Coronavirus: Ang Maso at ang Sayaw

Anu ang mga hakbang na kakailanganin natin sa mga susunod na 18 buwan?

Mike Promentilla
Tomas Pueyo
27 min readMar 23, 2020

--

Ang artikulo na ito ay hinango mula sa “Coronavirus: The Hammer and the Dance at isinalin sa wikang Filipino. Ang artikulo ay iniaalay ko sa mga bayani ng mga panahong ito, ang ating mga magigiting na frontliners. Saludo kami sa inyo.

This article follows Coronavirus: Why You Must Act Now, an article with over 40 million views translated into over 30 languages describing the urgency of the Coronavirus problem. If you agree with this article, consider signing the corresponding White House petition.

Buod ng artikulo: Kung mariing maipatutupad nang tama ang mga matitinding hakbang upang supilin ang pagkalat ng coronavirus, makaaasa tayo na hindi gaanong tataas ang bilang ng mga mahahawa, at maraming buhay ang maililigtas. Bagaman may hatid na dagok sa ekonomiya ang pagpapatupad ng aksyong nabanggit bunsod ng pangangailangang pagsustine rito ng ilang lingo, ito ang siyang makabubuti para sa nakararami. Malinaw na hindi kakayanin ng ating sistema ng pangangalagang pangkalusugan (healthcare system) na tugunan ang pangangailangan ng lahat sa gitna ng kinakaharap nating krisis. Ang panahon para maghanda at kumilos tayo ay ngayon na.

Sa loob lamang ng isang linggo, may mga pinuno ng bansa na nuong una ay minaliit ang napipintong “veerus” na krisis na ito, pero ngayon ay nagdeklara na ng “state of emergency” ang ilan sa kanila. Gayunpaman, bakit kaya may mga bansa pa rin na tila kulang pa rin ang ginagawa?

Yan ang karaniwang tanong ng bawat mamamayan: Paano tayo tutugon nito? Para bang walang malinaw na kasagutan sa ngayon.

Ang ilang mga bansa, tulad ng France, Spain o Pilipinas, ay nag-utos ng maigting na “lockdown”. Ang iba naman, tulad ng US, UK, Switzerland o Netherlands, ay atubili na ipagpaliban ang lockdown, sa halip minabuti na pag-igtingin ang hakbang para sa “social distancing”. Ito ay isang hakbang na limitahan ang interaksyun sa ibang tao para hindi mahawa ng sakit tulad ng hindi pagpunta sa matataong lugar o pagdistansya sa kapwa ng mahigit ng isa o dalawang metro.

Ito ang mga sumusunod na ating pinaguusapan ngayon habang ginagamit natin ang mga chart, datos at model:

1. Ano ba ang kasalukuyang sitwasyon?

2. Ano nga ba ang mga pwedeng hakbang na mayroon tayo?

3. Ano nga ba ang pinakamahalaga ngayon?

4. Ano nga ba ang mukha ng isang mahusay na estratehiya laban sa coronavirus?

5. Paano ba natin dapat isipin ang epekto sa ating lipunan at ekonomiya ng napipintong epidemya at ang mga kaukulang hakbang para dito?

Kung matapos mong basahin ang artikulo na ito, ang mga sumusunod sana ang mapulot mong mga mensahe:

Ang healthcare system tulad ng mga ospital natin ay nahihirapan na matugunan ang pangangailangan ng lahat ng may sakit.

May dalawang pagpipilian ang bawat bansa at ang buong mundo: lumaban ng husto at may paghahanda, o magdusa mula sa isang mapanalanta at napakalaking epidemya.

Kung hindi natin masusugpo ang epidemya na ito, daan-daang libo ang mamamatay, at maaaring milyon-milyon sa ilang mga bansa sa buong mundo. At hindi rin tayo nakasisiguro na matatapus agad ang krisis.

Kung lalaban tayo nang lubos at matindi ngayon, mapabababa natin ang bilang ng mga may sakit at mga mamamatay. Matutulungan natin ang ating mga frontliners, ospital at ang healthcare system sa kabuuan upang mabawasan ang kanilang mga alalahanin.

Mas makakapaghanda tayo. Matututo tayo. Mas magiging matatag tayo.

Maraming mga bagay sa mundo ang hindi kaya nating matutunan agad sa isang iglap. Kailangan natin ng oras at panahon para mapag-aralan ang sitwasyun pati na ang coronavirus na ito.

Kung pipiliin nating lumaban, ito dapat ay may paninindigan, mahigpit at mabilis, at saka natin dadahan-dahanin ang pagbalik sa normal upang makabangon muli. Huwag nating kalimutan ang mga nasa laylayan ng ating lipunan.

Kakailanganin natin ang lockdown ng mga ilang linggo, at hindi ng maraming buwan, para makamit muli natin ang kalayaang inaasam-asam. Kakailanganin rin natin pag-isipang mabuti ang pangmatagalang estratehiya pagkatapus ng lockdown para tuluyan masugpo ang coronavirus.

Maaaring hindi agad tayo makabalik sa “normal”, pero pwede na rin itong tawaging “normal”, at sa kalaunan manunumbalik tayo sa ating pamumuhay, habang isinasaalang-alang natin ang pagbangon ng ekonomiya.

Oh… simulan na natin ang pagbalangkas ng estratehiya.

1. Ano ba ang kasalukuyang sitwasyon?

Sa Chart 1, ipinakikita nito ang mga kaso ng coronavirus sa buong mundo sa labas ng China. Malinaw rito na makikita lamang natin ang Italy, Iran at South Korea. Kaya kinailangan i-zoom sa nasa ibabang kanang sulok upang makita ang kaso sa ibang bansa. Ang gusto kong tumbukin ay ang mga bansa na ito ay magiging kabilang na rin sa aking nabanggit na mga bansa. Sa Chart 2, tingnan natin kung ano na ang nangyari.

