Teknolohiya: Kaibigan o Kaaway ng Modernong Henerasyon?

Carla Camille De Vero
3 min readJan 30, 2017

--

Kasabay ng mabilis na pag-usad ng panahon ang mabilis na pagbabago sa mundo pati na rin sa saloobin at kaluluwa ng tao. Ang pagkahayok ng bawat isa sa pagbabago ang siyang sanhi ng pagkasilang ng teknolohiya. Hindi maikakailang lumawak na ang kaalaman tungkol sa mundo at ito ay dahil sa modernong panahon na kinabibilangan natin ngayon. Gaano na nga ba kalayo ang ating nilakbay at tila ba nakalimutan na ng mga kabataan sa kasalukuyan ang mga bagay na kinagigiliwan nating gawin sa mga nakalipas na panahon?

Pagbalik tanaw sa mga larong Pinoy katulad na lamang ng bahay-bahayan, langit lupa, patintero at iba pa na dating nagbibigay buhay sa lansangan at bumabasag sa nakabibinging katahimikan ng kapaligiran. Salungat sa kasalukuyang ganap ng mga kabataan pagdating sa paglalaro. Kahit saan tayo lumingon bakas ang pagbago ng teknolohiya sa mundo at kasabay nito ang malaking pagbabago ng kabataan. Halos hindi mabitawan ang mga gadgets na mas madaming oras pa ang inilalaan kaysa makipag interaksyon o gumawa ng mas makabuluhang bagay.

Ano ba ang epekto ng teknolohiya sa mga kabataan ng modernong henerasyon? Nararapat ba nating isisi sa teknolohiya ang unti-unting pagbabago ng pag-uugali sa tinatawag na “Pag-asa ng Bayan”?

Lingid sa ating kaalaman, patuloy na yumayabong at lumalaganap ang teknolohiya sa kasalukuyang panahon. Kasabay ng paglipas ng panahon ang mabilis na pagbabago ng ugali ng mga kabataan sa modernong teknolohiya. Madali na ang lahat. Maging ang paggawa ng mga takdang aralin sa paaralan ay “instant”. Hindi mo na kailangan bumuklat ng libro at hanapin ang kasagutan dito bagkus kaunting type at click dito may “instant” kasagutan na sa iyong takda. Nagiging makapal na ang alikabok ng iyong mga libro sapagkat nakulong na ang atensyon sa isang kahong hindi maiwan ng ating paningin kahit saglit.

Mapapansin na naging tamad na ang mga itinuturing na “Pag-asa ng Bayan”. Umaasa sa teknolohiyang malapit ng kumain sa kanilang sistema. Mas maraming nailalaan na oras kumpara sa mga makabuluhang bagay na maaaring gawin. Ang tanong ng karamihan ay paano nga ba magiging “Pag-asa ng Bayan” ang mga kabataan kung sila mismo ay nahihirapang kumalas sa higpit ng yakap ng teknolohiya? Kung ang simpleng pagbuklat ng libro para sa ating mga takda ay hindi natin magawa bagkus computer at mouse ang ating hawak sapagkat umaasa tayo sa abilidad na hatid ng teknolohiya at modernisasyon.

Ang simpleng pakikipag-usap sa ating pamilya ay hindi na rin natin maisagawa sanhi ng mga gadgets na mas pinagtutuunan natin ng atensyon at oras. Normal na senaryo sa ating paaralan ang pagkopya ng mga aralin na itunuturo sa atin ng ating mga propesor o guro. Ngunit sa halip na ballpen at papel ang ating ilalabas, camera o cellphone ang ating hahawakan sapagkat mas madali ang pagkuha ng litrato kaysa sa pagsusulat nito. Nakadepende palagi sa moderno at makamundong teknolohiya. Hindi naman masama ang paggamit nito ngunit may mga bagay na dapat nating itinatrabaho at hindi kailangang iasa sa teknolohiya.

Ang simpleng paggawa ng gawaing bahay upang makatulong sa mga magulang ay hirap na ding gampanan ng mga kabataan ngayon. Masyadong minahal ang aliw na ibinibigay ng modernisasyong teknolohiya.

Hindi ito upang gawing masama ang epekto ng teknolohiya at modernisasyon sa mga kabataan. Hindi maikakailang napakalaki ng tulong ng teknolohiya sa modernong henerasyon. Malayo na ang narating nito sa patuloy na pagyabong at paglaganap nito. Lagi lamang natin isa-isip na ang pag-unlad ay base rin sa magandang ugali ng mamamayan nito partikular na ang mga kabataan. Ang disiplina sa sarili ang susi upang hindi maabuso ang paggamit nito. Ang kabataan na masipag at may magandang pag uugali sa modernong henerasyon at ang patuloy na pagyabong ng teknolohiya ang susi sa pag-unlad ng bawat isa.

--

--