Panunuring Pampelikula: Maynila sa mga Kuko ng Liwanag

CHANISE ALAINE HO TE WANG
8 min readFeb 22, 2022

--

MAY AKDA: Edgardo Reyes

Talambuhay ni Edgardo Reyes: Si Edgardo Reyes ay isang manunulat, nobelista, at tagasulat ng iskript. Bukod sa pinaka-sikat niyang libro na Maynila Sa Kuko ng Liwanag (1967), kasama sa marami pa niya ibang nobela ay ang Sa Kagubatan ng Lungsod (1975), Hoy Mister Ako ang Misis Mo (1976), at Uod at Rosas (1982).

PAMAGAT: Maynila sa Kuko ng Liwanag

SIMBOLISMO NG PAMAGAT: Ang simbolismo ng Kuko sa Liwanag na pamagat ay nangangahulugang ang mga bagay na akalain natin ay makakatulong satin o kaya ang mga bagay na akala natin ay maganda ay maaaring magtago ng sakim, at higit na kahirapan kapag tayo na mismo ang nakarating o kaya nakakamit nun.

Kaugnayan ng pelikula sa pamagat: Maiiugnay natin ang pelikula sa pamagat dahil pinakita sa atin nito kung ano ang buong katotohanan na nangyayari sa Maynila noong panahong 1970s. Ang pamagat ng pelikulang “Maynila sa Kuko ng Liwanag” ay may tatlong salita na nagtataglay ng mahahalagang kahulugan. Ito ay Maynila, kuko, at liwanag. Ang Maynila ay sumisimbolo sa ginhawa ng buhay habang ang kuko ay sumisimbolo ng dumi at ng pighati nito. Ang liwanag naman ay sumisimbolo ng pag-asa sa buhay.

LAYUNIN: Ang layunin ng “Maynila, sa mga Kuko ng Liwanag” ay ipakita sa mga tao ang realismo ng pamumuhay sa Maynila at sa mga lugar na katulad ang Maynila.

SIMBOLISMO NG TAGPUAN: Ang kwento ay naganap sa Maynila, noong 1970s. Noong panahon na to, ang mga tao na nakatira sa probinsya ay naniniwala na ang Maynila ay isang lugar kung saan sila ay makakapag-aral, makakapag-trabaho, at makakatulong sa kanilang pamilya. Ang hindi nila alam ay hindi yun ang buong katotohanan, at marami din masakim na sikreto ang tinatago ng Maynila.

TAUHAN

Julio Madriaga- Si Julio Madriaga ay isang tao na galing probinsya na pumunta sa Maynila para mahanap niya ang kasintahan niya na si Ligaya. Siya ay isang tao na may pasensya at may pag-asa. Mapagmahal siyang kasintahan at matiyaga magtrabaho para makaabot sa kanyang layunin. Naghihirap makaipon ng pera para sa kanyang kinabukasan at pamilya ngunit may dignidad paring umayaw sa mga trabahong alam niyang hindi niya kaya gawin. Sa kasamaang-palad, siya din ang isa sa maraming taong gumawa ng krimen dahil sa kawalang-katarungan na kanilang kinakaharap na humahantong sa kanilang kapus-palad na kapalaran. Si Julio ay simbolismo ng mga probinsyano na naghahanap buhay sa mahirap na kalagayan ng Maynila. Simbolismo din siya ng mga taong pumunta sa Maynila upang hanapin ang kanilang kapamilya o kakilala.

Ligaya Paraiso- Si Ligaya Paraiso ay galing sa probinsya at sumama kay Mrs. Cruz upang magtrabaho at mag-aral sa Maynila. Niloko siya ni Mrs. Cruz at naging biktima ng prostitusyon. Binili at naging kinakasama siya ng isang Tsino na si Ah Tek. Si Ligaya ay simbolismo ng mga anak na gusto magtrabaho upang mapagaan ang mga problemang hinaharap ng kanilang mga magulang. Ipinapakita niya ang mga babaeng nakakaranas na di-magandang pagtrato dahil sa kanilang kagandahan at mabuting pagkatao. Subalit, siya’y nagtitiis para sa kabutihan ng kanyang pamilya. Makikita din natin na siya ay mabuting ina dahil maari naman niyang iwan nalang ang anak nila ni Ah Tek at tumakas ngunit hindi niya ito magawa dahil mahal niya ang kanyang anak at hindi niya ito kayang iwan. Si Ligaya ay simbolismo ng mga tao na gusto pumunta sa maynila sa pag-asang magkaroon ng mas maayos na buhay ngunit, sa kasamaang palad, ay napupunta sa mga maling tao at nauuwi sa mas matindi pa na kahirapan.

