POLITICS: Nasyonalismo: Isang Mahalagáng Katangian para sa Bawat Bansáng ASEAN

TL;DR
TL;DR
Jul 30, 2017 · 18 min read

Maraming balitang babasahin sa diaryo at sa internet ang makikita nating bumabatikos sa nasyonalismong lumalaganap sa organisasyong ASEAN. Matatandaan natin na ang ASEAN (Asosasyon ng mga Bansang taga Timog-Silangang Asya, o Association of Southeast Asian Nations) ay isang organisasyong may layuning maitatag ang kooperasyon mula sa bawat bansang galing sa Timog-Silangang Asya sa aspetong politikal, panlipunan at pang-ekonomiya. Kahit totoo mang mayroon tayong problema patungkol sa kakulangan sa kooperasyon at pagsasama-sama ng bawat bansang taga-ASEAN, hindi natin dapat isisi ito sa ideolohiyang nasyonalismo. Ang nasyonalismo ay isang makabayang ideolohiya na naglalayong maipagtanggol ang kapangyarihan ng sariling bayan at ang kultura nito laban sa pagsakop ng mga dayuhan. Nais rin nitong ideolohiyang ito na maprotektahan ang sariling interes ng mga bansa sa paraang dapat unahin ng mga gobyerno ng bawat bansa ang interes at pangangailangan ng sarili nilang mga tao at ng kanilang bansa bago nila gawing responsibilidad ang mga dayuhan at ang kapakanan ng ibang bansa. Kahit marami mang tagapagbatikos ang ideolohiyang nasyonalismo lalo na galing sa mga na taga-kanlurang manunulat at sa mga taong mga globalista at mga liberal na maka-kaliwang manunulat, hindi natin maitatanggi na ang nasyonalismo ay isang magandang kaisipan. Ito ang ideyang nakapagbigay ng pagkakaisa sa mga taong galing sa isang bansa dahil sa kulturang nagbigay rin ng pagkakaisa sa mga taong nasa bansang iyon.

Ang kulturang naitatag sa ating bansa ang nagbigay sa atin ng pagkakaisa bilang isang bansa.

Isang dahilan kung bakit ang nasyonalismo ay isang katangiang dapat nating maipanatili sa mga bansang ASEAN ay dahil sa pagkakaiba ng kultura ng iba’t ibang bansa. Ang ibig nitong sabihin ay ang bawat bansa sa loob ng Timog-Silangang Asya, mapa-Pilipinas, Malaysia, Thailand, Indonesia o anumang naging malayang bansa ay naging malaya mula sa mga dayuhang bansang nanakop sa kanila na dahil sa kultura at tradisyon ng bawat bansang ito na nagbigay sa kanila ng pagkakaisa.

Ang bawat bansa ay naituturing dahil sa kanilang sariling kulturang naiiba sa ibang mga bansa, at nagagawa ng mga mamamayan ng bansang iyon na maipanatiling buo any bansa dahil nagkakasundo sila sa kanilang mga tradisyon at may pinagkapareho ang bawat tao sa pananaw sa buhay o sa mga sarili nilang katangian. Mas madali para sa isang bansa na mabuhay pag malaki ang pinagkapareho ng bawat tao pagdating sa pangkalahatang prinsipyo dahil pareho ang ninanais ng mga tao doon para sa kanilang bansa at mas madali para sa kanila na magkaisa at makipagtulungan para magawa ang kanilang ninanais para sa kanilang bansa.

Halimbawa, mas madaling manatiling isang bansa ang Pilipinas kapag maraming pinagkapareho ang mga Pilipino pagdating sa kultura, pananaw sa buhay, prinsipyo at ninanais para sa bansa at sa katangiang pantao kaysa kapag napakalaki ang pinagkaiba ng kultura ng bawat tao sa bawat rehiyon na nasa bansang Pilipinas. Kapag napakarami ng pinagkaiba ng mga tao sa isang bansa lalo na pagdating sa kultura at prinsipyo patungkol sa bansa, mas mahihirapan ang bansa na makamit ang pagkakaisa, lalo na kapag hindi talaga magkakasundo ang dalawang magkaibang kultura na nasa isang bansa.

