Dayaring Pangwika

Muni 01: Mga Suliranin sa Bagong Alpabetong Filipino

Kinakailangan nang magkaroon ng istandard ng Filipino. Ngayundin!

Iyan ang sigaw ng ilang grupo ng mga dalubhasa at mag-aaral ng wika sa kasalukuyan. Ngunit, maaari nga ba itong madaliin, gayong marami pa ring mga bagay na hindi pa gaanong maliwanag tungkol sa wikang Filipino? Higit pa rito, may mga naninindigan pa nga na walang “Filipino” — karamihan sa mga ito ay sanhi ng pulitikang bumabalot sa Filipino at mas pipiliin pa nga siguro nila ang gumamit ng wikang banyaga!

Dito pa lamang, sasabihin ko na: naniniwala akong umiiral ang Filipino — at linggwa frangka na nga natin ito.

Ang pahayag kong ito ay batay sa mga datos na dati pang nakalap ng linggwistiks, at marahil nangangailangan ito ng bukod na post sapagkat ang fokus ng papel na ito ay ang suliraning bitbit ng bagong alpabetong Filipino. (Abangan sa mga susunod kong “muni” sa wika.)

Ano nga ba ang alpabetong Filipino? Ang binabanggit kong “bago” ay kasalukuyang kinikilala na mayroong 28 titik: A, B, C, D, E, F, G, H, I, J, K, L, M, N, Ñ, NG, O, P, Q, R, S, T, U, V, W, X, Y, at Z. Batay ito sa (mga) gabay na inilathala ng Komisyon sa Wikang Filipino nitong mga nakaraang taon. Ayon kay Virgilio Almario, bantog na mananaguyod ng wikang Filipino at kasalukuyang tagapangulo ng KWF, sa mga artikulong isinulat niya, ito ay bahagi ng modernisasyong pangwika ng Filipino. Sa modernisasyong ito, isang mabisang sangkap ang panghihiram mula sa ibang modernisado/“maunlad” na wika, at sa kaso ng Filipino, may historikal na batayan ang panghihiram sa Espanyol at Ingles. Kaya naman, mapapansing kabilang sa bagong alpabeto ang mga titik mula sa Ingles at Espanyol. Sa pamamagitan nito, mabilis na maaadap/mahihiram nang tuwiran ang mga banyagang salita. Kaaya-aya, hindi ba?

Ngunit, hindi ganoon kadaling nag-oopereyt ang mga bagay-bagay. May mga grupo rin ng mga dalubhasa at mag-aaral ng wika na naniniwala sa proseso ng “kung ano’ng bigkas, siya’ng baybay” bilang isa sa mga paraan ng panghihiram ng mga salita. Sa prosesong ito, binabaybay ang mga salita sa palatitikan ng nanghihiram na wika batay sa kung paano ito binibigkas sa wikang pinaghiraman. Pansinin ang mga salitang ginamit ko sa muning ito tulad ng “nowt” (mula “note”) at “opereyt” (mula “operate”). Para sa karamihan, “masakit” ito sa mata. Marahil, hindi lang tayo sanay — ngunit inaaplay lamang natin ang paghuhusgang ito sa mga salitang hiniram mula sa Ingles. Ngunit, kung gagamitin ang prosesong ito sa mga salitang Espanyol ay okey lang sa atin. (Ambivalent!) Subukang magsarvey sa lansangan kung ano ang mas “tama” ang baybay: “pulitika” o “palitiks” at marahil ang pipiliin ng karamihan ay “pulitika”.

Bahagi na ito ng ating paggamit ng wika, sa Ingles o sa Espanyol man ito nakakiling.

Kung walang direktang salin ang isang salitang banyaga, muli natin itong binabaybay at sa proseso’y inaangkin.

Ginagawa ito maging ng mga nagsasabing “konserbatibo” sila sa wika. Hindi kasi ito maiiwasan, lalo na’t ang wika ay buhay! Ngunit, papanigan lamang nila ito kung nakakiling sa Espanyol.

Saan pumapasok ang sinasabi kong suliranin sa bagong alpabetong Filipino?

Sa kaso ng mga salitang hiniram mula sa Espanyol, paano irereispel ang salitang “efectivo”? Ang malimit nating nakikitang anyo nito ay: “epektibo”. Ngunit kung susundin ang bagong alpabeto, dapat ito ay “efectibo”. (Tandaan: may F at C na tayo!) Ang sasabihin ng marami, “epektibo” dapat dahil matagal na itong ginagamit at nakapasok na sa korpus ng Filipino sa ganitong anyo. Kung ganito ang batayan, kailan lang ba nag-aaplay ang pagbabaybay sa bagong alpabeto? Kinakailangan bang “bago” ang salitang hihiramin at hindi pa nagkakaroon ng kahit isang pagkakataon na ito’y nahiram na? Isa itong suliranin.

May pagkiling ako sa reispeling sa Ingles, ngunit maging ito ay may inkonsistensi rin sa alpabetong Filipino. Halimbawa, ano ang mas tatanggapin ang “interbyu” o “intervyu”? Kung susuriin, mas may batayan sa alpabeto ang ikalawa.

Kung gayon: kinakailangan bang hiramin na lamang nang tuwid ang mga salitang banyaga upang walang suliranin sa baybay?

Halimbawa, ang salitang “corporation” ba ay dapat “corporation” na lang din? Sa ganito’y walang suliranin sa baybay, ngunit nagkakaroon naman ng suliranin sa pagbigkas. Sa Filipino, babasahin ito bilang “cor-po-ra-ti-on”. Nagkakaroon ng inkonsistensi sa pagbigkas kung ipapasok ito sa isang pangungusap na Filipino.

Ilan lamang ito sa napakaraming suliraning dapat munang bigyan nang pansin bago mag-istandardays (o istandardayz?). Sasabihin ng isang grupo: kaya nga kinakailangan ng istandard upang maresolba at mabigyan na ng “tamang” anyo ang ating wika.

Ngunit sa proseso ng pagtatakda ng istandard, may varayting pipiliing paangatin.

At sa istatus ng ating wika batay sa mga suliraning aking nabanggit (sa aspekto pa lamang ng pagbaybay!), tila mahirap pang mabatid kung ano ang anyong pipiliing paangatin at bibigyang-pribilehiyo.

One clap, two clap, three clap, forty?

By clapping more or less, you can signal to us which stories really stand out.