Sa mga gabing kasiping ko ang pighati

“Hanggang kalian mo gugustuhing makatabi ako sa pagtulog?” tanong niya sa akin nang kami ay mahiga sa aking kama.

“Hanggang sa magsawa kang magising sa umaga na ako ang iyong unang makikita,” tugon ko.

“Hindi ako marunong magsawa,” aniya na may tonong paghahamon.

“Puwes,” niyakap ko siya ng buong higpit. “Magtiisan tayo. Kung sino ang unang bumigay, siya ang panalo.”

“Alam nating pareho kung sino ang mananalo sa larong ito,” bulong niya sa akin sabay yakap. “Pero sige, yakapin mo lang ako.”

Sa pagpikit ng aking mga mata’y dinasal ko na sana bukas paggising ko ay wala na siya sa aking tabi. Hindi ko alam kung sino sa aming dalawa ang mananalo, pero sabi nga nila, manalo ka man sa laban, walang nananalo sa digmaan. Parehas kaming mandirigma: ako na pilit siyang nilulupig, at siya na gagawin ang lahat para patuloy kaming magkapiling.

Ito ang aming kuwento. Ako at ang pighati ng aking puso.

Una ko siyang nadatnan pagpasok ko sa silid na inilaan sa akin ng babae sa motel. Madaling araw iyon ng Lunes, ang unang Lunes ng taon, at alanganin ang dating ng bus na sinakyan ko mula Baguio patungong Maynila. Hindi ko na makatok ang kaibigan kong si Didoi sa bahay nila sa Pasig dahil pagod na ako bumiyahe; hindi ko na rin napilit si Eli na samahan ako sa motel dahil balak pa niya pumasok sa opisina pagsikat ng araw.

Sa anim na oras na biyahe pababa ng Maynila ay nag-usap kami ni Eli. Doon niya isiniwalat na walang mangyayari sa amin kung aming subukan na magkaroon ng relasyon. Ito ay sa kabila ng matamis na palitan naming ng mga salita-mula sa chat, sa text, sa mga tawag sa telepono, at higit sa lahat, sa

tuwing magkasama kaming naglalakbay sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas. Sa kabila ng lahat ng dahilan na inilatag ko sa kanya, kabilang na doon ang katotohanang minamahal ko siya.

Sa madaling salita, binasted ako ni Eli.

Sabi niya, kahit na bigyan pa niya kami ng pagkakataon ay hindi siya handa para sa anumang relasyon. Na kahit pa siguro kahanay ko si Jessy Mendiola ay hindi niya parin iyon gagawin. Siguro daw gagawin niya, pero hindi dahil sa gusto niya ako bilang ako, kundi para lang magkaroon siya ng girlfriend na puwede niya ipagmayabang sa mundo. Pero wala pa rin siyang pag-ibig na kayang ibigay.

Wala daw sa akin ang problema. Nasa kanya. Ang problema ko lang daw ay masyado akong napakapit sa kanya, kaya heto ang aming kinahantungan.

Pagbaba namin ni Eli ng bus sa Cubao ay nag-abang naman kami ng bus na sasakyan niya papuntang San Pedro. Hindi nagtagal at may pumarang bus. Hinalikan niya ako sa labi at nagmadaling sumakay, at nang makaupo siya sa loob ng bus ay kinawayan niya ako bilang pagpapaalam.

Doon ako nagsimulang maglakad papunta sa tawiran, kung saan naroroon pa rin ang mga pokpok na nakikipagtawaran sa kanilang mga kostumer. Naalala ko bigla, isang dekada na ang nakalipas, na sa mga ganoong oras kami umuwi ng dati kong nobyo na si Emman galing sa rali o sa unibersidad. Madalas siyang sutsutan ng mga pokpok sa tawiran, kahit na kasama na niya ako. Kahit na ang suot ko noong mga panahon na iyon ay tube top o di kaya ay spaghetti-strap. Payat pa ako noon.

