Sa Loob ng Ilang Segundo

By Hannah Halili

Taong 2000 nun, nagkaron ng maliit na karinderia si Mama sa Litex, Quezon City. Malapit yun sa police station. Isa sa mga runner niya sa tindahan si Kuya Randy. Isang gabi, nagpasama sa kanya yung kaibigan niyang pulis. Bibili ng mangga para sa naglilihing asawa. Naglalakad na sila pauwi ng tambangan ang pulis. Binaril siya, pinuntirya ang ulo. Maya-maya pa, nagdatingan na ang mga tao. Bilang siya ang huling kasama ng pulis, kaagad nilang naisip na kasabwat si Kuya Randy sa krimen. Napatakbo si Kuya, napasakay ng jeep ng hindi oras sa takot na dumugin ng mga tao. Nung humupa na ang gulo, tsaka siya nagpakita sa police station para bigyang linaw na inosente siya sa nangyari.

SA MGA ORAS NA YUN, SINAMPAL SIYA NG REALIDAD. NA ANG PINANGHAHAWAKAN MONG KATOTOHANAN LABAN SA IGINIGIIT NA KATOTOHANAN NG IBANG TAO AY NASA PAGITAN LANG NG ILANG SEGUNDO O MINUTO. Sa loob pala ng ilang segundo, puwede kang maging biktima o suspek gayong ikaw naman ay isang testigo. Huling dumating ang mga tao, giit niya. Hindi nila nakita ang aktwal na pangyayari. Hindi porke’t siya ang huling kasama, may kinalaman na siya agad. Masakit pala mapagbintangan, sabi niya.

Sabi sa TV, yung mga nagkalat na bangkay sa kalsada, mga tulak daw, halang ang kaluluwa. Mga suspek daw sila. Pero naisip ko, puwede ring biktima yung iba sa kanila. Biktima kasi hindi rin naman talaga natin alam ang tunay na kuwento sa pagkamatay nila. Ni hindi nga natin makita ang pagmumukha nila dahil binalot na ng packaging tape. Sila kaya yung labas-masok na sa kulungan? Mga buminggo na sa krimen at salot sa lipunan kaya niligpit na lang? Ang hirap kasi dumepende sa Cardboard. Ang hirap tanggapin na yung iba ay napagkamalan lang.

Nagsisigaw yung nanay, “WALANG KASALANAN ANG ANAK KO!”

May mga naaawa, pero karamihan ay di naniniwala. Aminin man kasi natin o hindi, na-stereotype na yung karamihan sa mahihirap. Siguro, kaya nila pinapasok ang iligal na gawain dahil kapit na rin sa patalim. Andun na agad yung panghuhusga kaya kahit magngangangawa pa sila, may kasalanan na agad ang anak nila. Pero paano kung ang isa sa kanila ay nagsasabi ng totoo? Hindi na ba sila dapat pakinggan dahil lamang sa uri ng komunidad kung saan sila naninirahan?

HINDI KA DAPAT MATAKOT KUNG HINDI KA NAMAN ADIK. Pero hindi rin. Kailangan mo pa ring mabahala. Puwede ka kasing kainggitan, mapagbintangan at pag-initan anumang oras. Hindi mo masasabi na limitado lang yan sa mga durugista. Puwede kang baligtarin, sabitan ng “SNATCHER AKO” kahit ikaw itong nakuhaan ng pera. Maraming posibleng mangyari dahil tinatanggap na ngayon ang nakasulat sa cardboard.

LAHAT TAYO GALIT SA ADIK AT MAMAMATAY TAO. Hindi ito pagatake sa Administrasyon, ito ay paghikayat na imbestigahan ang nasa likod ng mga pagpatay, bigyang hustisya ang mga inosenteng nadamay, panagutin ang mga sangkot at dumaan sa tamang proseso ang mga kaso.

Nabasa ko dati, “To know the truth, be quiet.”

Hindi sa pagkakataong ito. Hindi katahimikan ang sagot. Kailangan na sigurong mangalampag kung kinakailangan.

One clap, two clap, three clap, forty?

By clapping more or less, you can signal to us which stories really stand out.