Tulad ng inaasahan, ang bilang ng mga kaso ay biglang tumaas sa maraming mga bansa. Kailangan kong ipakita lamang ang mga bansa na may higit sa 1,000 mga kaso. May mga ilang bagay na dapat natin tandaan:

  • Ang Spain, Germany, France at US ay may higit pang mga kaso kaysa sa Italy nang iniutos nito ang “lockdown”.
  • May mga karagdagang 16 na bansa na may higit pang mga kaso ngayon kaysa sa Hubei nang sumailalim ito sa lockdown: ang Japan, Malaysia, Canada, Portugal, Australia, Czech, Brazil at Qatar ay may higit na bilang kumpara sa Hubei ngunit mas mababa ng 1,000 kaso. Ang Switzerland, Sweden, Norway, Austria, Belgium, Netherlands at Denmark ay may higit na 1,000 mga kaso.

May napansin ba kayo na kakaiba tungkol sa listahan ng mga bansa na ito? Kung hindi isasama ang China at Iran na dumanas na ng napakalaking outbreak, pati na ang Brazil at Malaysia, mapapansin natin na ang karamihang bansa na nabanggit ay kabilang sa mga mauunlad na bansa sa mundo.

Sa palagay mo ba target ng virus na ito ay ang mga mayayamang bansa lamang? O mas malamang na ang mga mayayamang bansa ang may kakayanan na makapagpa-test kung meron virus o wala?

Bakit kaya walang mabilis na pagkalat ng virus sa mga mahihirap na bansa? May nagsasabi na ang mainit at maalinsangan na panahon ay maaaring makatulong para hindi kumalat ang virus, pero hindi ibig sabihin ay maiiwasan na ang outbreak — dahil kung ganun nga, eh di sana walang outbreak sa Singapore, Malaysia o Brazil.

Ang malamang na interpretasyon nito ay ang mga sumusunod: Una, ang coronavirus ay mas matagal na magkaruon sa mga bansang ito dahil hindi sila gaanong kakonektado sa pandaigdigan. Pangalawa, baka meron na rin virus ang mga bansang ito pero wala lang silang sapat na kakayahan malaman ito.

Kahit alinman sa dalawang nabanggit ang totoo, karamihan sa mga bansa ay hindi makakatakas sa pinsala ng coronavirus. Sa kalaunan, makikitaan rin natin ng mga outbreaks sa ibang lugar at kakailanganin rin gumawa tayo ng mga hakbang para labanan ito. Ano nga bang mga hakbang ang maaaring gawin ng iba’t ibang bansa?

2. Ano nga ba ang mga pwedeng hakbang na mayroon tayo?

Para malinawan tayo, tingnan natin ang dalawang magkaibang grupo sa pagtahak ng estratehiya. Ang grupo kung saan kabilang ang Spain at France, at isa pang grupo na kung saan kabilang ang US at UK.

Hakbang sa Spain at France: Unahin natin ang mga hakbang na ginawa sa Spain at France. Ito ang mga naging kaganapan sa Spain:

Nung Huwebes, March 12, Hindi dininig ng presidente ang mga suhestyon na minamaliit ng awtoridad ng napipintong banta ng virus.

Nung Byernes, March 13, Nagdeklara na ng State of Emergency.

Nung Sabado, March 14, Ang mga sumusunod na hakbang ay isinagawa:

  • Ang mga tao ay hindi maaaring umalis sa bahay at pumunta sa kung saan saan maliban sa mga pangunahing kadahilanan: groceries, trabaho, botika, ospital, bangko.
  • Pagbabawal sa pagsama ng mga bata sa paglalakad, o para makipagkita sa mga kaibigan o pamilya (maliban lang kung may tao na kailangan alagaan, pero may kaukulang hakbang para sa kalinisan (hygiene) at pisikal na distansya).
  • Lahat ng bars at restoran ay sarado. “Take home” lang ang pwede.
  • Lahat ng libangan ay sarado: palakasan (sports), pelikula, museyo, pagdiriwang ng munisipyo.
  • Ang mga kasal ay hindi maaaring magkaroon ng mga panauhin. Ang mga libing ay dapat mangilan ngilan lang ang tao.
  • Ang pampubliko na transportasyon ay mananatiling bukas.

Nung Lunes, March 16, ang mga “land borders” ay isinara na rin.

May ilang mga tao na nakikita itong isang mahusay na mga hakbang. Ang iba naman ay tinanggap na lang ang sitwasyun at wala na silang magagawa at umiyak na lang sa kawalan ng pag-asa. Sa France, halos pareho lang ang mga hakbang na ginamit nila ngunit hindi agad nila naisagawa ito kumpara sa Spain, pero mas agresibo na sila ngayon. Halimbawa, ang upa, buwis at mga utility ay sinuspinde para sa maliliit na negosyo.

Hakbang sa US at UK. Tingnan naman natin ngayon ang isang grupo tulad ng US at UK. Ito ang mga naging kaganapan sa US:

Nung Myerkules, March 11: bawal magbyahe (travel ban).

Nung Byernes, March 13: Nagdeklara ng National Emergency pero walang hakbang para sa social distancing.

Nung Lunes, March 16: hinimok ng gobyerno ang publiko na iwasan kumain muna sa mga restoran at dumalo sa mga pagtitipon na higit sa 10 tao. Social distancing ay isa lamang suhestyon at hindi mahigpit na ipinapatupad.

Gayunpaman, napakaraming mga estado at lungsod sa US ang nagsasagawa ng inisyatiba na ito at nag-uutos ng mas mahigpit na mga hakbang.

Makikitaan rin natin ng halos katulad na mga hakbang ang UK: maraming mga rekomendasyon, ngunit kakaunti ang mga mandato para mahigpit na pasunorin ang mga tao.

Ang dalawang grupo na ito ay magkaiba sa paraan para labanan ang virus: ito ang mitigasyon (mitigation)at supresyon (suppression). Alamin natin ang ipinagkaiba ng dalawang estratehiyang ito.

Pero bago natin gawin ito, alamin natin kung ano muna ang pwedeng mangyari kung wala tayong gagawin na anumang hakbang.

Option 1: Walang anumang hakbang (Do Nothing!)