Malapit lang ang motel mula sa tawiran, pero dahil punuan ay isang oras mahigit pa bago ako nabigyan ng kuwartong matutulugan. Pagsakay ko sa elevator ay nakita ko ang aking sarili sa salamin. Mataba. Magulo buhok. Maitim. Biyernes Santo ang mukha. Wala na ang balingkinitan kong katawan na pantapat sana sa mga pokpok noong panahon namin ni Emman.

Bigla kong naisip na hindi na ako maganda. Doon rin nagsimulang tumulo ang aking mga luha.

“Kamusta?” ngiti niya sa akin pagkabukas ko ng pintuan ng silid. Isang pamilyar na mukha. Mukha na walang emosyon o kahit anong bahid ng init. Isang mukha na kahit mula sa malayo ay ramdam ko na ang lamig.

Bigla kong nabitawan ang mga dala-dala kong gamit sa sahig, na nuon ko lang naramdaman kung gaaon sila kabigat. “Umalis ka diyan, punyeta ka,” itinaboy ko siya sa kama, at saka ako dagliang dumapa at isinubsob ang aking mukha sa mga unan. Doon ako humikbi, dahil hindi ko na kaya ang sakit na aking nararamdaman nang mga oras na iyon. Siya nama’y umusog lang at pinagmasdan lamang ako.

“Iwan mo ako mag-isa,” sabi ng nangangatal kong boses. “Hindi kita kailangan.”

“Itulog mo na lang iyan,” sagot niya.

Pinikit ko ang aking mga mata at hindi ko na maalala kung napatay ko ba ang mga ilaw o hindi. Makalipas ang ilang oras, ako’y naalimpungatan sa tunog ng aking cell phone, mga text mula sa aking boss tinatanong kung anong oras ako darating ng Zamboanga, hanggang sa ilang madramang mga kaibigan na nagtatampo dahil hindi namin nagawang magkita-kita sa buong linggo kong pamamalagi sa Maynila, Baguio, at Sagada.

Doon ko lang din napagtanto na yakap-yakap ko siya. Ako’y agad na nagising, at ang una kong ginawa ay ang yakapin pa siyang lalo, at muli, ako’y humagulgol.

Iyon ang unang beses, sa loob ng mahabang panahon, na niyakap ko ang pighati ng pagkabigo.

Mabilis na lumipas ang oras nang araw na iyon, at bagama’t malabo ang aking paningin dahil sa patuloy na pamumuo ng luha sa aking mga mata, nakauwi ako ng Zamboanga. Sa taksi papuntang NAIA ay katabi ko ang pighati, na tahimik lang na pinagmamasdan ang EDSA na sa mga oras na iyon ay walang trapik. Di kalaunan ay magkatabi naming hinintay ang pagdating ng eroplanong sasakyan

ko pauwi. Sabay naming pinanood ang paglubog ng araw sa paliparan, bilang nahuli na naman ng dating ang eroplano.

Gabi na nang makalapag kami ng Zamboanga, at dumiretso kami sa tinutuluyan kong dormitoryo. Makalat ang aking kuwarto, na walang pinagbago mula nang iniwan koi to para magbakasyon kasama si Eli. Nakakalat pa ang labahan, at maalikabok na ang aking kubrekama-senyales na para ako’y maglinis at idispatsa ang dumi ng nakaraang taon.

Pero masyado pa akong pagod, hindi lamang dahil sa biyahe, kundi pati na rin sa taas-baba ng aking mga emosyon sa loob lamang ng isang linggo.

Sa kabila ng nagbabadyang atake ng hika, ako’y humiga sa aking kama at muling umiyak. Tumabi siya sa akin at ako’y niyakap. Walang sinabing kahit ano, pero ang huli kong naalala ay ang malamig niyang yapos hanggang sa ako’y nakatulog.

