Bakasyon

Sa pagitan ng mga alon

Ng mainit na panahon

Sinubukan kong hanapin

Sinubukan kong abutin

Ang Iyong pagsinta

Ang apoy na dati kong dala.

Sa kagustuhang ibalik ang saya

Ibalik ang pananampalataya

Sa ilalim ng dagat

Hinanap ang pagibig Mong sapat

Pinagmasdan ang walang hanggang kalangitan

Ninais sisirin ang walang hanggang karagatan.

Napadpad ako dito

Sa pagitan ng mga bato

Sa pagitan ng lahat ng magagandang bagay na nilikha Mo

Nagpapaalala na sa kabila ng lahat ng ito

Ang pinili Mo ay ako

Ako at ang mga kamalian ko.

Habang hinahayaan ng mga buhangin

Na ako ay humiga at gawin silang sapin

Gawing ilaw ang mainit na araw

Gawing kaibigan ang mga isdang sumasayaw

Naalala ko kung bakit ako nandito

At kung sino ang babalikan ko.

Marahil ay hindi bakasyon

Kundi relasyon

Hindi litrato

Kundi pagibig Mo

Dahil kahit saan ko man hanapin

Ang kapahingahan ng mapusok kong damdamin

Ang kapayapaan ko’y nasa Iyo pa rin

Sayo at sayo pa rin.