Maipapakita ito sa nangyari sa Austria-Hungary noong 1914 hanggang 1918. Ang Austria-Hungary ay isang malaking bansa noon sa Europa na mayroong maraming taong may malaking pinagkaiba sa kultura. Mayroong mga Czech, Hungarian, Austrian, Serbian, Romanian, Croatian, Slovenian at iba pang mga etnikong may iba-ibang kultura. Hindi naging matagumpay ang bansang ito dahil sa pagkatalo sa digmaan at nahati ito sa iba’t ibang mas maliit na bansa pagkatapos ng Unang Digmaang Pandaigdig dahil sa mga etnikong grupong nagsimula ng kilusang pangkalayaan para sa kanilang mga tao. Hindi nagkasundo ang mga tao sa loob ng Austria-Hungary dahil magkakaiba ang kanilang pananaw tungkol sa bansa nila, magkaiba ang kultura nila at hindi sila masyadong nagkaroon ng pagkakapareho sa katangian at kultura. Hindi rin sila nagkaisa bilang isang bansa kaya nahati ito at ang mga maliliit na bansang bagong-laya ang nagkaroon ng sariling grupo ng mga taong magkakapareho ang kultura at nagkakasundo sa mga pananaw nila sa mga sarili nilang bansa.

Kahit ang nasyonalismo ay konektado sa pagsunod ng mga tao sa kultura ng bansa at ang mga tradisyon nito, hindi nito ibig sabihin na kailangan ng bansa na maging mahigpit pagdating sa pagsunod sa kultura. Ang pagiging mahigpit sa pagsunod sa tradisyon at kultura ng bansa ay kasapi sa ideoloihiyang tradisyonalismo, at ito ay naiiba sa konsepto ng nasyonalismo. Ang ideolohiyang nasyonalismo ay ang pagiging makabayan sa pamamagitan ng pagtanggol ng sariling bansa, kultura at pamumuhay mula sa pagsakop at pakikialam ng dayuhan, at hindi ang pagpilit sa bawat tao na mahigpit na sumunod sa sinaunang kultura ng sariling bansa.

Mas malaki ang responsibilidad ng gobyerno ng isang bansa sa sarili nitong mga kababayan kaysa sa responsibilidad nito sa mga dayuhan

Isa sa mga batikos ng mga liberal o globalistang manunulat galing sa Kanluran tungkol sa ASEAN ay ang pagiging rasista o “racist” ng nasyonalismo lalo na pagdating sa pagtrato sa mga dayuhan. Akala kasi nila na ang nasyonalismo ay isang napakasamang ideolohiyang naglalayong ang isang bansa makipagdigmaan laban sa ibang bansa para lamang maipakitang malakas at makapangyarihan ang bansang ipinaglalaban nila. Ang ideolohiyang nasyonalismo ay ang pagiging makabayan at ibig rin nitong sabihin na kinakailangan nating unahin ang pagtulong sa ating sariling bansa at sarili nating mga kababayan bago natin tulungan ang mga mga dayuhan at ibang taong nanggaling sa ibang bansa. Hindi ito dapat masamain ng mga dayuhan at ng mga ibang kritiko dahil dapat nilang maintindihan na tungkulin na talaga ng pamahalaan ng isang bansa na unahin muna nilang ayusin ang kapakanan ng tao nila bago nila ayusin ang kapakanan ng mga dayuhan.

Hindi porke’t mayroon kang karapatan sa isang bagay ay dapat ikaw ang unahin sa mga welfare benefits at sa mga oportunidad na ibinibigay ng pamahalaan para makakuha ka ng trabaho. Pagdating sa mga benepisyong makukuha mo sa pamahalaan, kapag ikaw ay dayuhan, kailangan mong tandaan na dapat kang magsipag at huwag umasa sa pamahalaan na magsilbi para sayo. Alam mong hindi ka dapat maging pabigat sa isang bansang pinuntahan mo para makapag-trabaho dahil biyaya na nga para sa iyo na makapagkaroon ng pagkakataong tumira at magtrabaho sa bansang iyon dahil hindi naman talaga obligasyon ng bansang iyon na bigyan ang dayuhan ng pagkakataong iyon. Mas kailangan mo dapat magsipag dahil alam mong ikaw ay dayuhan at wala ka sa sarili mong bansa at alam mo na ikaw ang mayroong utang na loob sa bansang iyon dahil tinanggap ka nila sa bansa nila.

