Igme ang panatiko
Alas siete na ng umaga nang magising si Igme sa ingay ng tahol ng mga aso nila sa kanilang bakuran. Nandiyan na ang mga kasama niyang dapat ay kasabay niyang pupunta sa kabayanan upang maghanap ng trabaho. Hindi pa siya nakagayak — ni hindi pa siya nakapagmumog upang harapin ang mga nagsusundo sa kaniya. Ngayon ang huling araw ng pagsusumite ng application form sa pinakamalaking kumpanya ng pagawaan ng kable sa kabayanan. Pinauna niya na ang mga kasama sa hiyang paghintayin ang mga ito dahil malayu-layo pa ang biyahe mula sa aming barrio.
Halos ibato ni Igme ang kanyang telepono dahil sa hindi nito paggising sa kaniya. Nawalan na ito ng ganang ituloy pa ang planong tumungo sa kabayanan dahil baka hindi rin siya umabot sa limitadong bilang ng aplikante. Ngunit kung hindi siya tutungo roon ay taon na naman ang bibilangin bago uli tumanggap ng empleyado ang kumpanya.
“Malalagot ka na naman sa ama mo. Siguradong magaalboroto na naman ‘yon sa galit ‘pag nalaman niyang wala ka na namang trabaho sa mga susunod na buwan,” sermon ng kanyang ina. “Bakit kasi tumigil ka agad sa pagsaka nang ‘di ka pa pala sigurado diyan sa papasukan mong trabaho?”
“Paano ako magaasikaso ng mga dokumento kung nagpatuloy akong magsaka?” sagot nito sa ina.
“Kailangan mo nang makahanap ng trabaho dahil hindi na sapat ang kinikita ng ama mo para sa upa natin sa lupa, pati sa bahay na ‘to,” saad ng ina.
“Hindi ba dapat na siya ang gumawa ng disposisyon para hindi tayo nagdurusa? Bakit pilit niyang pinagpapatuloy ang kinagisnan ng mga Gumabon kung halos wala naman siyang kinikita rito?” pagtataas ng boses ng binata. “Pwede naman siyang humingi ng ibang trabaho sa mga Miranda kung gusto niya,” dagdag pa nito.
Kilala ko si Igme. Ayaw niyang hindi sila nagkakasundo ng kanyang ina ngunit alam niyang mas pinapaburan nito palagi ang ama. Minsan ko lang siyang narinig na pagtaasan ng boses ang ina. Habang nakahiga ako sa aking kwarto na ang bintana ay katapat lamang ng bintana ng sala ng mga Gumabon ay dinig na dinig ko ang pagpapalitan nila ng katwiran. Hindi na ito bago sa akin dahil halos sa araw-araw ay ang pagtatalo ni Igme at ng kanyang ama ang gumigising sa akin. Ngunit sa pagkakataong ito, ang kanyang ina naman.
Umupo sa kawayang sopa sa maliit nilang sala ang binata habang pinapatay ang oras sa pagiisip ng nararapat na gawin. Hanggang iilang minuto na lang ang natitira bago magbukas ang kumpanyang minsang pinangarap niyang pagtrabahuhan. Sa huli, hindi kinuha ni Igme ang oportunidad na siyang magbibigay sana ng kapayapaan sa isip ng ina.
Lumaki sa pamilya ng magsasaka si Igme. Ang mga kanunununuan niya sa kanyang ama ay nabuhay lamang sa pagsasaka. Ang ama niya ang ikatlong henerasyon ng mga Gumabon na nagsaka ng tubo sa lupain ng mga Miranda. Ilang dekada na silang umuupa sa lupang ipinangakong ipagkakaloob sa kanila, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin nila hawak ang titulo.
Magkaiba ng ideolohiya ang mag-ama. Sa halos lahat ng aspeto ay hindi nagtutugma ang kanilang mga paniniwala. Gusto ng kanyang ama na ipagpatuloy niya ang kinagisnang kultura ng kanilang angkan ngunit sinuway niya ito. Nais niyang magkolehiyo at kumuha ng kursong electrical engineering ngunit salungat ang ama niya rito dahil nagaalinlangan itong hindi matatapos ang anak kung ito ang kursong kukunin. Pinangakong pagaaralin siya ng kanyang Tiya Salve, ang nakatatandang kapatid ng kanyang ama, subali’t kailangang pang-agrikulturang kurso ang kunin niya upang makatulong sa paglago ng kanilang kabuhayan. Tumanggi ito sa alok ng tiyahin at hindi na ipinagpatuloy ang planong tumuntong pa sa kolehiyo dahil wala rin naman siyang makukuhang suporta sa pamilya kung ipipilit niya ang pangarap niyang kurso.