Mula sa unang Lunes ng taon ay lagi ko na siyang kasama. Siya ang una kong nasisilayan sa umaga, ang kasabay kong maglakad papunta sa opisina, ang kasabay ko sa pagkain, at ang katabi ko sa pagtulog. Madalas ay tahimik lang siya, pero sa tuwing may nakikita ako na nagpapaalala sa akin kay Eli, tinitignan niya ako at ngumisi.

“Hindi ka niya gusto.” Minsan ay bumulong siya sa akin habang tintignan ko ang mga letrato namin ni Eli sa aking cell phone. “Kahit na ano pa ang gawin mo, hindi ka niya bet.”

“Ano pa bang dapat kong patunayan?” tanong ko sa kanya. “Ano pa ba ang kulang?”

“Lahat.” Tugon niya. “Hindi ka chiks kaya hindi ka niya magugustuhan. Hindi rin ikaw ang tipo na makakasabay niya sa mga gusto niyang gawin sa buhay. Mas gusto mo magkulong sa bahay at mag-gantsilyo ‘di ba? Puro layas ang nasa utak niya, at malamang sa hindi ang gusto niya maging syota ay yung kapwa niya tumatakbo. Ang tulad niyang umaakyat ng bundok. At hindi ikaw ‘yun.”

“Hindi ba kami puwede na magkita sa gitna?” tanong ko ulit. “Nagagawa ko naman siyang samahan sa paggala niya.”

“Hindi.” Sagot rin niya. “Hindi sapat iyon. Naaalala mo sa Echo Valley at ang dami mong arte? Napipikon na siya sa ‘yo dahil lampa ka at puro ka reklamo sa pag-akyat at pagbaba ng bundok. Doon pa lang na-turn off na siya. Pinakawalan mo ang pagkakataon. Kaya magdusa ka.”

“Gano’n ba ‘ko kahina?” Tila nawawalan na ako ng lakas para muli pang mag-usisa.

“Oo.”

Halos laging ganyan ang nagiging takbo ng aming mga pag-uusap. Sa tuwing nakakanakaw ako ng sansaglit na katahimikan pagkagaling ko sa trabaho o di kaya sa piling ng aking mga kaibigan, kakalabitin niya ako at ipapaalala sa akin ang mga nangyari noong nakaraang taon-mula noong pumunta kami ni Eli sa Merloquet Falls dito sa Zamboanga kung saan kami unang natikman ang labi ng isa’t isa, hanggang sa magkasama kaming kumain sa paborito kong kainan sa Maginhawa-pati na ang pagsakay namin ng dyip mula Philcoa pabalik ng Cubao.

Paminsan-minsan ay sinasalaysay niya sa akin kung paano ko ninakawan si Eli ng mga halik sa tuwing ito ay natutulog sa mga gabing magkasama kami. Na gustong-gusto ko siyang hinahalikan sa dibdib at balikat, o di kaya ay sa noo. Hindi ko alam kung nakakaramdam ng kilig sa Eli sa mga pasimple kong galaw, pero ako, oo. Hindi dahil masaya akong kapiling siya, kundi dahil sa mga sansaglit na iyon ako nakakaipon ng mga matatamis na alaala, na doon ko lang naipapakita sa kanya kung gaano ko siya kagusto sa kabila ng kanyang mga kapintasan. Mga bagay na sana ay hindi ko na lang ginawa kung alam ko lang na magiging ganito kasakit sa tuwing mauungkat sila ng aking isipan.

Malupit ang pighati sa tuwing umaariba siya sa pagpapaalala sa akin ng mga bagay na iyon. Hindi ko mapigilan umiyak dahil naiisip ko, bakit hindi ako naging sapat para mabago ni Eli ang kanyang mga desisyon. Na bakit hindi ko nagawa na maging tulad ni Eli, na sa kabila ng lahat ng halik, yakap, at paniniig, ay hindi nakabuo ng anumang mas malalim na pagpapahalaga.

“Masokista ka rin ‘no?” Minsan isang umaga ay bigla siyang sumulpot habang kaharap ko ang aking laptop. “Sige lang, chat pa more!”

