BuyBust

Hindi ako morning person, alam ng karamihan sa mga kaibigan ko ‘to. Hindi ko noon naeenjoy ang paggising sa umaga, at lalong hindi ako naniniwala na masisipag ang mga morning person at tamad ang hindi. Mahalagang maging malinaw na magkakaiba tayo ng body clock at ng oras kung saan mas productive. Come on guys, mag-2019 na.

Kung magiging mapagmasid sa araw-araw na binabalita, halos walang araw na walang ulat tungkol sa BuyBust na bahagi pa rin #GyeraKontraDroga a.k.a #GyeraKontraSmallTimeAdik a.k.a #GyeraKontraMahihirap. Ilang araw na lang maririnig na natin si JMC at ilang buwan na lang ay 2019 na. Anyare sa 3–6 months?

Bukod sa pelikula, ang BuyBust ay isang malaking sampal sa kasalukuyang rehimen. Sinubukang ikwento mg direktor na si Erik Matti nang patas at may katwiran ang tokhang sa punto de vista ng mga alagad nito.

Bagamat may mga pagsusuri kay Erik Matti na sinasabing propaganda ito na pabor sa kapulisan, na maaring paglilinis sa kanilang konsensya, malinaw ang naging resolusyon ng palabas.

Kung mahilig ka sa palabas na aksyon at may umaatikabong suntukan, saksakan, ratratan, balibagan, at kung ano ano pang uri ng karahasan, magugustuhan mo ang BuyBust.

Solid kwento, production, pati sa post. May mga bahaging nasobrahan sa arte, sa haba ng sequence na pwede nang putulin, sa sobrang tunog na itinapal sa eksena para gawing magkasunod. Gayunpaman, solid. Malinaw ang kalaban ng pelikula.

Gaya ng mga nakalipas na palabas ni Matti na may masyadong tao na pagkatao, na ang problema ay sistema, na may tunggalian parati ng mga uri, ang BuyBust ay magtatapos sa realization na “Wala e. Ganoon talaga e. Kasalanan ng sistema.”

May malaki at mabigat na stand ang pelikula. Ikaw na manonood, ikaw na nakasaksi ng sistema, morning person ka man o hindi, tamad ka man o hindi, pabor ka man sa #GyeraKontraMahihirap o hindi, may magagawa ka.

Sa pagsisiwalat nagsisimula ang pagtindig.