Isa sa mga bagay na hindi pinagkakaunawaan ng mag-ama ay mga Miranda. Hindi pabor ang ama niya sa pamamahala nila sa hacienda. Dati pa ay kinamumuhian na niya ang mayamang angkan dahil sa maraming dahilan na paulit-ulit niyang sinasabi kay Igme kapag sila ay nagtatalo. Sasagutin naman siya ni Igme ng mga mabubuting nagawa ng mga ito lalo na sa kanilang mga magsasaka. Ngunit kahit ilang beses silang magbangayan ay hindi nila kayang pakinggan ang isa’t isa. Malayong magkasundo pa ang mag-ama. Ang ama ang sinisisi ni Igme sa hindi niya pagyapak sa kolehiyo. Habang nagtanim naman ng galit ang ama kay Igme dahil sa pagtutol niyang ipagpatuloy ang kanilang sakahan na maaari sanang maging pagaari nila pagdating ng panahon.
Ngunit kahit wala sa puso ni Igme ang pagsasaka at pamamahala rito, napilitan pa rin siyang gawin ang tanging nais ng kanyang ama. Sekundarya lang ang natapos niya kaya mahihirapan siyang makakuha ng maayos na trabaho sa siyudad kaya pinili niyang manatili na lang sa hacienda para makasama na rin ang ina niyang tumatanda na. Isa siya sa mga tagagapas ng tubo tuwing anihan. Sa bawat paghampas na lamang niya ng itak naibubuhos ang mga hinanakit nito sa ama. Sa mga ‘di maabot na pangarap. At sa mga pagkabigong naranasan.
Kapag may mga bukas na pintong maglalayo sa kaniya sa sakahan, papasukin at papasukin niya ito. Naniniwala si Igme na hindi makakamit ang pag-unlad kung mananatili ka lamang sa nakasanayan. Ayaw niyang magsaka. Ngunit yamang wala siyang pinanghahawakang batsilyer ay mas makitid ang mga opurtunidad para sa kaniya. Dahil dito ay naghangad na lamang siya na makapasok sa kumpanyang bagaman hindi niya makukuha ang posisyong pinangarap niya ay magamit man lang niya ang kanyang hilig sa mga gawaing elektrikal. Ngunit nag-iba ang ihip ng hangin nang umagang iyon na binigo siya ng kapalaran.
May kamalayan siya na kahit matanggap siya sa trabahong iyon ay pareho lang ang makukuha niyang sahod sa pagsasaka lalo na’t baguhan pa lamang siya rito. Ngunit tiniyak niya sa ina na alam niya ang kanyang ginagawa. Sa pakiwari niya ay ang kagalingan niya sa mga kawad at kable ay ang magpapataas sa kanyang ranggo at balang araw ay maging isa siyang ganap na electrician ng kumpanya.
“Sa ganitong paraan ay mas mapapalapit ako sa pangarap ko na maging inhinyero,” wika niya sa ina.
Pinahintulutan ng ina na pumunta si Igme sa kabayanan upang magpasa ng dokumento sa kumpanyang dati pa ikinukwento sa kaniya ng anak. Tanging siya lang ang hindi tumututol sa mga pangarap ni Igme. Ngunit kadalasan ay nawawala ang suporta niya sa anak tuwing kinakausap siya ng kanyang asawa ukol dito. Masipag at walang bisyo ang ama ni Igme kaya hindi nakapagtataka kung bakit labis ang pagmamahal at tiwala sa kaniya ng asawa.
Si Igme ang nag-iisa kong kababata. Siya lang ang tanging nakikipaglaro sa akin noong maliliit pa kami. Ayaw makipaglaro ng ibang bata sa akin dahil lampa raw ako at mahirap makaintindi sa mga bagay. Mas matanda ako sa kanya ng tatlong taon ngunit mas marami na siyang alam noon pa man. “Insan” ang tawag sa akin ni Igme kapag kami’y magkasama ngunit ang turing ko sa kaniya ay nakababatang kapatid dahil na rin siguro nag-iisang anak din ako at nangungulila sa isang kapatid. Kami ang nagdadamayan tuwing may mabigat na pinagdadaanan ang isa sa amin. Marami kaming pagkakatulad ni Igme. Kami ay parehong nag-iisang anak ng mag-asawang magsasaka. Iisang pari ang nagbautismo sa amin at iisang parokya ang pinapasukan namin tuwing Linggo.