This fantastic epidemic calculator can help you understand what will happen under different scenarios. I’ve pasted below the graph the key factors that determine the behavior of the virus. Note that infected, in pink, peak in the tens of millions at a certain date. Most variables have been kept from the default. The only material changes are R from 2.2 to 2.4 (corresponds better to currently available information. See at the bottom of the epidemic calculator), fatality rate (4% due to healthcare system collapse. See details below or in the previous article), length of hospital stay (down from 20 to 10 days) and hospitalization rate (down from 20% to 14% based on severe and critical cases. Note the WHO calls out a 20% rate) based on our most recently available gathering of research. Note that these numbers don’t change results much. The only change that matters is the fatality rate.

Tingnan muli natin ang US. Makikita sa Chart 3 ang isang resulta ng epidemic model na kung walang gagawing hakbang at hahayaan lang na mahawaan ng virus. Tinutukoy ng model (sa tulong ng Epidemic Calculator) kung gaano karami ang mahahawa at mamamatay, depende sa mga parameter na ginamit. Sa datos na ipinakita sa Chart 4, makikita dito na hindi kakayanin ng healthcare system tulad ng ospital na tugunan ang kalusugan ng mga tao. Ang bilang ng intensive care units (ICU) beds sa ospital ay kulang para sa napakaraming bilang na nahawang pasyente na nangangailangan ng ICU. Malamang ito ay magdudulot ng hindi bababa sa kalahating milyon, hanggang sampung milyon na masasawi, o baka higit pa. Ang inaasahang bilang ng mga masasawi ay depende sa kung anong value ng fatality rate na gagamitin sa pagkalkula. Itong value na ito ang tumutukoy sa dami ng namamatay mula sa naiulat na kaso na may inpeksyun ng virus. Isama mo na rin sa bilang ang mga “collateral damage”. Ito yun mga mamamatay sa sakit dahil sa ibang karamdaman. Ito ay dahil hindi na kayang tugunan ng ating mga duktor kung ang mga ospital ay lunod na sa pagdagsa ng mga pasyenteng may sakit.

Ang mga kaganapan o senaryo na ito ay malamang na mangyayari sa maraming bansa. Ang bilang ng ICU beds, ventilators, mga duktor at nurses ay malamang hindi rin sapat para matugunan ang biglang pagdagsa ng pasyente na mangangailangan ng kalinga. Tiyak na kamatayan sa nakakarami nating mamamayan kung walang malinaw na hakbang na gagawin laban sa virus.

Samakatuwid, dapat tayong kumilos at dalawang estratehiya ang pwede natin pagpilian para matugunan ang kinakaharap na krisis. Ito ay ang mitigasyon at supresyon. Pareho itong hakbang na kung tawagin ay “flatten the curve”.

Option 2: Estratehiyang mitigasyon (Mitigation)

Ganito mo pwede isipin ang mitigasyon: “Imposible natin maiwasan ang coronavirus ngayon, kaya hayaan natin ito tumuloy sa kanyang natural na pagsulong, habang pinabababa ang inaasahang pinakamataas (peak) na bilang ng mga nahawa, ang burol ng epidemya”. Sa Chart 5 na hinango mula sa pagaaral ng UK Imperial College London, makikita natin kung anung mga kinaukulang hakbang para mapababa ang tuktok o peak na ito; ika nga, mula sa matayog na bundok palaparin (flatten the curve) natin papunta sa burol ng epidemya.

Pareho lang ito ng konsepto na ipinakita sa mga naunang chart na nagpapakita ng mga burol o bundok na tumutukoy sa bilang ng mga may kaso sa araw araw. Ang itim na linya ay tumutukoy sa walang gagawin na hakbang. Para palaparin at bumaba ang peak, kasama sa mga hakbang ay ang pagsasara ng iskwelahan na tinutukoy ng berdeng linya. Ang asul naman ang pinakamatindi na hakbang para sa social distancing katulad ng mahigpit na pagbubukod o isolasyon sa mga taong may virus, pag-quarantine sa mga taong posibleng may virus, at social distancing ng mga matatanda (ang edad ay 70 taon pataas).

Mapapansin nyo rin ang pulang linya na nagsasabi anu lang ang kapasidad ng mga hospital. Sa kahit na anung hakbang, hindi kakayanin ng mga ospital ang pangangailangan ng lahat ng mahahawa, at ang fatality rate ay tataas ng higit na 10 beses ayun sa simulasyon na ginawa ng Imperial College London. Ito ay gamit ang datos ng UK.

Herd Immunity and Mutation.

Ang estratehiya na ito ay base sa konsepto ng “herd immunity”. Ang ideya nito ay ang lahat ng mga taong nahawahan na makaka-rekover ay magiging “immune” o hindi na muli magkakasakit dahil sa inpeksyun ng virus. Ilang milyon ng tao ang mamamatay sa unang bugso ng epidemya pero ang mga nakararami na naka-rekover ay magiging immune, kaya hindi na kakalat ang virus, at tuluyan ng masusupil ito. Ang batayan ng estratehiya na ito ay dapat walang makabuluhan na “mutation” o pagbabago sa “personalidad” ng virus na mangyayari.

Ang tanong…gaano ba kalaki ang tsansa na pwede magkaruon ng mutation? Sa Chart 6 makikita ang posibilidad ng mutation ng coronavirus. Hindi nakakapagtaka na magkaruon ng mutation kung ihahalintulad mo sya sa ibang RNA-based viruses tulad ng influenza virus (flu). Ang mabilis na mutation ng flu virus ang dahilan kung bakit kailangan mong magpa-bakuna (vaccine) bawat taon para sa flu dahil na rin sa dami ng strain na naglalabasan. At sa pagsulpot ng bagong flu strain na maaring magdulot pa rin ng trangkaso, kaya pwede ka pa rin magkasakit kahit nagpa-bakuna ka na. Sa kabilang banda, may mga pagaaral na nagsasabi na mas mabagal ang bilis ng mutation ng coronavirus kumpara sa flu. Kaya nga ang pangkalahatan pagbabakuna sa populasyun ang nagbibigay ng “herd immunity” para mapagtagumpayan natin ang laban natin sa tigdas, atbp.

