Vea Cabrera
3 min readSep 10, 2018

FOREVERMORE (2014)

BUOD

Ito ang kwento ni Alexander “Xander” Grande III (Enrique Gil), isang rebelde, ang nag-iisang anak ng isang hiwalay na mag-asawa, at Maria Agnes Calay (Liza Soberano), ang mapagpakumbaba, maganda at masipag na anak na babae ng isang magsasaka ng strawberry sa La Presa , Benguet. Nagkatagpo ang kanilang landas nang mapadpad si Xander sa trak ng strawberry ng pamilyang Calay. Matapos ang insidente, pinilit siya ng kanyang mga magulang na bayaran ang mga napinsala sa pamamagitan ng paglilingkod sa strawberry farm nang walang anumang komportableng paraan sa tulong ng gabay ni Agnes. Ang paglalakbay patungo sa mundong hindi niya kinagisnan ay hindi naging madali para sa kanilang dalawa. Gayunpaman, dahil sa tulong ni Agnes at ng komunidad ng La Presa, si Xander, mula sa pagiging bulakbol sa isang mabuti, maunawain, at maaalalahaning binata na siyang minahal ng mga taga La Presa. Sa kalaunan ay tuluyang nahulog sa isa’t isa ang binata’t dalaga. Ang hindi alam ni Agnes ay mayroong isang tao sa nakaraan ni Xander ang magbabalik; ang una/dati nitong kasintahan na si Kate Saavedra (Sofia Andres). Sa kabila ng lahat ng ito, maraming pagsubok ang humamon sa kanilang pagmamahalan at isa na rito ang alitan sa pagitan ng kanilang mga pamilya. Dahil sa lubos na pagmamahal ni Xander kay Agnes, ginawa niya ang pinakamahirap na solusyon upang maisalba ang La Presa na talagang pinakapinahahalagahan ng pamilya Calay — nagtiis at nagsakripisyo si Xander at kusang lumayo kay Agnes na naging dahilan ng kanilang paghihiwalay. Matapos ang dalawang taon, sila ay nagtagpong muli at binuhay ang namatay at naudlot nilang pag-iibigan.

MAHALAGANG TAUHAN

  • Enrique Gil (Alexander “Xander” Grande III): Isang suwail na anak nina Alexander at Bettina Grande. Ang binatang nakasungkit ng pagmamahal ni Agnes Calay.
  • Liza Soberano (Maria Agnes Calay — Grande): Isang dalagang walang ibang inisip kundi ang kapakanan ng kanyang pamilya; matiyaga at masipag na bata. Ang babaeng napiling mahalin at pakasalan ni Xander Grande.
  • Sofia Andres (Katherine “Kate” Saavedra): Ang unang babaeng minahal ni Xander na hindi pa matanggap at makausad sa kanilang nakaraan. Bumalik siya dahil nais niyang bawiin si Xander at balak na paghiwalayin sila ni Agnes. Bukod dito ay sangkot din siya sa pagpapabagsak ng La Presa at pagpapatalsik sa mga magsasaka dito. Makalipas ang dalawang taong gamutan ni Kate sa America, unti unting nabago at naayos ang kanyang pag-uugali at sa wakas ay napatawad at natanggap na ang pagmamahal ni Xander para kay Agnes.

KAUGNAYAN NG ISYUNG PANLIPUNAN

Ang isyung panlipunan sa teleseryeng ito ay ang pag-abuso sa kapangyarihan. Ito ang nagdudulot ng pagkalulong at pag-abuso sa kapangyarihan o lakas na mayroon ka para kontrolin ang isang bagay. Tulad na lamang ng pangyayari sa teleserye, ang pagpapabagsak sa La Presa na siyang pinagkukunan ng pang-araw araw na gastos at pangkain ng mga magsasaka at ng mga pamilyang nasasakop nito. Imbis na daanin sa mabuting usapan ay dinaan sa pwersahan at mapanakit na paraan ang pagsakop at pagsira dito. Dahil dito ay nakasira at nakasakit sila ng mga pamilyang nananahimik at nagtitiyagang mabuhay sa lugar na iyon.

MENSAHE

Ipinaparating ng teleseryeng ito ang pagpapahalaga sa pamilya bago ang iba. Dumating man ang unos sa ating buhay, ang pinaka nating iisipin ay ang ating pamilya sapagkat ito ang bumubuo sa atin. Dito tayo kumukuha ng lakas at determinasyon upang bumangon at lumaban araw araw. Ika nga ng nakararami, “wala akong yamang maipagmamalaki sa mga tao kundi ang pamilya ko lalong lalo na ang mga anak ko”, mula sa katagang ito, walang duda na ang pamilya ang siyang bubuhay at magpapalakas sa atin; na ang pag-ibig ay matatagpuan unang una sa ating mga magulang/pamilya. Pairalin ang pag-ibig dahil kung iaalay ang puso sa lahat ng gagawin at desisyon sa ating buhay ay tunay na matiwasay at madali itong mapagtatagumpayan.