Halos magdikit na ang mga dingding ng aming mga bahay kaya alam ko ang mga pangyayari sa buhay ng kanilang pamilya. Batid kong hindi sapat ang kinikita nila sa pagsasaka dahil ganoon din naman ang aking pamilya. Bagama’t hindi tulad nina Igme, hindi namin ito napagaawayan ng aking mga magulang.
Pagkatapos kong marinig ang pagtatalo ng mag-ina, bumangon ako sa higaan. At gaya ng aking nakaugalian, lumabas ako ng bahay at naglakad-lakad sa mga kalye ng Barrio Biga. Ito ang ehersisyo ko bago tumungo sa sakahan. Nakasalubong ko si Jun na parehong kumpare namin ni Igme. Isa siyang tagapag-alaga ng hardin sa bahay ng mga Miranda. Nasabi niya sa akin na naghahanap ngayon ng drayber ang mga Miranda at kung nais ko ay maaari ko raw subukan. Higit daw na mas malaki ang binibigay nilang sahod kumpara sa kita sa pagsasaka. Naaalala ko tuloy si Igme nang sinabi niya sa aking mas gusto niya pang maging magsasaka ng mga Miranda kaysa maging magsasaka ng sarili niyang ama. Kaya siya ang unang pumasok sa isip ko nang marinig ko ang balita ni Jun. Matagal na niyang sinasabi sa akin na gusto niyang maging obrero ng mga Miranda, bukod sa pagtatrabaho sa pabrika ng kable, kaya ibinigay ko na lang sa kaniya ang pagkakataong ito. Mas gamay din ni Igme ang pagmamaneho ng four wheels na sasakyan kumpara sa akin dahil naturuan siya nang mabuti ng kanyang tiyuhin noong nagbakasyon siya sa siyudad.
Pagbalik ko sa amin, bago ako tumuloy sa bukid, ay pumunta muna ako sa bahay nina Igme at sinabihan siya tungkol sa trabahong iniaalok ng mga Miranda.
“Igme, naghahanap daw ng driver ang mga Miranda. Mataas daw ang sahod. Sabihan mo lang si Jun kung gusto mo,” pagrerekomenda ko kay Igme na nawawalan na ng pag-asa.
Ramdam ko ang pagbabago ng emosyon ni Igme. Tila nakakita ako ng liwanag sa mukha niyang kanina lang ay lugmok sa dilim.
“Totoo ba, Insan?!” tugon niya na may naguumapaw na galak. “Pupunta ako ngayon din. Hindi ako nakasama kina Martin do’n sa bayan para magpasa ng dokumento, buti na lang nasabi mo ito sa akin.”
Kinain niya ang tumigas nang pandesal na kahapon pa nakatuyangyang sa mesa para ipalaman sa kanyang sikmura. Pumunta sa paliguan at pinabulang mabuti ang katawan. Nag-ayos ng buhok. Ginayak ang pinakamaganda niyang damit. At nagbubod ng pabango na ginagamit lamang niya tuwing pupunta sa mga okasyon. Kailangan niyang maging presentable. Huling tiyansa na niya ito para magkaroon ng maayos na trabaho.
Magtatanghali na nang makarating siya sa bahay ng mga Miranda, nakita niya si Jun. Ngayon na lang muling nagkita ang dalawa kaya ginugol muna ni Igme ang oras sa pakikipagkwentuhan sa kumpare, na ang anak na babae ay inaanak niya sa binyag.
“Buti napapunta ka rito, Kumpare? Bihis na bihis ka pa?” tanong ni Jun.
“Nasabi mo raw kay Insan na naghahanap sila ng drayber,” sagot ni Igme sabay turo sa bahay ng mga Miranda.
“Ah, sayang! Dapat mas inagahan mong dumating. Maraming kumagat sa alok nila e. Kinuha na ni Gob. Anton ‘yong dating drayber ni congressman,” panghihinayang ng kumpareng tila nabigo ang kaibigan. “Sasabihan kita agad ‘pag may mga trabahong bukas dito. Pasensya ka na.”
Dalawa lang ang tumakbo sa isip ni Igme sa mga oras na ‘yon: una, hindi siya uuwi sa kanila para iwasang mag-away sila ng ama; at ikalawa, magsisinungaling siya sa kanyang ina’t ama na binigyan siya ng trabaho ng mga Miranda. Pinili niya ang ikalawa.
Umuwing walang trabaho si Igme. Sinabayan pa ito ng panglaw ng papalubog na araw. Pumasok siya sa bahay nila at ibinalita sa ina na hindi na niya kailangang mag-alala sapagkat may nahanap na siyang trabaho. Naroon din ang kanyang ama at narinig ang balita ni Igme. Subalit ang hapis ay hindi naitatago. Agad-agad siyang pumasok sa kwarto, at doon, bumuhos ang luha ng pagkabigo. Ng kamalasan. Ng kahinaan.
