Tula #4
Para maiba naman.
Parang alon na buong araw nariyan,
Umaahon ngunit babalik din naman.
Dito’y ihahambing
Itinatagong lambing,
Buong tapang sasabihing
Tapat na damdaming
Sumusulong
Sa buhanging walang-hanggan,
Umuurong
Tungo sa tahanang dalampasigan
Tulad mo na aking kanlungan
Larawang pag-uwi ng araw sa kanluran.
At parang iyon na sa Silanga’y bumabangon,
Bago, sariwa, mas matamis kesa kahapon.
Magdamag-maghapong liwanag na hatid
Asahan sa damdamin kong ipapabatid;
Tuluy-tuloy,
Paulit-ulit,
Muling kakatok,
Mangungulit.
Pagdating ng gabi’y huwag mangangamba
Sa paghari ng dilim at ako’y di makita.
Iwasang tumingin sa bandang ibaba
Makikiusap na bahagyang tumingala
Pagkat ako’y nariyan;
Pag-ibig ko na bitbit ng buwan.
At dahil di sapat ang pag-ibig na minsan,
Pansining sinasalamin pa ng karagatan.
_________________________________________________
~Baybaying-dagat