Mayroong paraan para mapalawak ang pakikipagtulungan ng bawat bansang ASEAN habang nasusunod ang ideolohiyang nasyonalismo at napoprotektahan ang sariling interes ng bawat bansa

Itong patakaran na dapat unahin muna ang sariling bayan at mga kababayan ay natural na patakaran sa bawat bansa at hindi itong patakarang ito ang dapat baguhin para maipakitang nagtutulungan ang mga bansa taga-ASEAN. Maari namang magtulungan ang bawat bansa sa loob ng ASEAN habang inuuna ang sariling interes ng bawat bansa sa pamamagitan ng pagpapalawak ng mga paraan sa economic integration ng mga bansa sa Timog-Silangang Asya.

Kailangan lamang magawan ng paraan na mapalakas ang pagkakalakal sa mga bansang ASEAN sa pagtatag ng free trade policy sa mga bansang ito at mas bigyan muna ng prayoridad ang pagbili ng produktong gawa sa ASEAN bago isiping bumili ng produktong galling sa labas ng ASEAN. Hindi na natin kailangang gumawa ng polisiya sa ASEAN na pupwede nang magtrabaho ang mga tao sa ibang bansang ASEAN kapag sila ay mamamayan ng isang bansang kasapi ng nasabing asosasyon. May mga polisiya kasing nais na ipatupad ang mga ibang pinuno ng mga bansa sa loob ng asosasyon na hindi na nakakatulong sa mga indibidwal na bansa dahil ang iniisip lamang ng mga pinuno ay ang pagpapalawak ng integrasyon sa loob ng ASEAN at hindi na ang kapakanan ng sarili nilang mga bansa. Bakit tayo dapat sumunod sa mga polisiya katulad ng malayang pagpasok at paglabas ng mga manggagawang propesyonal mula sa mga iba’t ibang bansang ASEAN kung ito ay magbibigay ng problema sa ating bansa lalo na sa issue ng brain drain?

Hindi natin kailangan ng isang malaking pamahalaan ng ASEAN na parang supranational state na magdidikta sa isang bansa kung ano ang kailangan nitong gawin. Ito ang klase ng pamumuno na makakasira sa interes ng iba’t ibang bansa sa loob ng ASEAN. Ang dapat kasing mangyari ay magamit ng bawat bansa ng ASEAN ang asosasyon upang makipagtulungan at matulungan ang sariling bansa upang umunlad. Kinakailangan lamang nating magamit ang ASEAN upang magamit ng bawat bansa ang kapwa nilang bansa upang makamit nila ang ninanais ng kanilang mga sariling bansa, at hindi gumawa ng mga resolusyong makakasira sa interes ng kahit isang bansa sa loob ng asosasyon. Sa ganitong paraan, posible pa ring mapairal ang makabayang nasyonalismo habang nakikipagtulungan ang bawat bansang ASEAN.

Maraming naging implikasyon ang mga inulat na salita ni Presidente Vladimir Putin patungkol sa pagtanggol sa sariling bansa at kultura

Isa nga sa mga prinsipyong dapat nating tandaan ay ang mga salitang sinabi ni Presidente Vladimir Putin ng Russia na dapat respetuhin ng mga minorya at mga imigrante ng isang bansa ang kultura ng bansang tinitirahan nila. Kailangan din nilang masanay sa paraan ng pamumuhay ng mga tao doon. Matatandaan natin na sinabi ng presidente na sa kanyang bansang Russia, dapat matutunan ng mga dayuhan na magsalita ng salitang Russian, kumilos sa paraang angkop sa kultura ng Russia, respetuhin ang kultura ng mga local at huwag humingi ng mga karapatang pang-minorya.

Gustong ipalabas ng Presidente ng Russia na sa bansa nila, mga Russian ang nakatira. Katulad ng sinabi ko sa mga naunang talata, kapag mayroong dayuhang gustong tumira doon, dapat silang matutong rumespeto sa kultura ng Russia at sa mga batas ng Russia. Hindi sila dapat na humingi pa ng mga karapatang pangminorya dahil dapat nilang tandaan na hindi kinakailangan ng Russia ang mga minorya. Ang mga minorya ang nangangailangan sa Russia kaya hindi sila dapat kumilos na parang sila ang mga hari ng bansang tinuluyan nila na dapat silang bigyan ng espesyal na pagtrato mula sa mga lokal na taga doon. Kapag gusto nilang kilalanin ng mga tao doon ang kultura nila at bigyan sila ng mga espesyal na pribelehiyong pangminorya, hindi sila dapat tumira doon sa bansang iyon. Halimbawa, mayroong mga muslim na taga-Libya or Syriang nanirahan sa Russia.

