Kasaysayang Bayan: Nakikibahagi sa Pihit Pangwika sa Disiplina ng Kasaysayan sa Pilipinas

Jay Israel De Leon
22 min readMay 10, 2020

--

Isinulat ang papel na ito bilang isang ulat sa kursong “Philippine Historiography” noong unang semestre, 2017–2018 sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman.

Panimula

Maituturing na isang ikutang panahon sa historyograpiyang Pilipino ang dekada 80 hanggang dekada 90, partikular ang taong 1989. Ang mga pagbabago sa pananaw at pamamaraan sa pagsusulat at pagtuturo ng kasaysayan sa Pilipinas sa panahong ito ay hinele ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) na nagsilbing isang susing institusyon. Noong 1989, idinaos sa UP ang kauna-unahang Pambansang Kumperensiya sa Historiograpiyang Pilipino sa pagtutulungan ng UP Departamento ng Kasaysayan, Bahay-Saliksikan ng Kasaysayan (BAKAS), at UP Lipunang Pangkasaysayan (UP LIKAS) mula ika-27 ng Marso hanggang ika-1 ng Abril. Tinalakay sa nasabing kumperensya ang paggamit hindi lamang ng perspektibong Pilipino kundi pati na rin ang mahalagang papel na ginagampanan at gagampanan ng wikang pambansa sa pagsusulat at pagtuturo ng kasaysayan. Mababatid ito sa pambungad na talumpati ni Jose Abueva (1992, 6), Pangulo ng Sistemang UP, bilang panauhing pandangal ng kumperensya:

Kami dito sa UP ay nagkaroon na ng kasunduan na pairalin ang Filipino bilang wikang panturo sa lahat ng asignatura. Napapanahon na upang magkaroon ng pag-iisip ang lahat na nakabatay sa iisang wika na magpapadaloy sa impormasyon mula itaas pababa at mula ibaba pataas. Ang inyong ginagawa na pagsusuri sa kasaysayan sa pamamagitan ng ating wika ay patungo sa direksyong iyon. Sa ganyang paraan, magiging isang mas malaking tagumpay ang inyong kumperensiya kaysa doon sa binalak ng ating pambansang bayaning si Jose Rizal.[1] Nakatuon na ang inyong isip sa paghanap ng kalutasan dito mismo sa atin at sa pag-uusap natin mismo, hindi na nakatuon sa kung ano ang sasabihin ng mga banyaga at taga-ibang bayan. (akin ang diin)

Gayumpaman, mahalagang banggitin na ang paggamit ng Filipino sa disiplina ng Kasaysayan, partikular sa UP, ay nagsimula pa noong mga huling taon ng dekada 60. Ayon kay Zeus Salazar (1991a, 77), ang UP Departamento ng Kasaysayan ay “isa… sa mga unang departamento, kung hindi man ang pinakauna, na nagpasimula sa paggamit ng Wikang Pambansa sa pagtuturo, pagsasanay, pananaliksik, at iba pang dalubhasang gawain.”[2] Tinukoy ni Salazar (1991a, 77–81) ang panahon mula 1968 hanggang 1987 bilang kasukdulan ng pagsasa-Pilipino[3] ng departamento sa pamamagitan ng mga pagsasalin ng mga teksbuk, pagsusulat ng jornal sa Pilipino (e.g. Dyurnal ng Malawang Edukasyon [1974] at Kasaysayan I [1977] na kapwa pinamatnugutan ni Salazar), pagsusulat ng mga teksbuk sa Pilipino (e.g. Kabihasnang Asyano: Isang Pangkasaysayang Introduksyon [1987] nina Salazar et al.), at pagsusulat ng mga tesis at disertasyon sa Pilipino (e.g. Malolos sa Dantaon XX [1984] ni Regulus Tantoco, Ang Burges-Komprador sa Pilipinas: 1898–1941 [1981] ni Elizabeth Pastores, at Ang Alitan nina Quezon at Osmena noong Dekada 1930: Bagong Pananaw [1981] ni Evelyn Miranda). Noong 1987 naman, hinimok ang lahat ng guro ng dapartamento na magturo sa Filipino at sinimulan ang pagsasa-Filipino ng lahat ng komunikasyon ng departamento (Salazar 1991a, 82).

Masasabi pa nga na ang mga pagsisikap na nabanggit ay lalo pang binigyang-sigla ng mga debelopment noong dekada 70. Ayon kay Arthur Navarro (1998, 109), ang panahon na ito ay hinubog ng konteksto ng mga makabayang pagkilos sa Pilipinas na kumupkop sa tinatawag niyang “bagong kasaysayan”[4] sa akademya. Sa panahong ito, naging aktibo ang isang maliit na pangkat ng mga mananalaysay, kabilang sina Zeus Salazar, Jaime Veneracion, at mga nakababatang guro sa Departamento ng Kasaysayan ng Unibersidad ng Pilipinas (UP), na nagdalumat ng “pantayong pananaw” at nagtaguyod sa paggamit ng wikang Pilipino sa pagtuturo at pagsusulat ng kasaysayan (Navarro 1998, 109). Kinikilala ni Salazar ang taong 1970 bilang simula ng “pagsasakasaysayan sa wikang Filipino” sa diwa ng Pantayong Pananaw (PP). Ayon kay Salazar (2015), ang mga unang akdang nakasulat na tumutukoy sa PP ay ang mga artikulong “Ang Pagtuturo sa Kasaysayan” na inilathala sa General Education Journal blg. 19–20 (1970–1971) at “Ang Pagsasakasaysayang Pilipino ng Nakaraang Prehispaniko” na inilathala sa aklat na Ang Kasaysayan: Diwa at Lawak (1974) na pinamatnugutan din ni Salazar. Pinapakahulugan ng mga tagapagdalumat ng PP ang kasaysayan bilang “salaysay hinggil sa nakaraan na may isang saysay para sa isang grupo ng tao” — ang “sangkapilipinuhan” (Navarro 1998, 105). Ayon kay Zeus Salazar (2000, 83), ang wika ay nagsisilbing isang code­­ o “pinagtutumbasan ng mga kahulugan” — isang “pangkabuuang pag-uugnay at pagkakaugnay ng mga kahulugan, kaisipan, at ugali.” Sa kaso ng mga Pilipino, ayon pa kay Salazar (2000, 82–83), ang “kalagayan, konsepto, kaisipan at ugali na maaaring pagtuunan ng pansin ay madaling maintindihan, dahil napapaloob sa ating sariling lipunan-at-kalinangan, na kapwa ipinahihiwatig ng (at nakabalot sa) isang wikang nauunawaan ng bawat isa.” Sa ganang ito, nagkakaroon ng saysay ang kasaysayan para sa mga Pilipino kung ito’y nasa kanilang sariling wika. Ganito rin ang paniniwala ni Navarro (1998, 104) na nagsabing:

Hindi kataka-takang naging mahalagang kasangkapan natin ang wikang Filipino sa kasaysayan. Kung tutuusin, hindi simpleng tagapahiwatig, tagapagpahayag at tagapag-ugnay ng kasaysayan ang wikang Filipino. Sapagkat daluyan ng kalinangan at karanasan, mabisa rin itong imbakan/impukan-kuhanan ng kasaysayan. Kasangkapan din ang wikang Filipino sa pagsusuri at pag-unawa ng mga pagpapakahulugan sa kasaysayan na nakaugat sa sariling kalinangan at karanasan… Sa pamamagitan ng wikang pambansa, nagiging bukas at lantad ang kasaysayan sa pagpapalitaw ng bagong kahulugan, kabuluhan at katuturan.

Ang mga salik na ito ay nagbunsod ng isang pihit pangwika sa disiplina ng kasaysayan sa Pilipinas mula sa mahabang panahon ng pananaliksik, pagsusulat, at pagtuturo sa kasaysayan sa banyagang wika, partikular sa Ingles, tungong wikang pambansa (Pilipino > Filipino). Sa pagsapit ng 1987, sa pagpapatibay ng isang bagong konstitusyon, mas mag-iigting at magpapatuloy ang mga pagsisikap sa Pilipinisasyon hindi lamang ng UP Departamento ng Kasaysayan kundi pati na rin ng iba pang mga departamento at institusyon sa loob ng UP.

Konstitusyon ng 1987: Katalist ng Pihit Pangwika sa UP

Upang mas maunawaan ang mga pangyayari mula 1987 (sa pagpapatibay ng isang bagong konstitusyon) hanggang 1989 (sa pagdaraos ng nabanggit na kaninang Pambansang Kumperensiya sa Historiograpiyang Pilipino), mahalagang balikan ang probisyon sa wika ng Konstitusyon ng 1987. Ayon sa Seksyon 6 ng Artikulo XIV ng Konstitusyon ng 1987:

Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nalilinang, ito ay dapat payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na mga wika ng Pilipinas at sa iba pang mga wika.

Alinsunod sa mga tadhana ng batas at sang-ayon sa nararapat na maaaring ipasya ng Kongreso, dapat magsagawa ng mga hakbangin ang Pamahalaan upang ibunsod at puspusang itaguyod ang paggamit ng Filipino bilang midyum ng opisyal na komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa Sistemang pang-edukasyon. (LWP 1991, 55) (akin ang diin)

Bumaba naman sa lebel ng pamantasan, partikular sa UP, ang diwa ng probisyong ito. Bilang pagtalima sa itinatadhana ng konstitusyon at bilang pambansang pamantasan, inaprobahan ng Lupon ng mga Rehente (Board of Regents o BOR) ng UP, sa rekomendasyon ng noo’y pangulo ng Sistemang UP na si Jose Abueva (isang Boholano), noong Mayo 29, 1989 ang palising pangwika ng unibersidad (Resuma at Ocampo 2005, 52). Kinikilala nito ang wikang Filipino bilang isang reyalidad — isang pambansang linggwa frangka na “nabuo sa interaksiyon ng mga Filipinong gumagamit ng iba’t ibang katutubong wika ng Pilipinas” — at bilang isang ideyal na “dinamikong nabubuo… bilang ekspresyon ng pambansang kaluluwa” (UP SWF 2017). Ayon sa Seksyon 2.2 ng Palisi sa Wika ng UP:

Filipino ang magiging midyum ng pagtuturo sa Unibersidad sa andergradweyt na lebel sa loob ng isang rasonableng panahon ng transisyon. Maituturo na ang mga gradweyt na kurso sa Filipino kahit sa panahon ng transisyon. Ang bawat yunit sa Unibersidad ang magdedesisyon ng haba ng kanilang panahon ng transisyon. (UP SWF 2017) (akin ang diin)

Ayon kay Abueva (1991, 15), itinuturing ng marami ang palising pangwika na ito bilang pinakamahalagang proyekto sa maikling panahon na nanungkulan siya bilang pangulo ng UP. Sa isang talumpati, sinabi niya:

Nang ako ay nanumpa bilang pangulo ng U.P. ay inilunsad ko ang ating “language policy”. Bukod sa pagtanggap sa Filipino, naniniwala rin ako na kailangang palaganapin ito. At naniniwala ako na ito ay mabilis na maipapalaganap kung ito ay gagamiting wikang panturo sa ating mga paaralan, hindi lamang sa U.P… Alam na nating lahat ang wikang dayuhan… Ang ating pagtuturo ay sa wikang dayuhan. Ang ating mga libro ay nakasulat sa wikang dayuhan. Kaya ang ating pag-iisip ay isip dayuhan din. Kung papalitan natin ng wikang sarili ang pagtuturo, pagbabasa at pagsusulat, mas madali nating maaalis ang isip dayuhan natin… At ang U.P. ang pangunahing unibersidad sa Pilipinas, kung kaya’t dapat lamang na ang U.P. ang mamuno, ang maging lider sa pag-alis ng isip dayuhang iyan. Sa maraming bagay ay nangunguna ang U.P., dapat manguna rin ito sa paggamit ng wikang pambansa. (Abueva 1991, 16) (akin ang diin)

Sa mga pahayag na ito, mababatid na para kay Abueva, ang paggamit ng wikang Filipino ay hindi lamang pagbabago sa wika kundi pagbabago rin sa pananaw — mula banyaga tungong katutubo. Anupa’t ganito rin ang paniniwala ng mga tagapagtaguyod ng paggamit ng Filipino sa pagsusulat ng kasaysayan, katulad na lamang ng mga nasa grupong nagsusulong ng PP.

