mahirap lumaki sa tahanang napupuno ng nakakabinging katahimikan.

🐇
3 min readJun 28, 2024

--

Nasanay akong hindi naglalahad ng totoong nararamdaman ko, siguro kasi wala namang nagtatanong o wala rin namang makikinig. Lumaki ako sa isang tahanang walang komunikasyon, hindi pinag uusapan ang mga bagay na nakakapag pakabagabag sa bawat isa.

Tanging tunog lamang ng kutsara’t tinidor ang maririnig sa mesa. Kinalakihan ko ang ganoong tahanan. Kung saan puno ng katahimikan.

Tahimik na hindi gugustuhin ng sinuman, tahimik na nakakabingi.

Tahimik man ang lamesa’t tahanan, maingay naman ang utak at isipan.

Tahimik man ang paligid, nabibingi pa rin ang bawat isa sa mga sigaw ng isipan. Mga sakit na iniinda at pighati na nadarama. Pero, dito ako nasanay. Dito ko natutunan paano huwag pansinin ang bawat sigaw at sakit ng damdamin. Hindi ka puwedeng maging mahina. Hindi ka puwedeng magsalita.

Bakit?

Ano ba ang alam ng isang musmos na kagaya ko sa hirap ng buhay?

Ano ba ang karapatan ng kagaya kong walang muwang sa mundo na maging malungkot?

Wala, siguro dahil hindi ko naranasan na pagkasyahin ang tatlong daan sa isang araw o hindi kaya’y hindi ko naranasan pagpawisan at mapagod kakakayod? Kaya siguro wala akong karapatang magsalita sa mga bagay na nakakapag pakabagabag sa akin. Kaya siguro natuto nalang akong mamulat sa isang reyalidad nang hindi ko namamalayan. Kaya siguro natuto akong mag tago ng nararamdaman ko dahil ayun ang nakasanayan. Kaya siguro nakasanayan ko na lamang na umiyak nang walang nagagawang anumang ingay. Kaya siguro sa edad na walo alam ko na ang takbo ng buhay.

Pero kung ako ang tatanungin, “ano ba ang alam ng musmos na kagaya mo?”

Isang salita lang ang sagot ko. Marami.

Alam kong kahit hindi sabihin at ipakita ng aking mga magulang, nahihirapan sila.

Alam ko na sa bawat gabi na mahimbing akong natutulog ay palihim silang humihikbi.

Alam ko na bawat pag galaw ng kutsara’t tinidor kasabay nito ang pagkabog ng dibdib at pagsigaw ng isipan.

Para sa isang musmos alam ko lahat. Mga bagay na hindi pa dapat ginagawa ng isang batang katulad ko. Pero anong karapatan kong magsabi ng nararamdan ko? Hindi naman ako ang naghihirap sa buhay, anong karapatan kong umiyak kung hindi ko naman alam ang tunay na kahulugan ng pait ng buhay?

Tumanda at lumaki na ang musmos pero sa gitna ng lahat, umaasa pa rin syang mapakinggan kahit minsan. Mapakinggan nang walang “Paano ka nalulungkot? Naranasan mo na ba maghirap sa buhay at kumayod araw-araw?” na tanong.

Lumaki akong pasan ang bawat bigat at problema ng pamilya ko dahil, wala akong ibang magagawa kundi intidihin ang sakripisyo nila. Pero gusto ko rin. Gusto ko ring maintindihan kahit minsan.

Tao lang din lamang ako, may nararamdaman at may bigat na dinadala. Umaasa rin ako na sa gitna ng mga “pagkikinig’ ay mapakinggan din ako. Hindi ko ginustong lumaking dala dala ang mga mabibigat na bagahe ko simula pagkabata na natutunan kong pasanin sa murang edad.

Kaya siguro naging mahirap na tanong ang simpleng “Kamusta ka?” at “Anong problema?”

Paano ko sasabihin?

Paano ko sasabihin na hindi ko na kaya pang pasanin ang mga bagaheng hindi naman ako ang dapat na nagdadala.

Paano ko sasabihin na pagod na ako? Paano ko sasabihin na bata pa lamang ako pero parang pasan ko na ang mundo sa bigat ng aking dinadala?

Paano kung hindi nila ako maintindihan?

Siguro nga. Mas mainam na itago nalang lahat ito. Kaya sa tuwing sinusubukan ng kong ilabas ang bawat bigat at sakit, nahihirapan ako.

Siguro huwag nalang, hindi rin naman nila maiintindihan at dito rin naman ako nasanay, sa maingay na mga bulong ng aking isipan.

--

--

🐇
0 Followers

i hope to be loved in every way i think i deserve :)