Dekada ‘70

Marcus Patrick
6 min readApr 8, 2022

--

Ang akdang ito ay pinamagatang ‘Dekada ‘70’ dahil inilalarawan nito ang mga kaganapan noong 1970 sa Pilipinas. Tinalakay rin nito ang iba’t ibang isyung panlipunan noon at mga ideolohiya ng mga mamamayan.

Ang may-akda ng Dekada ’70 ay si Lualhati Bautista. Siya ay isang manunulat, aktibista, at kritiko. Ang kanyang paraan ng panunulat ay radikal at ito ay nakabatay lang sa kanyang nais o interest. Bilang babae, inilarawan niya ang mga stereotyping noon sa nobelang ito. Madalas rin siyang kumuha ng inspirasyon sa kanyang paligid o mga tunay na pangyayari.

Ang kwento ay umiikot sa pamilyang Bartolome. Sila ay isang ordinaryong pamilya lamang. Ipinakita dito kung paano sila naapektuhan ng Martial law noong panahon na iyon.

Julian Bartolome Sr., siya ang ama ng pamilya. Siya ay isang misogynist at konserbatibong mag-isip. Siya ay naniniwala na ang lalaki dapat ang nagtatrabaho at ang babae dapat ang nasa bahay at nag-aalaga ng kanilang mga anak. Siya ay simbolo ng mga stereotypical na lalaki noon.

Amanda Bartolome, siya naman ang ina ng pamilya. Siya ay isang mapagmahal na ina sa kanyang mga anak. Nais niyang kumawala sa ideolohiya noon na ang babae ay hindi magtatrabaho, at nasa bahay lang. Siya ang simbolo ng mga karaniwang babae noon na nais baguhin ang pananaw ng mga tao sa kababaihan.

Jules Bartolome, ang panganay na anak sa pamilya. Siya ay isang aktibista at tutol sa pamahalaan noong panahon na iyon. Kaya, nakiisa ito sa kilusan. Siya ang simbolo ng mga taong nais magkaroon ng pagbabago sa ating bansa noon.

Emman Bartolome, siya ang pangalawang anak sa pamilya. Siya ay isang manunulat at katulad ng kanyang panganay na kapatid. Tutol rin siya sa rehimen noon. Makikita sa nobela na siya ay palihim na nagsusulat, ito ay dahil maaari siyang hulihin noon. Siya ay simbolo ng mga taong nais ipahayag ang kanilang saloobin, ngunit hindi magawa dahil sa ipinatupad na batas noon.

Isagani Bartolome, ang pangatlong anak sa pamilya. Naging sundalo siya sa US dahil sa pera at benepisyo nito. Simbolo siya ng mga Pilipino na lumilikas sa Pilipinas noong panahon na iyon upang bumuti ang kalagayaan. Siya ay simbolo rin ng mga Pilipino na mayroong colonial mentality.

Jason Bartolome, ang pang-apat na anak sa pamilya. Siya ay madalas na hindi nakikinig sa kanyang mga magulang. Umaalis siya ng bahay at kadalasang umuuwi kapag umaga na. Noong nagkaroon ng curfew, siya ay nadampot at napatay. Siya ay simbolo ng mga mamamayan na nabiktima ng extrajudicial killing noon.

Benjamin Bartolome, ang bunso na anak sa pamilya. Siya ay kadalasang walang alam sa nangyayari sa kanyang paligid. Nagkaroon lamang siya ng kamalayan noong pinatay ang isa niyang kapatid na si Jason Bartolome. Siya ay simbolo ng mga indibidwal na pasibo at magkakaroon lamang ng pakialam kapag siya ay naapektuhan noong panahon na iyon.

Ang mga pangyayari sa nobela ay karamihan naganap sa bahay ng pamilyang Bartolome. Dito lumaki ang mga anak nina Julian at Amanda Bartolome. Isinisimbolo nito ang Pilipinas at ang mga miyembro ng pamilya bilang mga Pilipino noong panahon ng Batas Militar. Halimbawa, mayroong mga Pilipino noon na ipinaglaban ang kanilang mga karapatan, samantala mayroon naman na naging pasibo.

