Sino Ang Mabait na Bata?

isang maikling kwento sa wikang Filipino || ang hangarin nito ay turuan ang mga bata na magkaroon ng magagandang asal.

Punong-puno ng kasiyahan si Daniel dahil kalilipat pa lang ng kanyang pamilya sa kanilang bagong tahanan. Ngunit mas nasasabik pa siya dahil may palaruan sa kanilang subdibisyon.

Kinahapunan ng sumunod na araw, pagkatapos ng pasok niya sa kanyang bagong eskwela, hinatid si Daniel ng kanyang tatay sa palaruan.

“Mag enjoy ka, anak. Pero kailangan nasa bahay ka na bago mag ala-sais ng gabi,” sabi ng tatay niya. Alam niya na isang masunuring bata si Daniel.

“Opo,” sagot ni Daniel. “Maaasahan niyo po ako!”

Kaylapad ng kanyang ngiti pagsampa niya sa palaruan. Maraming bata na ang naglalaro, kaya naghanap si Daniel ng kaibigan.

May dalawang batang lalaki na nakasakay sa duyan. Nakita sila ni Daniel, at siya ay naglakad papunta sa kanila.

“Magandang hapon,” sabi ni Daniel. “Ako si Daniel. Kaka-lipat pa lang namin dito kahapon. Anong pangalan niyo?”

Bumaba ang bata na nasa swing at nakipagkamay sa kanya. Tingin kaagad ni Daniel na tuwang-tuwa siyang makipagkaibigan sa kanya dahil sa laki ng kanyang ngiti.

“Ako si Yann,” ngiti nito. Nagustuhan kaagad ni Daniel si Yann dahil sa magandang unang impresyon na ibinigay niya.

Lumingon si Yann sa katabi niya. Siya’y matangkad, kulot ang buhok, at hindi gaano kasing sigla ni Yann.

“Hi, ako si Oscar,” sabi niya, at siya’y dagliang ngumiti.

“Ilang taon ka na?” tanong ni Yann sa kay Daniel.

“Siyam na taong gulang na ‘ko. Kayo?”

“Pareho tayo! Pati si Oscar,” sagot ni Yann.

Ngumisi si Oscar.

Kaagad silang naging magkaibigan, at mamaya-maya, nag-imbita si Yann na pumunta sa tindahan at ihawan.

Masayang sumunod si Daniel sa dalawang matalik na magkaibigan.

Si Yann ang bumili ng bananacue at hotdog para sa kanilang tatlo. Si Daniel naman ang pumunta sa tindahan para bumili ng kendi.

“Tao po,” sabi niya sa bilihan. Wala pang tindera sa loob.

Biglang may isang batang tumabi sa kanya na nag-aabang din sa tindera. Pagdating ng tindera, inunahan si Daniel ng bata sa pagsalita at pagbili.

“Ah, ako yung nauna sayo,” sabi ni Daniel, dahil gusto niya na maging magalang ang ibang tao. Natawa lang ang bata at nag-belat sa kanya.

Nainis si Daniel pero kaagad umalis ang bata. Pagdaan niya sa mesa ni Yann at Oscar, tinulak niya ang plato ng hotdog ni Daniel. Buti na lang, nasalo ito ni Oscar.

“Hoy! Bumalik ka dito! Humingi ka ng tawad!” sigaw ni Oscar. Tumakbo paalis ang bata. Bumili muna si Daniel ng kendi at bumalik sa upuan niya.

“Sino yon?” tanong ni Daniel.

“Si Luigi, nakakainis ang batang yun. Mayabang at maramot siya. Nanunulak siya sa amin at nakikipag-away,” sagot ni Oscar. “Huwag mo siyang lalapitan at huwag mo siyang pasasalihin sa mga laro natin.”

“Ah,” sabi ni Daniel. “Grabe naman. Naunahan niya ‘ko sa tindahan”

“Tinutukso ka niya kasi bago ka,” sabi ni Oscar. Lumingon si Oscar kay Yann. Tumango si Yann.

“Ang sama naman nun,” sabi ni Daniel. “Pero alam mo, sa tingin ko, kapag nakipagkaibigan tayo sa kaniya, babait din yun.”