Ang pihit pangwikang bunsod ng Konstitusyon ng 1987 at ng palising pangwika ng UP ay namalas sa maraming larang at disiplina, partikular sa agham panlipunan at pilosopiya. Noong ika-9 ng Pebrero 1989, idinaos ang Kolokyum sa Paggamit ng Wikang Pambansa sa Agham Panlipunan at Pilosopiya ng UP Dalubhasaan ng Agham Panlipunan at Pilosopiya (DAPP)[5], UP Departamento ng Kasaysayan, BAKAS, at Grupong Miyerkoles sa Pilosopiya, DAPP. Sa aklat na Ang P/Filipino sa Agham Panlipunan at Pilosopiya (1991), ang inilathalang kaulatan ng nasabing kolokyum na pinamatnugutan ni Salazar, inilahad niya ang nakikita niyang kahalagahan ng nasabing gawain:

Napakaimportante ng Kolokyum na ito, dahil sa ito’y dinaluhan ng maraming mga guro at propesor na nagpasimula ng pagtuturo, pananaliksik, at paglalathala ng kanilang mga siyentipiko at propesyunal na papel na nagawa sa wikang pambansa. May ilang pagkakaiba sa wikang kanilang ginagamit, subalit iisa ang tinutungo ng lahat — ang maitatag, mapalawak, mapalalim at tahasang mapalaganap ang wikang pambansa bilang batayan ng isang diskursong siyentipiko at pang-edukasyon na nakasalalay at naiuugnay sa buhay at karanasan ng nakararami. Samakatwid, isang ambag ang kanilang gawain sa pagbuklod sa bansa sa pamamagitan ng isang matatag at pangkalahatang kabihasnang pambansa. (Salazar 1991b, 7) (akin ang diin)

Noong taong 1989 din ipinakilala ang programang Pilipinolohiya sa DAPP na dinalumat nina Prospero Covar (mula sa Departamento ng Antropolohiya) at Salazar (Rodriguez-Tatel 2017, 2). Ayon kay Mary Jane Rodriguez-Tatel (2017, 2), ang Pilipinolohiya ay bahagi at “susing dalumat” ng kilusang Pilipinisasyon sa Unibersidad ng Pilipinas. Ang paglulunsad nito ay nagsilbing “kritika at alternatibo sa dominanteng diskurso ng Kanluranin/maka-Kanluraning ‘Philippine Studies’ sa wikang Ingles” (Rodriguez-Tatel 2017, 2).

At, noong Marso 27 hanggang Abril 1, 1989, idinaos nga ng UP Departamento ng Kasaysayan, katuwang ang BAKAS at UP LIKAS, ang Pambansang Kumperensiya sa Historiograpiyang Pilipino. Mahalaga namang banggitin na sa panahong ito, nanunungkulan bilang tagapangulo ng UP Departamento ng Kasaysayan si Salazar na kinikilalang “Ama ng Bagong Kasaysayan” at pangunahing tagapagdalumat ng PP.

Kasaysayang Bayan bilang Eskwelang Pangkaisipan ng ADHIKA: Pagkakasangkapan sa Filipino sa Pagsasakasaysayan

Sa huling araw ng nasabing kumperensya, pinagtibay ang isang resolusyon na nagtatatag sa isang samahang pangkasaysayan, ang Asosasyon ng mga Dalubhasa at May Hilig sa Pag-aaral ng Kasaysayan (ADHIKA).[6] Kalakip ng pagkakatatag ng ADHIKA ang pagsisimula ng isang eskwelang pangkaisipan sa kasaysayan na tinatawag na Kasaysayang Bayan. Sa unang (at huling) isyu ng ADHIKA: Taunang Dyornal ng ADHIKA ng PILIPINAS, Inc. (1999), naglahad si Ferdinand Llanes, tagapangulo noon ng ADHIKA, ng maikling kasaysayan ng Kasaysayang Bayan. Ayon kay Llanes (1999, 18), masasabing nagsimula ang Kasaysayang Bayan sa pagkakatatag ng ADHIKA noong kumperensya ng 1989 na “nilahukan ng mga historyador mula sa iba’t ibang tunguhing historiyograpikal at mula roon ay pumalaot sa paglilinang/pagpopokus…” Makalipas ang sampung taon, ayon kay Llanes (1999, 6), “tinalakay at nagkakaisang tinanggap ng pamunuan nito (ng ADHIKA) ang Kasaysayang Bayan bilang batayang simulain at pangkalahatang balangkas ng mga gawain at pagsisikap nito sa historiyograpiyang Pilipino.” Dagdag pa niya, ang Kasaysayang Bayan ay isang proyekto kung saan “isinasagawa ng ADHIKA ang mga hakbangin at programa na magpapalitaw ng mga kaugnay na pananaliksik at pag-aaral… at sa huli’y isagawa ang pagsasateksto o tekstuwalisasyon ng kasaysayan ng bayan sa diwa ng bayan, para sa kasalukuyan at susunod na salinlahing Pilipino” (Llanes 1999, 18–19) (akin ang diin). Anupa’t kung ang tunguhi’y pagsasateksto, mahalaga ang gagampanang papel ng wika bilang midyum ng talastasan kapwa sa loob at palabas (i.e. patungo sa target na awdyens — ang sambayanang Pilipino sa kaso ng Kasaysayang Bayan) kung saan nagsisilbi itong daluyan ng mga ideya at pagpapahalaga, at malinaw na ang wikang pambansa ang pinakamabisang wika upang makamit ito. Mababatid ito sa paunang salita ni Nilo Ocampo (patnugot) sa unang isyu ng ADHIKA. Ayon kay Ocampo (1999, 1–2):

Napaghehele-hele na ang “duyan ng pagbubuo ng Inang Bayan, Bansa at Sambayanan” sa katutubong himig (“talastasang bayan sa wikang Filipino”) bunga ng mga mapaghawang pagpupunyagi nitong nakaraang 30 taon… Sinusuhayan ang pagbabalangkas at paglilinaw ng kahingian ng Kasaysayang Bayan ng napapanahong lagom ng kung ano na ang narating nito; ang pambansang wika nabibigyang diin bilang integral na sangkap. (akin ang diin)

Sang-ayon naman dito si Navarro (1999, 25), isa sa mga kontribyutor sa naturang jornal, at sinabing bilang isang “talastasang bayan,” “mahalagang gamitin nating kasangkapang pantalastasan ang wikang Filipino.” Kinikilala niya ang Filipino bilang “pinakalaganap na wika na hinubog, pinanday at pinaunlad sa agos ng kasaysayan” (Navarro 1999, 39).

