Maniniwala ka ba kung sasabihin kong Mahal Kita?

sinabi ko noon sa sarili ko na hindi na muli pa Kitang tatalikuran.

mahirap pala.

parang pag abot sa mga talang sa pamamasid ko lang naaangkin.

mahal Kita.

mas madaling sabihin pero mahirap gawin.

pero grabe Ka.

grabe Ka talaga sa akin.

dahil kahit hindi ko kayang abutin ang ningning ng mga tala, Ikaw mismo ang bumaba para sa akin.

maniniwala Ka ba kung sasabihin ko saYong mahal kita?

marahil ay hindi dahil kahit Ikaw na ang lumapit upang bumuo sa mga wasak kong pangarap, heto ako upang itulak Ka. sigawan at ipako.

ilang beses ko nang sinabi na hindi ko kayang mabuhay nang wala Ka pero patuloy kong sinasara ang pinto.

patuloy kong niyayakap ang dilim. ang lungkot. ang sakit ng nakaraan.

marahil ay hindi Ka na maniniwala kung sasabihin Kong mahal kita.

pero nagkamali na naman ako.

dahil nang buksan ko ang ilaw at pagbuksan ang pinto, nakita Kita. nanatili Ka sa labas ng pinto ko.

nakangiti Ka sa akin.

nakabukas ang mga kamay. mga kamay na handa pa rin akong yakapin kahit ako mismo ang naglagay ng mga butas sa mga ito.

“maniniwala ka ba kung sasabihin Kong mahal kita?” tanong Mo.

pumatak nang mabilis ang mga luha ko at niyakap Kita.

niyakap Kita nang mahigpit at hinayaan kong umagos ang luha ko.

sa pagitan ng mga hikbi ay nabanggit kong “oo, mahal Mo ako”

alam kong mahal Mo ako dahil kahit sa dinami dami ng bagay na maganda sa mundo, ako ang pinili Mo.

alam kong mahal Mo ako dahil kahit ang kamatayan ay hindi nakapigil Sayo para bumalik at ibulong sa akin ang pag ibig Mo.

alam kong mahal Mo ako dahil ang pag ibig Mong higit pa sa lawak ng karagatan ang nagpalaya sa akin.

pinahid Mo ang mga luha ko.

“maniniwala Ka ba kung sasabihin kong mahal Kita?” tinanong Kita.

ngumiti Ka sa akin at niyakap ako ng mahigpit.

“wala kang kailangang patunayan” sabi Mo

naniwala Ka sa pagmamahal kong pulos kakulangan.

sa lahat ng ginawa ko, naniniwala Ka pa rin sa akin.

ang nag uumapaw na pag ibig Mo ang dahilan kung bakit ako mabubuhay para saYo.

katulad ng mga maningning na tala na ibinigay Mo sa akin

pagniningningin Kita.

isa isa kong itatanim ang mga piraso ng langit sa bawat madilim na sulok ng mundo.

at mula sa dilim, sa kawalang pag asa, sa panghihina ng loob,

doon Mo ipapakita ang pag ibig Mong sapat para buksan ang puso ng bawat isa.

Ikaw ang tunay na liwanag sa dilim.

Ikaw ang nabuhay nang muli upang tuldukan ang lahat ng Iyong pangako.

naganap na. noon at sa walang hanggan.

Maligayang Linggo ng Pagkabuhay! panatilihin natin Syang buhay sa mga buhay natin.

Photo Title: Nakatalikod sa Nakaraan