Ang estratehiyang mitigasyun base sa herd immunity ay mag-reresulta pa rin sa ngayon ng pagkasawi ng buhay ng marami sa populasyon, ito ay mga milyong katao kung gagamitin natin datos ng US o UK. Subalit ang hakbang na ito ay hindi nakakasiguradong epektibo sa pangmatagalan kung ikokonsidera pa natin ang mga bagay na hindi pa natin alam sa virus tulad ng posibleng mutation. Anu pa ba ang pwedeng alternatibo para labanan ang virus? Ito ba ay ang estratehiyang supresyon?

Option 3: Estratehiyang supresyon (Suppression)

Ang estratehiyang supresyon ay gumagamit ng mabigat na hakbang para mapabilis ang pag-kontrol ng epidemya. Ang mga partikular na hakbang ay ang mga sumusunod:

  • Buo na may kaagarang lapat ang mga hakbang para sa lahat. I-utos ang mahigpit na social distancing at siguraduhin ang lahat ng kailangan ay naisa-ayos.
  • Pagkatapus, paluwagin ang mga nailapat na hakbang at bigyan ng utay-utay na kalayaan para dahan-dahang makabangon ang ekonomiya, pati na ang mga tao papunta sa normal na pamumuhay sa ating lipunan.

Ano ang itsura ng estratehiyang ito? Sa Chart 7, pagkatapus ng unang bugso, ang inaasahang mamamatay ay libo at hindi na milyon kung saan datos sa US ang ginamit. Bakit kaya? Hindi lamang binabawasan ang eksponentsyal na pagdami ng mga kaso na may virus, pati na rin ang pagbababa sa fatality rate. Sa kadahilanan na hindi gaanong mabibigla ang mga ospital sa dami ng mga pasyenteng mangangailangan ng kalinga kung estratehiyang supresyon ang ginamit.

Kung supresyon ang tamang estratehiya, bakit may mga pag-aalinlangan ang gobyerno na gamitin ito? Dahil sila ay nababahala sa tatlong bagay:

1. Ang unang lockdown ay maaring magtagal ng ilang buwan na hindi katanggap tanggap sa maraming tao.

2. Ang matagal na lockdown ay hindi rin maganda para sa ekonomiya.

3. Hindi rin nakakasiguro na masusugpo ang prublema. Kapag pinaluwag na ang pag-implementa ng mga hakbang, maaaring magkaruon uli ng outbreak.

Tingnan mo ang Chart 8 na galing rin sa pagaaral ng Imperial College London. Ang berde at dilaw na linya para sa supresyon ay kakikitaan ng pagsulpot ng burol pagkatapus itigil ang lockdown ng ilang buwan. Kaya nga may mga nagsasabi na bakit ba tayo mag-aabala ng lockdown kung magkakaruon pa rin tayo ng outbreak (panibagong peak) sa kinalaunan. Ang tawag dito ay “rebound” na ang maaaring dahilan ay limitado ang mga ginamit na hakbang at nagkaruon ng pagkukulang sa model ayun sa mga kritiko.

Sa unang tingin, kahit ang estratehiyang supresyon ay mukhang hindi epektibo. Magdudusa ngayon ang ekonomiya sa lockdown, pero sa bandang huli, may epidemya pa rin kung saan naipagpaliban lang ang pagkamatay ng marami.

3. Anu ang pinakamahalaga sa ngayon? oras at panahon

Dito na papasuk ang kahalagan ng oras, ang panahon na makapaghanda. Sa krisis na ito, nagsimula tayo ng hindi ganuon ka-handa at kulang ang kaalaman sa ating kaaway, ang “veerus”. Kung ikaw ay nasa gyera, at parating na ang pinaka-matindi mong kaaway sa iyong nasasakupan… sasalakayin mo ba agad ang kaaway o ipagpapaliban mo ba muna ang pagsalakay para makapaghanda? Alin ang pipiliin mo?

Ito ang dapat natin gawin ngayon. Namulat na ang mundo sa pinsalang dala ng hindi natin nakikitang kaaway. Sa bawat araw na mai-antala natin ang pagdami at pagkalat nila, mas malaki ang tsansa natin makapaghanda.

Pababain ang totoong bilang ng mga kaso. Kung epektibo ang hakbang para sa supresyon, ang bilang ng mga tutuong kaso ay maaring bumagsak sa magdamag. Sa Chart 9, makikita natin na ito ay possible tulad ng nakuha na datos sa Hubei. Sa pagbaba ng mga kaso, kasabay rin ang pagbaba ng fatality rates.

Samakatuwid, ang supresyon ay epektibo kung:

  • Mapababa ang bilang ng kaso ng may coronavirus.
  • May agarang ginhawa para sa mga ospital at sa mga taong nangangasiwa nito.
  • Mapababa ang fatality rate.
  • Mapababa ang collateral damage.
  • May kakayahan ang mga nahawa na, na-isolate o na-quarantine na mga frontliners na makapagpahinga at gumaling, at makabalik sa trabaho.

Unawain ang totoong prublema sa pamamagitan ng testing at tracing. Sa ngayon, walang ideya sa UK at US, at sa marami pang bansa ang totoong bilang ng mga kaso. Hindi natin alam kung gaano na karami ang may kakayahang magkalat ng virus. Hindi natin alam ang opisyal na bilang, baka ang totoong bilang ay libu-libong mga kaso na. Hindi natin alam dahil hindi sapat ang testing para malaman kung may inpeksyun na ng virus, hindi rin sapat ang tracing para malaman kung sino-sino na ang pwede mag-karuon ng virus.

Sa mga susunod na linggo, mas marami sana kung hindi man lahat ang sumailalim sa testing para malaman natin ang tutuong bilang ng kaso. Sa ganitong inpormasyun, malalaman natin kung saan kailangan maghigpit at anong lugar ang ligtas na. May mga bagong paraan na rin ng testing na pwede mas mapabilis ang pagkuha ng resulta at mapababa ang gastos ng test. Tulad ng sa China, tinukoy nila lahat ng mga tao na nakasalamuha ng bawat tao na may virus, at inilagay sila sa quarantine. Sa South Korea, epektibo nilang na-kontrol ang epidemya dahil sa agresibo at laganap na testing at tracing.