Mrs. Cruz- Si Mrs. Cruz ay isang matandang babae na nakatira sa Maynila na naghahanap ng mga dalagang babae. Sinasabi niya na bibigyan niya sila ng magandang trabaho at pag-aaralin ngunit ang katotohanan ay binebenta niya sila sa mga lalaki o kaya sa mga tao na bumibili ng babae. Si Mrs. Cruz ay simbolo ng mga tao na nanglilinlang ng mga babae o mga kabataan na mabibigyan sila ng magandang kinabukasan ngunit ang katotohanan ay pagkakakitaan lamang nila sila.

Atong- Si Atong ay naging matalik na kaibigan ni Julio Madriaga pagkarating niya sa Maynila. Siya ang nagsilbing gabay ni Julio sa pagiging isang nagtatrabaho sa konstruksyon. Tinulungan niya si Julio na makita ang pamumuhay sa Maynila. Sa kasamaang palad, si Atong ay naaresto kahit na wala siyang ginawang mali, at namatay dahil sa kanyang mga kasama sa kulungan. Si Atong ay sumisimbolo ng mga mabubuting tao na napagkamalan lamang at nauuwi sa masamang kasukdulan.

Ah Tek- Si Ah Tek ang lalaki na bumili kay Ligaya mula kay Mrs. Cruz. Nagkaroon sila ng anak ngunit hindi siya mahal ni Ligaya kaya kinulong niya silang dalawa sa kanyang bahay. Si Ligaya ay namatay isang gabi sa bahay ni Ah Tek. Ang sinabi nito na dahilan ay nahulog daw ang babae sa hagdan ngunit mapapansin sa bangkay ni Ligaya na mayroon itong mga marka sa leeg, na tila ba sinakal ito. Si Ah Tek ay pinuntahan ni Julio sa kanyang bahay at sinaksak ng maraming beses dahil sa galit nito sa nangyari kay Ligaya. Si Ah Tek ay sumisimbolo sa mga tao na may kaya at may pera kaya nagagawa nila ang kahit ano na gusto nila maging tama man ito o hindi.

BUOD AT PAGTALAKAY NG AKDANG MAYNILA SA KUKO NG LIWANAG

Si Julio Madriaga ay nagpunta sa Maynila upang hanapin ang kanyang kasintahan na si Ligaya Paraiso, gayundin ay nais niyang makapagpadala ng pera sa kanyang mga kamag-anak sa probinsya, ang pangyayaring ito ay akma sa teoryang realismo na kung saan ang pananaw realismo ay sumasalamin sa realidad ng sitwasyon sa lipunan natin ngayon, marami pa rin ang umaalis ng kanilang lugar upang magbakasakali na magiging mas maayos ang buhay nila sa ibang bansa o sa Maynila, Nagdudulot ito ng simpatiya sa mga manonood ngunit nakakaramdam din sila ng pagpapahalaga at pasasalamat sa kanilang kasalukuyang sitwasyon. Ang kahirapan ay maaaring magbago sa darating na henerasyon ngunit mayroon paring mga hindi nagbabago kahit marami nang taon ang lumipas. Ito ay makikita sa halos buong pelikula, ang halimbawa nito ay si Ligaya na sumama kay Mrs. Cruz para makapag hanapbuhay sa Maynila at para matulungan ang pamilya niya.