Napatigil ako sa aking pagta-type. Kausap ko si Eli sa Facebook. Kung ano-ano lang ang aming mga pinag-uusapan, tulad ng mga susunod niyang biyahe at ang muli niyang pag-akyat sa Sagada, ang mga kaguluhang kinakaharap ko sa opisina, at ang kung gaano kalala na naman ang trapik sa Kamaynilaan kung saan hindi naman ako apektado. Hindi namin inuungkat ang kahit ano patungkol sa aming mga damdamin, kahit na gusto ko sabihin sa kanya na nangungulila ako sa kanyang mga yakap at kung gaano kasakit para sa akin na makuntento sa mga ganitong pag-uusap dahil hanggang dito lang ang kanyang kayang ibigay.

“Hayup ka, wag kang magulo,” bulong ko sa kanya.

“Eh kahit naman gawin mo ang lahat ng dasal at paghihintay ay hindi ka pa rin papansinin niyan,” sagot niya na parang tumatawa. “Pero ‘yan ang gusto mo, ‘di ba?”

Oo, ito ang gusto ko. Sasabihin ko na dapat iyon sa kanya pero nagtimpi lang ako. Hindi ko na rin naman ito dapat sabihin dahil sa kabila ng pagpapaalala, siya lang ang kumukunsinti sa akin. Alam niya ang sakit. Alam niya ang pait na aking iniinda na hindi ko pa magawang mabitawan.

Minsan ay bigla akong nagising sa kalagitnaan ng madaling araw. Mainit ang panahon at hindi ko alam kung bakit. Binuksan ko ang bintana pero walang hangin na pumasok sa aking kuwarto. Tinignan ko ang oras at alas kuwatro pa lang ng umaga.

Muli akong humiga at sinubukan na muling bumalik sa pagtulog, pero hindi ko mapakali. Kaya’t ako’y umupo sa gilid ng kama, tumayo at naghanap ng masusuot sa aparador.

“Saan ka pupunta?” Tila nagulat siya na makita akong nakatayo at nagbibihis.

“Tatakbo.” Tipid kong sagot.

“Bakit?”

“Hindi ako makatulog.” Daglian kong paliwanag.

“Balik ka na sa pagtulog. Halika na,” aya niya sa akin. “Di naman niya makikita ‘yan. Di mo rin siya kasama tumakbo. Tulog na tayo.”

“Matulog ka diyan kung gusto mo,” tugon ko. “Pero tatakbo ako. O maglalakad. O basta, lalabas ako.”

Hindi kalauna’y sabay kaming naglalakad sa kalsada paakyat sa Pasonanca. May ilang salamin kaming nadaanan at sa bawat saglit na iyon ay pinaalala niya sa akin kung gaano kapangit ng aking hitsura, mula ulo hanggang paa. Dinibdib ko iyon, pero agad kong pinahid ang mga namuong luha dahil hindi ako maaaring tumigil sa paglalakad.

Taas-baba ang kalsada sa Pasonanca, at madaling sumakit ang aking mga hita kahit naglalakad pa lang ako. Tawa siya ng tawa sa akin, dahil sandali pa lamang ako sa kalsada ay napapagod na ako. Muli niyang pinamukha na walang silbi ang ginagawa ko dahil ni kailanman ay hindi ako magiging karapatdapat para sa lalaking gusto ko.

Gusto ko umupo at magmaktol, pero agad itong napawi nang maramdaman ko ang kakaibang init na dala ng pagsikat ng araw. Nasa tuktok na pala ako ng Pasonanca, at sa kauna-unahang pagkakataon ay nakita ko ang bukang liwayway ng Zamboanga. Napangiti ako sa aking napagmasdan, at kasabay noon ay nakaramdam rin ako ng kaunting panghihinayang. Mag-iisang taon na ako sa Zamboanga, pero ngayon ko lamang ito nasipat. Sana noon pa.