Kailanganin palakasin ang kapasidad ng ating heathcare system. Kung meron pa tayong oras maghanda, makakabili tayo ng mga gamit at bagay na kailangan ng ospital tulad ng PPE (personal protrective equipment), ventilators, gamut, test kit, atbp. Kailangan rin nating palakasin ang pwersa ng ating mga health frontliners. Kung kinakailangan pabalikin sa serbisyo ang mga retiradong mga duktor at nurses, gawin natin. Kakailanganin rin natin mag-training ng marami pang mga tao na maging health profesyonal tulad ng nurse, atbp, sa loob lamang ng maikling panahon, para hindi mag-collapse ang ating health system.

Pababain ang pagkalat ng virus sa nakararami. Ang publiko ay natatakut. Kailangan natin magbigay ng oras upang turuan ang mga tao sa lahat ng mga hakbang at bigyan sila ng mga kaukulang gamit tulad ng mask, atbp. Kung sapat na ang ating mga mask sa ating mga ospital at frontliners, ang publiko ay kakailanganin na rin magsuot ng mask sa pang-araw araw at turuan ng wastong paggamit para hindi sila makahawa kung sila ay may mga sakit. Marami pa rin ang hindi nauunawaan ang social distancing. Marami pa rin ang hindi naghuhugas ng kamay ng tama pagkatapus humawak sa pinto, atbp. Ito ay ilan lamang sa hindi gaano kagastos na paraan para ibaba ang bilis ng pagkalat ng virus.

Pag-aralan ang virus. Kailangan pa natin ng panahon na alaming mabuti ang tungkol sa virus. Dito papasuk ang siyensya at teknolohiya kaya daan-daang bagong artikulo ang inilalabas mula sa pananaliksik ng ating mga scientist at researchers linggo-linggo (Chart 10). Paano ba kumakalat ang virus? Paano ang pag-kahawa at bilis ng inpeksyun ay mapipigilan? Ano ang mga datos tungkol sa mga asymptomatic carriers? Sila yun mga mayroong virus pero hindi nakitaan ng sintomas. Paano natin gagamutin ang mga may sakit dahil sa inpeksyun ng virus? Gaano kalaki ang tulong ng social distancing para mapababa ang “transmission rate”, ang bilis ng pagkahawa ng ibang tao mula sa isang tao? Gaano ka-reliable ang mga test kits? Ano ang mga “best practices” para sa epektibong tracing? Ilan lang yan sa mga tanong na kakailanganin ng masusing pag-aaral. Ito ay kailangan kung ang ating mga hakbang at sagut sa krisis ay naka-target para mabawasan ang “collateral damage” sa ekonomiya at lipunan.

Maghanap ng karampatang lunas. Kailangan natin sa maikling panahon makahanap ng mga gamut para labanan ang virus. Sa ngayon, may mga potensyal na maging gamut tulad ng Favipiravir or Chloroquine. Tandaan natin na ang bakuna laban sa virus ay hindi pwede madaliin para sa seguridad ng ating kalusugan. Higit na isa o isa’t kalahating taon pa ang kakailangan nating panahon para magkaruong ng ligtas na bakuna para sa coronavirus, ayun sa mga eksperto.

Pag-aralan kung paano babalansehin ang pakinabang (benefits) at pinsala (costs) ng bawat hakbang. Ang lahat ng mga nabanggit na hakbang ay makakatulong para iligtas ang maraming buhay, lalo na sa mga nahawa na nung virus. Pero sa mga pinuno ng ating bansa, hindi lang yan ang kanilang iniisip. Kailangan nila rin pagisipan ang epekto ng mga hakbang sa mga nakararami, sa kabuuan ng populasyun ng lipunan, at sa posibleng pinsala nito sa ekonomiya. Sa ngayon, wala tayong datos at impormasyun para mapag-aralan ang pangmatagalang pakinabang o pinsala ng mga hakbang na ito sa ekonomiya at lipunan.

Kakailanganin natin ng oras para mas mapag-aralan ang mga bagay na ito sa maikling panahon. Ang ilang linggo na mapababagal natin ang pagkalat ng virus ay maaaring sapat na para aralin, unawain kung alin sa mga hakbang ang dapat unahin, at makapag-pasya kung alin ang dapat ipasunod.

4. Anu ang mukha ng epektibong estratehiya: Ang Maso at ang Sayaw

Sa Chart 11, makikita natin na ang unang aksyon na makakapagligtas ng maraming buhay ay estratehiyang supresyon kesa mitigasyon. Malinaw na ang estratehiyang supresyon tulad ng maagap na “lockdown” ay may agarang bentahe para mabigyan tayo ng kahit kaunting panahon para makapaghanda at hindi mahirapan ang ating mga ospital, at ang healthcare system natin sa kabuuan. Ngunit may mga punto at nararapat na pangamba ang nakakarami tungkol sa bisa ng mga hakbang na ito:

  • Gaano ba ang itatagal ng mga hakbang na dapat ipasunod sa lahat?
  • Gaano ba kagastus at pinsala nito sa ekonomiya? Paano na ang mga nasa laylayan ng lipunan?
  • Magkakaruon ba ng pangalawang usbong ng epidemya (second wave) kung ang mga hakbang na ito ay luluwagan?

Ano nga ba ang mukha ng isang mabisa at epektibong estratehiya ng isang bansa, at ng buong mundo laban sa coronavirus? Tawagin natin itong ang estratehiya ng maso at sayaw.

Ang maso. Una, mabilis at agresibo na paglapat ng mga hakbang. Tandaan natin na mahalaga ang oras kaya agarang aksyon ang kailangan. Maso ang kailangan ng ating mga pulitiko para pukpukin pababa ang unang usbong ng epidemya. Ang maso ay kakailanganin para sa isang makatarungan at patas na pagpapasya para maprotektahan ang nakararami.

