Ilang mga Sulatin sa Wika
Hinggil sa Wika at Diyalekto
Sa Filipinas, mayroon lamang iisang wika (dalawa kung ibibilang ang Ingles) at daan-daang mga diyalekto. Ayon sa popular na paniniwalang ito, tanging Filipino o Tagalog (alinman sa dalawa, sapagkat itinuturing na magkapareho at nagkaiba lamang sa baybay) ang wika, at ang ibang mga dila’y diyalekto. Tinawag lamang na diyalekto upang marahil magtaglay ng impresyong akademiko, ngunit ibig talagang sabihin na ang mga pananalita liban sa Tagalog ay mga pananalitang nakabababa ang uri. Binibigyang diin ng ganitong pag-iisip ang supremasiyang Tagalog sa halip na pagkakapantay-pantay sa isang lipunang diverse at multikultural. Sa lalong paglaganap ng miskonsepsiyong ito, nararapat itanong: Ano nga ba talaga ang wika at diyalekto?
Ang wika ay isang dinamikong sistema ng mga yunit na maaaring maintindihan sa pamamagitan ng ilang mga daluyang pandama, at iilang tiyak na kombinasyon lamang nitong mga yunit ang mayroong kahulugan ayon sa napagkasunduan, at sa gayon ay maaaring gamitin sa komunikasyon, ayon sa pangangailangan ng isang komunidad ng mga mananalita nito. Ngunit ang wika ay isa lamang kaisipan, at samakatwid ay abstrakt. Dito papasok ang diyalekto bilang manipestasyon ng wika. Dalawa ang pagpapakahulugan sa salitang “diyalekto”: una, ito ay anumang baryasyon ng wika, at pangalawa, ito ay tumutukoy lamang sa baryasyong heograpikal, iyon ay, baryasyon ng wika sa isang rehiyon o lokalidad. Kinikilingan nitong papel ang naunang depenisyon. Higit pa, nahahati sa apat ang mga diyalekto: mga baryasyong rehiyonal, mga baryasyong panggrupong panlipunan (o sosyolekto), mga baryasyong pang-indibidwal (o idyolekto), at ang baryasyong istandard. Sa halip na tingnan ang diyalekto bilang mga baryasyon ng wika, iminumungkahi ang kabaligtaran. Sang-ayon sa nabanggit na ang wika ay isa lamang konsepto, tingnan natin ang wika bilang koleksiyon ng mga diyalektong malalaki ang pagkakatulad sa mga tunog at salita at sa gramatika. Pansinin itong dayagram upang mas maintindihan ang gagawing pagpapaliwanag sa ibaba.
Ang asumpsiyon nitong framework ay mula sa isang modipikadong konsepto ng mutual intelligibility. Ang idea ay organisado batay sa antas: kung ang dalawang idyolekto ay mutually intelligible at malaki ang pagkakahalintulad ng mga tunog, salita, at ng gramar, masasabing kabilang ang dalawang idyolekto sa iisang sosyolekto; kung ang dalawang sosyolekto ay mutually intelligible at malaki pa rin ang resemblans ng mga tunog, mga salita, at gramar, masasabing kabilang ang dalawang sosyolekto sa isang baryasyong rehiyonal ng isang wika (maikling hustipikasyon: Aasahan ba na ang sosyolekto ng Tagalog ng mga middle class halimbawa sa Batangas, ay kapareho ng sosyolekto ng Tagalog ng mga middle class halimbawa sa Maynila? Hindi. Makikitang nakaankla ang sosyolekto sa isang rehiyon, at sa gayon, sa baryasyong ng wika sa rehiyon.); at kung kapuwa nagkakaunawaan ang dalawang baryasyong rehiyonal (rehiyon sa heograpikal at kultural na sens), sa paraang pasalita man, pasulat, o pareho, at may substansiyal na resemblans sa mga tunog, mga salita, at gramar, sa konteksto ng isang bansa, masasabing napapaloob ang dalawang diyalekto sa iisang wika. Sa antas ng wika-sa-wika, mahalagang kinikilala at nararamdaman ng isang speech community na nagsasalita sila ng isang unikong wika, i.a., kaiba ng iba, at gayon din, kailangang maramdaman ng iba pang mga speech community ang pagka-unikong iyon. Sa framework pang ito, ang paglilimit sa pagkaklasipay ng mga penonemong lingguwistiko sa loob ng bansa ay isang pagkilala sa soberaniya ng bansa at sa karapatan nitong angkinin ang isang wika bilang kanila, kahit na mutually intelligible pa ito sa iba pang mga wika, maliban na lamang kung mayroong pagtanggap sa isang bansa na varayti ng isang wika ang sinasalita nito. Samantala, ang istandard ay ang baryasyon ng isang wika na kinikilingan ng estado at siyang ginagamit nito sa pagpapalaganap ng nasabing wika (kung kaya’t kadalasang ‘pambansa’ o ‘opisyal’ na wika ang taguri sa mga baryasyong istandard).