Araw-araw, lalabas si Igme sa kanila at magpapanggap sa mga magulang niya at sa akin na nakikipagtrabaho siya sa mga Miranda. Ngunit bago pa man niya sabihin ang totoo sa akin, nasabi na ni Jun na hindi siya nakapasok bilang drayber. Takot siya marahil na sabihin ito dahil baka ipaalam ko ito sa mga magulang niya.
Isang pamilya si Igme para sa akin. Ayaw kong mauwi siya sa isang tulad ko, isang hunghang sa mga napapanahong bagay. Marami kaming pagkakatulad, ngunit hindi isa rito ang pagiging matalino. Laging nagagawaran ng medalya si Igme noong nag-aaral pa siya at kakaiba ang diskarte niya tuwing pinapanood ko siyang mangalikot ng mga gamit na pang-elektrikal. Siya pa nga ang tumulong sa amin nang kabitan namin ng instalasyon ng kuryente ang aming barungbarong. Habang ako, hanggang ngayon ay hindi pa rin marunong magbasa at pangalan ko lamang ang alam kong isulat.
Nakilala ko si Igme noong pitong taong gulang pa lang siya. Nasa bukid kami noon, kasama ang ibang bata. Magtatago sa gilid ng mga dikit dikit na truck na ginagamit pangkarga ng tubo at patagong kukuha ng mga maliliit na piraso nito. Bagaman bawal, marami pa ring bata ang gumagawa nito. Kapag marami-rami na ang nakuha namin, iniuuwi namin ito at ibinebenta sa barrio. Limang piso ang isang patpat ng tubo na halos dalawang talampakan ang haba. Mabenta ito lalo na sa mga batang gaya namin na natutuwang nguyain ito hanggang mawala ang tamis ng sapal at ikakalat kahit saan kapag ubos na ang lasa nito. Lagi kaming nabubulyawan noon ng aming mga magulang dahil napupuno ng sapal ng tubo ang bakuran namin kinabukasan.
Bata pa lang siya ay iniidolo na niya ang mga Miranda. Ito ay bunga ng isang pangyayari noon: Isang magdadapit-hapon, habang nagkakarga ng tubo sa mga truck ang ilang mga magsasaka, tumungo si Igme sa gilid ng truck nang hindi niya namamalayan na naroon pala ang drayber nito.
“Hoy! Tarantado kang bata ka ha! Kayo pala ang nagnanakaw ng tubo dito,” katakot-takot na bulyaw ng mama.
Bago pa man makatakbo palayo si Igme na namumuo na ang pawis sa takot ay naabot na ng drayber ang kanyang damit. Hinila niya ito papalapit sa kaniya at binantaang idadala sa mga pulis. Naaalala ko pa noon ang hagulgol ni Igme. Halos dinig ng lahat ng nasa bukid. Doon ko unang nadama ang koneksiyon namin sa isa’t isa. Natakot siya, natakot din ako para sa kaniya habang pinapanood ko siyang hawak-hawak ng mama at waring dadalhin sa lupon ng mga magsasaka. At ganoon nga ang nangyari. Pero masuwerte siya noon dahil nagkaroon siya ng tagapagligtas, hindi tulad no’ng ako ang nahuli ng isang magbubukid. Pinaburan siya ng panahon. Naroon si Anton Miranda, ang tagapagmana ng hacienda kung saan kami umuupa ng lupa at kung saan nakatirik ang aming mga tahanan. Kinausap nang mahinahon ni Anton ang drayber. May mga kamera sa paligid at nakapalibot ang mga tao sa mayamang haciendero. Tiyak na kahihiyan ang kasasapitan ni Igme kung wala si Anton doon. Binitawan ng drayber si Igme sa pakiusap ni Anton. Binigyan niya si Igme ng isang daang piso na napakalaking halaga na noon lalo na sa isang bata. Iyon ang mga panahong tumatakbo pa lang ng gobernador si Anton.
Sa sobrang tuwa nito, tumatak sa isip niya ang kabutihan ng mga Miranda. Na hanggang sa paglaki niya ay dinala niya. Kahit anumang masasamang kritisismo ang ibinabato sa mga Miranda ng mga nasa paligid niya at kahit pag-awayan man nila ito ng kanyang ama ay hindi natitinag ang suporta nito sa pangalang nagmarka na sa kanyang puso.
