Sinulid.

Nakahiligan kong magtali ng kapirasong sinulid sa daliri para madali kong maalala ang mga bagay-bagay. Makakalimutin kase ako.

Halimbawa,

Magtatali ako ng sinulid sa hintuturo ko para maalala kong may gagawin ako bukas.

Magtatali ako ng dalawa at papakahigpitan ko ito para maramdaman ko ang maiiwan nitong bakas.

Oo na, isa itong ka-cornyhan, kase sa kapirasong sinulid ako nagpapakapantas, pero hindi ko to maitatanggi. Ito ang totoo. Sa sinulid ko naalala ang mga bagay sa mundo.


Pero alam mo, mahal, nung naging tayo, hindi ko na kinailangan na magtali pa ng mga to. Kase lahat na lang naaalala ko. Merong tayo.

Sa lahat ng ginagawa ko, mayroong ikaw, at natutuwa akong naipaparamdam ko sayo ang aking bawat galaw, na hindi ko akalaing sayo ko mararanasan na sa bawat paglubog natin sa buhay ay sya rin ang paglitaw, mahal, wala akong ibang inasam, kundi ako at ikaw. Tayo.


Sabagay, kailan mo pa nga ba ako naalala. Wala ako sayo.

Pauulit-ulitin ko to hanggang sa mahibang ako na hinding-hindi mo ako maaalala. Wala. ako. sayo.

Kung may halaga ako, siguro nanjan ka’t isisigaw ng malakas ang pangalan ko pero; Wala. ako. sayo.

Oo, ako nga itong si tanga na pilit kang inaalala, pero pagdating sayo, kailangan mo pa ng paalala.

Wala. ako. sayo.


Tangina.

Sino nga ba naman ako?

Ikaw ang aking buwan pero para sayo, isa lang ako sa mga nasisinagan mo.

Ikaw ang aking dagat pero para sayo, isa lang ako sa mga pampang na nadadampian mo.

Ikaw ang aking mahal, pero isa lang ako sa mga nag-iintay ng pagmamahal mo.


Nakailang tali na ako ng sinulid, pero wala ni anino mo. Nagpakabata pa nga ako at tinali ko ito sa mga kamay kong tila nakagapos na kase baka nga naman dumating ka pero nagkamali ako. Nakagapos lang itong parang puso ko.

Hanggang sa mapagtanto ko na, kung anong tinalino ko, pagdating sayo, sya kong kinatanga.

Sa pag-itan pala ng dalawang sinulid na nakatali sa kamay mo, ay hindi nakabase sa kapal, sukat, o sa beses ng paikot, kundi sa kung alin ang mas mahalaga.

At oo, mahal, nasasaktan ako. Kasi kahit baliktarin ko ang mundo, at magtali ako ng sinulid para ipaalala sa sarili ko na para sakin ang din ang sinulid mo,

Mali pa rin ako.
At wala akong mapapala.
Oo nga’t may sinulid ka sa daliri, pero nagtatali ka para sa iba.