Sapagkat malabong magkaintindihan ang mga Tagalog at mga Sebuwano, ipagpalagay na hindi marunong ng Filipino at Ingles, masasabing isa ring wika ang Sebuwano, at samakatwid ay kapantay ng Tagalog. Ito ay lubos pang sinusuportahan ng katotohanang magkaiba ng kultura ang dalawang pangkat. Sa pareho ring argumento, masasabing ang Ilokano, Ilonggo, Bikolano, atbp. ay mga wika, at hindi mga ‘diyalekto’, ng Filipinas. Bagama’t malaki ang pakakapare-pareho nitong mga wika sa Filipinas sa isa’t isa (dahilan sa nagmula ang ating mga wika sa istorikal na Austronesyano, at sa gayon ay nagsimula bilang mga diyalekto nitong sinaunang wikang Austronesyano), umabot na, dahil sa isolasyon at panahon, sa puntong sila’y nakapagdebelop ng sarili nilang mga patern ng pananalita (mga tunog, mga salita, at gramar) na uniko sa kanilang mga komunidad, hanggang sa sila’y na-differentiate at naging unintelligible sa mga kapatid nilang pananalita.
Hinggil sa Baryasyon ng Wika
Higit sa lahat, nagkaroon ng wika upang maipahayag ng tao ang kaniyang mga kaisipan at damdamin sa kaniyang kapuwa. Sa gayon, upang lalo siyang maintindihan at mas epektibo niyang maipahayag ang kaniyang mensahe, iaangkop niya ang kaniyang wika, i.a., gagawa siya ng mga modipikasyon, sang-ayon sa hinihingi ng mga partikular na sitwasyon.
Halimbawa, sa pakikipag-usap sa mga bata, binabagalan natin ang ating mga pananalita, gagawing higit na malumanay sa karaniwan ang ating mga tono, at mas importante, lubha nating pinapapayak ang ating mga pangungusap (i.a., simpleng mga salita, maiikling pangungusap, atbp.) para umayon sa antas ng pag-unawa ng bata sa wika. Isa pang halimbawa pa ang papel na ito. Iniangat ko ang aking wika mula sa estrukturang kumbersasyonal, na kadalasan kong gamit sa karamihan ng mga sitwasyon, tungo sa isang estrukturang pormal.
Itong pagkakaroon ng mga varayti sa wika batay sa ginagawa ng tao bilang tugon sa kahingian ng sitwasyon ay tinatawag na ‘rejister’. Ang rejister ay nangyayari pa rin dulot ng pangangailangan ng tao sa mas epektibong pamamaraan ng pagpapayahag ng kaniyang mensahe. Ang madalas na paggamit ng di-karaniwang ayos sa kaswal na pakikipag-usap, halimbawa, ay magreresulta lamang sa katatawanan. Ngunot kahit na malaya ang tao na gumawa ng mga modipikasyon sa kaniyang wika, may hangganan ang ganitong pagmomodipika. Kailangang ibalanse ang pangangailan sa modipikasyon ng mananalita, at ang pangangailangang maintindihan ito ng isang pangkat-tagapakinig. Ito rin kung kaya’t ang wika ay parehong pagmamay-ari ng indibidwal at ng komunidad.