Hindi sila dapat humiling ng legalisasyon ng batas Sharia doon sa Russia para lamang mabuhay at manirahan sa bansang iyon. Kung gusto nilang magkaroon ng batas Sharia sa lugar na paninirahan nila, dapat pinili nilang manirahan sa isang bansang ganoon ang batas. Sa halimbawang ito, dapat unahin ng pamahalaan ng Russia ang interes ng mga taga-Russia at ang interes ng bansang Russia sa paggawa ng batas habang alam nilang hindi kasama sa interes nila ang pagbigay ng dagdag a karapatan patungkol sa kultura ng mga dayuhan. Ganito ang dapat na kaisipang umiiral sa mga pamahalaan ng bawat bansa ng ASEAN pagdating sa pagpoprotekta ng sariling kultura.

Hindi dapat gayahin ng ASEAN ang mga palya at pagkukulang ng EU (Unyon ng Europa)

Mahalaga ang nasabi ni Presidente Vladimir Putin tungkol sa pagbigay ng prayoridad sa sariling bansa dahil ito ang malaking pagkukulang ng mga bansa sa EU (Union ng Europa o European Union). Alam natin ngayon na ang EU ay tumanggap ng milyun-milyong mga refugee galing sa Hilagang Africa at Gitnang Silangan (Middle East) at hindi na sila binigyan ng akmang security check sa pagpasok nila sa mga bansa sa loob ng EU, lalo na sa bansang Alemanya (Germany). Dahil walang mga security border ang pagitan ng bawat bansa sa loob ng EU, madaling umikot ang mga refugee sa kahit anong bansa sa union. Ito ay isang naging mapanganib na desisyon dahil maraming mga terroristang nagpanggap bilang mga refugee ang kumalat ngayon sa Europa upang naghahasik ng gulo.

Ngayon, alam na rin natin na madaling lumipat sa iba’t ibang bansa sa EU ang mga kriminal upang matakasan ang pag-aresto sa kanila. Inuna kasi ni Chancellor Angela Merkel ng Alemanya at ng gobyerno ng mga bansa sa EU ang kapakanan ng mga dayuhang galing sa labas ng bansa nila bago ang kapakanan ng sarili nilang mga tao kaya namomroblema ang mga tao sa loob ng mga bansa sa EU pagdating sa personal na seguridad.

Mayroon ring mga ibang problema ang EU na maaari pang iwasan ng ASEAN sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga magandang desisyon na magtatanggol sa interes ng bawat bansa sa loob ng asosasyon. Isa pa sa mga kahinaan ng EU ay ang pagsakripisyo ng interes ng mga kasaping bansa nito upang mapaboran ang interes ng EU kahit kumokontra na ito sa kagustuhan ng kahit isa sa mga kasapi nitong bansa. Isang magandang halimbawa para dito ay ang mga bansang Hungary at Poland. Ito ang dalawang bansang talagang kumontra sa gusto ng EU na sapilitang pagpapapasok ng mga refugee sa bansa nila, at malalaman ito sa referendum ng Hungary na 98% ng mga taong bumoto ay laban sa pagsunod sa refugee quota ng EU.

Isa ring problema ng mga bansa sa loob ng EU ay ang paglalaganap ng cultural jihad sa loob ng mga bansa nila. Tanggap kasi ng tanggap ng mga dayuhan ang EU ngunit marami sa mga dayuhang naninirahan doon ay hindi nagbibigay ng respeto sa kultura ng mga lokal na nakatira doon. Hindi lang iyon ang problema pagdating sa pagrespeto ng kultura, pero ang isa pang problema ay ang walang tigil na pagdemanda ng mga minorya at dayuhan na bigyan sila ng kadagdagang karapatan bilang minorya. Minsan nga ay may galit pa sila sa kultura ng mga lokal dahil kumokontra ito sa kanilang kultura at paniniwala.