Ngunit hinayaan ko na lang ang panghihinayang na iyon. Nang sumunod na araw ay muli akong gumising ng maaga at naglakad patungo roon para abangan ang pagbati ng isang na namang bagong umaga.

Hindi ko na lang namalayan na naglalakad na pala ako tuwing umaga. Madalas ay nahuhuli ako sa pagpasok sa trabaho, pero hindi ko na lang ito inalintana dahil nawiwili ako sa panonood ng bukang

liwayway. Araw-araw pa rin niya akong sinasamahan sa paglakakad, kahit bago kami umalis ay pilit niya akong pinipigilan bumangon.

“Mas masarap pa rin matulog,” sabi niya sa akin. “Itulog na lang natin ‘yan.”

“Hindi naman kita inoobligang sumama,” sagot ko minsan. “Kung gusto mo, maiwan ka na lang dito.”

Hindi kalaunan at ako na lang talaga mag-isa ang tumatakbo. Sinisipat ko siya bago ako umalis, at nagtatalukbong na lang siya dahil mas may paninindigan siyang matulog kaysa sa maglakad at tumakbo sa mga ganoong oras ng madaling araw. Paminsan-minsan ay natatakam rin ako na matulog na lang, pero saying ang tanawin, na hindi sa lahat ng oras ay malalasap ko.

“Saan ka na naman pupunta?!” Bulalas niya sa akin habang ako’y nag-iimpake ng mga damit sa aking itim na backpack.

“Aakyat ako ng bundok,” ngiti ko sa kanya. “Bukas na raw ang trail papuntang Abong-abong eh. Aakyatin ko iyon ngayon.”

“Huwag ka nga!” Sigaw niya. “Ang poser mo! Hindi ka naman marunong umakyat ng bundok! Kahit ang mag-hike! Isang beses ka pa lang nakapag-hike sa buong buhay mo kaya ‘wag kang umarte na lalakad kang mag-isa!”

“May mga kasama ako.” Sambit ko. “Bakit naman ako lalakad mag-isa?”

“Hindi nga lang si Eli.” Ngisi niya.

“Tangina mo.” Isip-isip ko.

Agad akong lumarga at pinuntahan ang mga kasama ko sa pag-akyat. Mga bago ko rin silang kakilala na mahilig lang din mag-hike, at naisipan nilang isama ako para mas magkaroon ako ng karanasan sa pag-akyat at pagpunta sa mga masukal na lugar, na sa totoo lang ay kinakatukan ko pa rin.

Isang oras ang biyahe patungo sa paanan ng bundok. Matapos ang biyahe at sinimulan namin ang paglalakad sa kagubatan ng Abong-abong. Inabutan nila ako ng tungkod para hindi ako madulas at mawalan ng balanse sa mga makikitid na daanan, at naging pasensyoso sila na alalayan ako sa mga mas nakakatakot na tawiran. Dahil alam kong malaki ang katawan ko ay madali akong mag-alinlangan sa mga tulay na gawa sa kahoy, dahil baka masira ang mga ito pagtapak ko, pero naging masugid sila sa pagpapaalala na kaya ako ng mga ito. Hindi rin nagtagal ay nasanay na rin ako sa mga nakakakabang mga daanan, kahit na paminsan-minsan ay napapatili parin ako-hindi dahil sa kaba, kundi sa kilig ng rumaragasang mga emosyon. Masarap sa pakiramdam ang tumili, at habang pinapanood nila ako, natatawa na rin sila.

Limang oras ang inabot namin para maakyat ang tugatog ng Abong-abong. Hindi ganoon ka-taasan ang bundok na iyon, pero dahil bago pa ang trail ay matagal bago namin naakyat ang tuktok. Hindi ako magkamayaw nang makita ko ang tanawin mula sa itaas-kita ko ang buong lungsod ng Zamboanga, kabilang na ang mga nagtataasang mga gusali, ang maiitim na usok, ang mga bagong-bukas na mall, at ang bughaw na dagat na kumikislap sa ilalim ng mataas na araw.