Isa sa mga tinalakay sa akda ay ang pagbebenta ng aliw. Pinipilit nila ang kanilang sarili gumawa ng mga bagay na hindi nila gusto o kinahihiya nila upang sila’y makakita ng pera at magkaroon ng tinitirahan. Hindi man nila ito gustong gawin ngunit sila’y nanatili sa ganitong trabaho marahil hindi sila makatakas o satingin nila na ayos na ang kanilang sitwasyon dahil kaya na nila bilhin ang mga kailangan nila na hindi masyadong naghihirap. Si Ligaya, ang kasintahan ni Julio Madrigal, si Bobby, isang call boy na naging kaibigan ni Julio, at si Julio din ang taong halimbawa kinakatauhan ng mga taong ganito ang sitwasyon. Si Ligaya ay pumunta ng Maynila upang makatulong sa kanyang pamilya ngunit dahil siya ay niloko ni Mrs. Cruz, maling trabaho ang kanyang napasukan. Hindi siya makatakas sa kanyang kapalaran dahil naibenta siya sa iba at nagkaroon ng anak. Bilang isang responsable at mapagmahal na ina, hindi niya kayang iwan ang kanyang anak. Si Bobby naman ay sadyang pumasok sa ganitong trabaho. Hindi niya pinipilit ang iba na gayahin siya para kumita ngunit sapat na siya sa kanyang buhay sa ganitong trabaho. Kuntento na siya sa kanyang perang naiipon dahil nakakatira siya sa sariling niyang bahay at nakakakain din ng tatlong beses sa isang araw. At si Julio ay napilitan na siyang ikalakal ang kanyang sarili sa isang bakla sa Maynila na naghahanap ng panandaliang-aliw.

SINEMATOGRAPIYA: Maganda at angkop sa palabas ang sinematograpiya na ginamit. Mapapansin natin na parang medyo madilim ang palabas at hindi masaya ang mga kulay. Sa tingin ko ito ay tama at nababagay sa palabas sapagkat hindi masaya ang kwento. Sa pamamagitan ng mahusay na pag-iilaw at iba pa, mas lalo naparamdam sa mga nanonood ang pakiramdam at kwento ng istorya.

DAYALOGO: Ang dayalogo ay mahusay na naipakita sa kwento. Maayos at madali maintindihan ang mga salita at pangungusap na ginamit. Naipakita at naintindihan ng maayos ang mga naging usapan ng mga tauhan sa kwento. Maayos din ang naging pagpapakita at pagbibigkas ng kanilang linya ng mga aktor na gumanap sa mga tauhan noong ito ay ginawang palabas.

KONKLUSYON: Pagkabasa at pagkanood ng kwento, masasabi natin na totoong naipakita ang pagiging makatotohanan ng palabas. Makikita natin ang mga totoong nangyayari sa Maynila at makikita natin na maraming tao ang nahihirapan gaya ng mga tauhan sa kwento. Makikita na ang lugar na Maynila ay hindi lamang puro kagandahan, kagaya ng pinapakita sa mga kwento kaya na nga lamang ang mga tao na galing sa probinsya kagaya ng mga pangunahing tauhan sa kwento ay nangangarap na makarating sa Maynila. Masasabi natin na ang layunin ng pelikula ay natupad kaya mairerekomenda ko ito sa lahat.

REKOMENDASYON: Mairerekomenda ko ang palabas na to sa mga tao o kaya kabataan na hindi pa mulat sa realidad ng mundo. Ngunit may mga parte ng kwento na hindi para sa masyadong bata kaya mas mabuti kung may gagabay na nasa tamang edad sa kanila. Importante na mapanood ito ng bawa’t isa dahil lubos na mahihirapan tayo sa buhay kapag tayo ay hindi mulat sa realidad at hindi natin alam ang mga pagsubok na maari nating harapin sa buhay at naipapakita ng palabas na ito ang realidad ng mundo, kaya mairerekomenda ko ito sa bawa’t isa sa atin.

BATAS AT ALITUNTUNIN SA PALABAS: Makikita natin sa palabas na kahit na may batas ang bansa, hindi ito nasusunod ng ayos, at ito ay dahil may mga lugar sa bansa na hindi napapamahalaanan ng maayos, ang mga taong may pera ang nagtatagumpay at pinaniniwalaan kahit na sila ang nakagawa ng masama at may masamang intensyon.

PAMAHALAAN AT LIPUNAN SA NAPANOOD: Makikita natin sa palabas na maraming pangyayari na hindi naman dapat hinahayaang mangyari ay nangyayari sa ating paligiran. Kagaya na lamang ng prostitusyon na nangyari kay Ligaya, ito ay illegal at hindi maari ayon sa batas na gawa ng pamahalaan, ngunit dahil hindi din naman matuwid ang ibang taga-pamahala at ang lipunan naman ay hindi din nagsasabi kapag may pangyayaring ganito na nangyayari ay hindit ito maiiwasan.

Written By: Charlize Nicolette De Guzman, Chanise Alaine Wang, Geraldine Noblejas, Dominic Landicho, and Jon Gabriel Cruz

--

--