* * *
Bali-balitang magkakaroon ng rally sa susunod na Huwebes. Mag-aalsa raw ang mga magsasaka dahil hindi tinupad ng mga Miranda ang kasunduang ipamimigay ang lupa pagkalipas ng sampung taon na pag-upa rito. Hindi sang-ayon si Igme sa plano ng mga kapwa niya taga-hacienda. Nalaman niyang hindi lalahok ang kanyang mga magulang na mag-iisang linggo nang walang kamalayan na wala pa rin siyang trabaho. Napagpasyahan niyang isangkot ang sarili sa gaganaping pagwewelga, hindi bilang parte ng nag-aalsang grupo, kundi bilang taga-suporta ng mga Miranda. Nais niyang kumbinsihin ang mga kasamahan sa hacienda na itigil ang pag-aalsa. Sa paraang iyon, sa isip ni Igme, ay makikita ng mga Miranda na may mga taong nagpapahalaga sa kanila. Nais niyang suklian ang kabutihang ipinakita ni Anton sa kaniya noon. At kung sakaling makita man siya nito ay maaaring mapagkalooban siya ng magandang trabaho ng gobernador.
Naganap ang pag-aalsa. Nagbarikada ang pwersang militar sa harapan ng bahay ng mga Miranda dahil doon planong ganapin ang malakihang pagpupulong. Nagsasayawan sa hangin ang mga protesta ng mga magsasaka na nakasulat ng pula sa mga karatula. Sigawan. Kasama ako roon at tanaw ko si Igme na tila isang batang sumusunod sa paggalaw ng isang parada. Ngunit hindi ito parada ng banda, ito ay parada ng mga raliyista. Pilit hinikayat ni Igme ang mga kakilala niyang nakiisa na huwag nang ituloy ang kanilang pagpoprotesta. Ngunit wala siyang nakumbinsi.
Naglakad ng dalawang kilometro ang mga raliyistang magsasaka mula sa Barrio Biga hanggang sa tirahan ng mga Miranda. Tiyak silang nandoon ang gobernador.
Payapa ito sa simula. Nang magbato ng tear gas ang isang sundalo. Nagsimulang magkagulo. Napuno ng usok ang paligid. Hinampas ng mga sundalo ang kanilang mga batuta sa kahit kaninong makikita nilang hindi naka-unipormeng berde. Nagkabatuhan. Nagkasuntukan. Ang kaninang kulay gintong lupa ay naging madugo. Dama sa mga hiyaw ng mga magsasakang pinagkaitan ng lupa ang poot nila sa mga Miranda.
Ilang minutong nagtagal ang kaguluhan. Hanggang sa nagpaputok ng baril ang mga militar na nagbabantay sa mala-mansiyong bahay ng Miranda. Tumigil ang kaguluhan. Nagtakbuhan ang mga raliyista. Hindi maaaninag sa mga mukha nila ang pagsuko. Ngunit dahil wala silang armas ay napilitan silang magsitago sa kahit saang maaaring mapagkublian.
Habang ako ay nagtatago sa isang palumpong ay kitang kita ko si Igme na naglalakad papalapit sa barikada. Papalapit sa mga Miranda. Papalapit sa panganib. Inakala niyang batid ng mga militar na siya ay nasa panig ng mga Miranda. Ngunit nagkamali siya.
Dinig ko ang putok ng baril na tumama sa dibdib ni Igme. Napagmasdan ko ang pagtumba niya sa lupa. Gusto kong tumakbo pagawi sa kaniya ngunit hindi ko maigalaw ang aking katawan. Hindi ko siya magawang saklolohan. Mabilis ang pagdanak ng dugo mula sa kanyang katawan. At tuluyan na itong nawalan ng buhay.
Nasaksihan ko ang bawat detalye ng pangyayaring ‘yon. Nasaksihan ko kung paano ako nawalan ng isang pamilya.
Hinila siya ng isang sundalong militar papasok sa bakuran ng mga Miranda. Nakita kong binubuksan nila ang pinto ng magarang bahay na kanina’y sarado at waring ayaw pakinggan ang hinaing ng mga magsasaka. Lumabas doon si Anton Miranda habang nakapalibot sa kaniya ang apat na guwardiya. Iminasid niya ang mga mata sa paligid. Naroon pa rin kami. Iniabot sa kaniya ang isang megaphone:
“Ito ba ang nais niyo? Tingnan niyo ang katawang ito — ang simbolo ng pagtataksil sa batas,” sigaw ng gobernador sa mga nagtatagong raliyista habang itinuturo ang walang buhay na katawan ni Igme.
Alam kong hindi nagtaksil sa batas si Igme. Alam kong hindi siya nagtaksil sa mga Miranda. At alam kong pinagtaksilan siya ng mga ito. Sana’y alam din ni Igme ang totoo.
