Ang Pangaraw-araw kong Elohiyo.


Ang mga elohiyo ay para sa mga taong namatay…
At ang pagkamatay ay laging nakatuon sa pagkawala ng buhay…
Sa pagkawala ng tungkuling pambiyolohiya sa ginagalawang mundo…
Sinong mag-aakala na ang mundong minsang pupuno sa buo nating pagkatao ang sya ring uubos nito sa paglipas ng mga araw, sa pagdaan ng mga taon…

Ang mga elohiyo raw ang huling pagkakataong mabubuo ang isang tao…

Pero paano…

Paano akong araw-araw na namamatay?

Paano akong maya’t-mayang winawasak?

Anong bubuo sa akin?
Papel?
Sulat?
Mga huling talatang pinipilit na imulat ang sya lamang paraan para ako’y mabuo?
Pwede ko bang lokohin ang sadyang lohika ng pagkatao para makaramdam ng kakaunting saya?
Ng kakaunting ituturing kong isantambak sa pag-asang ang pagpapahalaga ng isang bagay ang syang makapagpapanatili nito…

Sinong bubuo sa akin?

Matitiis mo ba ako?

Umaasa akong ikaw.

Umaasa ako sa sarili ko.

Umaasa ako sa kahit sino.

Wala akong pakialam kung kahit sino…

Buo-in nyo ako.
Dahil wasak na wasak na ako…
Show your support

Clapping shows how much you appreciated Karl’s story.