Silang Naghahasik sa Gabi

Patis Mungcal
Nov 1 · 2 min read

Hindi namamahinga ang kaaway
Sa maliit na pulo, sa pusod ng bansa,
Sa kampante ng hinga at hilik,
Sa mga nananahimik sa kumot at idlip,
May nagbabadya, palapit nang papalapit
Nag-aabang, kumikilos sa gabi

Ligtas sa liwanag, sa loob ng palasyo
Malacañang ang nagpakawala ng demonyo
Sa matatamis na lupa ng Negros
Bumalot ang malalamig na kadenang bumubuhol
Nababalutan pa ng tila kalawang na amoy
Humihigpit sa leeg ng masang naghihikahos

Hindi pa nanunuyo ang dumanak na dugo
Hindi pa kumakalma ang kabog ng dibdib
Hindi pa tumutulo ang malalamig na pawis
Hindi pa humuhupa ang takot at galit
Nakatiwangwang pa ang lupang binungkal
Buhay pa ang espiritu ng siyam at labing-apat

Narinig muli ang kaluskos sa dilim
Gumagalang, bumisita nng tila magnanakaw sa gabi
Ulol sa kapangyarihang bitbit ng pulbura
Na pinatibay ng mga huwad na papel at ebidensya
Dahas ang sandata, kasinungalingan ang kalasag
Kamay na bakal mula sa kagawaran ng inhustisya

Muli, ipinakitang di namamahinga ang kaaway
Muli, ginapos ang mga nag-aalab ba damdamin
Desperadong maghari-harian, kinadena ang mamamayan
Nais patahimikin ang boses ng lumalaban
Sa kaloob-looba’y takot at nababahala
Nangangatog sa anino ng nagkakaisang masa

Ngunit ang mulat, sa dilim hindi nangangapa
Tumitingala, tumatanaw pa sa sanlibong bituin
Na ipinunla ng siyam, labing-apat, at sandaang nauna
Umaalab ang diwa, nagluluningning ang pag-asa
Sa bukang-liwayway, bubugso ang sanlakas
Hindi mapipigilan, bibiguin ang pasista!

    Patis Mungcal

    Written by

    Welcome to a place where words matter. On Medium, smart voices and original ideas take center stage - with no ads in sight. Watch
    Follow all the topics you care about, and we’ll deliver the best stories for you to your homepage and inbox. Explore
    Get unlimited access to the best stories on Medium — and support writers while you’re at it. Just $5/month. Upgrade