Kung tutuusin, may batayang linggwistiko naman ang mga argumentong naniniwala sa pagkalaganap at pagkapambansa ng wikang Filipino. Sasang-ayon dito ang ilang mga kinikilalang dalubwika at tagapagtaguyod ng Filipino na naniniwala sa pagiging pambansang linggwa frangka ng Filipino. Ayon kay Consuelo Paz (1995, 1–3), ang Filipino ay isang “pinagkaisahang wika” na “ginagamit sa buong bansa, lalo na sa mga sentro ng populasyon… bunga ng mahigpit na pangangailangan na makipagkomunikeyt, dala ng boluntaryong interaksyon ng mga Pilipinong galing sa iba’t ibang grupong etnolinggwistik.” Suportado naman ng mga pananaliksik ang mga pahayag na ito. Noong 1968, nagsagawa ng isang survey ang Language Study Center ng Philippine Normal College[7] kung saan inintervyu ang mahigit 6,000 tao mula sa iba’t ibang sektor at mula sa 21 rehiyon ng bansa (Sibayan 1999, 103). Lumitaw sa naturang pag-aaral na ang pangunahing wikang ginagamit ng mga respondent ay ang mga wikang bernakular at sumunod naman ang Pilipino (Sibayan 1999, 107). Mapapansin din na mas marami ang nagsabing ginagamit nila ang Pilipino kaysa sa mga nagsabing unang wika nila ang Tagalog na para kay Sibayan (1999, 107) ay nangangahulugan na nagkakaroon na ng mga ispiker ang Pilipino sa mga ‘di-Tagalog — na unti-unti nang nagiging linggwa frangka ang Pilipino. Noong Pebrero 1989 naman, isinagawa ng Ateneo de Manila University ang Public Opinion Survey kung saan tinanong ang mga respondent kung nauunawaan, sinasalita, binabasa, at sinusulat nila ang Tagalog (Sikat 1990, 8).[8] Lumabas sa pag-aaral na 92% ang nakauunawa, 88% ang nakapagsasalita, 88% ang nakababasa, at 88% ang nakasusulat sa Tagalog (Sikat 1990, 9–12). Pinatutunayan ng mga datos na ito ang isang bagay — na ang wikang pambansa ay tunay na laganap at nagagamit ng majoriti ng mga Pilipino sa buong kapuluan.

Ang katotohanang ito marahil ang nakikitang bentahe ng mga tagapagtaguyod ng paggamit ng Filipino sa pagsusulat at pagtuturo ng kasaysayan. Sapagkat mas maraming nakauunawa sa Filipino, samakatwid isa itong mabisang midyum sa talastasan ng bayan. Subalit, maraming kritiko ang pananaw na ito. Naniniwala sila na imbis na mapangbuklod ay lalong nagiging mapanghati ang wikang pambansa dahil batay sa Tagalog ang kaibuturan nito — isang isyung pulitikal sa wika na nagsimula pa noong 1937, nang nilagdaan ni Pangulong Manuel Quezon ang Executive Order 134 na nagtatakda sa Tagalog bilang batayan ng wikang pambansa. Ngunit, kung hindi iisipin ang pulitikang ito at kung pagbabatayan ang mga datos, masasabing isinasantabi naman ng mga kritiko ang katotohanang ang wikang pambansa na nga ang pinakalaganap na wika maging sa parte ng mga ‘di-Tagalog. Mapapansin pa nga na marami sa mga susing personalidad sa pagtataguyod ng paggamit ng Filipino sa akademya ay mga ‘di-Tagalog.[9] Kung babalikan ang unang Pambansang Kumperensiya sa Historiograpiyang Pilipino noong 1989, makikitang umalingawngaw ang usaping ito. Noong unang araw ng kumperensya, ito ang isa sa mga tanong sa malayang talakayan:

Iyon pong napag-usapan ninyo sa inyong kumperensiya noon, itong towards Filipinization, iyon bang paggamit ng sarili nating wika, kasi iyong problema kung gagamitin natin iyong wikang Filipino, based iyan sa Tagalog, lalong-lalo na itong mga matatandang in-charge doon sa probinsiya na iba ang kanilang wika, ay mahihirapan, kaya paano ba iyan lulutasin? (Abrera at Lapar 1992, 29)

Narito naman ang tugon ni Shem Velmonte mula sa UP LIKAS:

Naiintindihan ko iyong suliranin sa wika kasi hindi ako likas na Tagalog; ang mga kamag-anakan ko ay galing sa Negros at Iloilo. Ang nagiging isyu palagi ay ang hindi paggamit ng Pilipino dahil nakabase ito sa Tagalog… Sa pag-uugali nating ito, lumalabas na walang wika na maaaring gamitin sa ating bayan, kasi lahat naman tayo kung hindi Tagalog, Ilokano, Bisaya, Bikol, Maguindanao, o Tausug… Tapos nagiging rason na lang na ang ating tagasalo ay Ingles. Ngunit suliranin din iyong Ingles dahil hindi likas na wikang Pilipino iyon. Kasi kung wikang Pilipino, at least, pare-pareho tayo ng istruktura o balangkas ng wika… Ang Filipino na ating dine-develop ngayon ay totoong nakabase sa Tagalog. Pero kung ako ang tatanungin, mas mabuting mag-Tagalog ako o mag-Filipino kaysa gumamit ako ng isang wikang banyaga na hindi naman naiintindihan ng higit na nakararami sa atin. (Abrera at Lapar 1992, 32–33) (akin ang diin)

Sa pahayag ni Velmonte, mapapansin ang dalawang pamamalagay tungkol sa wikang Filipino at sa kalakasan nito bilang wikang pambansa: (1) na mas katanggap-tanggap ang Filipino kaysa wikang banyaga sa kadahilanang bagama’t batay ito sa Tagalog, tinataglay naman nito ang istrukturang komon[10] (halos sa lahat ng lebel — ponolohikal, morpolohikal, leksikal, at sintaktik) sa mga katutubong wika sa Pilipinas; at (2) na higit na mauunawaan ng nakararaming Pilipino ang Filipino kaysa Ingles tulad nga ng ipinapakita ng mga pananaliksik.

