EDITORIAL: Ang Bulag, Ang Duling, at ang Bingi
Ika-24 ng Hulyo taong 2017 naganap ang isang pangyayaring maisusulat sa talaan ng kaganapan para sa taong ito. Maraming mga kolehiyo at mga paaralan ang naalintala ang pasok dahil sa naranasang trapiko sa mga karatig na kalsada at mga highway. Hindi kagaya noong mga nakaraang taon na tumitigil ang buong bansa at naghihintay sa bawat mabibigat na salitang lalabas sa himpapawid at mananatiling umuugong mula sa Batanes hanggang sa Jolo, Sulu. Hindi kagaya dati na kung saan si Juan Dela Cruz ay matatahimik at makakatulog, dahil sa loob ng mahigit 365 na mga araw, eh isa lamang ito sa iilang araw na may panahon siyang magpahinga. Hindi ito kagaya ng mga nakaraang State of the Nation Address.
Para kay Juan Dela Cruz, pangkaraniwan lang ang araw na ito. Ang siglo ng kanyang pang araw-araw na buhay ay patuloy parin sa pag-ikot. Pag- gising sa umaga ay ihahanda lahat ng kakailanganin sa trabaho at saka papasok, pagtapos ng walong oras ay kaagad siyang uuwi, kakain at saka matutulog. Kinabukasan ay pareho parin ang mga pangyayari. Kung kaya’t walang pinagkaiba itong araw na ito para sa kanya.
Sa bawa’t tindahan, bawat terminal ng tricycle mapapanuod at maririnig ang estado ng Perlas ng Silanganan na mas kilala ng mga tao bilang Pilipinas. Bago pumasok sa trabaho si Juan Dela Cruz, hindi niya napigilang makinig sa ang mga salitang lumalabas sa radyo ng lumang jeep na parang isang ubo nalang kakalas na. Noong mga oras na yoon ay kakapasok palang ng pangulo sa Kapulungan ng mga Kinatawan ng Pilipinas sa Quezon City. Nawalan ng atensyon si Juan ng oras na iyon dahil nakita niya ang malimit na nag eehersisyong si Mang Juan na laging nagbibisikleta papunta sa construction site na kanyang pinagtratrabauhan. Sabay napaisip lang si Juan kung bakit naunahan pa ng nagbibisikletang si Mang Juan at isang grupo ng mga matatandang tumatakbo ang kanyang sinasakyang jeep. Napailang nalang siya at hindi nalamang ito pinansin.
Sa kahabaan ng biyahe ni Juan papunta sa kanyang pinagtratrabauhan ay nakatulog ito dahil sa pagpupuyat noong nakaraang gabi para lang matapos ang mga kailangan sa kanyang trabaho. Nabulahaw ito ng marinig ang malakas na sigaw na “Nasaan ang pagbabago? Mga pangakong napako” ng grupo ng mga kalalakihan at kababaihan na may mga dalang mga karatula kung saan isa sa kanyang mga nabasa ang nakalagay na “Cubao ibabaw”. Sa antok ni Juan, hindi niya na ito pinansin at kaagad nanumbalik sa kanyang pagtulog. Makalipas ang isang oras ay nagising itong muli, tumambad sa kanya ang napakaraming sasakyan. Hindi umuusad ang mga ito dahil sa grupong nakita niya kanina na humarang na sa gitna ng kalsada. Pinilit nalang lakarin ni Juan papunta sa trabaho sapagkat hindi naman gaanong kalayuan ang kanyang pinagtratrabauhan mula roon.
Maraming kapansin pansin sa mga dinaanan ni Juan, kabilang rito ang pagkarami-raming sapin sa paa na nakahambalang sa gitna ng daan na kung saan ang ilan ay may bahid pa ng pula. Ipinapakita daw nito ang di umano’y extrajudicial killings sa bansa. Makalipas ang ilang minuto ay nakarating na siya sa kanyang trabaho at laking gulat nito ng makitang sarado ang opisina at tanging ang gwardya lamang na napasarap ng tulog ang naroroon. Sinilip niya ang kanyang cellphone at nakitang meron palang pinadalang text message ang nakakataas sa kanya sa trabaho na walang pasok dahil sa sona ng pangulo na pinadala kaninang umaga ngunit dahil wala sa sarili si Juan dahil sa sobrang pagod at kaliwa’t kanang mga kaganapan papunta sa trabaho ay nalimutan niyang silipin muna ito noong narinig niya itong mag ring. Pagkahalong pagod, asar at kahit papaanong gaan dahil wala siyang trabaho ang naramdaman ni Juan. Wala na itong magawa kundi umuwi nalamang at magpahinga sa bahay.
Papauwi na si Juan ng matigilan na naman dahil sa dami ng taong nakahambalang. Naasar na rin si Juan sa mga pangyayari ngunit wala na itong magawa dahil sa dami ng tao. “Kung sabagay ganito naman talaga pag sona ng pangulo” ika ni Juan sa sarili. Samu’t saring mga protesta ang kanyang narinig. Tungkol sa kontraktualisasyon, sa pagtangal ng mga kakaragkarag na jeep, at maging ang marshal law na ipinatupad sa Mindanao. Nabigla si Juan sa mga pangyayari dahil biglang lumabas si Pangulong Duterte mula sa kung saan siya nag sona. Hindi naman mahilig makialam si Juan sa mga bagay na may kinalaman sa politika. Kadalasang kung sino lang makita niyang hindi mukang sinungaling ay doon na siya boboto. Pero napahanga siya sa mga kaganapan dahil ito ang kaauna-unahang beses na ginawa ito ng isang pangulo, ang lumabas at itaya ang buhay upang makipagusap sa grupo ng mga taong laban sa kanya.
Matapos ang lahat ay kaagad nang umuwi si Juan. Habang nakahiga ay napaisip ito. Paano ng aba maayos ang kalagayan ng Pilipinas. Ilang presidente na ba ang namuno sa bansa? Ilang rally na ba ang naganap? Isip ng isip si Juan tungkol dito pero sa huli ang naintindihan lamang niya na sa Pilipinas may tatlong uri lamang ng tao. Ang bulag, ang duling, at ang bingi.
