Ang Mga Sanhi ng Kahirapan sa Pilipinas

Mary Andrei Pascual
2 min readNov 11, 2018

Ang kahirapan ay isa sa mga problema na kinakaharap ng mga Pilipino. Ito ay isa rin sa problema na hindi matapos tapos at hindi rin mabigyan ng solusyon. Mahigit kumulang 48% o 11.1 milyon ang bilang ng mga pamilyag pilipino na nagsasabi at itinuturing ang kanilang sarili bilang mahirap. Ito ay batay sa ikalawang ‘survey’ na ginawa ng SWS o Social Weather Stations.

Isa sa sanhi ng kahirapan ay ang pagkakaroon ng mababang antas ng edukasyon. Marami ang nag sasabi na ang edukasyon ang ating puhunan para sa ating kinabukasan ngunit marami rin ang hindi nakakapag aral dahil nagkakaroon ng kakulangan sa pera na ipangbabayad sa paaralan na papasukan pati na rin pangbili ng kagamitan na kakailanganin ng isang mag-aaral. Ang ibang mag-aaral naman ay nagtratrabaho habang nag aaral. Ito na rin ang magsisilbing tulong nila sa kanilang mga magulang at matustusan ang kanilang sariling pag-aaral ngunit ang iba ay mas pinipili ang magtrabaho na lamang dahil ang kanilang kinikita ay sapat lamang sa kanilang pangangailangan araw-araw at kulang pa para sila ay makapasok sa paaralan.

Ang kawalan ng malinaw na pagplaplano at malabis na paggatos ay isa rin sa dahilan ng kahirapan dahil ang ibang tao ay padalos-dalos kung mag desisyon. Mayroong mga tao na mas inuuna ang kanilang kagustuhan kasya sa pangangailangan ng kanilang pamilya. Ang nararapat na pera na nakalaan para sa kanilang kakainin araw-araw ay kadalasang nauubos dahil ang iba ay hindi marunong humawak ng pera. Ang iba naman ay nagkaroon muna ng pamilya kaysa trabaho kung kaya’t hindi sila malinawan kung saan kukuha ng pera na kanilang gagamitin sa pang araw-araw. Mayroong mga nakakahanap ng trabaho ngunit hindi naman pangmatagalan marahil ay kulang lamang sila sa tiyaga at pag pupursigi ngunit isa rin sa dahilan ay ang pagkakaroon ng mababang antas ng edukasyon.

Maraming pilipino ang nalululong sa masamang bisyo. Ito ay maituturing dahilan rin sa kahirapan. Ang paggamit ng alak at sigarilyo ay nakakasira ng ating kalusugan , pamilya, kabuhayan at kinabukasan dahil kung ito ay iyong makasanayan ay mahirap na itigil. Ang iba ay ginagastos ang pera sa pagbili ng mga alak hanggang sa wala na silang maiuwing pera sa kanilang pamilya dahil naubos na sa pag inom at pagsusugal. Ito rin ang dahilan ng hindi pagtratrabaho dahil nauubos na ang oras sa bisyo at hindi na magawang pumasok at mag hanapbuhay. Ang resulta ay ang kawalan ng sweldo o kita na maaaring magamit sana sa pangtustos ng pangangailangan ng kanilang pamilya.

Kung ating susuriin ay nasa ating mga kamay ang kapangyarihan upang tayo ay magtagumpay dahil kung atin lamang gugustuhin ay maraming paraan upang tayo ay makaahon sa kahirapan. Nararapat lamang na tayo ay magkaroon ng tiyaga at magpursigi sa lahat ng ginagawa at mga oportunidad. Nararapat din na unahin muna natin ang mag hanap ng trabaho at magkaroon ng sapat na kita kasya sa ibang gusto nating gawin. Sa ganitong paraan maaaring mabawasan ang mga bilang ng mga mahihirap sa Pilipinas.

--

--