Sa dinedebelop na wikang pambansa, krusyal ang ambag ng bawat wika sa Pilipinas, lalong-lalo na iyong mga wikang katutubo. Sang-ayon ito sa probisyon sa wika ng Konstitusyon ng 1987 na nagsasaad na “dapat payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na mga wika ng Pilipinas at sa iba pang mga wika” ang wikang pambansang Filipino (LWP 1991, 55). Kung tatanungin ang mga kritiko ng Filipino, kukunot ang kanilang noo sa pahayag na ito. Ang kanilang tanong: “Posible ba na magkaroon ng isang tunay na umiiral na wika bunga ng pagsasama-sama ng lahat ng mga wika sa Pilipinas?” Sa mga pag-aaral ng mga kilalang linggwist ng UP tulad nina Cecilio Lopez, Ernesto Constantino, at Consuelo Paz, lumalabas na posible ito dahil sa natural na pagkakatulad ng mga wika sa Pilipinas.[11] Anupa’t ang komon o magkakatulad na elemento ng mga wika sa Pilipinas ay sumasalamin din ng magkakatulad na elemento ng mga kalinangan ng iba’t ibang grupong etnolinggwistiko sa Pilipinas — isang bagay na kinilala ng Kasaysayang Bayan. Sa aklat na Kasaysayang Bayan: Sampung Aralin sa Kasaysayang Pilipino (2001), inilahad ng ADHIKA ang “Dekalogo ng Kasaysayang Bayan” na ayon kay Jaime Veneracion (2001, x) ay “gabay sa mabuting pagtuturo ng Kasaysayang Bayan.” Isinasaad ng ikaapat na logos na:

Sa kabila ng pagkakaroon ng maraming grupong etnolinggwistiko, makikita ang pagkakatulad sa katuturan ng pagkatao at kamalayan, paniniwala, ritwal at gawi bilang mga salik pangkalinangan ng bayang Pilipino.

Itutuon ang pag-aaral sa kakanyahang kultural ng mga grupong etnolinggwistiko sa iba’t ibang bahagi ng arkipelago upang mapahalagahan ang yaman ng tradisyong pangkalinangan ng bayan. (ADHIKA ng Pilipinas, Inc. at NHI 2001, xvii) (akin ang diin)

Ang pagkakatulad na ito, kapwa sa wika at kalinangan, ay pinalitaw ni Grace Odal sa papel na Inang Tubig: Ang Diwa ng Ba’i sa Kalinangang Bayan na inilathala bilang unang isyu ng jornal na Kasaysayang Bayan: Dalumat/Siyasat sa Kasaysayan ng Bayan (1999), kung saan ang konsepto o diwa ng ba’i ay sinasabing isang komon na elemento ng mga kalinangan ng iba’t ibang grupong etnolinggwistiko sa Pilipinas. Ayon kay Odal (1999, 1):

Layunin ng papel na ito na ipakitang ang diwa ng “ba’i” ay isang bukal na diwa o binhing-diwa sa kamalayang Pilipino kung saan umaagos at tumutubo ang maraming mga kaisipang gumagabay sa likod ng ating wika at kultura. Sa pagtakbo ng panahon, lumalawak ang agos na ito at yumayabong ang mga sanga ng halamang ito. Kayat ito ay malaki ang kinalaman sa pagyaman at paglalim ng ating kultura batay sa takbo ng ating kasaysayang Bayan. (akin ang diin)

Dagdag pa niya, ang buod na diwa ng papel ay:

Ang diwa ng Inang Bayan na unang lumabas sa anyo ng ‘Inang Tubig’ at siya rin namang sinaunang ‘Ina’ ng mga kalinangang pantubig sa Pilipinas, ay nagmula sa diwang-binhi ng ba’i batay sa pag-aaral ng ilang piling pook, wika, alamat at kapaniwalaan sa kapuluan. (Odal 1999, 1–2)

Gamit ang mga ebidensyang linggwistiko, sinuri ni Odal ang pag-iral ng konsepto ng ba’i sa kalinangan ng iba’t ibang grupong etnolinggwistiko sa Pilipinas na namamalas sa iba’t ibang anyo at aspekto. Ayon kay Odal (1999, 2), ang pangalang ba’i (o ang mga baryasyon/kogneyt nito tulad ng bae, baye, bay, bayi, at baya) ay makikita sa Luzon, Visayas, at Mindanao na pumapatungkol sa pook at bayan.[12] Lumabas din sa kanyang pananaliksik na ang salitang ba’i ay kabilang sa mga salitang Proto-Philippine sa anyong ba’i’ o baji na nangangahulugang “mother” at “feminine,” at napag-alaman niyang umiiral sa iba’t ibang grupong etnolinggwistiko sa Pilipinas ang ba’i bilang “babae” (Odal 1999, 27–29).[13] Sinasalamin din ito ng mga alamat sa maraming parte ng kapuluan kung saan ang babae ang tumatayong sentral na personalidad. Sa ganang ito, tinitingnan ng Kasaysayang Bayan ang kasaysayan ng Pilipinas (Inang Bayan) bilang iisang kasaysayan (ng bayan) ng maraming (at iba’t ibang) grupong etnolinggwistiko na pinag-uugnay-ugnay ng iisang binhing-diwa/kaibuturan/kalinangan na nagsisilbing komon na elemento ng mga ito, at sa pagpapalitaw nito, sentral na kasangkapan ang paggamit ng wika ng bayan — ang binabanggit ni Nilo Ocampo na “katutubong himig” — at ito na nga ang wikang pambansang Filipino.

