EDITORIAL: Si Pangulong Rodrigo Duterte ay Kakaiba

TL;DR
TL;DR
Jul 30, 2017 · 3 min read

Tunay na nakakamangha ang ating pangulong si Rodrigo Duterte. Wala siyang katulad sa mga nagdaang pangulo sa ating bansa. Siya lamang ang nagiisang pangulong kung mag sona ay kalimitang hindi sinusundan ang nakalagay sa papel na inihanda para sa tuloy-tuloy na daloy ng mga idea, sa halip ay nilalabas ang personal na saloobin na kung saan ito ay nagiging adlib sa kanyang sinusundang talumpati. Ang pangulong Duterte lang din ang may lakas ng loob na humarap sa mga kumakalaban o sumasalungat sa kanyang mga pamamalakad at handang ibuwis ang buhay maipakita lamang na hindi niya aatrasan ang kahit ano mang laban niya.

Ito’y kanyang ipinamalas ng kalabanin ang Estados Unidos na matagal ng kaibigan ng ating bansa dahil sa di umano’y pangingialam nito sa pamamalakad ng pangulo. Ito’y kanya ring ipinamalas noong makatawag pansin ang mga kaganapan sa Pilipinas sa United Nations partikular sa hindi umano’y extrajudicial killings o ang pagpatay sa mga sangkot daw sa droga ng walang wastong pagsusuri at pagproseso ng korte na lumalabag sa mga karapatang pantao. Hindi ito pinalagpas ng pangulo dahil sa paniniwalang ang Pilipinas ay isang sovereign nation na kung saan tayo ay may sariling desisyon bilang isang bansa at sa pagsabing wala raw siyang utos na magpapatay ng mga sangkot sa droga. Ang katangiang ito ay muling ipinakita ng pangulo ng harapin ang libo-libong mga militanteng raliyista na makakaliwa o tinatawag na leftists ng walang halong takot kahit na may malaking banta sa kanyang buhay. Kinausap niya ang mga ito bilang isang pangkaraniwang tao at hindi parang isang politico na lunod sa kapangyarihan.

Tunay na naiiba ang ating pangulo sapagkat ang kanyang pamamalakad bagama’t hindi gusto ng iba ay epektibo ngunit kung minsan pinapakita ng media na mas higit na nakakaperwisyo ito sa halip na makatulong. Oo nga’t kung minsan hindi maganda ang pagpili ng mga salitang gagamitin ang pangulo ngunit dahil dito makikita mo na totoong tao ito na hindi siya nagmamalinis at walang pinapakitang kaplastikan sa balat pero nararapat paring sa tamang lugar niya lamang ito ipakita. Mapapaisip ang iba na kung saan bakit ang pangulo na kumakatawan sa ating bansa ay hindi palasunod sa nais ng tao. Ito ang dapat isa sa katangian ng mabuting pamumuno, ang hindi basta bastang pagsunod sa nais ng nakakararami at sa halip ay pinagaaralan itong mabuti at saka gagawan ng desisyon. Dahil kapag madaling mabali ang paninindigan ng isang pinuno ay hindi magiging maganda ang pamamalakad nito sapagkat hindi laging tama ang nakararami at kung susundin lamang ang nais ng mga tao laban sa kung ano ang mga dapat unahin upang siya ay muling maihalal lamang ay magiging kalokohan nalang ang pamamalakad nito sa bansa. Si pangulong Rodrigo Duterte lamang ang pangulong handang maglaan ng napakalaking pondo para sa edukasyon upang maging mas mura o libre ito. Ang Unibersidad ng Pilipinas o UP sa Diliman ay isa sa mga patunay na unti-unti ng gagawing libre ang edukasyon sa mga state universities. Ang bawa’t pangulo ay may bagay na ginawa kung saan dito sila matatandaan ng mga tao, at sa mga bagay na ginagawa ng kasalukuyang pangulo ay ito rin ang mga bagay na maaalala ng nakakararaming mamamayang Pilipino. Ito ang ilan sa mga patunay na naiiba ang ating pangulong si Duterte.

    TL;DR

    Written by

    TL;DR

    Too long; Didn’t Read: Balita para sa Walang Oras (Jose Tamad)