Tanghali na noon, pero dahil sa aliwalas ng hangin, pakiramdam ko ay maaga pa. Pinikit ko ang aking mga mata para lasapin ang kasariwaan ng hangin, at doon ko naisip si Eli. Magustuhan niya kaya ang tanawin dito? Matutuwa kaya siya mga daraanan para makaakyat dito? Mainis kaya siya kung ako ang kasama niyang umakyat? Pero sa kabilang banda, maganda na rin na hindi ko siya kasama, isip-isip ko. Baka kasi siya ang mas pagtuunan ng pansin kung sakaling kaming dalawa ang umakyat, hindi ko na magagawang magkaroon ng pagpapahalaga sa alindog ng tanawin sa harapan ko.

Hindi na ganoon katagal ang pagbaba namin ng bundok, pero gabi na nang makauwi ako sa dormitoryo. Pagbukas ko ng ilaw ay nakita ko na ang kalat pa rin ng kuwarto ko. Andoon pa rin ang mga damit na hindi ko pa nadala sa labada, ang mga papel na pinagsulatan ko ng mga notes at draft reports, ang mga bote ng mineral water na hindi ko pa naibaba para madala ng aking kasera sa junk shop. Hindi pa rin organisado ang aking mga kahon, at maalikabok na ang sahig. Isa pa lang ang

nagagawa ko mula nang dumating ako galing Maynila noong unang Lunes ng taon, at ito ay ang magpalit ng kubrekama. Pero ang higaan ko mismo, magulo pa rin.

Inilapag ko na lang ang dala-dala kong backpack at agad akong nagbihis ng pambahay. Sinimulan ko maglinis, una sa sa mga gamit ko na nawala na sa kanilang tamang lagayan. Sunod ay pinaghiwalay ko ang mga basura sa hindi, at inilagak na ang mga dapat itapon sa basurahan. Ang mga papel ko na sa pakiramdam ko ay may silbi pa ay nilagay ko sa isang kahon, at ang mga nakakalat na sisidlan na plastik ay aking tinupi at nialagay sa isang kahon. Inipon ko na rin ang mga bote ng tubig sa isang sulok para madali silang makuha sa mga susunod na araw, at matapos noon ay winalisan ko ang sahig ng aking kuwarto.

“Hindi ka pa tapos diyan?” Bigla siyang nagsalita. “Anong oras na oh? At anong oras ka pa dumating?”

“Hala, mag-uumaga na pala,” napaupo ako sa gilid ng kama habang tinitignan ang relo sa kuwarto. “Di ko namalayan. Kagabi pa ako dumating. Naaliw lang ako maglinis.”

“Weh?” Nayayamot niyang sagot. “Matulog ka na kaya.”

“Saglit lang,” ngiti ko. Binuksan ko ang Facebook at ang mga letrato ni Eli ang unang sumalubong sa akin. Naglagay siya ng mga kuha niya sa isang bundok na pinuntahan niya ilang linggo na ang nakakaraan. Maganda ang kuha ng tanawin, kita ang tugatog ng bundok at ng mga nakapaligid na rock formations at ang mga nagtataasang mga puno.

“Umakyat rin ako ng bundok kanina,” ngiti ko. “Tama ka, ang ganda nga kung pagmamasdan mo ang mundo mula sa itaas.”

Agad ko nang isinara ang Facebook at tumungo na ako sa banyo para maligo. Nararamdaman ko na talaga ang pagod, kaya’t matapos kong mapreskuhan ay natulog na ako.

Ilang araw ang nagdaan bago ako muling nakatakbo. Madami-dami rin kasi akong inatupag sa opisina, tulad ng mga report na hindi ko pa nasusulat, ang pagpaplano ng mga aktibidades ng aming organisasyon, at ang mga lakad naming magkakaibigan. Kumuha rin ako ng ilang raket para makadagdag ng kita, dahil marami rin akong naging gastusin nitong mga nakaraang linggo.