Ngunit, ang pangamba ng mga tao ay kung makukulong tayo sa loob ng ating mga tahanan nang marami pang buwan, gaano kaya katagal ito? At ang hakbang na ito ay may epekto rin sa katinuan, kaisipan, at sa ekonomiya. Pagkatapus ba ng lockdown ng ilang buwan, gaano tayo kasigurado na wala ng bagong usbong na epidemya sa mga susunod na araw? Ang ideyang ito ay sa kasamaang palad ay pwedeng mangyari ayun sa pagaaral ng Imperial College London na ipinakita sa Chart 8. Sa mga ganitong pagaaral, importante na malaman ang konteksto at limitasyun ng mga ginamit na model. Halimbawa, sa pagaaral na ito na ginamit sa konteksto ng UK, hindi nila isinang-alang-alang ang ibang hakbang tulad ng laganap na testing at kontak tracing na ginagawa ng South Korea, Taiwan o Singapore.

Kung may kawalan at pinsala ang hakbang na ito sa ekonomiya, paano natin ito babalansehin? Ang panahon para sa maso ay dapat magtagal lamang ng mga ilang linggo at hindi ng maraming buwan. At kayang gawin ito kung titingnan natin ang mag nagawa ng ibang mga bansa. Halimbawa, sa Chart 12, naipakita ang pagbaba ng dami ng nahawa pagkatapus ng ilang linggo na lockdown base sa mga datos na nakuha sa Hubei, ang episentro ng pandemya. Sa loob lamang ng limang linggo, nakontrol na nila ang epidemya. Atin rin tandaan na mahalaga ang konteksto bago natin bigyan ng interpretasyun ang mga pag-aaral na ito. Naging epektibo ang estratehiyang “Maso” sa Hubei dahil sa mahigpit na implementasyun ng mga hakbang ng China para hindi kumalat ang virus sa nakakarami. Tingnan rin natin ang South Korea (Chart 12b), ang outbreak ay na-kontrol ng ilang linggo rin pero hindi gumagamit ng mahigpit na lockdown. Nagawa nila ito dahil sa napaka-agresibo nila sa pagpapatupad ng testing, kontak tracing na may kaukulang lapat na quarantine at isolasyon.

Samakatuwid, kaya natin supilin ang coronavirus kung ang mga tao ay may disiplina, tamang pagpapatupad ng nararapat na hakbang, at kung ang populasyon ay marunong sumunod sa mga patakaran. Ang susunod na tanong ay anu ang gagawin kapag iniangat na ang “maso”. Dito na papasuk ang estratehiya na tatawagin nating “Sayaw”.

Ang sayaw. Kailangan ang hakbang na ito sa pangmatagalang pamamaraan para hind tayo makaranas ng pagusbong ng mataas na burol ng epidemya, habang hindi pa natutuklasan ang ligtas na bakuna laban sa virus. Sa Chart 13, makikita ninyo na kakailanganin natin ang “sayaw” para sa mga susunod na buwan at nang makabalik tayo ng “normal” sa ating pamumuhay pagkatapus ng lockdown. Posible ito tulad ng naipakita na ng South Korea, Singapore, Taiwan at Japan sa ngayon. Paano nila ginawa ito? Epektibo at episyenteng testing, travel bans, isolasyon at quarantine ang solusyun ayun sa South Korea Foreign Minister. Ganun rin ang ginawa sa Singapore, na may karampatang tulong sa ekonomiya mula sa gobyerno para sa mga na-apektuhan ng quarantine, at travel bans. Sa Chart 13b, makikita natin kung anu-ano ang mga hakbang na ginagawa ng ilang mga bansa at paano sila naapektuhan nito.

Pero paano kung sa ibang mga bansa, ang ganitong mga hakbang ay hindi kaya o hindi pa rin sapat?

Ang sayaw ni R. Kakailanganin natin ang sayaw pagkatapus ng lockdown habang wala pang bakuna at epektibong gamut para masupil ang virus. Dito natin kakailanganin ang pagbalangkas ng “Sayaw” sa mga susunod na 18 buwan. “Sayaw” siyang tawagin dahil hindi sya ganuon kahigpit na mga hakbang na isinatupad ng “Maso”. May mga lugar na magkakaruon pa rin ng outbreak at kakailanganin ang social o physical distancing. Ito ay ang sayaw na kakailanganin natin para makabalik tayo sa normal na pamumuhay at mabalanse natin ang epekto nito sa ating ekonomiya, ang sayaw ni “R”. Paano natin gagawin ito?

Ang R ay tumutukoy sa “Reproduction number”. Muli, ito ay ang dami ng tao na kayang mahawa ng isang tao na may virus. Halimbawa, may mga datos tayo na nagsasabi na ang isang tao ay may coronavirus na ng ilang linggo, mga dalawa (2) o tatlong (3) tao ang maaari nyang mahawa. Kung ang R ay higit sa 1.0, ang impeksyun ay dumarami ng napakabilis (exponensyal) para maging epidemya. Ang layunin ng “Maso” ay mapababa natin itong value ng R na malapit sa zero para mapigilan ang pagkalat ng epidemya. Halimbawa, sa Wuhan, ang R sa simula ay 3.9 at bumaba ito ng 0.32 pagkatapus nilang ilapat ang lockdown at sentralisadong quarantine.

Sa yugto na Sayaw pagkatapus ng Maso, kailanganin natin sayawin ang value ng R na maging mas mababa sa 1.0 sa pamamagitan ng mga maliliit at simpleng hakbang.

Paano natin kaya sasayawin ang R…abangan sa susunod na kabanata.

