MEMES: ATRAKSIYON SA SOCIAL MEDIA
Napakarami nang gamit ng social media sa panahon ngayon. Lahat na halos ng tao ay nakatutok dito. Iilan na lang siguro sa buong mundo ang wala pang social media accounts. Pinapadali ng social media ang komunikasyon natin sa isa't isa.
Nagagamit din natin ito para sa paghagilap ng impormasyon, pakikipag-usap sa ibang tao o sa malalayong kamag-anak at siymempre bilang libangan. Libangan, upang makalimutan natin ang problema natin o ang mundo, kahit panandalian lamang.
Naglipana na sa social media ang mga memes. Ang mga memes ay mga nakatatawang bagay sa anyo ng litrato o video. 2013 nang ito'y nagsimulang sumikat mula sa mga simpleng comic memes na may nakakatawang facial expression, hanggang sa mga memes tulad ng l o s s meme, agik meme, stahp meme, atbp.
Mayroon ding art memes, literary memes, at history memes. Pati na rin ang mga karaniwan nating alam na meme tulad ng INC vs. Ang Dating Daan Memes, at ang Ge-Talon-Una-Ulo. At mas lalo pa itong dumarami at nadaragdagan.
Ang mga ganitong klaseng humor ang patok sa social media. Na kung saan, ay gagawing kakatawanan ang isang pagkakamali o epic fail ng isang tao. O 'di kaya nama'y gagawan ng memes ang kapansanan ng isang tao. Para sa iba, ito'y isang anyo ng diskriminasyon at cyberbullying. Sapagkat hindi raw makatarungan ang pagtawanan ang kamalian o kakulangan ng isang tao. At hindi raw namin (kasama ako siyempre, haha) nararamdaman ang nararamdaman nila.
Tama naman sila. Ngunit kami lang ba talaga ang dapat managot sa kasalanan? Ni minsan ba hindi kayo/tayo natawa sa mga ganitong klaseng meme? Ang simpleng pagtawa sa isang dark meme ay nangangahulugang sinusuportahan mo ang ginawa nilang mali sa isang tao. Walang taong perpekto at kawangis ni Hesus ang nabubuhay sa panahon ngayon. Ang artista na si Vice Ganda, o ang mga komedyante sa mga bar at clubs, na ginagamit bilang isang instrumento ng katatawanan ang paglait sa kahinaan ng isang tao, bakit hindi natin sila sinisita sa mga bagay na ginagawa niya sa telebisyon lalo pa't may mga batang nanonood at iniidolo ang mga katulad nila?
Isang malaking laro o game ang social media, ika nga nila. Maging maingat sa bawat galaw, dahil maaring bukas o makalawa, ikaw na ang tampok na katatawanan ng madla. At kung mangyari iyon, magkaroon ka ng napakahabang pasensya. Dahil hindi mo alam kung hanggang kailan pagtatawanan. Hindi mo maaaring matanggal nang tuluyan ang pagiging mapanlait ng lipunan, hangga't may mga taong gumagawa ng paraan upang laitin ang isa— tulad ng memes. Dahil dito sa social media, kung pikon ka, talo ka.
|| Ang kolum na ito ay para sa segment na "TALAARAWJUAN" ni John Kenneth Bea, isang kolumnista ng Katipunan ng Alternatibong Dibuho, Liriko, at Titik.