Mga Bagay-bagay sa Tokhang
Aug 24, 2017 · 1 min read
Ni Christopher Conrad Nuyles
I.
Nagkukulang na ng kwadradong
karton na isinasabit sa bawat leeg.
Pumupurol na ang gunting
na pamputol sa tape na pambalot
Nauubusan na ng tinta ang pentel pen
na ipinangsulat, “Huwag silang tularan!”
Nauupos maging ang chalk na nagmarka
sa kalsadang pinagbagsakan.
II.
Bumubulwak ang imburnal
Sa dami ng tsinelas na napatapon rito.
Bumabaha ang mga t-shirt
na pinagbanlawan ng sarisaring dugo.
III.
Sa presinto, kinakalawang
Ang naiwan na posas.
Binubukbok ang unipormeng
pirmi nang nakatiklop.
