“HINDI KA BABAE LANG”

NU Wisely
2 min readMar 8, 2018

--

Pahayag ng pakikiisa ng Willing to Serve and Lead You (WISELY) student political party sa paggunita ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihan

Mataas na pinagpupugayan ng patriyotiko, demokratiko, at progresibong partido ng mga mag-aaral sa National University, ang Willing to Serve and Lead You (WISELY), ang malawak na hanay ng mga kababaihan hindi lamang dahil sa esensyal na papel nila sa sa paghubog ng mga pag-asa ng bayan, kundi sa pagsulong nito para sa mga batayang karapatan na tinatamasa ng bawat mamamayan ng mundo. Sa ating kasaysayan at maging sa kasalukuyan, napatunayan nang ang mga kababaihan ay hindi babae lang, kundi mga Gabriela na handang sumanib sa malawak na hanay ng masa at mag-alay ng buhay upang makawala sa hawla ng mga pang-aapi at sa posas nang pagiging sunud-sunuran sa mga kalalakihan.

Sa paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, nakikiisa ang WISELY party sa kampanya upang wakasan ang lahat ng porma ng karahasan sa kababaihan. Kinukundina nito ang hayagang pang-aalipusta, pambabastos, at panglalapastangan sa dignidad ng mga kababaihan.

Mahalagang balikan ang naging ambag ng mga kababaihan na gaya ng mga rebolusyonaryong sina Gabriela Silang at Melchora Aquino na nagpasyang tumangan ng mas mataas pang porma ng pakikibaka para sa kalayaan mula sa mga kamay ng dayuhang mananakop. Gayundin, sa ilang bahagi ng ating kasaysayan, pinatuyan ng mga kababaihang lider na kaya nilang pamunuan ang ating bansa tungo sa pagkakaisa at progreso.

Bagama’t malayo na tayo sa panahon kung saan ang mga kababaihan ay linilimitahan sa pagiging asawa, ina, o anak na ang tanging gawain ay sa loob ng tahanan, nananatiling nakababahala ang sitwasyon kinakaharap ng mga kababaihan sa kasalukuyan. Ayon sa United Nations, isa sa bawat tatlong kababaihan ang naitalang nakararanas ng pang-aabuso; sumo-total, isang bilyong kababaihan sa buong mundo ang nakararanas ng iba’t ibang porma karahasan.

Hindi kailaman naging katawa-tawa at katanggap-tanggap ang pag-uutos na barilin sa ari upang mawalan na ng silbi ang mga kababaihan na piniling labanan ang maka-dayuhang sistema, ang gamiting sentro ng isang ‘biro’ ang panggagahasa, at ang pagpapakita ng isang imaheng macho-pasista upang ipalaganap ang takot hindi lamang sa hanay ng mga kababaihan kundi sa hanay ng mamamayang lumalaban.

Matibay na naninindigan ang pinaka-matagal nang partido ng mga nagkakaisang estudyante sa National University para sa pagkakapantay-pantay hindi lamang ng mga kasarian kundi ng mga uri sa ating lipunan. Ngayon, higit magpakailanman, ipagpapatuloy nito ang mga nasimulan nang hakbangin ng mga progresibong lider-estudyante sa pagtataguyod sa isang lipunang kinikilala ang kakayahan at ambag ng bawat isa, anuman ang uri, kulay, o kasarian, sa ikauunlad ng ating bansa.

Sa lahat ng kababaihan, ‘HINDI KA BABAE LANG. BABAE KA.’

--

--