Alam Ko Kung Saan Nagtatago Ang Mga Demonyo

A/N: written during 2013… or 2014, idk who cares right? anyway, this was the first poem I’ve written since that haiku I wrote back in second year high school.

— — — — — — —

Alam ko kung saan nagtatago ang mga demonyo

Sila’y tahimik na nakahimlay sa loob ng aparador ng magulang ko

Tila bangkay na kay himbing ng kanilang tulog na

‘Di maistorbo, hindi makakilos

Sa maliit na pugad kung saan sila iginapos

Nang buksan ko ang pintuan ng aparador na kay liit

Aking nakita ang mga demonyong tila

Nagpipilit,

Naghihimagsik,

Mga simbolo sa kanilang mata’y nagsasalita

Sumisigaw ng kalayaang kanilang ninanais

Na matamasa

Ang mga demonyong ito’y nakilala ko

Nahawakan at naamoy

Tila nanibago sa bagong imahe

Na aking inilabas sa aparador na

Tila itinago

Tila inilayo

Sa mundo ng mga tao

Na mas malala pa sa impyerno

Ang mga demonyong ito’y nakilala ko

Nalibang at naaliw

Tila dinala sa panibagong mundo

Na ako lamang at ang mga demonyo ang nakakaalam

Mga mundong ‘di matutumbasan ng mundong aking ginagalawan

Nakilala ko ang mga demonyong ito

Na itinago sa bakuran ng karunungan

Ang mga demonyong ito’y binhi na ibinaon

Sa lupa ng aking kaisipan at sinubukang

Palakihin na tila sungay

Patuloy na gumagawa ng ingay na

Pinalalawak ang kaisipan sa mundo

Na aking ginagalawan

Ang mga demonyong ‘to

Ay may daan-daang anino

Ngunit iisang likuran

Iisang tahanan sa likod ng

Aparador ng aking magulang

Ang mga demonyong ito’y nakilala ko

Naaaliw sa hatid nilang mga kwento

Ng buhay at sikreto sa loob ng impyerno

Na pinagtaguan nila’ng init ay tila ba disyerto

Ngunit sa loob ng kanilang mga bunganga

Ang mga apoy ay nawala’t napalitan ng

Sandamukal na bituing tila umuulan

Sinisigaw ang kalayaan

Sinisigaw ang kaunlaran

Hinihiling ang kinabukasan

Ngunit hindi mo makikilala ang demonyo

Kung hindi ka titingin sa kalooban nito

Kung hindi mo iisa-isahin ang anino na

Tila ‘di maubusan ng mga letrang bumubuo

Sa mga pangakong iniukit

Sa kanilang mga balat at patuloy na iginuhit

Sa bawat palad

Gamit ang itim na tintang

Sing-dilim ng mga nagpupungay na mga mata

Ng mga demonyo’ng aking kinikita

Tuwing gabi

Kapag ang aparador

Ay nabuksan ko na

One clap, two clap, three clap, forty?

By clapping more or less, you can signal to us which stories really stand out.