Hapon iyon ng Sabado. Binaybay ko ang dating ruta paakyat ng Pasonanca, at habang tumatakbo ay nasipat ko ang aking repleksyon sa salamin ng isang tindahan. Parang may nag-iba sa akin, pero hindi ko matukoy kung ano. Hindi naman siguro ang katawan ko dahil hindi naman nagbago ang mga damit na sinuot ko simula noong una akong tumakbo. Hindi rin ang mukha ko, o ang buhok ko. Hindi ko pa nagawang magpa-facial o magpagupit sa parlor mula noong nagpalit ng taon ang kalendaryo. Pero masaya ako sa nakita ko sa salamin. Para kasing hindi ako ang nakita ko sa repleksyon. Parang ibang tao, suot lang ang damit at sapatos ko.

Napangiti ako sa aking nakita, at matapos noon ay pinagpatuloy ko ang pagtakbo. Pagkagat ng dilim ay natagpuan ko ang aking sarili na nakabalik na sa dormitoryo, handa nang magpahinga para salubungin ng buong lakas ang darating na bukas.

Isang gabi ay natagpuan niya akong muli sa harap ng laptop, pinagmamasdan ang Facebook ni Eli. Pero may ginawa akong hindi niya inaasahan.

“Bakit mo ni-block si Eli?!” Parang nagimbal siya matapos ko i-click ang “BLOCK” button sa Facebook ni Eli. “Iyan na lang ang nagdurugtong sa inyong dalawa! Wag mong sabihin na naka-move on ka na!”

“Hindi ko alam kung nakaraos na ako,” paliwanag ko. “Pero ayoko lang na patuloy na dalhin ang pait ng mga alaala ko kay Eli. Masyado pa ring mabigat. Siguro mas makabubuti na ito. Saka puwede naman niya ako i-text. Gusto ko nang lumaya.”

Natahimik siya matapos ko magpaliwanag. Hindi ko alam kung tama ba ang sinabi ko o ano, pero ako rin ay natahimik. Hindi ko rin inaasahan na masasabi ko ang mga bagay na iyon, dahil iyon ang mga bagay na pilit kong iniwasan sa mahabang panahon. Ginawa ko ang lahat para patuloy na

panghawakan ang mga alaala ko kay Eli, para patunayan sa ako’y karapatdapat para sa kanya, pero heto ako ngayon, nagdesisyon bigla na bumitaw at sumuko.

“Ang laki ng pinayat mo,” sabi niya sa akin. “At gumanda ka.”

“Sabi nga nila,” ngiti ko na may kahalong kilig.

“Kung makikita ka lang ni Eli ngayon…” sambit niya.

“Hindi niya ako nakikita ngayon,” matigas kong sabi. “At kahit pa makita niya ako ngayon, kung hindi mababago ang desisyon niya, wala paring silbi ang lahat.”

“Malay mo.” Kindat niya sa akin.

“Malay ko,” sagot ko. “Pupunta pala ako ng Dumaguete bukas. Regalo ko sa sarili ko bilang kaarawan ko na.”

“May mga kasama ka?” usisa niya.

“Wala,” iling ko. “Ako lang mag-isa.”

“Okey,” tugon niya. “Eh di matulog ka na. Maaga ka pa bukas.”

Sabay kaming humiga sa kama ko at naghawak kamay. Pinatay ko ang ilaw at nagpatugtog ako ng ilang kanta sa Walkman ko hanggang sa ako’y inantok at nakatulog. Matagal-tagal rin bago ako napapikit dahil iniisip ko ang Dumaguete, bilang unang beses kong makakapunta doon. At iyon din ang unang biyahe ko mag-isa. Tatlong araw na bakasyon para sa aking kaarawan, kapiling ang aking sarili.

Paggising ko kinabukasan ay naramdaman ko ang patlang sa aking kama. Wala na siya sa tabi ko.

Hindi ko alam kung madadatnan ko siya sa aking pagbabalik mula Dumaguete. Pero sana iyon na ang huling gabing kasiping ko ang pighati.