Nagsimula ang akdang Dekada ’70 sa dalawang batang nag-aaway sa kalye tungkol sa paraan ng pagtalon ng isang tipaklong. Inihinto naman sila ng kanilang mga nanay. Pagkaraan, ipinakita na sila ay malaki na. Habang kumakain at nagkwekwentuhan ang pamilyang Bartolome ng hapunan, humingi ng permiso si Amanda na magkaroon ng trabaho kay Julian. Ngunit nagalit ang asawa nito at hindi siya pinayagan.

Ang hindi pagpayag ni Julian na magkaroon ng trabaho si Amanda ay maaaring iugnay sa teoryang peminismo na tumutukoy sa hindi pagkapantay na pagtrato sa babae sa lalaki.

Laganap pa rin sa kasalukuyang ang diskriminasyon laban sa babae. Dahil dito, hindi pareho ang nakukuhang oportunidad ng babae kaysa sa lalaki. Ngunit, hindi ito kasing lala kaysa noon. Kahit papaano mayroong nangyayaring progreso.

Pagkatapos ng pangyayaring iyan, ang sumunod ay ang pagdedeklara ng pangulo noon ng Martial law sa telebisyon. Samantala, maagang nagpakasal sina Isagani at Evelyn, ang kasinatahan nito, dahil nabuntis ito. Ngunit, naghiwalay din sila noong magsundalo si Isagani sa US.

Si Jules ay kabilang sa armadong kilusan at tumakas sa kanyang tahanan, at dahil dito pinuntahan ng mga sundalo ang tahanan ng pamilya niya. Sa kabutihang-palad, walang hinuli. Nalaman ni Amanda sa telepono na nahuli si Jules. Pinuntahan nina Amanda at Julian si Jules sa bilangguan. Ikinuwento at ipinagmalaki nito kung papaano siya pinahirapaan ngunit hindi siya nagsalita. Napagalaman ni Amanda sa telepono muli na ang kanyang pang-apat na anak na is Jason ay nawawala. Hinanap nila siya sa iba’t ibang presinto at tumawag sa mga kakilala ng sakaling alam nila kung nasaan siya. Ngunit hindi nila nahanap ang kanilang anak. Hinanap rin ni Emmman ang kanyang kapatid at nalaman niya na patay na ito. Natagpuan raw siya sa basurahan sa likod ng Manila zoo na walang buhay at mayroong benteng saksak.

Ang paghuli at pagpapahirap kay Jules at pagpatay kay Jason ay sumasalamin sa teoryang realismo na tumutukoy sa mga pangyayaring tunay o totoong naganap.

Nangyayari pa rin sa kasalukuyan ang paglabag sa karapatang pantao at ang extrajudicial killing.

Muntik na maghiwalay sina Amanda at Julian ngunit hindi ito natuloy dahil nalaman nila na ang kanilang anak na si Jules ay nakalaya na. Habang sila ay magkasama sa kanilang sala, isinabi ni Jules na sila ay babalik sa kilusan. Pinayagan naman ito ni Julian. Nang umalis na ang kanilang mga anak, naging emosyonal sila sa kanilang usapan at nagkasundo. Ipinakita naman na ang kanilang pamilya ay dumalo sa burol ng isang napaslang na senador sa Santo Domingo Church.

Nagwakas ang istorya na si Amanda ay naging aktibista at kabilang sa welga o rally.

Mahalagang respetuhin natin ang pananaw at opiniyon ng bawat tao. Kinakailangan nating ipaglaban ang tama at huwag piliing manahimik at maging pasibo. Dapat mayroon tayong paninindigan.

Inirerekomenda ko ang akdang ito sa lahat upang mamulat at malaman nila ang mga kaganapan noon sa perspektibo ni Lualhati Bautista. Inaanyayahan ko rin ang lahat na magsaliksik at huwag basta-bastang maniniwala sa impormasyon lalo na kung ito ay nanggaling sa social media upang hindi malinlang sa mga maling impormasyon.

--

--