ang matamaan ay taya

The Kill List Chronicles
Nov 5 · 1 min read

Ni Philip Jamilla

bata, bata, patanong anong oras na ba?
‘di mo ba narinig ang mga balita?

anong bilin ni inay? umuwi ka nang maaga,
‘wag ka nang pasaway at tumambay diyan sa kanto.

magsuot ka nga ng sando kung ayaw mong matangay,
‘wag ka nang pasaway, ‘wag ka nang maghintay

sa labas, kung ayaw mo na bukas ay ikaw naman
ang kanilang itapon sa likod ng rehas.

anong sabi ng pulis? tumakbong mabilis.
anong sabi ng pulis? iputok ang baril —

at nanlaban, bulsa biglang shabu ang laman.
kung ‘san galing ang pakete ‘di nila alam

kaya tagu-taguan, maliwanag ang buwan,
‘di na biro ang laro ng habul-habulan

kung kaya’t kung ako’y ikaw, hanap na ng tataguan
mula sa pula, mula sa bughaw, mula sa balang ligaw

na nanunuklaw parang mga pangil ng ahas
sa lansangan wala kang takas at walang ligtas

kaya bata, dali, ang takbo’y bilisan
‘pag ikaw ang natamaan, ikaw na ang taya.

    The Kill List Chronicles

    Written by

    The new protest literature in the time of Duterte. Because according to Umberto Eco, “To survive, we must tell stories.”