“Huh? Ayaw ko,” sabi ni Oscar. Tumango naman si Yann kay Daniel.

“Oscar, subukan lang natin,” sabi ni Daniel. “Pag hindi maganda ang asal natin sa kanya, eh di magkasing sama lang tayo!”

“Hmph,” sabi ni Oscar.

Nang sumunod na araw, nagtagpong muli ang tatlong magkakaibigan sa palaruan. Sumulpot din ang batang si Luigi.

Si Daniel at Yann ay nagdala ng laruan. Naglalaro silang tatlo sa may buhangin nang lumapit si Luigi sa kanila.

“Uy, ang saya naman niyan,” sabi ni Luigi habang pinanonood niya ang laruang robot at kotse na hawak ng tatlo.

“Gusto mong sumali?” tanong ni Daniel, habang inaabot n’ya ang isang kotse.

Hindi sumagot si Luigi at hinablot ang kotse sa kamay ni Daniel.

Sumimangot si Oscar habang tumabi si Luigi sa kanila. Maya-maya, kinuha na ni Luigi ang halos lahat ng mga kotse at robot. Nagalit si Oscar.

“Luigi, ibalik mo yan! Wala na kaming laruan!” sabi ni Oscar.

Inagaw niya ang isang robot sa tabi ni Luigi. Inagaw muli ni Luigi ito.

Nagalit nang labis si Oscar, at mukhang gustung-gusto na niyang suntukin si Luigi at talagang magagawa niya iyon kung hindi nagsalita si Yann.

“Laro nalang tayo ng iba. Halika, Oscar, dun tayo sa mga swing,” sabi ni Yann, at kinaladkad si Oscar paalis.

“Luigi, walang makikipag-laro sayo kung kukunin mo lahat ng laruan,” sabi ni Daniel.

“Hmph!” singhal ni Luigi, at tumakbo papunta sa slide. Hindi siya bumalik at hindi na lumapit ang tatlo sa kanya.

Kinabukasan maagang nakalabas si Daniel sa eskwela. Pumunta siyang muli sa palaruan, pero kaunti pa lang ang mga batang naroon at wala sina Oscar at Yann. Kaya naglaro muna siya sa monkey bars hanggang mamanhid ang kanyang mga kamay. Pumunta siya sa slide pagkatapos.

Una, may nakapilang dalawang bata. Noong umakyat ang batang babae sa harap niya, natulak siya papunta sa likod dahil may isa pang bata na naunang umakyat sa kanya, kahit may batang babae sa taas ng slide.

Si Luigi pala ang tumulak sa kanya. Nainis si Daniel at nakasimangot siya habang pababa ng slide.

Umupo sa tabi si Daniel at nagmukmok dahil gusto talaga niya mag-swing. Napikon siya kay Luigi.

Dumating naman sina Yann at Oscar at kaagad silang pumunta kay Daniel.

“O, Daniel,” sabi ni Yann. “Ba’t parang malungkot ka?”

“Eh inunahan ako ni Luigi sa lahat ng laruan,” sabi ni Daniel.

“O, halika na, laro nalang tayo ng tagu-taguan,” sabi ni Yann.

“‘Wag nating pasalihin yung batang iyon,” sabi ni Oscar, at tumingin siya nang masama sa kay Luigi.

Maya-maya, nagtago si Daniel sa likod ng puno. Pinanonood niya si Yann habang siya’y nagbibilang hanggang dalawampu.

Pero biglang nakita niya si Luigi, at nagtaka siya kung bakit naglalakad iyon ng kakaiba. Parang pagod na pagod si Luigi.

Natapos na ang pagbilang ni Yann at nagtago muli si Daniel sa likod ng puno.

Kaso, hindi niya matigilang sumulyap kay Luigi. Nakita niya na biglang bumagsak ito sa lupa at nalugmok sa damuhan.

Nakita na rin ni Yann si Daniel at biglang tumakbo ito sa kanya.

“Yann!” sigaw ni Daniel habang sinasalubong si Yann.