Pangwakas

Tunay ngang maituturing na isang ikutang panahon sa historyograpiyang Pilipino ang dekada 80 hanggang dekada 90, partikular ang taong 1989. Sa maikling papel na ito, inisa-isa ang mga susing pangyayari noong 1989 na humubog sa at nagbunsod ng isang pihit pangwika, mula banyaga tungong wikang pambansa, sa disiplina ng kasaysayan sa Pilipinas: ang Kolokyum sa Paggamit ng Wikang Pambansa sa Agham Panlipunan at Pilosopiya (Pebrero), ang unang Pambansang Kumperensiya sa Historiograpiyang Pilipino (Marso-Abril), ang pagkakaroon ng palising pangwika ng UP (Mayo), at ang pagpapakilala ng programang Pilipinolohiya sa DAPP. Ipinakita rin na ang paggamit ng wikang pambansa sa disiplina ng kasaysayan sa Pilipinas ay maiuugat pa noong dekada 60 hanggang 70, kung saan naging isang susi at pasimunong institusyon ang UP Departamento ng Kasaysayan. Sa pangkabuuan naman, ang paggamit ng wikang pambansa sa iba’t ibang larangan ay binigyang-sigla ng pagpapatibay ng isang bagong konstitusyon noong 1987, kung saan may kaukulang diing ibinigay sa paggamit ng wikang Filipino sa sistema ng edukasyon. Noong taong 1989 din, sa diwa ng “bagong historiograpiyang Pilipino” at maka-Pilipinong pananaw, itinatag ang samahang pangkasaysayan na tinawag na ADHIKA na nagmarka sa pagtatapos ng unang Pambansang Kumperensiya sa Historiograpiyang Pilipino. At, makalipas nga ang isang dekada, inilunsad ng ADHIKA ang isang eskwelang pangkaisipan — ang Kasaysayang Bayan.

Mula 1992 hanggang 2010, naging aktibo ang ADHIKA sa paglalathala ng mga akdang nakasulat sa wikang Filipino. Ang mga susing akda na tumutukoy sa Kasaysayang Bayan tulad ng (1) unang isyu ng jornal na ADHIKA (1999) na pinamatnugutan ni Nilo Ocampo, (2) Inang Tubig: Ang Diwa ng Ba’i sa Kalinangang Bayan ni Grace Odal na inilathala bilang unang isyu ng jornal na Kasaysayang Bayan: Dalumat/Siyasat sa Kasaysayan ng Bayan (1999), at (3) Kasaysayang Bayan: Sampung Aralin sa Kasaysayang Pilipino (2001) na inilathala sa pagtutulungan ng ADHIKA ng Pilipinas, Inc. at National Historical Institute (NHI) ay nasa wikang Filipino. Hindi naman ito nakapagtataka sapagkat ayon kay Salazar (2015), mula sa pagkakatatag ng ADHIKA hanggang 2000, halos parehas ang kasapian ng ADHIKA at BAKAS. Samakatwid, masasabing nagmula sa magkakatulad na tradisyong intelektwal ang mga kasapi ng dalawang organisasyon na maiuugat pa sa dalumat ng PP at Bagong Kasaysayan, at masasabing ang pagsusulat ng kasaysayan sa wikang Filipino ay nagpapatuloy lamang sa mga lathalain ng ADHIKA. Ngunit, hindi ito kinikilala ni Llanes. Ayon sa kanya: “Wala rin tayong natukoy na eskuwela ng kaisipang maaaring naging batayang katangian nito o naging pangunahing agos sa kabuuan” (Llanes 1999, 4). Mapapansin din na hindi nabanggit ni Llanes (1999, 15–18) ang PP at Bagong Kasaysayan sa “tatlong malaking tradisyon ng kaisipang pangkasaysayan”: (1) tradisyong Zafra/Zaide (kolonyal na freymwork; “nakakatig sa dokumento”), (2) tradisyong “makabayan” (mula dekada 50 hanggang 70), at (3) eskuwela ng Kasaysayang Bayan na itinuturing ni Llanes na “pinakahuling debelopment sa pag-unlad ng historiyograpiyang Pilipino.”

Magkaiba man ang paninindigan ng dalawang panig (Salazar at Llanes) sa pinagmulan ng Kasaysayang Bayan, malinaw namang ipinakita ng munting pag-aaral na ito ang isang bagay na hindi maikakaila — na ang Kasaysayang Bayan ay bahagi ng isang kilusang nagtatangkang lumayo sa kolonyal na tradisyon sa pagsusulat ng kasaysayan ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagpapalit ng wika.

Talahuli:

