Pag-ibig ang Liwanag sa Mundo

ve
2 min readApr 2, 2024

--

(isinulat ko ito habang nakaupo sa gate 3 bench. kung mabasa mo man ay subukan mo rin na tanawin ang paligid paminsan. pangakong matutuwa ka.)

Ang saya mapag-isa. Napapansin ko ang paligid. Ang nakasisilaw na langit dahil sa maliwanag na sinag ng araw na umaabot maging sa lupa, ang init nito ay sumisingaw pataas subalit nariyan ang ang banayad na pagdaan ng simoy ng hangin upang maging pananggala dito. Ngayon ko lang napansin kung gaano katingkad ang kulay kalimbahin na gumamela’t malapit nang maging pula ito. Ang luntian nitong dahon ay bukas sa liwanag ng daigdig habang may kumpol-kumpol na mga langgam na naglalakbay sa tangkay nito. Masaya ang mapag-isa. May katahimikan ng isip na sa umaga ko lang nakakamit, gantimpala sa tagumpay mula sa gabi-gabing digmaan. Maaliwalas sa pakiramdam ang bawat pagkalap at pagbitiw ko sa hininga na para bang kaya ko nang mabuhay muli. May tatlong insekto (wari ko sila ay mga bubuyog) sa ‘di kalayuan na lumilipad at nagsasayaw sabaw sa galaw ng hangin. Naalala ko naman ang mga kaibigan ko. Kumusta kaya sila? Hiling ko’y nakikita rin nila ang natatanaw kong ganda ng paligid sa mga oras na ito. Sana ay nakakain na sila ng tanghalian at tulad ko’y nagpapahinga mula sa mahabang araw ng pagtatrabaho. Matamis ang lasa ng tubig, sapat para punan ang aking pagkauhaw at mabasa ang natutuyo ko ng labi. Wala ang lasa ng dugo mula kagabi subalit nariyan naman ang konting kirot. Buhay at mapagpalaya ang mga salitang umiikot sa isip ko. Masaya ang mapag-isa at tama nga sila, maganda pa ang daigdig.

Kung minsan ay nagiging malakas ang daloy ng hangin, oh, kay ginhawa sa pakiramdam. Ang mga puno’y sabik na gumagalaw na animo’y umiindak sa nabubuong ritmiko sa pagkuskos ng kanilang mga dahon sa isa’t isa. Anong ganda sa pandinig ang mga ingay na nililikha nila! Dako roon ay may pulang mumunting bulaklak na bunga ang isang puno. Pula, ang paborito kong kulay. Siyang rikit at tibay ng mga halamang ito! Buhay sila at napapaligiran ako. Pakiramdam ko’y nahahawa ako sa husay na taglay nila. Sumobra sa haba ang isang talutot ng halaman at ngayon ay lumagpas na sa bakod niya patungo rito sa kinauupuan ko. Mabango at malambot ang cardigan na dala ko ngayon. Nais ko tuloy matulog at gawin itong unan. Naalala ko ang sinisinta ko. Kumain na kaya siya? Sana naman ay hindi siya nalipasan ng gutom. Pagkauwi’y siguradong tulog iyon, parehas kami, dahil nakakapagod ang magtrabaho buong araw. Nasasabik na akong mayakap siya’t matulog sa dibdib niya. Anong hiwaga ang mayroon ang mundo! Kahit mag-isa ako’y hindi ako nalulungkot dahil hindi nila nababakante ang puso ko. Kahit sa pagpikit ko ng mga mata ay puno pa rin ng liwanag. Dahil narito sila, ang mga puno’t halaman, mga ibon, bubuyog, at paru-paru, ang araw at hangin, at ang mga taong minamahal ko, nakagagalak isiping nabuhay ako sa panahon at mundo kung nasaan din sila.

--

--

ve

i feel intensely and then create art—or chaos. after all, my hand burns and my heart mends.