Hinggil sa Panghihiram at Code-Switching
Sapagkat ang mga edukadong Filipino ay parehong matatas sa Filipino at Ingles, hindi maiiwasan ang mga sitwasyong parehong ring nagagamit ang parehong mga wika sa iisang pangungusap. Ang penomenong ito ay tinatawag na code-switching. Nangyayari ang code-switching sa tatlong primaryong mga dahilan. Una, tulad ng sa rejister, hinihingi ng sitwasyon ang code-switching. Halimbawa, sa pagtuturo o sa pagpapaliwanang ng isang paksa, lalo na kung teknikal ang kalikasan (hal., pisiks), magfi-Filipino ka sa panimula upang hindi maging intimideyting sa tagapakinig; ngunit sa paglalim ng pagpapaliwanang, nagiging mas komportable kang gumamit ng mga termino at kalauna’y mga pangungusap na Ingles. Pangalawa, ang pagko-code-switch ay nangyayari because of the preference of the speaker (halimabawa ang pangungusap na ito). Pangatlo, ang code-switching ay isang simbolo ng pagiging neutral. Pansinin: kaya marahil pilit at panaka-nakang lumilitaw ang mga salita at elementong Filipino sa mga pangungusap ng mga mayayaman (hal., karamihan ng mga Atenista) upang maisawang maakusahan na Inglesera, at sa gayon ay magkaroon ng impresyong sila’y mga neutral.
Kailangang i-kontrast itong penomenon ng code-switching sa penomenon ng panghihiram. Ang panghihiram ay ang penomenong pangwika na karakterisado ng pag-aangkat ng mga salitang banyaga sa wika. Nangyayari ito sa dalawang kadahilanan. Una, dahil sa kakulangan ng salita sa wika upang ipahayag ang isang bagong konsepto at sa pangangailangang maipahayag ang bagong konseptong ito, tayo ay nanghihiram. Halimbawa, sa advent ng teknolohiya, kinailangan nating ‘hiramin’ ang mga salitang ‘computer’ (kompiyuter), ‘internet’ (internet), ‘mouse’ (maws), atbp. Pangalawa, may persepsiyon tayo ng isang ‘prestihiyosong wika’, at para iayon ang wika sa antas nitong ‘prestihiyosong wika’, nanghihiram tayo sa wikang iyon. Halimbawa, sa halip na gamitin ang salitang ‘patungan’ bilang reperensiya sa ‘table’, mas talamak ang paggamit ng Espanyol na ‘mesa’ o ‘lamesa’ (na noon ay kinikilalang prestihiyoso). Mahalagang banggitin na hindi lamang mga kaso ng paisa-isang salita ang panghihiram at may epekto rin sa estruktura ng wikang nanghihiram sa wikang pinanghiraman. Halimbawa, nanggaling sa Ingles na ‘email’ ang pandiwang ‘inimeyl’ (ang sistema ng mga panlapi sa Filipino at ang salitang Ingles ay nagsama sa kasong ito).
Hindi tulad ng code-switching, hindi talamak sa Filipinas ang paggamit ng panghihiram dahil ito ay mas nakikita sa mga lipunang monolingguwal. Produkto na rin ng ating sistemang edukasyonal at lipunang multikultural, karamihan sa mga Filipino ay multilingguwal. Dahil dito, itinuturing kong code-switching ang namamahalang kaso sa karamihan ng mga penomenon na kinabibilangan ng paglitaw ng mga elementong Ingles at Filipino sa isang pangungusap (lalo na sa mga kaswal na pakikipag-usap), maliban na lamang kung hinihingi ng sitwasyon ang paggamit ng iisang wika (tulad ng papel na ito, na isang uri ng pormal na sulatin), at doo’y maaaring panghihiram ang namamahalang kaso. Ngunit sa halos lahat, kung hindi man sa lahat, ng mga sitwasyon, mapapansin ang parehong paglitaw ang code-switching at panghihiram sa pananalita. Para sa akin, hindi na mahalagang bigyan ng malalim na distinksiyon ang panghihiram at code-switching sa pagitan ng Ingles ng Filipino sa konteksto ng Filipinas dahil nga natural na nangyayari ang dalawang kaso sa isang lipunang multikultural. Alinman ang nangyari sa ‘Puwede bang paki-explain ang nasa blackboard?’, mas mahalagang isipin na ang dalawang penomenong lingguwistikong na ito ay epekto pa rin ng patuloy ng ‘Inglesismo’ sa bansa.
Sanggunian
Wardhaugh, Ronald. “An Introduction to Sociolinguistics.” Oxford: Basil Blackwell, 1986.