang mamatay.

Japanese Atrocities by Manuel Antonio Rodriguez, Sr. Oil on board.

Ganon na lamang kalupit ang mga Hapon kaya kaya nilang pumaslang sa harap ng pamilya ng papatayin sa pugot-ulo na pamamaraan sabay libing ng ulo sa maliit na hukay habang tinatapak-tapakan na parang basura. Walang awa. Walang konsensya. Halang ang bituka. Walang pakialam kahit luhod na ang pagmamakaawa ng asawa at anak.

Rape and Massacre in Ermita by Diosdado M. Lorenzo. Oil on canvas.

Hindi lang pala mamamatay tao ang mga Hapon, rapist pa. Asal-hayop. Walang konsensya. Karumal-dumal ang ginawa sa ating mga kababayan. Papatayin ang pamilya bago gahasain ang mga babae at papatayin din lahat pagkatapos (o pagkaraos?). Hinahangaan ko ang katapangan ng babae sa pintang ito dahil handa siyang lumaban kahit alam niyang wala siyang kalaban-laban. Nakakalungkot, nakakaiyak, at ang sarap murahin ng mga Hapon! Na walang kinikilalang Diyos! Na handang pumatay kahit anong oras sa harap ng kahit sino!

Doomed Family by Dominador Castañeda. Oil on canvas.

Dahil walang magawa ang haligi ng tahanan sa ginagahasa o ginahasa at pinatay niyang asawa at anak ay pipiliin niya na lamang na magpakamatay. Hindi kaya ng kanyang konsensya ang kawalang-kakayahan niya laban sa mga Hapon. ‘Di bale nang mamatay sa sarili niyang kamay kaysa sa kanila. Nakakaawa na nanakainis na nakakalungkot at nakakaiyak!

Portrait of a Lady (Unfinished) by Fernando Amorsolo. Oil on canvas.

Sa totoo lang ay wala akong masyadong pakialam kung sino ang pininta ni Amorsolo. Hindi mahalaga sa akin ang detalyeng iyon at hindi ang babaeng ‘yan ang dahilan kung bakit ko ito pinili. Hindi naging espesyal ang likhang ito dahil sa pininta bagkus ay naging kakaiba ito dahil sa nangyari habang pinipinta niya ito. Inatake sa puso (ayon sa internet) si Amorsolo habang ginagawa niya ito. At kung tama ang kutob ko na alam ni Amorsolo na malapit na siyang mamatay habang ginagawa niya ito, ay tunay ngang dakila ang pagnanais niyang lumikha nang lumikha. Alam marahil niya na hindi siya basta pwedeng huminto dahil may tungkulin siya — bilang isang artist — na lumikha.

Model for the Commonwealth Triumphal Arch by Guillermo E. Tolentino. Polychrome metal, wood, and plaster of Paris.

Ang kamangha-mangha sa iskultura na ito ay ang ideya na ang taumbayan ang naghuhubat sa bayan, na hindi mabubuo ang haligi kung wala ang tao. Walang matibay na pundasyon ang arko kung wala ang tao. Ang tagumpay na nakamit kaya nilikha ito ay iniaalay sa mga tao sa kabuuan. Nang makita ko ito, bigla kong gustong magpasalamat sa lahat ng mga nagbuhat sa akin, sa bayan, sa Pilipinas, hindi lamang sa Commonwealth.

Piping Tagulaylay by Antipas Delovato. Oil on canvas.

Hanggang ngayon ay palaisipan pa rin sa akin kung ano ang nais sabihin nito. Kung bakit may umuuhi sa pader at kung bakit may nakalingon sa gawing kanan. Siguro kaya ‘Piping Tagulaylay’ dahil tila ‘pipi’ ang mahihirap o tila walang boses sa lipunan, na marami silang hinaing na hindi napakikinggan at napagtutuunan ng pansin.