SA MGA KABATAANG NAGUGULUMIHANAN SA POLITIKA

Kadlit Press
3 min readJul 11, 2018

Ang kabataang Pilipino ay inaasahang magpapatianod na lamang sa mga sinasabi ng pamilya, mga institutsyon, at ng gobyerno o estado.

Madalas ding balaan ang bata: huwag kang makikisawsaw sa politika, hindi mo alam yan.

May kung ilang milyong mga magulang na ang nagsabi ng ganitong klaseng linya sa mga anak, at ang mga anak, dulot na rin ng kawalan ng ibang mapagkukunan ng turo at impormasyon, ay naniniwala at sumasangayon naman sa mga sinasabi ng mga matatandang madalas ay wala rin namang gaanong alam sa politika, sa mga mekanismo ng gobyerno, at kung ano ba ang dinamikong papel ng mga mamamayan sa pag-abot sa panibagong antas ng pamumuhay at lipunan.

Kinalalakhan ng kabataan ang paniniwalang sa pagboto lamang nakakamit ang pagbabagong kinakailangan, upang hindi lumubog sa karimlan ang bansa. Ngunit sa ilang dekada nang nakalilipas, malinaw namang hindi sa botohan nakakamit ang pagbabago.

Hindi lamang sa pagboto tuwing barangay, senatorial, at presidential elections naipapakita ang partisipasyong politikal ng isang tao.

Ngunit kung may sasangga at sasabihing "hindi espasyo ng bata ang politika!" may tanong ako sa inyo: ano ba ang ginagawa ng institusyon ng pamilya at paaralan sa mga bata?

Hindi ba mula sa edad ng bahagyang pagkamuwang, pinapaliwanag na ng mga magulang kung bakit may gobyerno, may pulis, may sundalo?

Hindi ba sa eskwelahan paulit-ulit inaaral ang mga naging presidente ng Pilipinas, ang textbook version ng ating kasaysayan bilang nasyon, at maging ang ekonomiya ng bansa?

Hindi ba't sa K-12 system ay madadagdagan pa nga ang mga taon na kailangan manatili ng isang PIlipino sa school system?

Hindi ba politikal ang mga turong ito? Maging ang mga subject na Filipino at English, politikal. Ang pagtuturo ng gender at mga gender expectations at roles, lahat yan ay politically-motivated.

Saang gawi hindi politicized ang isang Pilipino, lalo na ang mga kabataang nag-aaral pa lamang? Lahat tayo ay nakapaloob sa politika.

Ngunit bakit tila magulo ang usapan, bakit may siwang, may dibisyon?

Ang dibisyon ay ilusaryo lamang, at bunsod ng desisyong hindi makisangkot sa mga isyun ng lipunan.

Na parang lumalabas na kapag alam mo na ang mga pangalan ng mga siyudad, probinsiya, rehiyon, at ang mga yamang lupa at yamang tubig, hanggang doon na lamang ang karunungang politikal na kailangan natin bilang mga Pilipino. Ang resulta, pagdating sa mga usaping lipunan, nangangapa ang mga Pilipino, umaasa sa mga keyboard trolls at mga fake news sites, at sa huli, LAHAT TAYO ang talo.

Bilang kabataan, paano ba tayo makikilahok sa buhay politika ng ating bansa? Heto ang mga hakbang:

1. Makialam sa mga labor practices ng mga kumpanya at negosyo. Ang impormasyon at karunungan ay vital sa ating pinaglalaban. Ang pinaglalaban ay ang sapat na pagpapasahod, regularisasyon, at pagbibigay ng benepisyo sa mga manggagawa.

2. Alamin ang estado ng mga magsasaka at mga manggagawang agraryo. Ang Pilipinas ay bansang agraryo ngunit ang mga magsasaka, hindi halos kumakain, at hindi rin kumikita nang maayos sa kanilang pagpapagal. Bakit? Alamin ang ugat ng pagdurusa ng mga magsasaka, makiisa sa laban ng mga magsasaka.

3. Alamin ang NATURE o mga karakteristiks ng gobyernong Pilipino. Kanino ba ito nagsisilbi, sino ang mga ally o alyado nito loob at labas ng bansa? Para kanino ba dapat ang gobyerno ng Pilipinas? Para sa nakararami, o para sa iilang may interes na politikal at pinansiyal?

4. Magsaliksik, magsulat, magpulong, sumama sa mga pagkilos upang ipaabot sa may kapangyarihan ang pagtutol ng mga mamamayan sa mga gawaing kontra-mamamayan. Kung hindi tayo ang gagawa nito, sino? Ang mga politiko na ilang taong nang nagpapataba sa kaban ng bayan?

***

Ilan lamang ang mga hakbang na ito upang maging mas aktibo ang bawat mamamayan sa pagiging aktuwal na Pilipino, at hindi lamang subject ng gobyerno o estado.

Sa panahon ng krisis, tayo-tayo ang kikilos.

|| Ang artikulong ito ay isinulat ni Marius Carlos, Jr. isa sa mga founders ng Katipunan ng Alternatibong Dibuho, Liriko, at Titik.

--

--

Kadlit Press

Kadlit Press is the alternative media wing of the Katipunan ng Alternatibong Dibuho, Liriko, at Titik (KADLiT).