POLITICS: Kopya lamang ba ng EU ang ASEAN?

TL;DR
TL;DR
Jul 30, 2017 · 3 min read

Kapag pinag-aaralan ng mga estudyante ang kahalagahan at ang tungkulin ng mga organisasyong may kasaping iba’t ibang bansa, hindi maiaalis ang paghahambing ng ASEAN (Association of South-East Asian Nations) sa EU (European Union). Kalimitan kasi sa mga pinagsasabi ng mga tao sa kanilang mga usapan tungkol dito ay ang pagtingin nila sa ASEAN bilang isa lamang kopya ng EU dahil marami silang nakikitang pagkakapareho sa dalawang organisasyon. Ang ASEAN at ang EU naging tagapagtaguyod ng pakikipagtulungan mula sa mga kasapi nitong mga bansa. Nilalayon ng parehong asosasyon na mapairal ang kooperasyon ng bawat kasaping bansa sa paglago ng ekonomiya at ang pasulong para sa pag-unlad ng mga bansa. Gayunpaman, mayroon ring mga malalaking pagkakaiba ang dalawang asosasyon pagdating sa paraan sa pagpapatupad ng mga patakarang tumutupad sa pangunahing layunin ng ASEAN at ng EU, at mayroon ding pinagkaiba ang dalawang asosasyon pagdating sa mga hangarin at mithiin. Kaya kapag titingnan ang mga impormasyon tungkol sa dalawang asosasyon, mapapaisip na lang ang mambabasa, at magtatanong at sasabihing, “Kopyal lamang ba talaga ng EU ang ASEAN?”

Hindi kopya ng EU ang ASEAN. Isa sa mga malaking pinagkaiba ng dalawang asosasyon ay ang hindi pagpapakialam ng ASEAN sa mga desisyong ginagawa ng mga pamahalaan ng iba’t ibang bansang kasapi ng asosasyon sapagkat ang EU naman ay nakikialam sa paggawa ng batas at desisyon ng mga kasapi nitong bansa. Mas malaki pa rin ang kapangyarihan ng mga pamahalaan ng bawat bansa ng ASEAN dahil nirerespeto ng asosasyon ang sobereniya ng bawat pamahalaan sa mga sarili nilang mga bansa sapagkat ang EU naman ay mayroong iba’t ibang institusyong nagpapatupad ng batas ng kanilang asosasyon sa mga iba’t ibang bansang kasapi nito. Nakikialam ito sa desisyon ng mga gobyerno ng mga kasaping bansa sa pamamagitan ng pagtatag ng mga institusyon katulad ng Parlyamento ng Europa na gumagawa ng batas para maisakatuparan sa lahat ng bansang kasapi ng EU.

Isa ring pagkakaiba ng dalwang asosasyon ay ang mga prayoridad at mithiin nila. Kahit pareho ang layunin ng mga asosasyon na maisulong ang pagunlad ng bawat bansang kasapi nito, iba pa rin ang paraan nila upang makamit ang hangaring ito. Ang ASEAN ay nagbibigay ng mas malaking prayoridad para sa integrasyong pang-ekonomiya sa pamamagitan ng pagkaroon ng patakarang free trade sa pagitan ng mga kasaping nitong bansa habang ang EU naman ay nagbibigay ng mas malaking prayoridad sa pagbigay ng integrasyong pampolitikal sa pamamagitan ng pagtatag ng mga institusyong nagpapatupad ng mga patakarang dapat isunod ng bawat bansang kasapi nito. Magkaiba ang prayoridad ng dalawang asosasyon dahil sa pagkakakaiba ng kanilang mithiin kung saan ang ASEAN ay naghahangad ng kooperasyon ng bawat kasaping bansa sa aspeto ng pang-ekonomiya, militar, edukasyon at political habang ang EU naman ay naghahangad ng pagkakaroon ng pare-parehoong patakaran sa pangangalakal at ang malayang paggalaw at paglipat ng mga tao at bagay sa loob ng mga bansang kasapi nito.

Ang pinakahalatang pagkakaiba ng EU at ng ASEAN ay ang mas mataas ang lebel ng integrasyon ng bawat bansa sa loob ng EU kaysa sa ASEAN. Sa EU, wala nang mga bantay sa pagitan ng mga kasapi nitong bansa upang makarating sa katabing bansa nang mas madali ang mga tao doon. Iisa lamang ang pera ng marami sa mga bansa doon, at iyon ang Euro, at mas may pagkakapareho ang mga pamantayan at ang batas ng mga bansang iyon lalo na pagdating sa pangangalakal at sa imigrasyon. Hindi ito katulad ng ASEAN kung saan iba-iba pa rin ang pera at batas habang may mga bantay na guwardiya ang mga pagitan o border ng bawat bansa na kasapi nito.

Kahit man mukhang magkapareho ang ASEAN at ang EU pagdating sa layunin nito ng pagsulong sa pag-unlad ng mga kasapin nitong bansa, hindi dapat sabihin na kopya lamang ng EU ang ASEAN dahil malaki-laki rin ang pinagkaiba ng dalawang asosasyong ito. Magkaiba ang mga prayoridad ng dalawang asoasyon at magkaiba pa ring mithiin at hangarin ang umiiral sa parehong ASEAN at EU. Hindi lamang ang mga sikat at kilalang patakaran ang dapat isipin upang ipinaghahambing ang dalawang asosasyon dahil ang paraan ng pamamahala, hangarin at mithiin ng isang asosasyon ng iba’t ibang bansa ay mga mahalagang katangian at aspetong kailangan ring bigyan ng pansin. Sa ganitong paraan, mas nagiging aral ang mga tao patungkol sa mga bagay na may kinalaman sa lipunan.

    TL;DR

    Written by

    TL;DR

    Too long; Didn’t Read: Balita para sa Walang Oras (Jose Tamad)