“Talo ka na,” tawa ni Yann. Pero seryosong-seryoso ang mukha ni Daniel.

“Nahulog si Luigi!”

Naunang tumakbo si Yann papunta sa kay Luigi.

“Kadiri,” sabi ni Yann. Sumunod si Daniel habang humihingal.

“Bakit?” tanong ni Daniel.

Nakita niya na nakapikit si Luigi. Parang natutulog siya. May parang puti sa kanyang labi.

“Bumubula ang bibig niya,” sabi ni Yann. Inilagay niya ang likod ng kanyang palad sa noo ni Luigi. Biglang inalis niya ito.

“Aray! Ang init! Ang taas ng lagnat niya!” sabi ni Yann.

Umubo si Luigi nang matagal, kaya pinatagilid ni Yann si Luigi, para makahinga siya nang maayos.

Sinamahan sila ni Oscar.

“Ang tagal ko kayong hinihintay. O, anong nangyari sa kanya?” tanong ni Oscar.

“Nahimatay muna siya…” simula ni Daniel.

“…at pagdating namin sa kanya, bumubula yung bibig niya! Tumitigas rin siyang parang kahoy,” sabi ni Yann.

“Buti nga sa kanya!” sabi ni Oscar.

“Oscar!” parehong sigaw nina Daniel at Yann.

“Dapat dalhin natin siya sa nanay niya, o sa ospital,” sabi ni Daniel.

“At ano, bubuhatin natin siya?” nanunudyong na sabi ni Oscar.

“Alam ko kung saan ang bahay ni Luigi. Hahanapin ko ang mommy niya,” sabi ni Yann.

Umalis si Yann at naiwan ang dalawang bata. Kinuha ni Daniel ang kanyang lampin at pinampunas sa bibig ni Luigi.

“Yak!” sabi ni Oscar. Umupo sila sa tabi ni Luigi at hindi nila alam kung ano ang gagawin nila. Matagal sila naghintay kay Yann.

Sa wakas, bumalik si Yann, at pawis na pawis siya.

Kinatok daw niya ng ilang beses ang pinto nila Luigi, pero walang sumasagot. Nakita siya ng kapitbahay at sinabi sa kanya na umalis ang nanay at yaya ni Luigi para bumili ng mga gulay.

Madalas daw wala ang nanay at tatay niya, at kapag wala rin ang yaya pag umuuwi si Luigi, pinag-iimbita siya nitong kapitbahay na mag-merienda sa bahay niya.

“Paano na yan?” tanong ni Oscar.

“Tatawagin ko si Mama,” sabi ni Daniel. “Nurse kasi siya.”

Umuwi si Daniel at dinala niya ang kanyang nanay papunta sa playground.

Nagising na si Luigi pero mukhang antok na antok ito.

Kinarga ng nanay ni Daniel ang bata at dinala sa kanilang bahay. Hiniga niya si Luigi sa kama ni Daniel, kinunan ng temperatura, at pinatulog muna doon.

Maya-maya, nagising si Luigi at tinanong si Daniel kung ano ang nangyari. Nagulat si Luigi na tinulungan siya nila.

“Bakit niyo ako tinulungan samantalang palagi ko kayong inaaway?” tanong ni Luigi.

“Kasi, naawa kami sa iyo. At alam namin na kapag naging mabait kami sa iyo, posibleng babait ka rin,” sagot ni Daniel.

“Hmph,” singhal ni Luigi. At mahina niyang sinabi, “Salamat.”

Samantala, kumuha ng merienda sila Yann at Oscar at pabalik na sila sa kwarto ni Daniel.

Pero tumigil sila sa pinto, dahil tinakpan ni Yann ang kanyang bibig gamit ang kanyang hintuturo at pinatahimik niya si Oscar. Nagtaka si Oscar kung bakit.

Sumilip siya sa loob ng kwarto, at nakita niya na niyakap ni Luigi si Daniel.

“Salamat,” sabi ni Luigi.

“Hmph,” bulong ni Oscar sa sarili. At biglang may ngiti na tumakas sa kanyang labi.

One clap, two clap, three clap, forty?

By clapping more or less, you can signal to us which stories really stand out.