remcie sy
2 min readOct 8, 2021

Noong una kong narinig ang kantang Pula ang Kulay ng Pag-ibig at Rosas ng Digma, una ko ring napagdesisyunan na kung magmamahal man ako ulit, gusto ko ay isa nang aktibista. Sa dahilan na para hindi na ako ulit mahirapan magpaliwanag kung bakit ganito ang tindig at linya ng pagkilos ko. Kung bakit kailangan kong magsakripisyo. May pagkaliberal ito at nagpupuna ako.

Hindi pala ganoon kadaling magmahal ng aktibista. Nahahati ang oras sa pamilya, sa pulitika, sa kasama. Para kong narasanan kung paano ba maging karelasyon ang ako na isang aktibista. Madalas ay wala tayong oras para sa isa't-isa. Hindi naman talaga tipikal ang istorya nating dalawa. Hindi ko rin alam minsan kung paano ko ito ikukwento sa iba. Unang beses kong pumasok sa isang relasyon na nakapaloob sa isang organisasyon. Mahirap, mahigpit at kung minsan ay nakakainip ang proseso.

May mga pagkakataon na nauunsyami ang mga nauna nating plano at kalimitang dahilan nito ay kinakailangan ako sa himpilan namin o kaya naman ay ikaw sa himpilan ninyo. May mga pagkakataon na gusto kong umiyak, magdabog, magdamot pero mahinahon mo akong pinapakalma at pinapaalalahanan na ito ang hinihingi sa atin ng pagkilos at ng rebolusyon.

Ika nga sa isa sa mga paborito kong libro na kalaunan ay ibinahagi ko rin naman sa iyo, "Isinasabuhay ang mahal kita, tulad ng pagmamahal ko sa masa at sa inang bayan. Ang personal na pag-ibig ay bahagi rin ng mas malaking pag-ibig, ang bayan. Hindi kailangang maging makasarili ang pagmamahalan sa loob ng kilusan."

Ito naman talaga ang layunin natin, hindi ba? Hindi lang din naman magkarelasyon ang turingan nating dalawa kundi isang kasama. Ang umunlad ang isa't-isa kahit madalas ay hindi magkasama. Ang magpakahusay sa lahat ng linya ng gawain at magpakabait sa mga nasa paligid natin. Mahaba-haba pa ang tatahakin at siguradong masalimuot ang pagdaraanan natin. Ngunit sa kabilang banda nito ay umaasa pa rin akong pagkatapos ng lahat ng ito ay may bukas para sa atin.

At habang sumusulong ang rebolusyon, hiling ko ay magkasama pa rin tayong binabagtas ang daan patungo sa dulo nito. Hanggang sa tagumpay, mahal ko.