Malaki ang ating problema kapag ganito ang nangyari sa mga bansang kasapi ng ASEAN na tinatapakan na lamang ng mga dayuhan ang kultura ng ating bansa sa ating sariling lupa. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit dapat nating ipagtanggol ang sarili nating kultura at pamumuhay. Kung hindi natin ito gagawin, tatapakan lamang tayo at ang ating kultura ng mga dayuhang pupunta sa ating mga bansa at maninirahan doon. Ang ideolohiyang nasyonalismo at ang katangian ng pagiging makabayan ay dapat mapairal sa mga tao sa loob ng ating bansa upang maiwasan nating ang mga pagkakamali ng EU.

Hindi magkapareho ang ideolohiyang makabayang nasyonalismo sa Sobinismo (Chauvinism) kahit ito ang inaakala ng marami

Akala kasi ng maraming taga-kanluran, lalo na ang mga taga-EU na ang makabayang nasyonalismo ay maitutugma o kapareho lamang ng ideolohiyang Sobinismo (Chauvinism). Ang Sobinismo ay isang paniniwala na nagsasabing ang sariling bansa at ang mga taong nakatira sa bansang iyon ay higit pa sa ibang bansa. Akala rin nila na ang nasyonalismo ay isang paniniwalang nagtatanim ng galit sa mga dayuhan at may katuruang dapat gawing pare-pareho ang lahi ng mga taong nakatira sa bansang iyon. Hindi sinusuportahan ng nasyonalismo ang pagpatay at pagpapakulong ng mga taong hindi kalahi ng karamihan.

Ang pagbigay ng prayoridad sa mga tao sa sariling bayan bago tulungan ang mga dayuhan ay hindi isang simbolo ng sobinismo; ginagawa lamang ng pamahalaan ang kanilang pangunahing tungkulin na ang tulungan ang sarili nitong mga tao. Hindi naman nito ibig sabihin na hindi tutulungan ng pamahalaan ang mga dayuhan kapag sila ay nangangailangan. Maaari ring sabihin ng isang makabayan na ang pagtanggol sa sariling kultura at gawi sa loob ng sariling bansa ay hindi simbolo ng sobinismo dahil hindi naman kinakailangang tapakan ng isang makabayan ang kultura ng mga dayuhan upang maipagtanggol ang sariling kultura sa loob ng sariling bansa.

Habang umiiral ang pagiging makabayan at ang ideolohiyang nasyonalismo sa loob ng isang bansa, nabibigyan ng mga dayuhan ang respeto para sa kultura at interes ng bansang iyon. Kapag ang mga tao sa iba’t ibang bansa sa loob ng ASEAN ay makabayan at nasyonalista, matututunan nilang respetuhin ang kultura at ang pankalahatang interes ng iba’t ibang bansa habang nasa territoryo nila at matututunan rin nilang unahin ang kultura interes ng sarili nilang bayan habang nirerespeto rin ito ng mga dayuhan. Malalaman rin nilang ang pakikipagtulungan ng bawat bansa ay dapat magkaroon ng magandang epekto sa pangkalahatang interes ng bawat bansang nakipagtutulungan.

Hindi naman kinakailangang maging aggresibo ang isang isang bansa pagdating sa militar nito upang maipakita ang pagiging makabayan ng mga taong nakatira sa bansang iyon. Hindi rin kinakailangang magalit ka sa mga taong hindi mo kalahi upang masabing makabayan ka. Sobinismo lamang ang nagtuturo na maipapakita lamang ang pagmamahal sa bayan sa pamamagitan ng paggamit ng puwersang military para manglusob at mang-ubos ng taong hindi kalahi; hindi ito ang itinuturo ng nasyonalismo.

Hindi sobinismo ang paggawa ng mga patakarang pumoprotekta sa ekonomiya ng sariling bansa

Ang ginawang protectionist trade policy ni Presidente Donald Trump ng Estados Unidos ay hindi isang uri ng sobinismo. Ito ay ang pagiging makabayan sa aspetong pang-ekonomiya. Ginawa niya ito hindi dahil kinailangan niyang maibalik ang mga trabaho sa mga Amerikanong nawalan ng trabaho dahil sa globalisasyon at ang paglipat ng base ng operasyon ng mga kumpanyang multinasyonal. Kinailangan niyang ipagtanggol ang interes ng kanyang bansa sa aspetong pang-ekonomiya at alam niyang ang bansa niya ang may mas malaking problema ngayon pagdating sa kalakal pag kinumpara ito sa sitwasyon ng mga bansa katulad ng Mexico, Tsina, Reyno Unido (UK) at ang mga iba nilang kakumpitensyang bansa.

