mawawala ka rin | tula

nakakatakot isipin
mawawala ka rin sa akin.
kahit gaano kadaming beses ko’y ipaalala sayo
na hinding hindi kita kayang pakawalan,
darating din yung araw na kailangan mong magpaalam.
dahan-dahan, gusto mo.
para mas humaba yung oras natin magkasama.
dahan-dahan, pero mas masakit pala –
yung unting unti nalilimutan ng mga tenga ko
kung gaano katamis pakingan ang iyong mga panalita.
paalam na.
alam ko andyan ka pa,
pero habang may gana pa
ang bibig kong unting unti rin napapagod sa kakahintay –
inisip kung kailan ka ba talagang aalis –
sasabihin ko na ang aking huling paalam.
habang hindi pa ako kinakain ng aking lumbay,
habang hindi pa ako dinidisturbo ng iyong katahimikan,
paalam na.
sabi nila, kung mahal ka,
babalik at babalik din yun.
hindi ko na rin alam
kung naniniwala ako sa pag-ibig
hanggang ngayon alam kong
lumalaho rin.
parang bula.
parang ikaw. parang ako.
parang tayo.
ni hindi ko na alam kung may bisa pa ba
ang kakaasa ko sa biyaya ng tadhana;
habang umiikot pa ang mundo,
may pagasa pa, diba?
habang may dumarating na araw sa tuwing natatapos ang bagyo,
may pagasa pa, diba?
eh kung ang kasunod ng tawanan ay isang mahaba at masakit na katahimikan, may pagasa pa ba?
kung ang mga salitang binibitawan ay tungkol lamang sa katapusan, may pagasa pa ba?
at kung di ko na talagang kaya iangat ang puso kong napakabigat,
may pagasa pa ba?
kapag binitawan kita,
kapag pinakawalan kita,
babalik ka pa ba?
kapag wala na ako sa tabi mo; malayo,
lalapitan mo pa ba ako?
o sa pag bitaw ko,
sa ayaw o sa gusto ko,
mawawala rin ba ang pinagsamahan natin?
ganun na lang ba ang kahulugan ko?
meron pa ba?