  1. Tinutukoy ni Abueva rito ang binalak na kumperensya ni Rizal sa Paris. Ayon sa kanya, noong 1889, “nagbalak si Jose Rizal na tipunin ang mga Filipinista o mga banyagang dalubhasa ukol sa Pilipinas sa isang kumperensyang ‘pandaigdigan’ sa Paris,” ngunit nabigo ito (Abueva 1992, 4–5).
  2. Lumalabas naman sa pag-aaral ni Mary Jane Rodriguez-Tatel (2015, 114) na noong 1965 pa lamang, may pagsisikap na sa parte ni Virgilio Enriquez ng UP Departamento ng Sikolohiya na gamitin ang sariling wika bilang midyum ng pagtuturo sa pamantasan.
  3. Mahalagang bigyang-diin sa puntong ito ng papel na mula 1959 hanggang pagsisimula ng dekada 70, nanatiling Pilipino ang wikang pambansa ng Pilipinas. Noong 1973, kalakip ng pagbabago ng Konstitusyon, ginawa na lamang isang wikang opisyal ang Pilipino (at bilang resulta’y walang idineklarang wikang pambansa ang Konstitusyon ng 1973) habang idedebelop pa lamang ang isang komon na wikang pambansang tatawaging Filipino batay sa lahat ng mga wika sa Pilipinas, katutubo at banyaga (Español at Ingles). Noong 1987 lamang pinagtibay ang Filipino bilang wikang pambansa ng Pilipinas at isa sa mga opisyal na wika kasama ng Ingles. Sanhi ng sitwasyong pangwikang ito sa panahong sasaklawin ng papel, maaaring may pagpapalit-palit sa paggamit ng “Pilipino” at “Filipino.”
  4. Ayon kay Navarro (1998, 107), ang bagong kasaysayan ay “pagbawi ng diwa ng sinaunang kasaysayan” — isang “salaysay na may saysay” o “pag-uulat sa sarili” — na gumagamit ng wikang Pilipino bilang wika ng talastasan. Kaiba ito sa “historya” — pangalawa sa tatlong yugto ng kasaysayan na tinukoy ni Navarro (1998, 106–109): (1) sinaunang kasaysayan, (2) historya, at (3) bagong kasaysayan — na gumagamit ng wikang banyaga.
  5. Ngayo’y College of Social Sciences and Philosophy (CSSP) o Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya (KAPP).
  6. Ngayo’y Asosasyon ng mga Dalubhasa, May Hilig, at Interes sa Kasaysayan (ADHIKA) ng Pilipinas, Inc.
  7. Ngayo’y Philippine Normal University (PNU).
  8. Ayon kay Rogelio Sikat (1990, 8), ginamit ng Ateneo ang pangalang “Tagalog” dahil mas kilala sa tawag na ito ang nag-eebolusyong wikang pambansa.
  9. Ilan sa mga halimbawa nito ang mga linggwist na sina Andrew Gonzales (Kapampangan) at Bonifacio Sibayan (Ilokano), ang mga dating pangulo ng UP na sina Jose Abueva (Boholano) at Francisco Nemenzo (Cebuano), at ang historyador na si Zeus Salazar (Bikolano).
  10. Para sa mas malalim na pagtalakay nito, maaaring tingnan ang konsepto ng “unibersal na nukleyus” ng mga wika sa Pilipinas na nasa Paz 1995, 10–18.
  11. Iminungkahi noon ni Cecilio Lopez sa pinakahuling pagdinig ng Komite sa Wikang Pambansa ng 1971 Kumbensyong Konstitusyonal ang paggamit ng “language universals approach” (na mas kinilala sa tawag na “universal approach”) sa pagdebelop ng wikang pambansa (Constantino 1974, 18). Ayon kay Ernesto Constantino (1974, 21) na isa ring tagapagtaguyod ng “universal approach,” batay ito sa resulta ng mga pananaliksik nila tungkol sa pang-ilalim at pang-ibabaw na pagkakapareho at pagkakaiba ng mga wika at dayalek sa Pilipinas na kumumbinsi sa kanila na “maaaring dumebelop ng isang wika sa pagsasama-sama sa base o buod nito ng magkakapareho o unibersal na sangkap at anyo ng mga wika at dayalek ng Pilipinas.” Sa mga salita ni Paz (1995, 10–11), ito ang tinatawag na “unibersal na nukleyus” o ang “komon na elemento ng lahat ng mga wika sa Pilipinas” sa lebel ng mga tunog, mga morpim at mga sa lita, sintaks, at kahulugan.
  12. Narito ang ilan sa mga halimbawang lugar na binanggit ni Odal (1999, 3–5): Bai Sarifinang (sa Sultan Kudarat); Bay-ang (Agusan del Norte); Bay-ang (North Cotabato); Bayan at Sagbayan (Surigao del Sur); Kinamaybay (Agusan del Sur); Baybay (Davao Oriental); Sibayan at Kalbay (Davao del Sur); Kalabayan (Misamis Occidental); Baylanan (Bukidnon); Bayabaya (Zamboanga del Sur); Bae (Negros Oriental); Tagbaya (Western Samar); Bayho (Northern Samar); Baybay (Leyte); Bayang (Bohol); Baybay at Bailan (Capiz); Mayabay (Antique); Bay-ang, Baybay, Baybay Alimbo, at Tagbaya (Aklan); Magbay (Occidental Mindoro); Bai (Abra), Ba’I (Mountain Province); Baybay (Albay na dating Albaybay); Dibayabay (Aurora); Baibay (Maynila); Bay-Batin (ngayo’y Los Baños, Laguna); at Bai (Laguna).
  13. Narito ang mga halimbawang ibinigay ni Odal (1999, 29) na mula sa aklat na A Comparative Study of Philippine Lexicons (1977): bae (Kinaray-a), bahi (Binukid, Manobo, Western Bukidnon), bai (Ilocano), bai (Pangasinan), bay (Magindanao), bayi (B’lit Manobo, Kalamansig Manobo, Sarangani Manobo, Sinaunang Tagalog, Tasaday Manobo, Aklanon), kag/bayi/yan (Alangan Mangyan), kamang bayi/an (Iraya Mangyan), babae (Tagalog, Hiligaynon, Ilokano, Isneg, Kuyonon, Masbate, Pampango), babai (Ifugao-Amganad, Bontoc-Guinaang, Ilokano, Itneg-Binongan, Northern Kankanay, Masbate, Botolan Sambal, Cagayano), baba:i (Ifugao-Batad, Ifugao-Bayninan), babai’ (Kuyonon, Maguindanaon), baba’ih (Tausug), babay (Atta, Batak, Isneg, Maranao, Tagbanua-Aborlan, Mangyan-Alangan, Itawis), babbay (Agta), bavay (Ibanag), bapay (Gaddang), babaye (Aklanon, Butuan, Hiligaynon, Kinaray-a, Romblon, Waray, Sugbuhanon), babayi (Bikol-Iriga, Bikol-Naga, Mangyan-Hanunuo, Iraya, Pampango, Sambal-Botolan), babaji (Suriganon), babazi (Mamanwa), at badzi (Kinamigin).

Sanggunian:

Abrera, Ma. Bernadette at Dedina Lapar, mga pat. 1992. Paksa, Paraan, at Pananaw sa Kasaysayan. Lungsod Quezon: UP Departamento ng Kasaysayan, UP Lipunang Pangkasaysayan (UP LIKAS), at Bahay Saliksikan ng Kasaysayan (BAKAS).

Abueva, Jose. 1991. Pambungad na Pananalita sa Kolokyum sa Paggamit ng Wikang Pambansa sa mga Agham Panlipunan at Pilosopiya: Pag-aaral, Pagtuturo, Pananaliksik at Pagsasanay. Nasa Ang P/Filipino sa Agham Panlipunan at Pilosopiya, pat. Zeus Salazar, 14–18. Maynila: Kalikasan Press.

