Inkagnitus
By Nelson Dino
Ikaw, isa kang tao.
naging talinghaga sa mga papel.
ginawang katha sa mga dyaryo.
sutil na ibinulatlat sa bayang ito.
isang wikang kwentong kanto.
iginalang parang anghel ng kulto.
Maraming ipiniit na papaslangin.
tulad mo, kinilala sa droga kumakain.
tunay nga ang kanilang pangalan.
magalang pa silang nagkakamayan.
hindi sila tago sa maralitang alyas
ikaw, mulat, matang dilat ang nakakamalas.
Ikinubli ka sa likod ng takipsilim.
lihim na iginapos ang banal mong angkin.
sinaplotan ka ng budhing maitim.
nang nagpakilalang pulis na magiting.
tila’y binibitay ka sa masangsang hangin.
sa dugo pinaglunoy nang mataimtim.
Misteryo ang kanilang pagkakakilanlan.
dukha’y ikaw sa pagtutulak kaulayaw
ngayo’y itinumba ka nila para di maikanta.
sa anumang liriko ito ika’y ipinagahasa
pilitin man nilang ikubli sa magalang na tsapa.
kalakalang droga sa kanila’y rurok ng glorya!