Sa sitwasyong ito, dapat maintindihan ng mga ibang bansa na ang Estados Unidos ay mayroon ring pinoprotektahang interes para sa sarili nitong mga tao Ang mga bansa katulad ng Tsina, Mexico at UK ay dapat mag-isip para sa kanilang sariling interes sa aspetong pang-kalakal habang ganoon din ang ginagawa ng Estados Unidos sa pamamagitan ng paggawa ng ibang kasunduang pangkalakalan sa ibang bansa at ang pagsasagawa ng mas patas na kasunduang pangkalakalan sa mga bansa katulad ng Amerika upang mairespeto ang pangkalakalang interes ng lahat ng bansang kasama sa kasunduan.

Ang importante lamang sa ideolohiyang nasyonalismo ay ang pagmamahal sa bayan, ang pagrespeto ng sariling kultura at pangkalahatang interes ng sariling bansa at ang pagrespeto sa soberenya, kultura at interes ng sariling bansa at ng ibang bansa. Ito ang mabuting kaisipang dapat umiral sa mga bansang ASEAN, at hindi ang nakasasamang ideolohiya ng sobinismo.

Hinihikayat ng nasyonalismo ang pagbigay-prayoridad sa pambansang interes at ang pagmamahal sa sariling bansa, hindi ang bulag na pagsunod sa pamahalaan

Marami ding bumabatikos sa nasyonalismo dahil ito raw ang nagiging dahilan kung bakit nagkakaroon ng digmaan ang iba’t ibang bansa. Isa ito sa pinakamalaking kritisismo sa ideolohiyang nasyonalismo dahil ipinapalabas rin nito na ang pagiging makabayan ay isang sanhi sa pagiging pabaya ng mga tao sa mga isyu ng paglabag sa karapatang pangtao.

Dahil maraming maling akala ang mga tao sa konsepto ng nasyonalismo, naiisip na lamang nila na ang nasyonalismo at ang pagiging makabayan ay katumbas na ng imperiyalismo, sobinismo at ang aggresibong pandirigma. Kalimitan kasi ng mga kritiko ng nasyonalismo ay nanggagaling sa mga bansang kanluran. Madalas na ang mga bansang tinitirahan nila ay mayroong kasaysayan ng pananakop ng lupa ng iba’t ibang mga dayuhan upang pahirapan sila at pagsilbihan ang bansang nananakop sa kanila. Naniwala tuloy sila na ang pagiging makabayan at ang ideolohiyang nasyonalismo ay isang masamang kaisipan na nanghihikayat sa mga mamamayan ng isang bansa sumunod sa pamahalaang humahangad na maghasik ng gulo at lumusob ng ibang bansa para sa kapakanan ng sariling bayan.

Gayunpaman, ang hinahangad lamang ng nasyonalismo ay ang pagmamahal sa sariling bayan, ang paggalang sa kultura ng bansang tinitirahan, ang pagbigay-prayoridad sa mga interes ng sariling bansa, at ang pagtanggol sa kultura ng bansa. Hindi dapat umiral ang imperiyalismo, sobinismo at ang galit sa dayuhan sa isang bansa upang maipakita ang pagiging makabayan dahil hindi naman maganda ang maidudulot ng imperiyalismo sa atin. Gulo lamang ang aabutin ng ating bansa dahil sa pagbunsod at pagpukaw ng digmaan at hindi ito makakatulong sa pagsulong ng ating bansa.

Kapag ang isang tao ay makabayan, hindi rin nito ibig sabihin na sunud-sunuran na lang sya sa mga utos ng pamahalaang namumuno sa loob ng bansa. Ang isang nasyonalista at makabayang mamamayan ay marunong gumawa ng desisyon para sa kapakanan ng bayan. Alam rin niya na dapat siyang kumilos sa isang paraang makakabuti sa sariling bayan habang mayroon siyang kakayanang magbigay ng pahayag tungkol sa pagkukulang at pagkakamali ng pamahalaan upang makatulong sa pagsasaayos ng mga problema ng bansa.

