Laksa
By Frank Cimatu
Nag-iisip ako noong Miyerkoles ng gabi kung hihigop ng lechon mami dito sa Luisa’s kung saan ako nakatunganga o tatawid sa 456 para sa hot and sour soup. Hindi ako gutom at hindi naman lasing. Alas siyete pasado pa lang. I’m Lango na ako sa kape at nakalkula na kulang na ako ng tulog mula noong 1998.
Tumayo ako sa Luisa’s at lumabas. Maraming naghihintay ng taksi. Inisip kong mag-Grab pero wala naman akong gaanong dala at wala namang pupuntahan kundi bahay. Wala rin akong sinusundang teleserye so pa-easy easy lang.
Tutal malapit lang sa bahay. Wala pa nga’ng isang kilometro. Naalala ko yung sinabi ni kaibigang Kigao na kailangan ng 10,000 hakbang ang dapat tahakin kada araw. Isama mo na raw yung paglakad-lakad mo sa bahay. Sagot ko naman, kung isasama din ng mga darters sa second floor yung pabalik-balik nila sa linya hanggang sa dartboard siguro may 10,000 steps sila. Kung isasama mo raw lahat ng ginagawa mo sa bahay, isang kilometro na lang daw ay equals 10,000 steps na.
10,000 ay laksa sa Filipino na ulam sa Malaysia. Nagsimula na akong maglakad nang maalala ko ang “drug war” ni Duterte. Laman ng Facebook yung mga nabiktima. Nandiyan ang mga nakisakay lang. Nandiyan ang mga napagkamalan. May napatay na gun-for-hire at nakita sa bulsa niya ang address, oras ng pamamalagi at ang piktyur ng papatayin. Babae yung puntirya. Walang sinasanto ang mga hindot pero Ibig sabihin hindi random ang pagpatay.
Nagbacktrack ako habang pababa na sa Session. Nasa baba ako ng Luisa’s. May mga tatlong lamesa na noon ko lang nakita ang nagkakape at kumakain. Lingon nang lingon sa akin ang ilan. Kung sa Rumours ay iba ang ibig sabihin. Ang nasa dalawang lamesa ay parang mga pulis ayon sa haircut at tindig. Yung isang table kung assassin ay parang galing Abra. Malaking bayad na kung kumain mga yun habang nakarekoynesans. Balita ko P5,000 na lang ang running cost ng pamamaril doon kaya kung minsan palpak ang napapatay.
Ay naku, paano kung tama ang hinala ko? Target ba ako? Ang alam ko miyembro pa rin ako ng Regional Advisory Council ng PNP Cordillera. Kaso ilang buwan na akong absent. Kailangang mag-attend na uli!
Pero naalala ko yung huling pinatay sa Tuba. Isang dating pulis na naging businessman. Binaril habang nasa loob ng L-300. Drug personality raw.
So hindi rin exempted ang pulis. Pati ang mga judges. May kapitbahay ako na lumipat na sa Pacdal pero sa listahan ay drug personality pa rin sa New Lucban. Nagsurrender. Matapos ng ilang araw, nagtinda uli. Nahuli sa buy-bust. Kung hindi naman (buntong hininga).
Pero ayun naman sa kaibigan ko sa Zamboanga, sobrang expensive na raw ang shabu. Yung mga adik nagiging bayolente kasi hindi na ma-afford ang S. May kaibigan siya na may kapatid na desperado na. Sinasaktan ang Inay kasi walang pambili. Hindi naman siguro isolated case ito. Kaya siguro nagtinda yung ex-neighbor ko.
Nasa gilid na ako ng Center Mall. Naisip ko yung mga lugar kung saan pinatay yung mga D.P. sa Baguio. Sa Tacay, Shilan, Tuba. Malalayo sa kabihasnan.
Nang nasa gilid ako ng Center Mall, may mga nakita akong mga tao. Parang yung mga nasiraan ng bus sa NLEX at nagpapara ng kahit ano. Strange.
Noong malapit na ako sa BCU, biglang may matabang naka-shorts. May tinatawagan pagkatapos may pinapara sa kabila. Isang jeepney driver ‘ata. Adda pinaltugan da! Parang may binanggit pa na pangalan. May binaril! Nagsisigaw pero feeling controlled. May dumaan na pulis patrol. Tumahimik. Nagkatinginan sila. Naalala niyang may sigarilyo siya. Baka iyun ang pinagkakainitan nila. Pinatay niya ang yosi na parang ginamit ang eraser sa dingding. May alipato pa nga.
Bumalik ang pagkaperyodiko ko. Naku, may nangyayari. Bumalik ako sa CenterMall at doon sa malapit sa Good Taste, may nakabulagtang bangkay. Duguan. Prone position ika nga. Chasing pavement, ayon kay Adele.
Osiyet!
Wala pala akong kamera. At hindi ko naman instinct yung ilabas yung kamera. Andaming tao. Nakita ko si Karlston. CBD ito ah. Central Business District. Lumalapit na ang digmaan. Napatingin ako sa mga tao. Nakapila pa rin. Kailangan kong ibahin ang routine. Kailangan kong tumakbo, pero bakit? Lalakarin ko na lang. Pero bawat hakbang bibilangin ko.