La Luna Sangre (2017)

BUOD:
Ito ay may kaugnayan sa teleseryeng Lobo at Imortal. Si Malia Rodriguez, ang itinakda, ay ang anak nina Mateo at Lia na inaasahang tatapos sa buhay ni Sandrino o mas kilalang Supremo. Sa kabilang banda, si Tristan Torralba naman ay pinalaki ng kaniyang mga tita sa Maynila at naghahanap ng katarungan sa pagkamatay ng kaniyang kinikilalang ama na miyembro ng LLU na pinatay ng bampira. Nang magkatagpo ang dalawa, hindi inaasahang mahulog ang kanilang loob sa isa’t isa ngunit hindi ito maaari ayon sa propesiya. Sinasabi sa propesiya na ang nakatakdang maglalaban hanggang kamatayan ay ang pinakamalakas na bampira na may sumpang tinta at ang itinakdang lobo. Sa paglipas ng panahon, unti unting lumalabas ang pagkabampira ni Tristan at natuklasan niya na kapatid niya si Sandrino. Siya ay mas malakas kaysa kay Sandrino sapagkat siya ang nagtataglay ng sumpang tinta, silang dalawa ni Malia ang tinutukoy sa propesiya na maglalaban ngunit mas nanaig ang kanilang pag iibigan. Hindi nagpadaig si Sandrino kaya’t may ginawa siyang orasyon upang makuha kay Tristan ang sumpang tinta at magkaroon ng mas malakas na kapangyarihan. Magkasamang nilabanan nina Malia at Tristan si Sandrino at hindi nagbase sa sinasabi sa propesiya kaya’t nagtagumpay sila sa pagpatay kay Sandrino.
MAHAHALAGANG TAUHAN:
Malia Rodriguez (Kathryn Bernardo): Ang itinakdang lobo na makakatalo sa bampirang may sumpang tinta at naging punong bantay ng La Liga Unida. Siya ay nag-disguise bilang Miyo Alcantara at Toni Lumakad upang hindi makilala ng Supremo habang ginagawa ang kaniyang mga misyon.
Tristan Torralba (Daniel Padilla): Mapagmahal sa pamilya. Miyembro ng Moonchasers na kumakalaban sa mga bampira. Anak ni Magnus sa mortal na si Rica. Sa kabila ng pagkakaroon ng dugong bampira ay mas pinili pa rin niyang pumanig sa mabuti at talikuran kalabanin ang kasamaan ng kaniyang kapatid na si Sandrino.
Sandrino Villalobo: Mas kilala bilang “Supremo” na pumatay sa mga magulang ni Malia at ibang miyembro ng LLU. Siya din ang pinuno ng mga masasamang bampira.
KAUGNAYAN NG ISYUNG PANLIPUNAN:
Sa teleseryeng ito ay may mga sangkot na politiko na napapatay katulad ni senator Mallari na pinatay ni Sandrino para hindi nito mahadlangan ang kaniyang masasamang balak. Nasasalamin sa mga eksenang ito ang mga isyu sa tunay na buhay sa ating lipunan kung saan naglilipana ang mga ang mga maling gawi ng mga politiko. Nauugnay sila sa mga ilegal na gawain kung saan protektado sila ng mga maimpluwensyang tao sa lipunan.
MENSAHE
Ang mensahe ng teleseryeng ito ay ang pagkakaroon ng mabuting loob sa mga tao na nakapaligid sa iyo katulad ng mga ipinakita ni Tristan na mas piniling maging mabuti kaysa sumanib sa kasamaan ni Sandrino. Ipinakita din dito na mas nananaig ang pag ibig kaysa kasamaan kung saan walang kahit anong pagsubok ang makakapigil sa dalawang taong tunay na nagmamahalan.