Pagpapababa ng R (Reproduction number) sa pamamagitan ng social distancing

Paganahin natin ngayon ang mga “matataba” nating utak. Kung sasayaw tayo pagkatapus maging epektibo ang Maso (Chart 13) para mapababa ang R (reproduction number) na malapit sa zero, hindi na natin kakailanganin ang maso. Basta makasayaw lang tayo kung saan ang R ay mas mababa sa 1.0 sa pamamagitan ng social distancing. Ibig sabihin nito, mababa ang tsansa na kumalat ang virus at maging epidemya. Pero may kapalit ito… pwede mawalan tayo ng trabaho, malugi ang ating mga negosyo, maapektuhan ang mga dati nating ginagawa tulad ng pagpunta sa gym, sa restoran, atbp kung walang ayuda na polisiya sa gobyerno.

Sa Chart 14, ipinapakita ang aproksimasyon kung paano ang isang pasyente na may coronavirus ay makakahawa. Tandaan natin na ito ay mga pagtatantya lamang pero hindi nangangahulugan na wala tayo na mapupulot na aral. Kung iisipin natin na ang potential ng isang pasyente na makakuha ng sakit at makahawa “from day 0”, may posibiliday tayo makahawa ng 2 o 3 tao, sa kabuuan na maghumigit-kumulang na 2.5. May mga nagsasabi na pwede ka rin makahawa kahit hindi ka nakitaan ng sintomas. Pagkatapus ng ilang araw, mararamdaman mo na ang sintomas, pupunta ka sa duktor para magpa-diagnose, at pagkatapus ng mga ilang araw, ang potentyal mong makahawa ay pababa na.

Halimbawa, hindi mo batid na may virus ka na pala dahil wala ka namang sintomas. Tapus, wala kang kaalam-alam na nagkakalat ka na ng virus dahil nakikihalubilo ka sa ibang mga tao. Yun virus na nasa katawan mo ay pwede malipat mula sa ilong o bibig mo, at mapunta sa iyong kamay, at sa pintuan (doorknob) na iyong hinawakan. Pagkatapus sa iyong kamay, sa kamay ng taong iyong kinamayan o humawak ng pintuan na iyong hinawakan. Ang tao na yun ay humawak rin ng kanyang ilong/bibig kung saan nakapasuk ang virus sa kanyang katawan. Kaya nakahawa ka na pala kahit wala kang sintomas.

Habang dumarami ang virus sa katawan mo, mas malaki ang potentyal mong makahawa. Duon ka na makakaranas ng sintomas at maiisipan mo na huwag muna pumasok sa trabaho o kaya magpakonsulta sa duktor, at magtigil na lang sa kwarto at mag-mask kung meron man. Habang dumidistansya ka sa iba, pinabababa mo ang tsansa na makahawa ka at ikalat ang virus sa iyong komunidad. Kung na-ospital ka man, kahit may inpeksyun ka na, mababa na rin ang tsansa maikakalat ang virus dahil ikaw ay nakahiwalay na ng kwarto (isolation).

Kung titingnan muli natin ang Singapore at South Korea, malaki ang naging epekto ng polisiya nila para maging epektibo ang mga hakbang para ma-kontrol ang epidemya. Ang mga sumusunod ay mga hakbang para ibaba ang R:

  • Kung may malawak at laganap na test para sa mga mamamayan, matutukoy natin ang kung sino dapat i-quarantine kahit wala pa silang sintomas. Samaktwid, hindi sila makakapagkalat ng virus.
  • Kung ang mga tao ay naturuan matukoy ang sintomas, maaagapan ang prublema at mapabababa ang kakayahan nyang makahawa.
  • Kung may agarang isolasyun sa mga tao na may sintomas, mapabababa ang kakayahan nya rin makahawa.
  • Kung ang mga tao ay naturuan ng karampatang “social or physical distancing”, pagsuot ng mask, tamang paghuhugas ng kamay (personal hygiene) at pag-disinpek ng mga lugar, mapabababa ang kakayahan nyang makahawa o mahawa.

Kung nabigo tayo ilapat ang mga nabanggit na hakbang, saka pa lamang natin kakailanganin ang mabigat na hakbang for social distancing. Kung ang R ay mahigit pa rin sa 1.0, kailangan pagisipan ang mga hakbang kung saan malilimitahan ang karaniwang bilang ng dami ng tao na nakakahalubilo ng bawat isa.

5. Paano ba natin dapat isipin ang epekto nito sa lipunan at ekonomiya?

Ang ROI ng Social Distancing. Ang ROI (return of investment) ay isang panukat na ginagamit para malaman sa pakikipagsapalaran sa negosyo kung may makukuha kang pakinabang o tubo mula sa ibinigay mong puhunan. Kung gagamitin natin itong analohiya o pagkakatulad ng konsepto, ano ba ang mga hakbang na may may pakinabang (benefit) sa pagpapababa ng R kahit na may kaakibat na gastus (cost) o kabawasan sa ating kaban-yaman?

Halimbawa, may mga hakbang na hindi tayo gaano gagastus tulad ng pagbabawal ng mga pagtitipon kung saan ang bilang ng tao ay higit sa 50 o 500, o kung anuman ang mapagkasunduan depende sa laki ng ispasyo. Pwede rin na himukin ang mga tao na sa bahay na lang magtrabaho kung kakayanin.

Ang ibang mga hakbang ay maaaring malaki ang mawawala sa mga institusyon o negosyo, tulad ng pagsasara ng kolehiya, universidad at iskwela, pagsasara ng mga bars at restoran, o mga shopping malls.

Sa Chart 15, makikita natin kung ano ang mga hakbang na pwede magpababa sa R sa panahon na isinasagawa ang “Sayaw”, pagkatapus ng “Maso”. Pwede nating unahin ang mga hakbang na mapalapit ang R sa 1.0, pagkatapus, ilapat ang mga pangmatagalang hakbang para manatili ang R na mas mababa sa 1.0. Sa ganitong estratehiya, maiiwasan natin ang pagusbong ng bagong outbreak na hindi nangangailangan ng mabigat at matinding hakbang ng “Maso” (Chart 13). Muli, ito ay isang ilustrasyun lamang ng konsepto at hindi nangangahulugan na ang mga nakasaad na mga numero sa chart ay tiyak at tama na.

