Untitled 01

Hindi ko alam kung paano ko nagawa ‘to. Hindi ko alam kung pasok ba siya sa spoken word poetry or hindi. ang alam ko lang, sobrang lungkot ko habang ginagawa ko ‘to. Pasensya.

Isang taon ko na lang binabagtas ang daang hindi ko alam kung saan patungo.
Dito ba, o dito ba? Saan ba ang daan? Kailan ba ako susuko?
Isang taon na pala mula nang pumara ka’t iniwan ako sa’king byahe,
minasdan, sinundan, kahit na para sa puso kong pagod na, medyo dyahe.
Isang taon na magmula nang makita ko nang personal kung paano ka ngumiti,
tumawa, magulat, kiligin, magmahal, masaktan, mainis, magtimpi.

Isang taon na akong nahihirapan,
nahihirapang kalimutan, tanggalin, lisanin ka’t burahin
sa aking puso’t isipang naburo na sa maamo mong mukha,
sa matamis mong mga ngiti, sa mala-langit mong mga tingin.
Minsan ko nang tinanong ang sarili ko sa salamin
Tama pa ba na magpaka-martir ka pa din? Kahit alam mo
sa sarili mong sobra na, sukdulan na, hindi na maganda ang sakit na dinudulot
ng patuloy mong paghihintay sa byaheng matagal na palang nakaalis?
Siguro nga, huli na. Huli na para pagsisihan ko pa ang pagsambit ko ng oo
noong gabing tayo’y parehong nagtataka kung dapat pa ba’ng patuloy na
bagtasin natin nang magkasama, magkasabay
ang isang daang malubak na patuloy na sumisira sa ating masayang paglalakbay.

Isang taon, isang taon. Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, hindi maaaring hindi ka sumagi
sa isip ko na parang isang ligaw na balang paulit-ulit na tumatagos sa sentido ko’t kaluluwa.
Isang taon, isang taon. Sa magdamag kong pagtutok sa trabaho’y hindi maaaring hindi ko maalala
ang mga panahong sa’yo ko pa kinukuha ang inspirasyon ko’ng bumango’t magsimula.

Ngayo’y nandoon ka’t nandito naman ako, naiwan sa sulok ng kalungkutang ako din naman ang
puno’t dulo. Kamusta ka na? Kilala mo pa ba ako? Hindi ko alam kung may makakarinig pa ba sa
mga tanong na bumabagabag dito sa kaloob-looban ko.
Ngayo’y marami nang nag-iba, nagbago, nawala. Pwedeng wala nang puwang ang tulad ko dyan sa’yo.
Pwedeng hindi mo na talaga ako gusto. Pwedeng may iba na palang lalaking nagpapasaya sa’yo.
Mahirap nang magsalita nang tapos, pero huwag naman sana magkatotoo yung pangatlo.

Isang taon na ang lumipas, at heto ako, mag-isang bumibiyahe sa daang hindi ko alam kung saan patungo.
Hindi ko alam kung kailan ko makikita ang bababaan ko, pero sana pagdating ko sa dapat kong paroonan,
ikaw at ikaw lang ang makikita kong nakatayo.