Abueva, Jose. 1992. Talumpati sa Pambansang Kumperensiya sa Historiograpiyang Pilipino (1989). Nasa Paksa, Paraan, at Pananaw sa Kasaysayan, mga pat. Ma. Bernadette Abrera at Dedina Lapar, 4–8. Lungsod Quezon: UP Departamento ng Kasaysayan, UP Lipunang Pangkasaysayan (UP LIKAS), at Bahay Saliksikan ng Kasaysayan (BAKAS).

ADHIKA ng Pilipinas, Inc. at National Historical Institute (NHI). 2001. Kasaysayang Bayan: Sampung Aralin sa Kasaysayang Pilipino. Lungsod Quezon at Maynila: ADHIKA ng Pilipinas, Inc. at National Historical Institute.

Constantino, Ernesto. 1974. Ang “Universal Approach” at ang Wikang Pambansa ng Pilipinas. Nasa Filipino o Pilipino?: Mga Bagong Babasahin sa Pambansang Wika at Literatura, mga pat. Ernesto Constantino, Rogelio Sikat, at Pamela Cruz, 17–30. Maynila: Rex Bookstore.

Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). 2015. KWF Manwal sa Operasyon. Maynila: Komisyon sa Wikang Filipino.

Llanes, Ferdinand. 1999. Kasaysayang Bayan: Pagsulat ng Kasaysayan ng Bayan (Isang Panimula tungo sa Paglilinang). ADHIKA 1: 3–23.

Linangan ng mga Wika sa Pilipinas (LWP). 1991. Ang Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas. Pasig: Linangan ng mga Wika sa Pilipinas.

Navarro, Arthur. 1998. Bagong Kasaysayan sa Wikang Filipino: Kalikasan, Kaparaanan at Pagsasakasaysayan. Philippine Social Sciences Review 55, blg. 1–4 (Enero-Disyembre): 103–120.

Navarro, Atoy. 1999. Kasaysayan at Talastasang Bayan sa Wikang Filipino: Sa Duyan ng Pagbubuo ng Inang Bayan, Bansa at Sambayanan. ADHIKA 1: 25–52.

Ocampo, Nilo, pat. 1999. Tala sa ADHIKA 1: 1–2.

Odal, Grace. 1999. Inang Tubig: Ang Diwa ng Ba’i sa Kalinangang Bayan. Inilathala bilang Kasaysayang Bayan: Dalumat/Siyasat sa Kasaysayan ng Bayan blg. 1.

Paz, Consuelo. 1995. Ang Wikang Filipino Atin Ito. Lungsod Quezon: University of the Philippines Sentro ng Wikang Filipino.

Resuma, Vilma at Anthony Ocampo. 2005. Filipino bilang Wikang Panturo sa U.P. Integrated School: Isang Pag-aaral. Alipato: A Journal of Basic Education 3, blg. 1: 51–62.

Rodriguez-Tatel, Mary Jane. 2015. Philippine Studies/Araling Pilipino/Pilipinolohiya sa Wikang Filipino: Pagpopook at Pagdadalumat sa Loob ng Kapantasang Pilipino (Philippine Studies/Araling Pilipino/Pilipinolohiya in Filipino: Redefining Context and Concept within the Filipino Scholarly Tradition). Humanities Diliman 12, blg. 2 (Hulyo-Disyembre): 110–179.

Rodriguez-Tatel, Mary Jane. 2017. Araling Etniko sa Wikang Filipino: Pagpapaibayo ng Pilipinolohiya/Araling Pilipino. Saliksik E-Journal 6, blg. 1: 1–38.

Salazar, Zeus. 1991a. Ang Paggamit ng Wikang Pambansa sa Departamento ng Kasaysayan. Nasa Ang P/Filipino sa Agham Panlipunan at Pilosopiya, pat. Zeus Salazar, 76–83. Maynila: Kalikasan Press.

Salazar, Zeus. 1991b. Tala sa Ang P/Filipino sa Agham Panlipunan at Pilosopiya, pat. Zeus Salazar, 7–12. Maynila: Kalikasan Press.

Salazar, Zeus. 2000. Ang Pantayong Pananaw bilang Diskursong Pangkabihasnan. Nasa Pantayong Pananaw: Ugat at Kabuluhan, Pambungad sa Pag-aaral ng Bagong Kasaysayan, mga pat. Atoy Navarro, Mary Jane Rodriguez, at Vicente Villan, 79–125. Lungsod Quezon: Palimbagan ng Lahi.

Salazar, Zeus. 2015. Kasaysayan ng Pantayong Pananaw (PP) at Bagong Kasaysayan (BAKAS): Ang Paglaganap ng Bagong Pagbabalangkas at Pagpapanahon ng Kasaysayang Pambansa. Nasa websayt ng Balanghay ng Kasaysayan, pinost noong Setyembre 14, 2015, https://goo.gl/3HM2Bu (nakuha noong Nobyembre 19, 2017).

Sibayan, Bonifacio. 1999. The Intellectualization of Filipino and other Sociolinguistic and Education Essays. Maynila: The Linguistic Society of the Philippines.

Sikat, Rogelio. 1990. Tawagin Mang Tagalog o Filipino, Ang Pambansang Wika’y Narito Na. Nasa Bantayog: Mga Piling Sanaysay sa Wika at Panitikan, mga pat. Alfonso Santiago, Pamfilo Catacataca, at Pat Villafuerte, 5–14. Lungsod Quezon: Phoenix Publishing House, Inc.

Unibersidad ng Pilipinas (UP) Sentro ng Wikang Filipino (SWF). 2017. Palisi sa Wika ng UP. Nasa websayt ng Unibersidad ng Pilipinas Sentro ng Wikang Filipino, pinost noong Nobyembre 18, 2017, https://goo.gl/c9JwMy (nakuha noong Nobyembre 18, 2017).

Veneracion, Jaime. 2001. Paunang Salita sa Kasaysayang Bayan: Sampung Aralin sa Kasaysayang Pilipino, pat. ADHIKA ng Pilipinas, Inc. at National Historical Institute (NHI), ix-x. Lungsod Quezon at Maynila: ADHIKA ng Pilipinas, Inc. at National Historical Institute.

--

--

Jay Israel De Leon

BA History | MA Philippine Studies — Language, Culture, and Media