Samakatwid, ang mga sumusunod ang kailangang pag-isipan ng mga pinuno ng ating bayan:

  • Anu-ano ang mga hakbang na pwede ilapat para mapababa ang R?
  • Gaano kalaki ang pakinabang (benefits)? Ito ay ang ibababa ng R kung sakali mailapat ang naturingang hakbang. Paglaki ng R-value na ito ay paglaki ng pakinabang. Gusto natin ay mataas ito kung kakayanin.
  • Gaano kalaki ang pinsala (costs)? Ito ay ang mawawala sa ekonomiya o lipunan kung sakali mailapat ang naturingang hakbang. Paglaki ng mga numero na ito ay paglaki ng pinsala o gastos. Gusto natin na mababa ito kung kakayanin.
  • Alin ang may pinamalaking pakinabang at pinakamababa na pinsala? Dito na kailangan natin balansehin ang pakinabang (benefits) at pinsala o gastos (cost) ng bawat hakbang.
  • Anu ang hakbang na may pinakamalaking pakinabang (halimbawa, mapababa ang R hanggang 1.0 na may pinakamaliit na pinsala o gastus)? Dito pa lang tayo makakapagbigay ng optimal at nararapat na listahan ng mga hakbang base sa datos.

Sa Chart 16, makikita ang pakinabang (benefits) at pinsala (cost) sa bawat mga hakbang. Tinutukoy rin dito ang level ng confidens o gaano katiyak ang mga datos para makakuha ng ganitong mga numero. Sa ganitong pamamaraan, mapipilitan tayo magisip ng wasto at anu pang mga datos ang kailangan kuhanin. Malalaman natin ang optimal o ang pinakaangkop na balanse ng pakinabang at pinsala ng bawat hakbang.

Halimbawa, ang hakbang na agresibo na testing (aggressive testing) ay may R-value na 0.33 at may gastos na USD 25 million kada linggo. Ikumpara mo ito sa pagsasara ng mga bar at restoran na may R-value na 0.24 pero may gastus o pinsala na USD 300 million kada linggo.

Kung papipiliin ka kung anu dapat unahin mong hakbang, at bilang pinuno, alin ang pipiliin mo?

Kung ikaw ay may kakayanan na gumastos, mas makakabuti na unahin mo ang agresibo na testing (aggressive mass testing) dahil mas malaki ang makukuha na pakinabang sa bawat sentimo na gagastusin. Atin tandaan na ang mga numero na ito ay hindi pa tiyak at angkop sa ngayon, pero ang konsepto na gusto ko ipakita ay makatwiran at lohikal para tayo ay makapagpasya ng tama. Kailangan natin ng pormal na sistema at pamamaraan upang mapagaralan natin ang mga bagay na ito.

Kung kayat hinihimok ko ang mga mananaliksik na magbigay-linaw sa mga numero na ito sa mga susunod na araw, para matulungan natin ang ating mga pinuno sa pagpapasya.

Konklusyon: Panahon na.

Kumakalat ang virus sa buong mundo. Mga 152 bansa na o higit pa ang may mga kaso. Kinukulang na tayo ng panahon sa laban na ito. Ngunit hindi natin kailangang maging ganito ang sitwasyun natin. Mayroong namang malinaw na magagawa at paraan para manalo tayo sa labang ito.

Kung iniisip mo na hindi tatamaan o apektado ng “veerus” ang lugar nyo…mag-isip isip ka. Marahil mayroon ka na or meron na dyan sa lugar mo. Hindi mo lang napapansin. Kung tumama na ito sa inyong lugar, ang ospital at ang healthcare system nyo ay nasa masamang kalagayan, at mas mahihirapan pa sa mga susunod na araw. Kailangan kumilos ka at maging “proactive”. “Better safe than sorry”, ika nga.

Sa mga bansang may kaso na ng coronavirus tulad ng Pilipinas, malinaw kung anu dapat tahakin para masupil ang kalaban.

Ang estratehiyang mitigasyon ay di sapat para iligtas ang maraming mamamayan. Marami ang mahahawa at masasawi. Hindi kakayanin ng ating healthcare system tulad ng ating mga ospital punan ang pangangailangan ng lahat sa gitna ng krisis na ito. Kailangan natin ng supresyon sa pamamagitan ng maso at sayaw upang maiwasan ang malaking pinsala na dulot ng epidemyang ito.

Kaya natin gamitin ang maso para sa pansamantalang lockdown ng ilang linggo kung kakailanganin sa ating mga lugar para ma-antala ang pagkalat ng virus. Nang sa gayun, magkaraun tayo ng oras na makapaghanda, makagawa ng plano na pinag-isipan at may basehan na datos. Huwag rin natin kalilimutan ang mga nasa laylayan ng ating lipunan. Kaya rin natin labanan at sumayaw habang wala pang natutuklasan na bakuna upang maiwasan ang pagusbong ng panibagong outbreak. Dito kakailanganin ang paghahanda at tamang pagpapatupad at pagsunod ng social o physical distancing.

May magsasabi na hindi natin kaya ang ginagawa ng ibang mga bansa na gumamit na paraan kahalintulad ng sa maso at sa sayaw. Kung sabihin ng pinuno nyo na hindi natin kaya ang ginawa ng South Korea, Singapore at Taiwan.

Ibig sabihin, hindi ka nila binibigyan ng pagkakataon na labanan ang cororavirus. Panahon na. Kailangan mong i-demand at hingin sa mga pinuno natin ang nararapat na hakbang.

Ibahagi ang Mensahe

Sa kasamaang palad, milyon-milyong buhay pa rin ang nakataya. Ibahagi ang artikulong ito — o anumang katulad nito — kung sa palagay mo ay maaaring baguhin nito ang opinyon ng mga tao. Kailangang maunawaan ito ng ating mga pinuno upang maiwasan natin ang isang malaking sakuna. Ang panahon para kumilos tayo ay ngayon na.

--

--

Mike Promentilla
Tomas Pueyo

dreamer, humanist, academic, freethought advocate, systems thinker, life-long learner in decision/risk/resilience analysis, waste/resource management, futures.