Ito ang pagiging makabayan na dapat umiral sa ASEAN — na dapat tandaan ng bawat mamamayan na dapat silang kumilos para sa ikabubuti ng bayan, at alam nila na mayroong mga pagkakamali ang mga kababayan nila at ng pamahalaan ng sarili nilang bansa na dapat nilang baguhin upang mapabuti ang kalagayan ng kanilang mga bansa.

Ang akala ng marami ay hindi kinakailangan ang pagiging makabayan para sa pagunlad ng sariling bansa, ngunit mahalaga ito at ang katangiang ito ay hindi dapat baliwalain

Habang nagbibigay ng kritisismo ang mga kritiko ng ideolohiyang nasyonalismo sa kadahilanang ito at ang pagiging makabayan ang naging sanhi ng paglaganap ng mga kolonyal na imperyo at mapandigmang mga pamahalaan, hinamon nila at kinuwestyon ang kahalagahan ng pagiging makabayan. Sinabi nila na walang pakinabang ang mga tao sa isang bansa dahil sa pagiging makabayan. Sinasabi rin daw nila na ang pagiging makabayan ay isang dahilan kung bakit sinusuportahan ng mga tao ang rebisyonismo upang maiangat lamang ang sariling bansa at ang makabayang kasaysayan daw ay kasinungalingan. Hindi rin daw natin kinakailangang maging makabayan upang maipagtanggol ang ating kultura at paniniwala dahil gagawin raw ito ng bawat isang mamamayan habang walang pakiramdam ng pagiging makabayan.

Ang mga pambabatikos na ito ay pawang paninira lamang at walang maayos na basihan. Kapag ang mga tao sa isang bansa ay walang katangiang pagiging makabayan, mawawalan sila ng pagkakaisa dahil wala na silang pangkaraniwang adhikain upang mapaunlad ang bayang tinitirahan nila. Kinakailangan ng bawat bansa ng mga taong dahil kapag umasa lamang ito sa mga iba’t ibang mga pamilyang bumambalewala sa kahalagahan ng pagiging makabayan upang maprotektahan ang kanilang paraan ng pamumuhay, mawawala ang pagkakaisa ng mga tao sa bansang iyon. Kapag nawalan ng pagkakaisa ang mga tao dahil sa kawalan ng magkakatulad mga tuntunin at prinsipyo at ng pagiging makabayan, hindi magkakaroon ng maayos na direksyon ang isang bansa.

Kinakailangan ng isang bansa ng mga taong mayroong magkakatulad na prinsipyo at mithiin upang maisulong ang kaunlaran nito at hindi ito magiging posible kung wala ang pagiging makabayan ng mga tao. Ito ang dahilan kung bakit naging matatag at malaya ang mga bansang kasapi sa ASEAN ngayon. Ang mga tao sa mga bawat bansang kasapi ng asosasyon ay mayroong pagmamahal para sa kanilang mga sariling bayan, at ito rin ang katangiang dapat panatilihin at hindi dapat balewalain ng mga tao sa ASEAN upang maipatuloy ang pag-unlad ng mga bansa nila.

Nakukuha ng isang tao ang pangkonsitusyonal niyang karapatan at ang pagkamamamayan niya sa pamamamagitan ng panganganak, at ang pagkamamamayan ay may kaakibat na responsibilidad

Mayroon ring argumento ang mga globalistang may hangaring magtatag ng isang pamahalaang pandaigdig na kumokontra sa konsepto ng nasyonalismo at ng pagiging makabayan lalo na sa loob ng ASEAN. Sinasabi nila na hindi na raw dapat pahalagahan pa ang interes ng sariling bayan at dapat na lamang nilang isipin ang kapakanan ng buong daigdig dahil ang nasyonalismo ay nagbibigay raw lamang ng dibisyon sa kaisipan ng mga tao.

Gusto nilang ipalabas na ang bawat tao ay pupuwede na lamang kumuha, mangolekta at umabuso ng mga serbisyo ng pamahalaan ng iba’t ibang bansa sa kadahilanang karapatan nilang makuha ang lahat nito. Hindi nila naiintindihan na kapag pinanganak ang isang tao, magkakaroon siya ng mga dokumento para sa pagkamamamayan o kung tinatawag na citizenship documents at ang pagkamamamayan ng isang tao sa isang bansa ay may kaakibat na responsibilidad. Kasama sa mga responsibilidad na ito ay ang pagsunod sa mga batas ng bansang tinitirahan at ang pagrespeto sa kultura ng mga tao sa bansang tinitirahan, dayuhan ka man o hindi.

Ganoon rin ang tungkulin ng mga tao kapag pumunta sila sa isang bansa kung saan hindi sila mamamayan. Dapat rin nilang igalang ang kultura at batas ng bansang iyon at hindi sila dapat kumilos na parang mas mahalaga sila kaysa sa mga lokal na parang karapatan nilang dapat silang pagsilbihan ng mga lokal ng ginto. Isa rin sa responsibilidad natin bilang mamamayan ng isang bansa ang pagtupad ng interes ng bansang tinitirahan at ang pagmamahal sa bansang iyon.

Kung sa sa maliit na tungkulin ng pagmamahal ng sariling bayan ay nagkakaproblema na tayo, papaano pa kung tutuparin pa natin ang mas malaking tungkulin na ang pagmamahal ng ating mundo? Kapag marunong makipagtulungan at magkaisa ang mga tao sa mga sarili nilang bansa, matututunan rin nilang makipagtulungan sa mga tao galing sa iba’t ibang bansa. Sa paraang ito, posible ang pagkakaroon ng kooperasyon at tulungan mula sa iba’t ibang bansa habang makabayan at nasyonalista ang mga tao sa mga bansang ito. Ganito ang klase ng ASEAN na makakabuti sa bawat kasaping bansa; isang asosasyon ng mga makabayang bansang nagtutulungan.

Kongklusyon

Marami nang nasabi ang tekstong ito tungkol sa kahalagahan ng pagmamahal sa bayan at sa nasyonalismo na ang pagbigay ng prayoridad sa interes ng sariling bansa at kung bakit ito mahalaga sa bawat bansang kasapi ng ASEAN. Ang mga nasabing katangian ay mahalaga sa pangunahing kadahilanan na ito ay nakakapagbigay ng pagkakaisa at direksyon para sa mga tao ng isang bansa at ito ang katangian na kinakailangan ng mga tao ng isang bansa upang magawang mas maunlad at matatag ang kanilang bansa. Kahit man maraming ibinabato ang mga kritiko ng ideolohiyang nasyonalismo laban dito, marami sa kanilang mga argumento ay hindi naman makatuwiran dahil ang pagiging makabayan at ang ideolohiyang nasyonalismo naman ay hindi naghihikayat sa mga tao na makipagdigma o magkaroon ng masama at mababang tingin sa mga dayuhan at mga taong hindi natin kalahi. Hindi naman porke’t ang nasyonalismo ang naging dahilan ng dalawang digmaang pandaigdig ay masama na ito, at hindi natin dapat ulitin ang mga pagkakamali ng mga pasista (fascist) at kommunistang mga bansang nagkaroon ng sobrang pagkamakabayan na naging sobinista ang klase ng pamumuno ng kanilang bansa. Hindi rin natin dapat ulitin ang mga pagkakamali ng EU na hindi na naiintindi ang interes ng sarili nitong mga mamamayan dahil sa kakulangan sa pagiging makabayan. Kailangan lamang nating magkaroon ng pagmamahal sa ating bansa at itaguyod ang pagunlad ng ating bayan at hindi na natin dapat maging balak ang paglusob sa ibang bansa para lamang maipakita ang kalakasan ng sariling bansa. Dapat rin nating matutunan na hindi palaging tama ang bagay na ginawa ng ating pamahalaan at ng ating bansa, at kailangan nating itama ang mga maling nagawa nito upang maipakita ang ating tunay na pagmamahal sa bayan. Ang tunay na pagmamahal sa bayan na dapat maging katangian ng mga tao sa mga bansang kasapi ng ASEAN ay ang pagrespeto ng iba’t ibang kultura lalo na ang sariling kultura at ang kultura ng mga taong naninirahan sa lugar na kung nasaan ka. Kailangan rin nating matutunan na ang pagkakaisa ng mga tao sa bawat indibidwal na bansa ay mahalaga upang magkaroon ng kooperasyon at direksyon ang bawat bansa dahil kapag walang direksyon ang kahit isa sa mga bansa sa ating asosasyon, mahihirapan tayo sa ating pakikipagtulungan bilang asosasyong may galang sa interes ng bawat bansa.

    TL;DR

    Written by

    TL;DR

    Too long; Didn’t Read: Balita para sa Walang Oras (Jose Tamad)